Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Mga Spa na Pambata
Nagsusulputan sa Alemanya at sa iba pang lugar ang pangkalusugang mga sentro na nag-aalok ng mga panggamot na spa para sa mga musmos, ang ulat ng Frankfurter Allgemeine Sonntagszeitung. Ang mga batang apat na taóng gulang pa lamang ay minamasahe na gamit ang mainit na langis at iba pang mga terapi, bukod pa sa karaniwang pagpapalayaw. Naniniwala ang ilang eksperto na ang lahat ng ito ay may kinalaman sa pagkita ng salapi kaysa sa pagpapabuti ng kalusugan ng mga bata. Para lamang kumita, ang sabi ni Peter Wippermann, direktor ng Hamburg Office of Trends, “naitutulak ang mga bata sa daigdig ng mga adulto.” Ayon kay Dr. Christoph Kampmann, ang puno ng pediatric institute sa Mainz University, ang isang bagay na ikinababahala hinggil dito ay “gagawin nito ang mga bata na mahihigpit na indibiduwalista na may mentalidad ng mga nakatataas sa lipunan, at lubusang nakapokus sa kanila mismong mga sarili.” Sa halip na magpa-spa para sa karaniwang pambatang mga daing, “ang mga bata ay dapat umaakyat sa mga puno at masiglang naglalaro,” ang sabi ng ulat. “Tiyak na makatutulong ito upang maiwasan ang mga problema sa tindig, makapagpapagana, at makapagpapasarap ng tulog.”
Uhaw na Agrikultura
“Ang Australia ang pinakatuyong tinatahanang kontinente, subalit kami ang may pinakamaraming nagagamit na tubig bawat tao sa daigdig,” ang sabi ng pahayagang Australian. Araw-araw, gumagamit ang Australia ng katamtamang 900 litro ng tubig bawat tao, di-tulad ng 600 litro bawat tao sa Hilagang Amerika. “Sangkatlo ng tubig na ginagamit sa Australia [ay napupunta] sa patubigan ng agrikultura,” ang sabi ng ulat. Upang makagawa ng isang kilo ng trigo, kailangan ang 1010 litro ng tubig. Upang makagawa ng isang litro ng gatas ang mga pastulan ng baka, kailangan ang 600 litro ng tubig. Mahigit 18,000 litro ng tubig naman ang kailangan para makagawa ng isang kilo ng mantikilya at 50,000 litro ng tubig para sa isang kilo ng bistek mula sa mga baka na nanginain sa pastulan. Uhaw na industriya rin ang paggawa ng tela. Upang makagawa ng isang kilo ng algudon, kailangan ang 5,300 litro ng tubig, at mahigit na 171,000 litro naman para sa isang kilo ng lana. Tinatayang 685,000 litro ng tubig ang ginagamit para makagawa lamang ng isang amerikanang yari sa lana.
Mas Mainit na Lagay ng Panahon at ang Populasyon ng Hayop-Iláng
“Mabilis na dumarami ang mga gagamba sa Australia, kabilang na ang potensiyal na nakamamatay na mga redback, habang naghihinala ang mga siyentipiko na ginugulo ng pag-init ng globo ang mga populasyon ng hayop-iláng,” ang ulat ng The Weekend Australian. Ayon kay Dr. Robert Raven ng Queensland Museum, ang mga gagamba na karaniwang nagpaparami nang minsan lamang bawat taon ay inaasahang magpaparami sa taóng ito nang tatlo o apat na beses. “Ang mga gagamba na dapat sana ay mga bata pa sa ganitong panahon ng taon ay mga adulto na,” ang sabi niya. “Inoobserbahan namin ang ilang gagamba na doble ang haba ng buhay.” Naniniwala rin ang mga mananaliksik na nakaapekto sa buhay ng ibon ang mas mainit na lagay ng panahon. Sinabi ng pahayagan: “Ang mga ibong gaya ng mga forest kingfisher, na karaniwan nang nagpaparami nang minsan sa isang taon, ay nagpaparami na nang dalawang beses.” Ang mga ibon din ay “mas maagang nagpaparami at mas maagang bumabalik mula sa pagpapalipas ng taglamig sa Europa, na nagpapahiwatig na ang mga pagbabago ay nagaganap sa buong globo.”
Natuklasan ang Mas Marami Pang mga Buwan
Nadoble sa loob lamang ng anim na taon ang dami ng mga buwan na kilalang umiiral sa ating sistema solar dahil sa pag-unlad ng teknolohiya, ayon sa ¿Cómo ves? ang magasin sa siyensiya ng National Autonomous University of Mexico. Sa pagtatapos ng 2003, may 136 na kilalang buwan na umiikot sa pitong planeta—sa Mercury at Venus lamang waring wala—at inaasahan ng mga astronomo na mas marami pa ang matutuklasan. Ang Jupiter ang may pinakamaraming kilalang buwan (61), na sinusundan ng Saturn (31), Uranus (27), Neptune (13), at Mars (2). May tig-isang buwan ang Pluto at ang Lupa.
Maaaring Tanda ng Atake sa Puso ang Pagkahapo
Ayon sa isang pag-aaral, “ang di-pangkaraniwang pagkahapo at di-pagkakatulóg ay maaaring maagang babalang mga tanda ng atake sa puso sa mga babae,” ang ulat ng internasyonal na edisyon ng The Miami Herald. Bagaman 30 porsiyento lamang ng mga babae sa pag-aaral ang nag-ulat ng pananakit ng dibdib bilang unang tanda, 71 porsiyento naman ang nakadama ng di-pangkaraniwang pagkahapo na tumagal nang mahigit sa isang buwan bago atakihin sa puso. “Di-maipaliwanag at di-pangkaraniwan ang pagkahapo,” ang sabi ni Propesor Jean McSweeney ng University of Arkansas for Medical Sciences, at idinagdag pa niya na “para sa ilan, napakatindi nito anupat hindi sila makapagligpit ng kama nang hindi nagpapahinga habang ipinapaloob ang sapin ng kama. . . . Ang sakit sa puso ang Numero 1 pumapatay sa mga babae.” Sinabi niya, “Kung mahihikayat namin ang mga babae na maagang kilalanin ang mga sintomas, maipagagamot namin sila at maiiwasan o maaantala ang atake sa puso.”
Proteksiyon sa Pagbaha sa Venice
Nanganganib bahain nang regular ang Venice, sa Italya, na itinayo sa mga 120 pulo sa Dagat Adriatico. Pagkatapos ng maraming pag-aaral at debate, pinahintulutan ng pamahalaan ng Italya ang pagtatayo ng sistema ng mga pangharang na may mga bisagra sa tatlong bukana ng lawa. Ang pangharang ay bubuuin ng 79 na kahong bakal, na ang bawat isa ay 30 metro ang taas, 20 metro ang lapad at 5 metro ang kapal. Sa normal na mga kalagayan, mapupuno ng tubig ang mga kahon para lumapat ang mga ito sa pinakasahig ng dagat, anupat nagiging posible ang paglalayag at ang pagkati at pagdaloy ng tubig. Ngunit kung inaasahan ang pagbaha, bubugahan ng hangin ang mga kahon. Yamang lumulutang na ngayon, aangat ang mga ito mula sa sahig ng dagat na gaya ng tulay na taas-baba hanggang sa lumutang ang mga kahon sa ibabaw ng tubig. Magkakahilerang bubuo ng mahabang pangharang ang mga kahon na hahalang sa tubig-baha. Inaasahang magagamit na ang sistema sa 2011.
Mga Balita Tungkol sa Paninigarilyo
• “Natuklasan ng mga mananaliksik na magkaugnay ang pagbabawal ng paninigarilyo sa mga bar, restawran at ipa pang negosyo sa mga kulong na lugar sa Helena, Mont[ana], at ang halos 60% pagbaba sa bilang ng mga naoospital dahil sa atake sa puso sa loob ng anim na buwang ipinagbawal ito,” ang ulat ng The Wall Street Journal. Pagkatapos pawalang-bisa ng lokal na hukuman ang pagbabawal sa paninigarilyo, ang dami ng mga atake sa puso ay bumalik sa dati nitong antas. “Matibay na ebidensiya ito na kailangang iwasan ang mga panganib ng nalalanghap na usok mula sa isang taong naninigarilyo,” ang sabi ng espesyalista sa puso na si Sidney Smith.
• “Ang mga pamahalaan ng estado, na dating pinakamahihigpit na kaaway ng industriya ng tabako, ay nasa kakaibang kalagayan ngayon: Nakahanda silang sagipin ang pinakamalaking tagagawa ng sigarilyo sa bansa,” ang sabi ng Journal. Ang dahilan? Ipinag-utos ng isang hukom na magbigay ang kompanya ng $12-bilyong panagot para maiapela ang kaso sa hukuman. Mapipilitan ang kompanya na magpetisyon ng pagkabangkarote, at maihihinto ang bilyun-bilyong dolyar na pambayad ayon sa pinagkasunduan sa nakaraang kaso. Ang mga pamahalaan ng Estado ay “umasa sa salapi, na siyang humahadlang sa pagkasira ng badyet sa maraming estado,” ang sabi ng artikulo. “Biglang bumaligtad ang mga estado” dahil dito. Pagkalipas ng dalawang linggo, binaligtad ng hukom ang kaniyang pasiya at pinahintulutang magbigay ng mas maliit na panagot ang kompanya.