Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ipinaaabot sa mga Pygmy ang Katotohanan sa Bibliya

Ipinaaabot sa mga Pygmy ang Katotohanan sa Bibliya

Ipinaaabot sa mga Pygmy ang Katotohanan sa Bibliya

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CAMEROON

Sa mahigit na 230 lupain sa buong daigdig, sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na ipaabot sa “lahat ng uri ng mga tao” ang mensahe ng Kaharian ng Diyos. (1 Timoteo 2:4; Mateo 24:14) Kasama rito ang mga Pygmy sa Aprika, maliliit na tao na may katamtamang taas na 1.2 hanggang 1.4 metro. Ang karamihan sa kanila ay nakatira sa liblib na kagubatan ng Republika ng Sentral Aprika, sa rehiyon ng Congo, at sa timog-silangang Cameroon.

Ang unang naiulat na pagtatagpo ng mga Pygmy at ng mga panauhin ay naganap nang magsugo ng ekspedisyon si Paraon Neferirkare ng Ehipto upang hanapin ang pinagmumulan ng Ilog Nilo. Sa kagubatan ng pinakasentro ng Aprika, iniulat ng ekspedisyon ang pakikipagtagpo sa maliliit na tao. Ang mas huling Griegong manunulat na si Homer at ang pilosopong si Aristotle ay kapuwa bumanggit hinggil sa mga Pygmy. Natagpuan ng mga Europeo ang mga taong ito noong ika-16 at ika-17 siglo.

Sa modernong panahon, nangangaral na ang mga Saksi ni Jehova sa kagubatan ng Aprika. Bagaman tumutugon ang mga Pygmy sa mensahe ng Kaharian, ang mga pagsisikap na subaybayan ang kanilang interes ay hindi naging matagumpay sa kalakhang bahagi. Dahil ito sa pagala-galang paraan ng pamumuhay ng mga Pygmy​—anupat nagpapalipat-lipat ng lugar tuwing lilipas ang dalawa o higit pang mga buwan.

Ang mga Pygmy ay kilala bilang mapapayapa at mahiyaing mga tao, na may tinatayang populasyon sa Aprika na 150,000 hanggang 300,000. Ang mga pamahalaan, internasyonal na mga organisasyon, at mga simbahan ay nagpatayo ng mga paaralan para lamang sa kanila, gayundin ng maliliit na bahay na angkop sa istilo ng kanilang pamumuhay. Gayunman, ang mga pagsisikap na hikayatin silang manatili sa isang lugar ay halos hindi naging matagumpay.

Isang kapansin-pansing eksepsiyon sa Cameroon si Janvier Mbaki, ang nakilalang kauna-unahang Pygmy rito na naging Saksi. Tinanggap niya ang mensahe ng Bibliya matapos mabasa ang may mga larawang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, gayundin ang iba pang mga publikasyon. * Noong taóng 2002, nabautismuhan si Janvier, at naglilingkod siya ngayon bilang payunir, gaya ng tawag ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang buong-panahong mga ebanghelisador. Isa rin siyang ministeryal na lingkod sa kongregasyong Kristiyano na kaniyang kinauugnayan sa Mbang, isang maliit na bayan sa timog-silangang bahagi ng bansa. Malalaman pa sa hinaharap kung pipiliin ng mas marami pang Pygmy sa Cameroon na sumamba kay Jehova, ang tanging tunay na Diyos, na umiibig sa “lahat ng uri ng mga tao.”

[Talababa]

^ par. 7 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova ngunit hindi na inililimbag ngayon.

[Larawan sa pahina 24]

Si Janvier Mbaki​—ang nakilalang kauna-unahang Pygmy sa Cameroon na naging Saksi​—habang nakikibahagi sa ministeryo