Pagdurusa Dulot ng Salot ng Asin
Pagdurusa Dulot ng Salot ng Asin
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Australia
MAHALAGA ang asin sa buhay ng mga tao at hayop. Halos 1 porsiyento ng ating katawan ay binubuo ng asin. Ginagamit natin ito sa pagkain, gamot, at pakain sa mga alagang hayop. Sa katunayan, humigit-kumulang 190 milyong tonelada ng asin ang kinokonsumo ng mga tao sa buong daigdig bawat taon. Subalit ang kapaki-pakinabang at saganang sangkap na ito ay nagiging salot sa ilan sa pinakamabubungang lupang sakahan sa daigdig.
Mga 40 porsiyento ng inaaning pananim sa buong lupa ay nagmumula sa 15 porsiyento ng lupang sakahan sa buong daigdig na may patubig. Sa katunayan, ang waring tigang na lupain ay maaaring sibulan ng saganang pananim sa pamamagitan ng patubig. Gayunman, maaaring dahil sa pagpapatubig ay matipon sa lupa ang naiiwang asin, na unti-unting lumalason sa lupa. Sa buong daigdig, ang produksiyon ng ani sa kalahati ng lahat ng lupaing may patubig ay humina na dahil sa pag-alat ng lupa. Sa katunayan, sinasabing bawat taon, isang sukat ng lupa na mahigit doble ng lawak ng Switzerland ang hindi na mapagtamnan dahil sa pag-alat at pagkababad nito sa tubig!
Sa kaniyang aklat na Out of the Earth, si Daniel Hillel, isang kilaláng siyentipiko hinggil sa lupa, ay nagbigay ng ganitong babala: “Ang lahat ng mapaminsalang salot na gawa ng tao na gumanap ng malaking papel sa pagbagsak ng nakalipas na mga sibilisasyon ay may katumbas sa ating makabagong daigdig . . . subalit sa mas malawak na antas.” Sinasabing nalulugi na ang ekonomiya ng Estados Unidos ng limang bilyong dolyar bawat taon dahil sa paghina ng ani na resulta ng pag-alat ng lupa. Subalit ang Australia ang isa sa mga lugar na pinakamalubhang naaapektuhan ng salot na ito na gawa ng tao.
Ang White Death
Bawat oras, isang sukat ng lupa na kasinlaki ng palaruan ng football sa malalawak na taniman ng trigo sa Kanluraning Australia ang hindi na mapagtamnan dahil sa pag-alat ng lupa. Ganito ang sabi ni Dr. Tom Hatton ng Commonwealth Scientific and Industrial Research Organization (CSIRO): “Walang-alinlangang ito ang pinakamalaking krisis sa kapaligiran na kinakaharap natin.”
Ang pinakasentro ng agrikultura sa silangang Australia, na kilala bilang Lunas
ng Murray-Darling, ang lalo nang apektado ng pag-alat ng lupa. Ang lunas na ito ay kasinlawak ng pinagsamang Pransiya at Espanya, at naririto ang tatlong-kapat ng lupain sa Australia na may patubig. Halos kalahati ng kabuuang kita ng Australia sa agrikultura ay nagmumula rito. Ang mga ilog ng Murray at Darling, ang pangunahing mga lunas na tumutustos sa sentrong ito ng agrikultura, ang bumubuhay sa libu-libong latian at nagsusuplay rin ng tubig na maiinom para sa tatlong milyon katao.Nakalulungkot, 2,000 kilometro kuwadrado na ng napakahalagang lupaing ito ang malubhang naaapektuhan ng pag-alat ng lupa, at tinataya ng mga siyentipiko na 10,000 kilometro kuwadrado pa ng lupain ang nanganganib sa loob ng dekadang ito. Paalat nang paalat ang mga ilog ng Murray at Darling at ang mga sanga-sanga nito, at sa ilang lugar ay hindi na ligtas inumin ang tubig. Ang mga latian sa matatabang bukirin na nasa gilid ng mga ilog na ito ay unti-unting nababalutan ng asin at wala nang mabuhay na mga halaman at hayop. White death ang tawag ng mga magsasaka sa penomenong ito.
Gayunman, hindi lamang mga lupang sakahan ang nanganganib. Nagbababala ang mga siyentipiko ng CSIRO na dahil sa pag-alat ng lupa, umaabot sa sanlibong halaman at hayop sa Australia ang nanganganib na malipol. Gayundin, kung hindi magbabago, marahil kalahati ng mga uri ng ibon sa Lunas ng Murray-Darling ang malilipol sa susunod na 50 taon. Isaalang-alang ang kawalan ng patiunang kaalaman na naging sanhi ng krisis na ito sa kapaligiran.
Ang Pinagmumulan ng Asin
Ipinapalagay ng mga siyentipiko na ang karamihan ng asin sa Australia ay nagmula sa singaw ng dagat, na tinangay papaloob mula sa baybayin sa loob ng mahabang panahon. Ang asin mula sa singaw ay naipon sa lupa dahil sa pag-ulan. Ang isa pang pinagmumulan, ayon sa kanila, ay ang naiwang asin mula sa karagatan na dating tumatakip sa mga bahagi ng kontinente. Tinunaw ng ulan ang asin na nasa mga suson ng lupa, at unti-unting nagkaroon ng tubig sa ilalim ng maalat na pang-ilalim na lupa.
Sa paglipas ng panahon, ang kontinente ay natakpan ng mga punong eukalipto at ng iba pang pananim, na ang mga ugat ay umaabot nang 30 hanggang 40 metro o higit pa sa ilalim ng lupa. Sinisipsip ng mga pananim ang karamihan sa mga tubig-ulan na pumapatak sa lupa at binobomba ito paitaas, kung saan sumisingaw ito sa mga dahon. Pinananatili nito sa mababang antas ang tubig na nasa ilalim ng lupa. Subalit ang mga pamamaraan ng pagsasaka sa Europa, na nagpayaman at nagpaunlad sa Australia, ay nagsasangkot din ng pagkakaingin sa malalawak na lupain. Dahil sa maramihang pagputol sa tulad-pambombang mga punong ito, at sa malawakang pagpapatubig, tumaas ang antas ng tubig na nasa ilalim ng lupa. Kaya, ang asin na natipon sa ilalim ng lupa sa loob ng mahabang
panahon ay natunaw at unti-unting napunta sa matabang pang-ibabaw na lupa.Ang mga Sanhi ng Problema sa Pag-alat
Nagpapalakas sa produksiyon ng ani ang kontroladong flood irrigation sa Lunas ng Murray-Darling. Subalit kasabay nito, mabilis na tumataas ang tubig na nasa ilalim ng lupa sa mga bukirin dahil sa pamamaraang ito. Ang maalat na tubig na nasa ilalim ng lupa ay tumatagas sa sistema ng mga ilog, anupat umaalat ang mga tubig-tabang. Lumilikha ito ng isa pang problema na tinatawag na pag-alat ng ilog. Ang maalat na tubig sa ilog ay ibobomba naman pabalik sa mga bukiring may patubig, at patuloy na lumalala ang problema.
Gayunman, higit na mapaminsala ang isang anyo ng pag-alat ng lupa na hindi sanhi ng pagpapatubig kundi ng uri ng mga halaman na itinatanim sa bukirin. Sa buong lunas, ang mga punungkahoy na malalalim ang ugat ay pinalitan ng mga damong kinakain ng mga hayop sa bukid at ng taunang mga pananim, na ilang metro lamang ang lalim ng ugat. Ang tubig-ulan na dating nasisipsip ng mga punungkahoy ay nakalalampas na ngayon sa ugat ng mga pananim.
Bilang resulta, tinataya ng mga siyentipiko na mas marami nang 10 hanggang 100 ulit ang tubig-ulan na sumasama sa tubig na nasa ilalim ng lupa kaysa noong mga punungkahoy pa ang nakatanim sa mga kapatagan. Masyado nang maraming tubig ang nasipsip ng lupa sa nakalipas na sandaang taon anupat ang tubig na nasa ilalim ng lupa sa Lunas ng Murray-Darling ay tumaas na nang hanggang 60 metro o higit pa sa ilang bahagi nito. Kapag ang maalat na tubig na ito na nasa ilalim ng lupa ay may pagitan na lamang na mga ilang metro mula sa ibabaw ng lupa, magsisimula na ang problema ng mga magsasaka.
Sa ilang bahagi ng dating matatabang bukirin, nababansot na ang mga pananim. Matagal pa bago mabalutan ng asin ang maliliit na bahagi ng taniman, ang maalat na tubig sa ilalim ng lupa na malapit sa ibabaw ay sumisingaw paitaas sa pamamagitan ng ebaporasyon. Sa simula, hindi pa masyadong naaapektuhan ang mga halamang tumutubo sa mga tanimang ito, subalit habang mas maraming asin ang pumapaitaas at naiipon sa pinakaibabaw ng lupa, natitigang ang lupa.
Hindi lamang komunidad ng mga magsasaka ang naaapektuhan ng pag-alat ng lupa dahil sa uri ng mga halamang itinatanim sa bukirin. Pinipinsala na nito ang ilan sa mga haywey ng estado, anupat nababawasan nang 75 porsiyento ang tinatayang bilang ng taon na itatagal ng mga ito. Gayundin, sinisira nito ang mga gusali, ang instalasyon ng mga tubo, at ang sistema ng mga imburnal sa mga bayan sa lalawigan sa buong Lunas ng Murray-Darling.
Malulunasan Pa Kaya Ito?
Waring marami sa maalat na tubig na ito sa ilalim ng lupa ang patuloy pang tataas sa susunod na 50 hanggang 100 taon. Sinasabi ng isang ulat na pagtuntong sa edad na 30 ng isang sanggol na ipanganganak sa araw na ito, isang sukat ng lupa na kasinlaki ng estado ng Victoria—halos kasinlaki ng Gran Britanya—ang mapipinsala. Ano ang kailangan upang baligtarin ang mapaminsalang kalagayang ito?
“Kailangang lubusan nating baguhin ang pangangasiwa at paggamit sa mga yaman ng Lunas [ng Murray-Darling] upang mapanatili ang malusog na mga ekosistema at ang mabungang paggamit sa lupain,” ang sabi ng isang ulat ng pamahalaan. “Malaking halaga ang nasasangkot dito . . . Gayunman, napakaliit na halaga lamang ito kung ihahambing sa di-maiiwasang mga kalugihan—sa ekonomiya, sa kapaligiran at sa lipunan—kung hindi babaguhin ang kasalukuyang paraan ng pangangasiwa.”
Malulunasan naman ang pinsala sa pamamagitan ng puspusang pagtatanim ng maraming punungkahoy, subalit sa kasalukuyan, hindi ito itinuturing na kapaki-pakinabang na opsyon. Ganito ang sabi ng isang ulat sa siyensiya: “Hindi tayo makababalik sa mga kalagayang gaya ng nasa kalikasan. Sa maraming kaso, ang mga pagsulong [mula sa pagtatanim ng mga punungkahoy] ay magaganap nang napakabagal, kung sakali man.”
Samantala, pinasisigla ang mga magsasaka na magtanim ng mga halaman na may mas malalalim na ugat o ng mga halaman na maaaring mabuhay sa maalat na lupa. Hinuhukay pa nga ng ilang mapagsapalarang negosyante ang asin na sumira sa kanilang mga bukirin at kumikita sila mula sa negosyong ito. Pinaplano naman ng iba na gamitin ang umalat na maliliit na lawa sa pag-aalaga ng isdang-dagat, sugpo, at maging ng halamang-dagat na kanilang maipagbibili.
Hindi lamang sa Australia nangyayari ito. Kung walang gagawing malalaking pagbabago sa lalong madaling panahon, ang paglalarawan ng pilosopong Griego na si Plato sa sinaunang Gresya ay muling kakapit sa ating panahon: “Ang natitira na lamang sa dating matabang lupain ay tulad ng mga buto ng isang taong may sakit, yamang naglaho na ang mataba at malambot na lupa at tanging balangkas na lamang ang natira.”
[Mapa sa pahina 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
LUNAS NG MURRAY-DARLING
[Credit Line]
Mapa: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Mga larawan sa pahina 25]
Naiwang asin na nakadikit sa labí ng isang punungkahoy sa gitna ng isang bukiring nakababad sa tubig
Ang dating matatabang bukirin ay hindi na mapagtatamnan kapag naipon ang asin sa ibabaw ng lupa
[Credit Line]
© CSIRO Land and Water
[Mga larawan sa pahina 26]
Unang mga palatandaan ng salot—tigang na mga taniman sa gitna ng matabang bukirin
Ang mga epekto ng pag-alat ng lupa sa dating mabungang sakahang lupain
Ang huling mga epekto ng pagtaas ng tubig na nasa ilalim ng lupa
Namamatay ang mga pananim dahil sa asin na pumapaibabaw sa lupa
[Credit Line]
Lahat ng larawan: © CSIRO Land and Water