Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pinakamaliit na Aso sa Daigdig

Ang Pinakamaliit na Aso sa Daigdig

Ang Pinakamaliit na Aso sa Daigdig

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO

NAGHAHANAP ka ba ng isang masigla’t palakaibigang kasama pero kontento namang mahiga nang tahimik sa kandungan mo o sa tabi mo habang nagbabasa ka? Isang kasamang kaunti lamang kung kumain, kailangan lamang ng maliit na lugar, at hindi kailangang ilabas araw-araw para mag-ehersisyo? Kung gayon ay matutuwa kang magkaroon ng isang Chihuahua, ang kilaláng pinakamaliit na lahi ng aso sa daigdig. *

Magaling na bantay ang mga Chihuahua, dahil tumatahol ang mga ito para magbabala. Sa katunayan, matapang ang mga Chihuahua. Hindi sila kayang takutin ng malalaking aso.

Mabilog ang ulo ng Chihuahua, medyo magkalayo ang makikinang na mata, malikot, at nakatayo ang mga tainga, na pumapaling sa magkabilang gilid kapag nagpapahinga. Sila’y may maikli’t malambot na balahibo o mahaba’t makintab na balahibo, at ang ilan ay maaaring kulay pula, manilaw-nilaw, asul, o kulay-tsokolate o kaya’y may iisang kulay lamang, may kakaibang mga marka, o may mga tagpi ng iba’t ibang kulay. Ang isang kakaibang katangian ng karamihan sa mga tutang Chihuahua ay ang pagkakaroon nito ng malambot na bumbunan, na gaya ng bagong-silang na sanggol.

Pinagmulan ng Chihuahua

Bagaman may iba’t ibang teoriya tungkol sa pinagmulan ng Chihuahua bilang isang lahi, lumilitaw na ito’y galing sa isang maliit na asong tinatawag na Techichi. Ang mga ito ay alaga ng mga Toltec ng Mexico noong ikasiyam na siglo C.E. Ang katibayang dito nga ito nagmula ay nakita sa isang monasteryo sa Huejotzingo na itinayo ng mga mongheng Pransiskano sa pamamagitan ng mga batong kinuha sa mga piramide ng Cholula. Ang mga batong ito ay may mga ukit na kamukhang-kamukha ng mga Chihuahua sa ngayon.

Nang maglaon, tinalo ng mga Aztec ang mga Toltec, at pinili ng mahaharlikang Aztec ang maliliit na asong ito, lalo na ang mga kulay asul, bilang mga bagay na pinakukundanganan. Ang mga aso raw ang umaakay sa mga kaluluwa ng mga patay sa paglalakbay nila sa daigdig ng mga patay. Si Montezuma II, ang huling emperador ng mga Aztec, ay napakahilig sa Chihuahua. Sinasabing mayroon siyang daan-daan nito, na bawat isa’y may tagapag-alaga. Natuklasan ang mga kalansay ng mga Chihuahua sa libingan ng mga tao sa hanggahan ng Mexico at Estados Unidos.

Ang pagsasaliksik na ginawa ng yumaong si Thelma Gray, isang istoryador at eksperto sa mga Chihuahua, ay umakay sa kaniya na maniwalang ang katutubong aso ng mga Aztec ay pinalahian sa isang maliit na asong kauri ng terrier na dinala ng mga mananakop na Kastila. Sa gayon, nagkaroon ng basehan ang paglitaw ng mas maliliit na Chihuahua sa modernong panahon. Tinawag itong Chihuahua dahil noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, natuklasan ng mga naglalakbay na Amerikano patungong Mexico ang lahing ito sa estado ng Chihuahua at iniuwi ang ilan sa mga asong ito sa Estados Unidos. Halos kasabay nito, nakatulong si Carlotta, asawa ni Emperador Maximilian ng Mexico, sa pagiging bantog ng Chihuahua sa buong daigdig nang dalhin niya ang lahing ito sa Europa.

Pagkakaroon ng Alagang Chihuahua

Ang mga Chihuahua ay pambahay na mga aso, tamang-tama sa loob ng mga apartment at para sa matatanda na o may kapansanan o sa mga hindi na makalabas ng bahay. Gustung-gusto nilang palaging nilalaro at hinihimas-himas. Gayunpaman, dahil napakaliliit nila, kailangan ang pag-iingat. Posible silang lubhang masaktan o mamatay kapag di-sinasadyang natapakan, naupuan, o naipit. Hindi sila dapat pabayaang nasa matataas na lugar, gaya ng mga kama at upuan, dahil hindi nila naiintindihan ang matataas na lugar at baka basta na lamang lumundag at mabalian ng buto. Dahil dito, hindi inirerekomenda na gawing alagang hayop ng mga batang paslit ang mga Chihuahua.

Subalit ang Chihuahua ay mas malakas kaysa sa inaakala mo. Sa katunayan, isa ito sa mga lahing mahahaba ang buhay, na umaabot nang halos labinsiyam na taon. Masigla at malikot ang asong ito, ngunit nagagawa nito ang lahat ng ehersisyong kailangan nito sa pamamagitan ng araw-araw na paglalaro. Gayunman, palibhasa’y mas madali nitong sunugin ang mga kalori kaysa sa mas malalaking lahi at may maliit lamang na sistema ng panunaw, ang Chihuahua ay madaling mawalan ng asukal sa dugo. Kung gayon, kailangan nito ang kaunti, pero madalas na pagpapakain at maraming pahinga. Normal sa lahing ito ang pangangaligkig. Sa katunayan, ang Chihuahua ay nangangaligkig kapag nasasabik, nababalisa, naiinis, o natatakot​—hindi lamang kapag malamig ang panahon.

Ang Chihuahua ay tapat, gustung-gustong makalugod, at napakadaling turuan. Ayon sa aklat na A New Owner’s Guide to Chihuahuas, “kung handa mong tanggapin ang responsibilidad na kailangan sa pag-aalaga ng Chihuahua, bibihira ang lahing ganito katalino, kapalakaibigan, at kadaling makibagay.” Marami ang nakasumpong na napakahusay na kasama ang napakaliit na Chihuahua.

[Talababa]

^ par. 3 Ang Chihuahua ang tanging “likas” na toy breed, samakatuwid nga, ang tanging maliit na asong walang bahid ng malalaking lahi.

[Larawan sa pahina 15]

Isang kuting at isang tutang Chihuahua

[Credit Line]

© Tim Davis/CORBIS

[Larawan sa pahina 15]

Isang adultong Chihuahua