Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Kamangha-manghang Pagkakasari-sari sa Karagatan
“Natutuklasan na ngayon linggu-linggo ng internasyonal na mga biyologong pandagat ang mahigit sa 30 bagong mga uri,” ang sabi ng pahayagang Leipziger Volkszeitung ng Alemanya. Kabilang ang patalastas na ito sa unang ulat ng mga naisagawa na sa Census of Marine Life, isang sampung-taóng proyekto na sinimulan noong 2000, kung saan sangkot ang mga 300 siyentipiko mula sa 53 iba’t ibang bansa. Naniniwala ang mga mananaliksik na “malamang na may mahigit na dalawang milyong uri ng mga hayop at halaman sa karagatan,” ang sabi ng pahayagan. “Mahigit 95 porsiyento ng mga uri ng hayop sa karagatan ang maaaring hindi pa nakikilala.”
Nawawala Pero Kadalasang Nasusumpungan
Noong 2002, dinala ng mga tao ang mahigit sa $23 milyong naiwalang pera sa Tokyo, Japan, Metropolitan Police Lost and Found Center, ang ulat ng The New York Times. Sa halagang ito, 72 porsiyento ang naibalik sa mga may-ari. Ang malaking sentro ng nawala-at-nasumpungan ay naglalaman din ng daan-daan libong iba pang mga gamit, kabilang na ang mga cell phone, susi, salamin sa mata, laruan, gamit na pang-isport, at—ang pinakamarami—mga payong, na 330,000 nito ay dinala sa sentro noong 2002. “Maagang tinuturuan ang mga bata na ibalik sa pulisya ang anumang nasusumpungan nila,” ang sabi ng The Times. Mula dalawang daan hanggang tatlong daan katao ang pumupunta araw-araw sa sentro para kunin ang kanilang mga pag-aari. Nakagugulat ang ilang naiwalang gamit, tulad ng mga saklay at mga silyang de-gulong. “Iniisip ko kung ano ang nangyari sa mga may-ari nito,” ang sabi ni Hitoshi Shitara, isang matagal nang opisyal ng sistemang nawala-at-nasumpungan.
Pagtatagumpay sa Pagiging Huli
Inilunsad sa Ecuador ang pambansang kampanya hinggil sa pagiging nasa oras. Ayon sa magasing Economist, bukod sa mga abalang idinudulot nito, ang pagiging huli ay tinatayang ikinalulugi ng Ecuador ng halagang $742 milyon taun-taon—4.3 porsiyento ng pangkabuuang produktong panloob ng bansa. “Mahigit sa kalahati ng lahat ng pagtitipong pangmadla ay nag-uumpisa nang huli,” ang sabi ng ulat. Nagtatagumpay sa paanuman ang kampanya ng pagiging nasa oras. “Ang mga dumarating nang huli ay hindi na pinapapasok sa mga pulong,” ang sabi ng The Economist, at “inilalathala araw-araw ng isang lokal na pahayagan ang listahan ng mga opisyal ng bayan na dumarating nang huli sa mga pagtitipon.”
Mga Kabataan at ang Paggamit ng Computer
Ayon sa isang ulat ng Kagawaran ng Edukasyon ng Estados Unidos, sa bansang iyon “mga 90% ng mga tao na edad 5 hanggang 17 ang gumagamit ng mga computer at 59% sa kanila ang gumagamit ng Internet—mga porsiyento na, sa parehong pagkakataon, ay mas mataas kaysa sa mga adulto,” ang paliwanag ng The Wall Street Journal. Maagang nagsisimula ang paggamit ng computer. “Ipinakikita ng ulat na mga tatlong kapat ng mga bata ang gumagamit na ng mga computer pagsapit ng limang taóng gulang, at ang karamihan ay gumagamit na ng Internet pagsapit ng siyam na taóng gulang.” Samantalang mahigit sa kalahati ng mga kabataan ang gumagamit ng Internet para makipag-usap sa mga kaibigan o maglaro, “halos tatlo sa apat ang gumagamit naman ng Internet bilang pantulong sa kanilang mga takdang-aralin sa paaralan,” ang komento ng Journal. “Ang mga batang babae, na dati’y mas madalang gumamit ng mga computer at ng Internet kaysa sa mga batang lalaki, ay kasindalas nang gumamit ng mga batang lalaki ng mga computer ngayon.”
Nakapagpapalusog na Diyetang Griego
“Sinubaybayan ng mga siyentipiko sa Harvard at sa University of Athens Medical School ang mga kaugalian sa pagkain ng 22,043 Griego sa loob ng halos apat na taon at natuklasang nabawasan ng diyetang Mediteraneo ang panganib na mamatay mula sa kanser at sakit sa puso nang 25% o higit pa,” ang ulat ng Readers Digest. “Kumakain ang mga Griego ng maraming nuwes, prutas, gulay, legumbre, binutil at langis ng olibo, marami-raming isda, katamtamang dami ng mga pagkaing gawa sa gatas at alkohol, at karne.” Madalas mapansin ang mga pakinabang sa kalusugan ng tradisyonal na diyetang Mediteraneo.
Desperadong mga Batang Lansangan
Napipilitang mamuhay sa lansangan ang mahigit sa isang milyong batang Polako dahil sa karukhaan, ang sabi ng magasing Wprost. Sila ay kadalasang nasa pagitan ng 8 at 15 taóng gulang, at “sila na ang naghahanapbuhay para sa pamilya,” nagbabayad ng upa at nagsusustento sa nagugutom na mga kapatid—nagbibigay pa nga ng pera sa kanilang mga magulang na sugapa sa inuming de-alkohol. Bagaman kumikita sila sa simula sa legal na paraan, ang karamihan ay bumabaling sa “pagnanakaw, ilegal na kalakalan ng droga at inuming de-alkohol, pangingikil sa kanilang mga kasamahan, at prostitusyon.” Ayon kay Marek Liciński ng Powiślańska Social Foundation, “ang pinakamalaking suliraning nakakaharap ng mga batang ito ay hindi karahasan o krimen; ito ang kawalan nila ng dakong matatawag na kanila mismo o kawalan ng sinumang mapagkakatiwalaan nila.”
Mga Pagkain Para sa Balat
Lalong nagiging popular na sangkap sa mga kosmetik at mga pampalayaw sa katawan ang mga pagkain. Bukod sa tsokolate, ginagamit din ang saligang mga pagkain gaya ng langis ng olibo. Iniuulat ng Frankfurter Allgemeine Sonntagszeitung sa Alemanya na “ang nakarerelaks at bumubulang paligong kakaw habang nakasindi ang kandila, na sinusundan ng masahe gamit ang emulsiyon ng mainit na kakaw at saka pagtatapal ng tsokolateng-fondue sa buong katawan,” ay pinaniniwalaang nakapagpapabagal sa pagtanda ng balat. Totoo ba ito? “Bagaman posible sa teoriya na ang katas ng kakaw sa mga krim ay makapagpabagal sa pagtanda, hindi pa ito napatutunayan sa siyentipikong paraan,” ang sabi ni Propesor Volker Steinkraus ng Institute of Dermatology sa Hamburg.
Mga Babaing Naghahanap ng Pornograpya
“Nitong kamakailang mga taon, di-maitatangging naging kaakit-akit ang pornograpya sa milyun-milyong kababaihan dahil sa pagiging madaling mapanood, abot-kaya at di-pagbubunyag ng pagkakakilanlan ng gumagamit ng Internet,” ang sabi ng pahayagang Plain Dealer sa Cleveland, Ohio, E.U.A. “Halos isa sa tatlong tumitingin sa mga pang-adultong Web site ay babae.” Isang 42-taóng-gulang na ina ang nagsimulang manood ng pornograpya “upang sikaping maunawaan kung ano ang kinahumalingan ng kaniyang dating asawa. Di-nagtagal, gumugugol na siya ng hanggang 30 oras linggu-linggo sa paggagalugad ng Web para mapukaw sa sekso.”
Ang Mapanlinlang na Katangian ng Kakulangan sa Tulog
“Madalas na hindi batid ng mga taong may katamtamang kakulangan sa tulog na humihina ang kanilang kakayahang mag-isip at hindi sila gaanong inaantok,” ang ulat ng magasing Science News. Ipinakikita ng dalawang-linggong pag-aaral sa 48 boluntaryo, edad 21 hanggang 38, na sa loob lamang ng ilang araw, ang sunud-sunod na kakulangan sa tulog ay nagpahina ng kanilang kakayahang mag-isip, kabilang na ang pagiging alisto at bilis ng pagtugon. Silang lahat dati rati ay may katamtamang tulog na pito hanggang walong oras bawat gabi, subalit hinati sila sa apat na grupo para sa pag-aaral. Ang mga miyembro ng tatlong grupo ay pinatulog nang walong oras, anim na oras, o apat na oras bawat gabi. Hindi naman pinatulog ang isa pang grupo sa loob ng tatlong araw. Ipinakikita ng mga pagsusulit na malaki ang inihina ng mga kakayahan ng mga miyembro ng grupong natulog nang anim at apat na oras, ngunit hindi nabawasan ang kakayahan niyaong mga natulog nang walong oras.