Mga Amang Wala sa Tahanan—Isang Lumalaking Suliranin
Mga Amang Wala sa Tahanan—Isang Lumalaking Suliranin
DUMARAMI ang mga amang umiiwan sa kanilang pamilya. Noong huling mga taon ng dekada ng 1990, binansagan ng pahayagang USA Today ang Estados Unidos bilang “ang lider ng daigdig sa pagkakaroon ng mga pamilyang walang ama.” Gayunman, isang pandaigdig na problema ang kawalan ng ama sa tahanan.
Sa Brazil, isiniwalat ng isang ulat ng sensus noong 2000 na sa kabuuang bilang na 44.7 milyong pamilya, 11.2 milyon sa mga ito ang pinangangasiwaan ng mga babae. Sa Nicaragua, 25 porsiyento ng mga bata ang namumuhay na kasama ang kanilang ina lamang. Sa Costa Rica, ang bilang ng mga batang hindi kinikilala ng kanilang sariling ama ay tumaas mula 21.1 porsiyento tungo sa 30.4 porsiyento noong dekada ng 1990.
Ang mga estadistika mula sa tatlong bansang ito ay mga halimbawa lamang ng kalakaran sa buong daigdig. Isaalang-alang ang isa pang aspekto ng problema sa mga amang wala sa tahanan.
Nariyan Ngunit Hindi Mahagilap
Pakisuyong tingnan ang kahong “Itay, Kailan Po Kayo Babalik?” Ganito ang ipinagtapat ni Nao, na 23 taóng gulang na ngayon: “Bago ako mag-aral sa elementarya, madalang kong makita si Itay. Minsan, nang paalis na siya, nakiusap ako sa kaniya, ‘Babalik po kayo ha?’”
Ang mga ugnayang pampamilya na gaya niyaong kay Nao at ng kaniyang ama ang nag-udyok sa manunulat na Polako na si Piotr Szczukiewicz na magsabi: “Ang ama ay waring isang mahalagang salik na nawawala sa pamilya.” Totoo, maraming ama ang naninirahang kasama ng kanilang pamilya at naglalaan ng kanilang ikabubuhay. Gayunman, gaya ng pagkakasabi ng magasing Capital ng Pransiya, “napakaraming ama ang kontento nang maging tagapaglaan lamang ng pagkain, at hindi nagsisilbing tagapagturo.”
Kadalasan, ang situwasyon ay na kasama naman ng pamilya ang ama ngunit hindi siya nakikialam sa buhay ng kaniyang mga anak. Nakatuon sa ibang bagay ang kaniyang pansin. “Kahit na literal na kasama ng pamilya [ang ama],” ang sabi ng magasing Famille chrétienne sa Pransiya, “maaaring wala sa pamilya ang kaniyang isipan.” Bakit napakaraming ama sa ngayon ang hindi kapiling ng kanilang pamilya sa isip at damdamin?
Gaya ng ipinaliliwanag ng nabanggit na babasahin, ang isang pangunahing dahilan ay na “hindi niya nauunawaan ang papel ng isang ama o asawang lalaki.” Ayon sa pangmalas ng maraming
ama, ang papel ng isang mabuting ama ay basta mag-uwi ng sapat na kita. Gaya ng sinabi ng manunulat na Polako na si Józef Augustyn, “maraming ama ang nag-iisip na mabubuti silang magulang dahil naglalaan sila ng salapi para sa pamilya.” Ngunit ang paggawa niyan ay bahagi lamang ng pananagutan ng isang ama.Ang totoo, hindi sinusukat ng mga anak ang halaga ng kanilang ama batay sa dami ng salaping kinikita niya o sa laki ng halaga ng mga regalong naibibigay niya sa kanila. Sa halip, ang talagang nais ng mga anak—na lalong higit kaysa sa materyal na mga regalo—ay ang pag-ibig, panahon, at atensiyon ng kanilang ama. Ang mga ito ang tunay na mahalaga sa kanila.
Kailangang Muling Magsuri
Ayon sa isang ulat ng Japanese Central Council for Education, “dapat na muling suriin ng mga ama ang kanilang istilo ng pamumuhay, na labis na nakaukol sa trabaho.” Ang tanong ay, Gagawa kaya ng pagbabago ang isang ama alang-alang sa kaniyang mga anak? Iniulat ng pahayagang Gießener Allgemeine ng Alemanya ang isang pag-aaral kung saan karamihan sa kinapanayam na mga ama ay tumangging unahin ang kanilang mga anak dahil sa kanilang karera.
Maaaring labis na masaktan ang mga kabataan sa tila kawalan ng malasakit sa kanila ng ama nila. Si Lidia, na 21 taóng gulang na ngayon, ay may buháy na buháy na alaala tungkol sa kaniyang ama noong siya ay bata pa sa Poland. Nagpaliwanag siya: “Hindi siya kailanman nakipag-usap sa amin. Magkaiba ang mundo namin. Hindi niya alam na ginugugol ko sa mga disco ang aking libreng panahon.” Gayundin naman, sinabi ni Macarena, isang 21 taóng gulang mula sa Espanya, na noong musmos pa siya, ang kaniyang ama ay “umaalis tuwing dulo ng sanlinggo kasama ng kaniyang mga kaibigan upang magsaya, at maraming beses na hindi siya umuuwi nang ilang araw.”
Pagtatakda ng Wastong mga Priyoridad
Maaaring mapag-isip-isip ng karamihan sa mga ama na napakakaunti ng panahon at atensiyong ibinibigay nila sa kanilang mga anak. Isang Hapones na ama ng isang tin-edyer na lalaki ang nagsabi: “Umaasa ako na mauunawaan ng anak ko ang aking situwasyon. Lagi ko siyang iniisip, kahit na kapag abala ako.” Subalit malulutas ba ang problema kung basta aasamin na lamang na mauunawaan ng isang anak kung bakit laging wala ang kaniyang ama?
Walang alinlangan, kailangan ang tunay na pagsisikap—oo, sakripisyo pa nga—para masapatan ang mga pangangailangan ng isang anak. Maliwanag, hindi madaling ilaan sa mga anak ang talagang kailangan nila—samakatuwid nga, pag-ibig, panahon, at atensiyon. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay [o, materyal na pagkain] lamang.” (Mateo 4:4) Totoo rin na hindi lálakí nang matagumpay ang mga anak sa basta materyal na mga bagay lamang. Bilang ama, handa mo bang isakripisyo ang isang bagay na maaaring napakahalaga sa iyo—ang iyong panahon o baka ang pag-angat pa nga ng iyong karera—para magkapanahon ka sa iyong mga anak?
Inilahad ng Mainichi Daily News ng Pebrero 10, 1986 ang tungkol sa isang ama na nakatanto kung gaano talaga kahalaga ang kaniyang mga anak. Iniulat nito: “Isang pangunahing ehekutibo ng Japanese National Railways (JNR) ang nagbitiw sa trabaho imbis na mapahiwalay sa kaniyang pamilya.” Pagkatapos ay sinipi ng pahayagan ang sinabi ng ehekutibo: “Ang trabaho ng pangkalahatang direktor ay maaaring gampanan ng sinuman. Subalit ako ang tanging ama ng aking mga anak.”
Tunay nga, ang unang hakbang sa pagiging isang mabuting ama ay ang kilalanin ang uri ng ama na kailangan ng mga anak. Suriin natin kung ano ang nasasangkot sa pagiging gayong uri ng ama.
[Kahon sa pahina 3]
“Itay, Kailan Po Kayo Babalik?”
Iyan ang tanong ng limang-taóng-gulang na si Nao, isang batang Haponesa, sa kaniyang ama habang papaalis ito patungong trabaho isang araw. Bagaman naninirahan sa kanilang tahanan ang kaniyang ama, madalang siyang makita ni Nao. Kadalasan ay umuuwi ito galing sa trabaho kapag tulog na si Nao at umaalis naman para magtrabaho bago pa magising si Nao.