Ang Pangmalas ng Bibliya
Talaga Bang Nagmamalasakit ang Diyos sa mga Bata?
DAAN-DAANG milyong bata ang sinasamantala, inaabuso, at marahas na inaatake taun-taon. Marami ang parang mga aliping pinagtatrabaho sa mapanganib na mga kalagayan. Ang iba naman ay dinudukot at sapilitang pinagsusundalo o ginagawang mga batang nagbibili ng aliw. Lalo nang nasira ang pagtitiwala ng maraming bata dahil sa insesto at iba pang nakapangingilabot na pang-aabuso sa mga bata.
Likas lamang na ikabahala ng tapat at mapagmahal na mga indibiduwal ang mapanganib na kalagayang ito ng mga bata. Bagaman inaaming kasakiman at kasamaan ng tao ang pangunahing sanhi ng gayong pagmamaltrato, hindi pa rin matanggap ng ilan na pahihintulutan ng isang Diyos ng pag-ibig ang ganitong kawalang-katarungan. Maaaring isipin nilang pinabayaan na ng Diyos ang mga batang ito at na baka wala nga siyang malasakit. Totoo kaya ito? Wala nga bang malasakit ang Diyos sa mga bata kung kaya nangyayari ang kalunus-lunos na katotohanang ito na sila’y pinagsasamantalahan at madalas na inaabuso? Ano kaya ang sinasabi ng Bibliya?
Hinahatulan ng Diyos ang mga Nang-aabuso
Hindi kailanman nilayon ng Diyos na Jehova na pagsamantalahan ng walang-habag na mga adulto ang mga bata. Ang pang-aabuso sa mga bata ay isa sa pinakakalunus-lunos na bunga ng paghihimagsik ng sangkatauhan sa hardin ng Genesis 3:11-13, 16; Eclesiastes 8:9.
Eden. Ang pagtangging iyon sa soberanya ng Diyos ay nagbukas ng daan tungo sa malupit na pagsasamantala ng mga tao sa kanilang kapuwa.—Kinasusuklaman ng Diyos ang mga nagsasamantala sa mahihina at sa mga walang kalaban-laban. Maraming sinaunang mga bansa na hindi naglilingkod kay Jehova ang nagsagawa ng paghahain ng mga bata, subalit sinabi ni Jehova na ito’y ‘isang bagay na hindi niya iniutos ni pumasok man sa kaniyang puso.’ (Jeremias 7:31) Binabalaan ng Diyos ang kaniyang sinaunang bayan: “Kung pipighatiin mo [ang batang lalaking walang ama], kapag dumaing nga siya sa akin ay walang pagsalang diringgin ko ang kaniyang daing; at ang aking galit ay lalagablab nga.”—Exodo 22:22-24.
Iniibig ni Jehova ang mga Bata
Ang pagmamalasakit ng Diyos sa mga bata ay kitang-kita sa matatalinong tagubilin na ibinigay niya sa mga magulang. Ang mga batang pinalaki sa isang ligtas na tahanan ay mas malamang na maging mga maygulang at marunong makisamang mga adulto. Kaya naman, pinasimulan ng ating Maylalang ang pag-aasawa, isang panghabang-buhay na kaayusan kung saan “iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.” (Genesis 2:24) Sa Bibliya, ang seksuwal na relasyon ay ipinahihintulot lamang sa mga mag-asawa upang kung magkaanak man sila ay mapangalagaan ang mga ito sa isang matatag na kapaligiran.—Hebreo 13:4.
Idiniriin din ng Kasulatan ang kahalagahan ng pagsasanay ng magulang. “Ang mga anak ay mana mula kay Jehova,” ang sabi ng Bibliya, “ang bunga ng tiyan ay isang gantimpala. Tulad ng mga palaso sa kamay ng makapangyarihang lalaki, gayon ang mga anak ng kabataan.” (Awit 127:3, 4) Ang mga anak ay mahalagang kaloob ng Diyos, at nais niya silang sumulong. Pinapayuhan ng Diyos ang mga magulang na bigyan ang kanilang mga anak ng magandang direksiyon sa buhay, kung paanong maingat munang isinisipat ng isang mámamanà ang kaniyang pana kapag nagpapahilagpos ng kaniyang mga palaso. “Mga ama,” ang tagubilin ng Salita ng Diyos, “huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”—Efeso 6:4.
Ang isa pang paraan ng pagpapakita ni Jehova ng kaniyang pag-ibig sa mga bata ay sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga magulang na ipagsanggalang ang kanilang mga anak mula sa masasamang tao. Sa sinaunang Israel, kahit “ang maliliit na bata” ay inutusang makinig sa Kautusan, kabilang na ang mga tuntunin hinggil sa angkop at di-angkop na seksuwal na paggawi. (Deuteronomio 31:12; Levitico 18:6-24) Nais ng Diyos na gawin ng mga magulang ang lahat ng makakaya nila upang maipagsanggalang ang kanilang mga anak mula sa sinumang maaaring magsamantala o mang-abuso sa kanila.
Isang Pag-asa Para sa mga Bata
Ang walang-maliw na pag-ibig ni Jehova sa mga bata ay buong-kagandahang ipinamalas ni Jesu-Kristo, na ganap na larawan ng personalidad ng kaniyang Ama. (Juan 5:19) Nang pigilan ng mga apostol ni Jesus ang mga magulang na ilapit sa kaniya ang maliliit na bata, sa pag-aakalang makatutulong iyon sa kaniya, pagalit na itinuwid sila ni Jesus. “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata,” ang sabi niya. At pagkatapos, “kinuha niya sa kaniyang mga bisig ang mga bata at pinasimulan silang pagpalain.” (Marcos 10:13-16) Ang mga bata ay hindi hamak sa paningin ng Diyos na Jehova o ng kaniyang Anak.
Sa katunayan, sa pamamagitan ng kaniyang inatasang Hari, si Jesu-Kristo, malapit nang paginhawahin ng Diyos ang mga batang minamaltrato. Ang mga walang-habas na nananamantala at ang mga walang-habag na nang-aabuso sa daigdig na ito ay lilipulin na magpakailanman. (Awit 37:10, 11) Para naman sa maaamong humahanap kay Jehova, ang Bibliya ay nagsasabi: “Papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:3, 4.
Samantala, ngayon pa lamang ay ipinakikita na ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa pamamagitan ng pag-aalok ng espirituwal at emosyonal na tulong para sa lahat ng sinasamantala at inaabuso. “Ang nawala ay hahanapin ko,” pangako niya, “at ang nanabog ay ibabalik ko, at ang may bali ay bebendahan ko at ang maysakit ay palalakasin ko.” (Ezekiel 34:16) Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ng kaniyang banal na espiritu, at ng kongregasyong Kristiyano, inaaliw ni Jehova ang mga batang naaapi at namumulubi. Isa ngang kagalakang malaman na sa kasalukuyan, gayundin sa hinaharap, ‘ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan, ay umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian.’—2 Corinto 1:3, 4.
[Picture Credit Line sa pahina 18]
© Mikkel Ostergaard/Panos Pictures