Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mas Mainam Kaysa sa Katanyagan

Mas Mainam Kaysa sa Katanyagan

Mas Mainam Kaysa sa Katanyagan

AYON SA SALAYSAY NI CHARLES SINUTKO

Noong 1957, inalok ako ng 13-linggong kontrata upang umawit sa Las Vegas, Nevada, E.U.A., sa halagang isang libong dolyar bawat linggo, na may posibilidad na magtanghal nang 50 linggo pa kung magiging matagumpay ang pagtatanghal. Nangangahulugan iyan ng karagdagang $50,000​—malaking pera na noong panahong iyon. Hayaan mong ipaliwanag ko kung bakit ako binigyan ng malaking alok na ito at kung bakit mahirap magpasiya kung tatanggapin ko ito o hindi.

SI Itay na isang Ukrainiano ay isinilang sa silangang Europa noong 1910. Noong 1913, dinala siya sa Estados Unidos ng kaniyang ina, kung saan muling nakasama nito ang kaniyang asawa. Nag-asawa si Itay noong 1935, at isinilang naman ako pagkaraan ng isang taon sa Ambridge, Pennsylvania. Noong panahong iyon, dalawang kuya ni Itay ang naging mga Saksi ni Jehova.

Nang kami ng tatlo kong kapatid na lalaki ay bata pa at ang aming pamilya’y nakatira malapit sa New Castle, Pennsylvania, sandaling nakipag-aral ng Bibliya ang aming nanay sa mga Saksi. Hindi naging Saksi ang aking mga magulang nang panahong iyon, subalit naniniwala si Itay na may karapatan ang kaniyang mga kuya na manampalataya sa nais nila. Bagaman pinalaki kami ni Itay na maging makabayan, lagi niyang ipinagtatanggol ang karapatan ng iba na sumamba ayon sa gusto nila.

Isang Karera sa Pag-awit

Naniniwala ang mga magulang ko na mayroon akong likas na talento sa pag-awit, kaya ginawa nila ang lahat ng magagawa nila upang itaguyod ako. Noong ako’y anim o pitong taóng gulang, pinatatayo ako ni Itay sa bar sa isang nightclub upang umawit at tumugtog ng aking gitara. Kinanta ko ang awiting “Mother.” Inilalarawan ng awit ang mga katangian ng isang maibiging ina at nagtatapos sa nakaaantig na unti-unting paglakas ng tinig. Ang kalalakihan sa bar, na labis na ang nainom ay maiiyak at maglalagay ng pera sa sombrero ni Itay.

Ang pag-awit ng country music sa WKST sa New Castle ang aking unang programa sa radyo noong 1945. Nang maglaon ay kumanta rin ako ng ibang mga awitin at idinagdag ko ang popular na mga awitin mula sa Hit Parade, isang lingguhang programa sa radyo na nagtatampok sa sampung pinakapopular na mga awitin sa linggong iyon. Una akong lumabas sa telebisyon noong 1950 sa palabas ni Paul Whiteman. Popular pa rin ang inareglo niyang “Rhapsody in Blue” ni George Gershwin. Di-nagtagal pagkatapos niyan, ipinagbili ni Itay ang aming bahay sa Pennsylvania, at lumipat kami sa lugar ng Los Angeles sa California sa pag-asang umangat ang aking karera.

Dahil sa pagtitiyaga ni Itay, nagkaroon ako ng sarili kong lingguhang programa sa radyo sa Pasadena at kalahating oras na lingguhang palabas sa TV sa Hollywood. Nagrekording ako sa Capitol Records kasama ang isang daang miyembro ng orkestra ni Ted Dale at naging mang-aawit din ako sa CBS radio network. Noong 1955, lumabas ako sa isang musikal na pagtatanghal sa Lake Tahoe sa gawing hilaga ng California. Samantalang naroon, lubhang nagbago ang mga priyoridad ko sa buhay.

Pagtataguyod ng Bagong mga Priyoridad

Nang panahong iyon, binigyan ako ni Tiyo John​—ang kuya ni Itay na lumipat din mula sa Pennsylvania tungo sa California​—ng aklat na “Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat.” * * Dinala ko ito sa Lake Tahoe. Pagkatapos ng aming huling palabas, na natapos lampas ng hatinggabi, sinimulan kong basahin ang aklat upang makapagpahingalay bago matulog. Tuwang-tuwa akong masumpungan ang mga sagot ng Bibliya sa malaon ko nang mga katanungan.

Di-nagtagal pagkatapos niyan, nauupo ako sa nightclub pagkatapos ng trabaho upang makipag-usap sa mga kapuwa ko nagtatanghal, kadalasan hanggang madaling araw. Tinatalakay namin ang mga paksang gaya ng kabilang buhay, kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kabalakyutan, at kung tuluyan bang wawasakin ng tao ang kaniyang sarili at ang lupa. Pagkaraan ng ilang buwan, noong Hulyo 9, 1955, sa isang pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na ginanap sa Wrigley Field sa Los Angeles, nabautismuhan ako bilang sagisag ng aking pag-aalay upang paglingkuran ang Diyos na Jehova.

Pagkalipas ng wala pang anim na buwan, noong umaga ng Pasko ng 1955, inanyayahan ako ng isang kapuwa Saksi, si Henry Russell, na sumama sa kaniya upang dalawin si Jack McCoy, na ang trabaho ay may kaugnayan sa libangan (entertainment). Si Henry mismo ang musical director ng NBC. Nang dumating kami, pinaupo ni Jack ang kaniyang tatlong anak at ang kaniyang asawa upang makinig sa amin, habang binubuksan nila ang kanilang mga regalo sa Pasko. Nang maglaon, siya at kaniyang pamilya ay naging mga Saksi.

Nang panahon ding iyon ay inaralan ko si Inay, at talagang tinanggap niya ang katotohanan sa Bibliya. Nang dakong huli, siya ay naging Saksi ni Jehova at naging payunir, isang buong-panahong ebanghelisador. Nang maglaon, nabautismuhan din ang aking tatlong kapatid na lalaki at nakibahagi sa ministeryong pagpapayunir sa maikling panahon. Noong Setyembre 1956, sa edad na 20, nagpayunir ako.

Mga Pasiya na May Kinalaman sa Pagtatrabaho

Nang panahong iyon, interesado ang personal na kaibigan ng aking ahente na si George Murphy na itaguyod ang karera ko. Lumabas na si George sa maraming pelikula noong dekada ng 1930 at 1940. Noong Disyembre 1956, dahil sa mga koneksiyon ni Murphy, nakapagtanghal ako sa palabas ni Jackie Gleason sa CBS-TV sa New York City. Isang malaking simula ito sa aking karera, yamang ang palabas ay pinanonood ng tinatayang 20,000,000 katao. Habang nasa New York, dinalaw ko ang pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn sa kauna-unahang pagkakataon.

Pagkatapos magtanghal sa palabas ni Gleason, pumirma ako ng pitong-taóng kontrata sa MGM studios. Inalok ako ng isang regular na papel sa isang palabas na koboy sa TV. Gayunman, pagkaraan ng ilang panahon, binagabag ako ng aking budhi, yamang kailangang gampanan ko ang papel ng isang sugarol at matinik sa barilan​—mga papel na lumuluwalhati sa imoralidad at iba pang di-makakristiyanong paggawi. Kaya nagbitiw ako. Inakala ng mga kasamahan ko sa larangan ng entertainment na nasisiraan ako ng bait.

Iyon naman ang panahon na inalok ako ng malaking kontrata para magtanghal sa Las Vegas, na binanggit sa pasimula. Magsisimula sana akong magtrabaho sa panahon ng linggo ng dalaw ng aming naglalakbay na tagapangasiwa. Kung hindi ko tatanggapin ang trabaho, maiwawala ko ang pagkakataong magtanghal. Magkahalo ang aking damdamin, yamang inaasam-asam ni Itay na kumita ako ng malaking pera! Nadama kong karapat-dapat siya sa kabayaran para sa lahat ng ginawa niya upang itaguyod ang aking karera.

Kaya nilapitan ko ang aming punong tagapangasiwa, si Carl Park, na isa ring musikero at tumutugtog ng biyolin sa istasyon ng radyo na WBBR sa New York noong dekada ng 1920. Ipinaliwanag ko na kung tatanggapin ko ang kontratang ito, makapagpapayunir ako sa buong buhay ko nang hindi nababahala sa pinansiyal. “Hindi ko puwedeng sabihin sa iyo kung ano ang dapat mong gawin,” aniya, “pero matutulungan kitang marating ang isang konklusyon.” Nagtanong siya, “Aalis ka ba kung si apostol Pablo ang dadalaw sa ating kongregasyon sa linggong ito?” Idinagdag pa niya, “Ano sa palagay mo ang gusto ni Jesus na gawin mo?”

Napakalinaw nito, ang naisip ko. Nang sabihin ko kay Itay na nagpasiya akong tanggihan ang trabaho sa Las Vegas, sinabi niyang sinisira ko ang kaniyang buhay. Nang gabing iyon ay hinintay niya ako dala ang kaniyang kalibre .38 baril. Balak niya akong patayin, subalit nakatulog siya​—maliwanag dahil sa kalasingan. Pagkatapos ay tinangka niyang magpatiwakal sa garahe sa pamamagitan ng usok mula sa tambutso ng kotse. Tumawag ako ng rescue squad, at napanumbalik nila ang kaniyang malay.

Palibhasa’y alam na alam ang pagiging madaling magalit ni Itay, kinatatakutan siya ng marami sa aming kongregasyon, subalit hindi natakot ang aming tagapangasiwa ng sirkito, si Roy Dowell. Nang makipagkita sa kaniya si Roy, nabanggit sa kaniya ni Itay na nang ipanganak ako, muntik na akong mamatay. Nangako si Itay sa Diyos na kung mabubuhay ako, itatalaga niya ako sa paglilingkod sa Kaniya. Nagtanong si Roy kung naisip na ba niya na maaaring inaasahan ng Diyos na tutuparin na niya ang kaniyang pangako. Lubhang natigilan si Itay. Pagkatapos ay nagtanong si Roy, “Kung naging kalugud-lugod ang buong-panahong paglilingkod sa Anak ng Diyos, bakit naman hindi ito magiging kalugud-lugod sa iyong anak?” Pagkatapos niyan, waring natanggap na ni Itay ang napili kong karera.

Samantala, noong Enero 1957, dumating si Shirley Large mula sa Canada kasama ang kaniyang kaparehang payunir upang dumalaw sa ilang kaibigan. Nagkakilala kami ni Shirley nang sumama ako sa kanila ng kapareha niya sa ministeryo sa bahay-bahay. Di-nagtagal pagkatapos niyan, sumama sa akin si Shirley sa Hollywood Bowl, kung saan umawit akong kasama ni Pearl Bailey.

Pagtupad sa Isang Desisyon

Noong Setyembre 1957, tumanggap ako ng isang atas na maglingkod bilang isang special pioneer sa estado ng Iowa. Nang sabihin ko kay Itay na napagpasiyahan kong tanggapin ang atas, humikbi lamang siya. Hindi niya maunawaan ang aking bagong pananaw sa kung ano talaga ang mahalaga. Nagpunta ako sa Hollywood at umurong sa lahat ng aking kontrata. Kabilang sa mga taong may kontrata ako ay si Fred Waring na kilalang lider ng orkestra at koro. Sinabi niya sa akin na hindi na ako muling makapagtatrabaho bilang isang mang-aawit kung hindi ko tutuparin ang aking kontrata. Kaya ipinaliwanag ko sa kaniya na iniiwan ko ang aking karera sa pag-awit upang palawakin ang aking ministeryo sa paglilingkod sa Diyos na Jehova.

Buong-galang na nakinig si Ginoong Waring habang detalyado akong nagpapaliwanag, at pagkatapos ay ginulat niya ako sa pamamagitan ng kaniyang mahinahong tugon: “Anak, ikinalulungkot kong malaman na isinusuko mo ang isang mainam na karera, subalit buong buhay ko ay ginugol ko sa daigdig ng musika at natutuhan kong mayroon pang mas mahalagang bagay sa buhay kaysa sa musika. Pagpalain ka nawa ng Diyos sa iyong gagawin.” Naaalaala ko pa ang pagmamaneho ko pauwi na may mga luha ng kagalakan sa aking mga mata, sa pagkatanto na malaya na ako ngayong gugulin ang aking buhay sa paglilingkod kay Jehova.

“Nasaan ang Iyong Pananampalataya?”

Nagsimula akong maglingkod sa Strawberry Point, Iowa, isang bayan na may mga 1,200 residente, kasama ng aking kapareha, si Joe Triff. Dumalaw si Shirley, at pinag-usapan namin ang tungkol sa pagpapakasal. Wala akong ipon, at gayundin siya. Ang lahat ng aking salapi ay pinangangasiwaan ng tatay ko. Kaya nagpaliwanag ako: “Gusto kitang pakasalan, pero paano tayo mabubuhay? May $40 lamang ako bawat buwan mula sa allowance ko bilang special pioneer.” Sa kaniyang karaniwang mahinahon, tuwiran, at prangkang paraan, sinabi niya: “Pero, Charles, nasaan ang iyong pananampalataya? Sinabi ni Jesus na kung hahanapin muna natin ang Kaharian at ang kaniyang katuwiran, idaragdag niya sa atin ang lahat ng kailangan natin.” (Mateo 6:33) Iyan ang nakatulong sa akin na magpasiya. Nagpakasal kami noong Nobyembre 16, 1957.

Mayroon akong inaaralan sa Bibliya na isang magsasaka sa labas ng Strawberry Point na may isang maliit na bahay na yari sa troso sa kakahuyan na pagmamay-ari niya. Wala itong kuryente o tubig at walang banyo. Subalit kung gusto namin, maaari kaming tumira roon nang walang bayad. Sinauna ito, subalit naisip namin na nasa ministeryo naman kami sa maghapon at isang matutulugan lamang ang kailangan namin.

Umiigib ako ng tubig sa isang kalapit na bukal. Pinaiinit namin ang bahay sa pamamagitan ng kalan na ginagatungan ng kahoy at nagbabasa kami sa pamamagitan ng liwanag ng gasera; nagluluto naman si Shirley sa kusinilya. Gumagamit kami ng isang lumang batya para sa paliligo. Naririnig namin ang ungol ng mga lobo sa gabi at nadaramang napakapalad namin na magkasama kaming naglilingkod kay Jehova kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga ministrong Kristiyano. Si Bill Malenfant at ang kaniyang asawa, si Sandra, na ngayo’y naglilingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn, ay mga special pioneer na 100 kilometro ang layo sa amin, sa Decorah, Iowa. Paminsan-minsan, dumadalaw sila at gumugugol ng isang araw na kasama namin sa paglilingkod sa larangan. Nang maglaon, nagkaroon ng isang maliit na kongregasyon ng mga 25 mamamahayag sa Strawberry Point.

Sa Gawain Bilang Naglalakbay na Tagapangasiwa

Noong Mayo 1960, kami ay naanyayahan sa gawaing pansirkito, ang ministeryo ng mga naglalakbay na tagapangasiwa. Ang aming unang sirkito ay sa North Carolina, at kasali rito ang mga lunsod ng Raleigh, Greensboro, at Durham, gayundin ang maraming maliliit na bayan sa kabukiran. Bumuti ang kalagayan ng aming buhay, yamang tumitira kami sa tahanan ng maraming pamilya na may kuryente at mga kasilyas sa loob ng bahay. Subalit hindi nakaaaliw ang mga babala mula sa mga pamilyang ang kasilyas ay nasa labas ng bahay. Pinapag-iingat nila kami sa mga ahas na copperhead at rattlesnake sa daanan!

Noong mga unang buwan ng 1963, inilipat kami sa isang sirkito sa Florida kung saan nagkaroon ako ng matinding kaso ng pericarditis at halos mamatay ako. Marahil ay namatay nga ako kung hindi dahil kina Bob at Ginny Mackey ng Tampa. * Dinala nila ako sa kanilang doktor at sinagot pa nga ang lahat ng aming gastos.

Nagamit Ko ang Maagang Pagsasanay sa Akin

Noong tag-araw ng 1963, inanyayahan akong magtrabaho sa New York may kaugnayan sa isang malaking kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na idaraos doon. Sinamahan ko si Milton Henschel, isang tagapagsalita para sa mga Saksi ni Jehova, sa isang talk show sa radyo na ang host ay si Larry King. Kilalang host pa rin ng talk show sa TV si Ginoong King. Siya ay lubhang magalang at sa loob ng mga isang oras pagkatapos ng palabas, marami siyang itinanong tungkol sa aming gawain.

Nang tag-araw ring iyon, si Harold King, isang misyonero na kalalabas lamang mula sa isang bilangguan sa Komunistang Tsina, ay naging panauhin sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi. Isang gabi, nagsalita siya sa mga 700 tagapakinig, na inilalahad ang ilan sa kaniyang mga karanasan at ipinaliliwanag kung paanong ang mahigit na apat-na-taóng pagkakakulong niya nang nag-iisa ay nagpatibay ng kaniyang pananampalataya. Samantalang nasa bilangguan, sumulat siya ng mga awit tungkol sa mga paksang nauugnay sa Bibliya at sa ministeryong Kristiyano.

Noong di-malilimot na gabing iyon, kasama ko sina Audrey Knorr, Karl Klein, at Fred Franz​—isang matagal nang Saksi na may sinanay na tenor na boses​—inawit namin ang “Sa Bahay-bahay,” isang awitin na nang maglaon ay isinama sa aklat-awitan ng mga Saksi ni Jehova. Hinilingan ako ni Nathan Knorr, nangunguna noon sa gawain ng mga Saksi, na awitin ko ito sa “Walang-Hanggang Mabuting Balita” na Asamblea noong sumunod na linggo sa Yankee Stadium, na ginawa ko naman.

Mga Karanasan Bilang Naglalakbay na Tagapangasiwa

Samantalang naglilingkod kami sa Chicago, Illinois, nangyari ang dalawang di-malilimutang bagay. Una, nakita ni Shirley sa isang pansirkitong asamblea si Vera Stewart, ang nagpatotoo sa kanila ng nanay niya sa Canada noong kalagitnaan ng dekada ng 1940. Tuwang-tuwa si Shirley, na 11 taóng gulang noong panahong iyon, na marinig ang tungkol sa mga pangako ng Diyos sa Bibliya. Tinanong niya si Vera, “Sa palagay po ninyo, maaari po ba akong mabuhay sa bagong sanlibutang iyon?” Sumagot si Vera, “Bakit naman hindi, Shirley.” Hindi nila nakalimutan ang eksaktong mga pananalitang iyon. Mula nang unang pakikipag-usap niyang iyon kay Vera, batid ni Shirley na gusto niyang paglingkuran si Jehova.

Ikalawa, tinanong ako ng isang Saksi kung natatandaan ko pa ang pagkasumpong ng isang 50-librang sako ng patatas sa aming beranda noong taglamig ng 1958. Oo, natatandaan ko pa. Nasumpungan namin ito pag-uwi namin sa bahay sa kasagsagan ng bagyo ng niyebe isang gabi! Bagaman hindi namin alam kung saan ito nanggaling, sabihin pa ay ipinalagay namin na ito’y paglalaan ni Jehova. Hindi kami makalabas ng bahay dahil sa malakas na pag-ulan ng niyebe sa loob ng limang araw subalit may-kagalakan kaming kumain ng mga pancake na patatas, baked potato, pritong patatas, minasang patatas, at sopas na patatas! Wala kaming ibang pagkain. Hindi kami kilala ng Saksing iyon o hindi niya alam kung saan kami nakatira, subalit nabalitaan niya na may mga payunir na naghihikahos sa malapit. Sabi niya, may nagpakilos sa kaniya na magtanong kung saan nakatira ang mag-asawang ito. Alam ng mga magsasaka ang lahat ng bagay tungkol sa kanilang mga kapitbahay, kaya itinuro nila sa kaniya ang aming bahay at dinala niya ang mga patatas kahit umuulan ng niyebe.

Nagpapasalamat Ako sa mga Naging Pagpili Ko

Noong 1993, pagkatapos ng 33 taon bilang naglalakbay na tagapangasiwa, humina na ang aking kalusugan anupat kinailangan kong iwan ang pribilehiyong iyon ng paglilingkod. Kami ni Shirley ay itinala bilang mga special pioneer na mahina na ang kalusugan magpahanggang sa ngayon. Bagaman ikinalulungkot ko na wala na akong lakas upang maging isang naglalakbay na tagapangasiwa, natutuwa ako na nagugol ko ang aking lakas sa buong-panahong paglilingkod.

Iba naman ang pinili ng aking tatlong kapatid na lalaki. Nang dakong huli ang bawat isa sa kanila ay naging determinadong itaguyod ang materyal na mga kayamanan, at walang isa man sa kanila ang kasalukuyang naglilingkod kay Jehova. Noong 1958, nabautismuhan si Itay. Sila ni Inay ay nakatulong sa maraming tao na makilala si Jehova, mag-alay ng kanilang buhay sa Kaniya, at magpabautismo. Silang dalawa ay namatay noong 1999. Kaya, ang pasiya kong tanggihan ang katanyagan at kayamanan sa daigdig ay siyang malamang na nagbigay ng pag-asang buhay na walang hanggan sa aking tatay gayundin sa marami pang iba na binahaginan nila ng aking nanay ng katotohanan sa Bibliya. Madalas na itinatanong ko, ‘Nagpatuloy kaya ako sa paglilingkod kay Jehova kung hindi ko ginawa ang pagpiling ito?’

Mga limang taon pagkatapos kong iwan ang gawain bilang tagapangasiwa ng sirkito, bumuti ang aking kalusugan, at nagawa kong palawakin ang aking ministeryo. Ako ngayon ay naglilingkod bilang punong tagapangasiwa sa isang kongregasyon sa Desert Hot Springs, California. Pribilehiyo ko rin na maglingkod bilang kahaliling tagapangasiwa ng sirkito, maglingkod sa pantanging mga komite at, kung minsan, magturo sa Pioneer Service School.

Hanggang sa kasalukuyan, si Shirley ang nananatiling pinakamatalik kong kaibigan. Labis akong nasisiyahan sa piling niya. Regular at masigla kaming nag-uusap tungkol sa espirituwal na mga bagay, anupat tuwang-tuwa kaming dalawa na pinag-uusapan ang mga katotohanan sa Bibliya. Naaalaala ko pa nang may pasasalamat ang kaniyang mahinahong tanong mahigit 47 taon na ang nakalipas, “Pero, Charles, nasaan ang iyong pananampalataya?” Kung itatanong lamang ng mga mag-asawang Kristiyano ang tanong na iyan sa isa’t isa, iniisip ko kung ilan kaya sa kanila ang magkakaroon din ng kagalakan at mga pagpapala na tinamasa namin sa buong-panahong ministeryo.

[Mga talababa]

^ par. 11 Si John Sinutko ay nanatiling isang tapat na Saksi ni Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1996 sa edad na 92.

^ par. 11 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova subalit hindi na inililimbag ngayon.

^ par. 32 Inilahad sa isyu ng Awake! ng Pebrero 22, 1975, pahina 12-16, ang salaysay ni Bob Mackey tungkol sa pakikipagbaka niya sa paralisis.

[Larawan sa pahina 20]

Si Tiyo John noong 1935, nang taon na mabautismuhan siya

[Larawan sa pahina 22]

Ang aming bahay na yari sa troso

[Larawan sa pahina 23]

Isang larawan, noong 1975, ng aking mga magulang na nanatiling tapat hanggang kamatayan

[Larawan sa pahina 23]

Kasama si Shirley ngayon