Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Kaya Maiiwasan ang Pakikipagtalik Bago ang Kasal?

Paano Ko Kaya Maiiwasan ang Pakikipagtalik Bago ang Kasal?

“Sa edad na 19, nakipagtalik na ako sa isang lalaki mula sa aming paaralan. Hiyang-hiya talaga ako. Pakiramdam ko’y wala na akong halaga.”​—Laci. *

“TUMAKAS kayo mula sa pakikiapid,” ang utos ng Bibliya. (1 Corinto 6:18) Gayunman, iilang kabataan lamang sa ngayon ang waring handang sumunod sa mga salita ng Bibliya at umiwas sa pakikipagtalik hangga’t hindi sila kasal. Ang ilan, gaya ni Laci, ay nagpadaig sa kanilang pagnanasa at dumanas ng pamimighati at pagkabagabag ng budhi.

Totoo na mahirap supilin ang seksuwal na pagnanasa. Gaya nga ng sabi ng aklat-araling Adolescent Development, ang mga pagbabago sa hormon sa panahon ng pagbibinata’t pagdadalaga ay tiyak na may “kaugnay na pagtindi ng seksuwal na mga simbuyo.” Inamin ni Paul, “Kung minsan, bigla na lamang pumapasok sa isip ko ang tungkol sa sekso nang wala namang kadahi-dahilan.”

Subalit ganito naman ang sabi ng propesor sa pediatrics na si Howard Kulin: “Masyado namang pinasisimple ang problema kung isisisi lamang sa hormon ang paggawing ito” ng mga nagbibinata’t nagdadalaga. Ipinaliwanag niya na may papel ding ginagampanan ang lipunan. Sa katunayan, ang lipunan​—lalo na ang impluwensiya ng mga kasamahan​—ay puwedeng maging sobrang mapanghikayat.

Sa kaniyang aklat na A Tribe Apart, sinabi ng manunulat na si Patricia Hersch na “ang mga kabataan ay nakapagtatag ng sarili nilang komunidad. . . . Hindi lamang ito basta isang grupo ng magkakaedad, ito’y nagiging isang lipunan na hiwalay [mula sa mga adulto] at may sariling mga simulain, etika, at tuntunin.” Gayunman, ang “etika” at mga “tuntunin” ng maraming kabataan sa ngayon ay madalas na nagtataguyod ng pagpapakasasa sa seksuwal na mga simbuyo, sa halip na pagsupil dito. Dahil dito, marami ang napipilitang sumubok na makipagtalik bago ang kasal.

Gayunpaman, may-katalinuhang naninindigan ang mga kabataang Kristiyano na umiwas sa lahat ng anyo ng pakikiapid, palibhasa’y alam nilang hinahatulan ito ng Diyos bilang isa sa “mga gawa ng laman.” * (Galacia 5:19) Ngunit paano ka makapananatiling malinis sa harap ng matitinding panggigipit?

Humanap ng Marurunong na Kasama

Kapansin-pansin, bagaman maaari kang maimpluwensiyahan sa negatibong paraan ng mga panggigipit ng lipunan, maaari ka namang maimpluwensiyahan sa positibong paraan ng tamang uri ng mga kaibigan. Gaya ito ng sabi ng Bibliya: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong.” (Kawikaan 13:20; 1 Corinto 15:33) Sinabi ng isang ulat mula sa World Health Organization (WHO) na “ang mga nagbibinata’t nagdadalaga na may makabuluhang ugnayan sa mga magulang, sa iba pang nagmamalasakit na mga adulto, at sa mga kasamahan” at “tinuruang maging matatag at tinakdaan ng mga hangganan . . . ay mas malamang na hindi makibahagi sa seksuwal na mga gawain.”

Lubhang kapaki-pakinabang ang pagkakaroon ng makabuluhang ugnayan sa iyong mga magulang. Ganito ang naaalaala ni Joseph, “Talagang natulungan ako ng aking mga magulang na labanan ang mga panggigipit na mag-eksperimento sa sekso.” Oo, matuturuan ka ng iyong makadiyos na mga magulang na maging matatag at makapagtatakda sila ng mga hangganang nakasalig sa Salita ng Diyos. (Efeso 6:2, 3) Masusuportahan ka nila sa mga pagsisikap mo na manatiling malinis sa moral.

Totoo na sa umpisa, baka maasiwa kang ipakipag-usap sa kanila ang mga bagay-bagay hinggil sa sekso. Subalit baka magulat ka na lubos nilang nauunawaan ang nadarama mo. Tutal, dumaan din naman sila sa pagiging kabataan. Kaya, ganito ang payo ni Sonja sa ibang kabataan, “Lumapit ka sa iyong mga magulang, at huwag mahiya o mag-atubiling ipakipag-usap ang hinggil sa sekso.”

Paano kung hindi sumusunod ang mga magulang mo sa mga pamantayan ng Bibliya? Bagaman iginagalang mo pa rin sila, baka kailangan mong humingi ng payo sa mga hindi mo kapamilya. Si Paul, na sinipi sa bandang simula, ay nagsabi, “Malaki ang naitulong sa akin ng isang may-gulang na Kristiyanong mag-asawa hinggil sa bagay na ito.” Si Kenji, isang kabataang babae na may di-sumasampalatayang ina, ay nagsabi rin ng ganito, “Kapag kailangan ko ng payo, hindi ako nag-aalinlangang lumapit sa mga maygulang na nakapagpapatibay sa espirituwal.” Subalit nagbabala siya, “Umiiwas ako sa mga indibiduwal na walang matatag na mga pamantayang moral, kahit pa inaangkin nilang pareho ang aming relihiyosong mga paniniwala.”

Kung minsan, baka kailangang maging maingat ka sa iyong pakikipagsamahan sa loob ng Kristiyanong kongregasyon. Ipinaaalaala sa atin ng Bibliya na sa alinmang malaking grupo, kadalasang may ilan na hindi gumagawi nang marangal. (2 Timoteo 2:20) Ano ang dapat mong gawin kung matuklasan mong ang ilang kabataan sa inyong kongregasyon ay, sa katunayan, “mapagpakunwari”? (Awit 26:4) Iwasan ang malapít na pakikipagsamahan sa gayong mga indibiduwal, at humanap ng mga kaibigang susuporta sa determinasyon mong manatiling malinis sa moral.

Tanggihan ang Nakapipinsalang mga Propaganda

Dapat ka ring gumawa ng mga hakbang upang ipagsanggalang ang iyong sarili sa napakaraming larawan at mga pasaring hinggil sa sekso na ipinalalaganap sa mga aklat, magasin, music video, video game, pelikula, at Internet. Pinalilitaw ng media na kahali-halina, kasiya-siya, at walang panganib ang pakikipagtalik bago ang kasal. Ang epekto? Inamin ni Kenji, na sinipi sa itaas: “Nanood ako ng isang palabas kung saan itinuturing na bale-wala lamang ang sekso at may bahid pa nga ng homoseksuwalidad. Dahil dito, nagsimula akong makalimot kung gaano kaseryoso ang pangmalas ni Jehova sa mga bagay na ito.”

Ang totoo, madalas na buong-katusuhang ikinukubli ng popular na mga libangan ang di-kaayaayang mga katotohanan hinggil sa pakikipagtalik bago ang kasal​—di-ninanais na pagdadalang-tao, maagang pag-aasawa, at mga sakit na naililipat sa pagtatalik. Kaya huwag palinlang sa “mga nagsasabi na ang mabuti ay masama at ang masama ay mabuti.”​—Isaias 5:20.

Alalahanin ang mga salita ng Kawikaan 14:15: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.” Kung makakita ka ng mga larawang nagpapahiwatig hinggil sa sekso o pumupukaw ng seksuwal na pagnanasa samantalang nagbabasa, tumitingin-tingin sa Internet, o nanonood ng TV, kumilos kaagad! Isara ang aklat, patayin ang iyong computer, o ilipat sa ibang channel ang TV! Pagkatapos, ituon ang iyong pansin sa ibang bagay​—sa isang bagay na kaayaaya. (Filipos 4:8) Sa paggawa nito, mapatitigil mo ang masamang pagnanasa bago pa ito sumidhi.​—Santiago 1:14, 15.

Mag-ingat sa Nakakokompromisong mga Situwasyon

Nakikipag-date ka ba? Kung gayon, kailangan mong mag-ingat. Nagbababala sa atin ang Bibliya: “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib.” (Jeremias 17:9) Ang mga kapahayagan ng pagmamahal ay napakadaling humantong sa maling paggawi sa sekso. Gumawa ng makatuwirang mga pag-iingat, gaya ng pagsasama ng angkop na tsaperon o pakikipag-date kasama ng kaayaayang grupo. Iwasang maging magkasama nang kayong dalawa lamang sa nakatutuksong mga kalagayan.

Gayunman, marahil ay nakatakda ka nang ikasal at iniisip mong angkop naman ang ilang pisikal na kapahayagan ng pagmamahal. Magkagayunman, isang ulat ng WHO ang nagbababala: “Kapag napipinto na ang pag-iisang dibdib, waring marami sa mga babae ang nakikipagtalik bago ang kasal, maging sa konserbatibong mga lugar.” * Kaya magtakda ng mga hangganan sa pagpapakita ng pagmamahal, upang ipagsanggalang ang iyong sarili mula sa di-kinakailangang dalamhati.

Bagaman waring nakabibigla ito, maraming kabataan​—lalo na ang mga kabataang babae​—ang pinupuwersa o pinipilit na makipagtalik. Ayon sa isang pag-aaral, “60 porsiyento ng mga nagdadalaga sa Estados Unidos na nakipagtalik bago pa tumuntong sa edad na 15 ang gumawa nito nang labag sa kanilang kalooban.” Ang mga gumagawa ng gayong kasamaan ay madalas na gumagamit ng dahas upang daigin ang kanilang mga biktima. (Eclesiastes 4:1) Halimbawa, sinasabi sa atin ng Bibliya na ang anak ni Haring David na si Amnon ay “umibig” kay Tamar na kaniyang kapatid sa ama at sa pamamagitan ng pandaraya ay pinilit niya itong makipagtalik sa kaniya.​—2 Samuel 13:1, 10-16.

Hindi ito nangangahulugan na imposibleng maiwasan ang panghahalay o sapilitang pakikipagtalik. Sa pagiging alisto sa panganib, pag-iwas sa nakakokompromisong mga situwasyon, at pagkilos kaagad kapag may panganib, malaki ang magagawa mo upang ipagsanggalang ang iyong sarili. *

“Pagkaisahin” ang Iyong Puso

Umaasa kami na ang mga mungkahing tinalakay rito ay tutulong sa iyong pakikipagpunyaging manatiling malinis sa moral. Subalit sa dakong huli, ang nasa puso mo ang magiging batayan ng iyong ikikilos. Sinabi ni Jesus na “mula sa puso ay nanggagaling ang . . . mga pakikiapid.” (Mateo 15:19) Kung gayon, dapat mong labanan ang tendensiyang magkaroon ng “pusong hati” (mawalan ng determinasyon) o ng “salawahang puso” (maging mapagpaimbabaw) hinggil sa napakahalagang isyung ito.​—Awit 12:2; 119:113.

Kailanma’t nadarama mong humihina ang iyong kapasiyahan o nagkakasalungatan ang iyong damdamin, manalangin na gaya ng ginawa ni David nang siya’y mamanhik: “Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan.” (Awit 86:11) Pagkatapos, kumilos na kasuwato ng iyong panalangin sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at ng salig-Bibliyang mga publikasyon at pagkakapit ng iyong natututuhan. (Santiago 1:22) Sinabi ni Lydia, “Nagaganyak akong labanan ang seksuwal na mga tukso sa pamamagitan ng laging pagsasaisip na ‘walang sinumang mapakiapid o taong marumi ang may anumang mana sa kaharian ng Diyos.’ ”​—Efeso 5:5.

Maaaring hindi madaling umiwas sa pakikipagtalik bago ang kasal. Subalit sa tulong ni Jehova, makapananatili kang malinis sa moral at ililigtas mo ang iyong sarili at ang iba mula sa napakaraming kapighatian at pagdurusa.​—Kawikaan 5:8-12.

[Mga talababa]

^ par. 3 Binago ang mga pangalan.

^ par. 21 Tingnan ang kabanata 29 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 23 Ang mga mungkahi hinggil sa mga bagay na ito ay ibinigay sa mga artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” sa mga paksang “Seksuwal na Panggigipit​—Paano Ko Maiingatan ang Aking Sarili?” at “Paano Ko Mapipigil ang Aking Kasintahan sa Pagmamaltrato sa Akin?” sa aming mga isyu ng Agosto 22, 1995, at Hunyo 22, 2004.

[Larawan sa pahina 17]

Ang pakikipag-usap sa iyong mga magulang hinggil sa nadarama mo ay makatutulong sa iyo na manatiling malinis sa moral

[Larawan sa pahina 18]

Maaaring magsilbing proteksiyon ang pakikipag-“date” kasama ng isang kaayaayang grupo