Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Uri ng Ama na Kailangan ng mga Anak

Ang Uri ng Ama na Kailangan ng mga Anak

Ang Uri ng Ama na Kailangan ng mga Anak

KAILANGAN ng mga anak ang isang ama na nagmamahal sa kanila, naroroon para sa kanila, at gumagawa ng anumang makakaya niya para tulungan silang lumaki bilang responsable at mapagkakatiwalaang mga adulto. Ang pangangailangan ng mga anak sa ganitong uri ng ama ay hindi nabibigyan ng karampatang pansin.

Totoo, ang mga ina ang nagsisilang ng mga sanggol, at talagang napakahalaga ng pagiging isang mabuting ina. Ngunit upang banggitin na gumaganap din ng napakahalagang papel ang ama, sinabi ng The Wilson Quarterly: “Ang pagbaba ng kalidad ng pagiging ama ang isang malaking sanhi ng marami sa lubhang nakababahalang mga problema na sumasalot sa lipunang Amerikano”​—at, maaari nating sabihin, maging sa iba pang bahagi ng daigdig.

Nag-uulat ang pahayagang Jornal da Tarde ng Brazil hinggil sa isang pag-aaral na nagsabing marami sa mga problema sa ugali ng mga kabataan​—tulad ng pagiging mapusok, sutil, mahina sa pag-aaral, at kawalang-interes​—ay madalas na “resulta ng isang amang wala sa tahanan.” At idiniriin ng aklat sa Italya na Gli imperfetti genitori (Ang Di-sakdal na mga Magulang), ni Marcello Bernardi, na upang lumaking matagumpay, mas kailangan ng mga anak ang dalawang magulang.

Maaaring Pahusayin ang Buhay Pampamilya

Kahit na ang pabayang ama ay isa sa mga dahilan o ang pangunahing dahilan ng mga problema sa pamilya, hindi ito nangangahulugan na hindi na maitutuwid ang mga bagay-bagay at hindi na mapahuhusay ang buhay pampamilya. Paano? Ano ang kailangang gawin ng ama?

Maliwanag, kailangan ng mga anak ang kaayusan sa pamilya, ang pagkadama na may isang nangangasiwa na nagmamalasakit sa kanilang kapakanan. Kapag hindi nasapatan ang pangangailangang ito, gaya ng kadalasang nangyayari sa ngayon, masama ang nagiging epekto sa buhay ng mga anak. Gayunman, may pag-asa pa ang situwasyon, may ama man sa pamilya o wala. “Ama ng mga batang lalaking walang ama,” ang sabi ng Bibliya sa Awit 68:5, “ang Diyos sa kaniyang banal na tahanan.” *

Kung Paano Makakamit ang Tulong

Pinatutunayan ng situwasyong inilarawan ni Lidia, ang babaing mula sa Poland na binanggit sa naunang artikulo, na mahalaga ang tulong ng Diyos para magtagumpay at maaari itong makamit. Ano ba ang kalagayan ng kanilang buhay pampamilya noon? Paano nakamit ng pamilya ang tulong ng Diyos?

Inamin ni Franciszek, ama ni Lidia, na noong bata pa ang kaniyang mga anak, pinabayaan niya ang kaniyang pamilya, gaya ng iniulat ng kaniyang anak na babae. Sinabi niya: “Wala akong pakialam anuman ang ginagawa ng aking mga anak. Hindi ako nagpakita ng pagmamahal, at walang buklod na namamagitan sa amin.” Kaya hindi niya alam na noong 14 na taóng gulang si Lidia, ito at ang nakababata pa nitong kapatid na lalaki at babae ay dumadalo na sa maiingay na parti, naninigarilyo, umiinom, at nakikipagbasag-ulo.

Nang dakong huli, napag-isip-isip ni Franciszek ang gulo na sinusuungan ng kaniyang mga anak, at naalarma siya anupat nagpasiya siyang kumilos. “Nanalangin ako sa Diyos na tulungan ako,” ang sabi niya. Ang nakapagtataka naman, di-nagtagal pagkatapos noon ay dumalaw sa kaniyang tahanan ang mga Saksi ni Jehova, at silang mag-asawa ay sumang-ayon na mag-aral ng Bibliya. Nang maglaon, sinimulang ikapit ng mga magulang ang mga turo ng Bibliya sa kanilang buhay. Ano ang naging epekto nito sa mga anak nila?

Ipinaliwanag ni Franciszek: “Napansin nilang tumigil na akong uminom at nagiging mas mabuting ama na ako. Nais nilang higit na makilala ang mga Saksi ni Jehova. Nagsimula na rin silang mag-aral ng Bibliya at humiwalay sa kanilang masasamang kasama.” Ang anak na lalaki, si Rafal, ay nagsabi tungkol sa kaniyang ama: “Napamahal siya sa akin bilang isang kaibigan.” Sinabi pa niya: “Bale-wala na sa akin ang mga gang sa kalye. Abala kami sa espirituwal na mga gawain.”

Si Franciszek ngayon ay isa nang Kristiyanong matanda sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, at abala pa rin siya sa kaniyang pamilya at sa espirituwal na pagsulong ng bawat isa. Ang kaniyang asawa at si Lidia ay parehong payunir, buong-panahong mga ebanghelisador. Si Rafal at ang kaniyang nakababatang kapatid na babae, si Sylwia, ay taimtim na nakikibahagi sa pag-aaral ng Bibliya, nagkokomento sa mga Kristiyanong pagpupulong, at nagbabahagi ng kanilang pananampalataya sa iba.

Ikinapit Niya ang Kaniyang Itinuturo

Isaalang-alang din ang nangyari kay Luis, ang ama ni Macarena. Maaalaala na siya ang 21-taóng-gulang na babae sa Espanya na sinipi sa unang artikulo. Ang paraan ng pamumuhay ni Luis ay katulad niyaong sa kaniyang sariling ama na isang alkoholiko. Gaya ng sinabi ni Macarena, mawawala na lamang ang kaniyang ama kasama ng mga kaibigan nito sa loob ng ilang araw. Bukod dito, tinatrato niya ang kaniyang asawa na parang utusan sa halip na isang pinahahalagahang kapareha. Malapit na silang maghiwalay noon, at labis na nabagabag si Macarena at ang kaniyang nakababatang mga kapatid.

Gayunman, nang maglaon ay sumang-ayon si Luis na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ipinaliwanag niya: “Nagsimula akong gumugol ng panahon kasama ng aking asawa at mga anak. Nag-uusap kaming sama-sama, kumakaing sama-sama, at nag-aaral ng Bibliya nang sama-sama. Sama-sama rin kami sa pagganap ng mga gawaing-bahay at sa paglilibang.” Sinabi ni Macarena: “Unti-unti kong nadama ang pagkanaroroon ng isang mabait na ama na nagpapakita ng tunay na interes sa kaniyang pamilya.”

Ang mahalaga pa, hindi lamang pinasigla ni Luis ang kaniyang pamilya na maglingkod sa Diyos kundi ikinapit niya ang kaniyang itinuturo. Iniwan niya ang “isang maunlad na negosyo,” ang paliwanag ni Macarena, “dahil umuubos ito ng napakaraming panahon at nais niyang magbigay ng higit na pansin sa pampamilyang mga bagay-bagay.” Kapansin-pansin ang resulta. “Itinuro sa akin ng kaniyang halimbawa kung paano pananatilihing simple ang mata at uunahin ang espirituwal na mga bagay,” ang sabi ni Macarena. Naglilingkod ngayon si Macarena bilang isang payunir, at aktibong mga miyembro naman ng kongregasyong Kristiyano ang kaniyang ina at nakababatang mga kapatid.

Ang Pasiya ng Ehekutibo ng Kompanya ng Tren

Maliwanag, ang uri ng ama na kailangan ng mga anak ay ang isa na gumagawa ng mga pasiya na isinasaalang-alang ang kapakanan ng kaniyang mga anak. Ang tin-edyer na anak na lalaki ni Takeshi Tamura, ang ehekutibong Hapones na binanggit sa naunang artikulo, ay nasangkot sa masasamang kasama at waring pasuong na sa seryosong problema. Noon ay 1986, ang taon nang ipasiya ni Takeshi na bitiwan ang kaniyang mabigat na tungkulin sa Japanese National Railways. Ano ang nadarama ngayon ni Takeshi hinggil sa kaniyang naging pasiya, mahigit 18 taon na ang nakalilipas?

“Iyon marahil ang pinakamainam na pasiyang nagawa ko kailanman,” ang sabi niya kamakailan. “May kamangha-manghang epekto ang paggugol ko ng mas maraming panahon kasama ng aking anak na lalaki at ang paggawa namin ng mga bagay-bagay nang magkasama, pati na ang pag-aaral ng Bibliya na kasama siya. Naging magkaibigan kami, at humiwalay na siya sa kaniyang masasamang kasama at huminto sa di-wastong paggawi.”

Ang asawa ni Takeshi ay naging isang Saksi ni Jehova mga ilang taon bago nito, at ang kaniyang huwarang paggawi ang nagpakilos sa kaniyang asawang lalaki na suriin ang Bibliya at maging mas malapít sa kaniyang pamilya. Nang dakong huli, si Takeshi, ang kaniyang anak na lalaki, at ang kaniyang anak na babae ay pawang naging mga Saksi. Si Takeshi at ang kaniyang anak na lalaki ay naglilingkod ngayon bilang matatanda sa kani-kaniyang kongregasyon, at mga payunir naman ang kaniyang asawa at anak na babae.

Kailangan ng mga Ama ang Tulong

Bagaman napag-isip-isip na ng maraming ama na napababayaan nila ang kanilang mga anak, hindi nila alam kung ano ang gagawin nila para sa mga ito. Ganito ang ulong balita ng pahayagang La Vanguardia sa Espanya, “42 Porsiyento ng mga Magulang [na Kastila] ang Umamin na Hindi Nila Alam Kung Paano Palalakihin ang Kanilang mga Anak na Tin-edyer.” Ngunit gayundin ang masasabi sa mga ama ng mga magtitin-edyer pa lang at mga musmos pa. Kabaligtaran sa iniisip ng marami, kailangan din ng mga mas nakababatang ito ang presensiya at atensiyon ng kanilang mapagkalingang ama.

Ano pa ang maaaring matutuhan hinggil sa pagiging isang mabuting ama? Sinu-sino ang pinakamahuhusay na halimbawa para sa mga ama, at ano ang matututuhan mula sa kanila? Susuriin ng ating pangwakas na artikulo ang mga tanong na ito.

[Talababa]

^ par. 7 Pakisuyong tingnan ang kabanatang “Makapananagumpay ang mga Pamilyang May Nagsosolong Magulang!” sa aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Mga larawan sa pahina 7]

Mga ama na naglaan ng pangangailangan ng kanilang mga anak

Si Franciszek at ang kaniyang pamilya

Si Luis at ang kaniyang pamilya

Si Takeshi at ang kaniyang pamilya