Ang Wakas ng Pagtatangi
Ang Wakas ng Pagtatangi
NAPAPANSIN ba natin na may hilig tayong magtangi? Halimbawa, bumubuo ba tayo ng opinyon hinggil sa katangian ng isang tao batay sa kulay ng kaniyang balat, nasyonalidad, etnikong grupo, o tribo—kahit hindi naman natin kilala ang taong iyon? O napahahalagahan ba natin ang bawat indibiduwal dahil sa kaniyang personal na mga katangian?
Noong panahon ni Jesus, ang mga mamamayan ng Judea at Galilea ay “walang pakikipag-ugnayan sa mga Samaritano” sa pangkalahatan. (Juan 4:9) Walang-alinlangang inihahayag ng isang kasabihang nakaulat sa Talmud ang damdamin ng maraming Judio: “Huwag nawa akong makakita kailanman ng isang Samaritano.”
Maging ang mga apostol ni Jesus ay malamang na may kimkim ding pagtatangi sa paanuman laban sa mga Samaritano. Sa isang pagkakataon, hindi sila tinanggap nang may kabaitan sa isang nayon ng mga Samaritano. Nagtanong sina Santiago at Juan kung magpapababa ba sila ng apoy laban sa mga taong ito na hindi tumugon. Sa pamamagitan ng pagsaway sa kanila, ipinakita ni Jesus na hindi wasto ang kanilang saloobin.—Lucas 9:52-56.
Nang maglaon, inilahad ni Jesus ang talinghaga tungkol sa isang lalaking sinalakay ng mga magnanakaw noong naglalakbay ito mula sa Jerusalem patungong Jerico. Hindi sumaklolo sa lalaking ito ang dalawang relihiyosong Judio na dumaan. Gayunman, isang Samaritano ang huminto at tinalian nito ang mga sugat ng lalaki. Pagkatapos ay inasikaso niya ang mga pangangailangan ng lalaki upang gumaling ito mula sa kaniyang mga pinsala. Pinatunayan ng Samaritano na isa siyang tunay na kapuwa. (Lucas 10:29-37) Ang talinghaga ni Jesus ay malamang na nakatulong sa kaniyang mga tagapakinig na matantong binulag sila ng kanilang pagtatangi upang hindi makita ang mabubuting katangian ng iba. Pagkalipas ng ilang taon, nagbalik si Juan sa Samaria at nangaral sa maraming nayon nito—marahil kalakip na ang nayon na nais niyang mapuksa noon.—Gawa 8:14-17, 25.
Kailangan ding gumawi si apostol Pedro nang walang pagtatangi nang utusan siya ng isang anghel na ipakipag-usap kay Cornelio, isang Romanong senturyon, ang tungkol kay Jesus. Hindi sanay makitungo si Pedro sa mga hindi Judio, at ang karamihan sa mga Judio ay walang pag-ibig sa mga kawal na Romano. (Gawa 10:28) Subalit nang makita ni Pedro ang patnubay ng Diyos sa mga bagay-bagay, sinabi niya: “Tunay ngang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.
Ang Motibo sa Pakikipagpunyagi Laban sa Pagtatangi
Nilalabag ng pagtatangi ang isang napakahalagang simulain na itinuro ni Jesus: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Sino ang magnanais na siya’y hamakin dahil lamang sa kaniyang bayang sinilangan, sa kulay ng kaniyang balat, o sa kaniyang pinagmulan? Ang pagtatangi ay labag din sa mga pamantayan ng Diyos hinggil sa kawalang-pagtatangi. Itinuturo ng Bibliya na “ginawa [ni Jehova] mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa ibabaw ng buong lupa.” (Gawa 17:26) Kung gayon, ang lahat ng mga tao ay magkakapatid.
Karagdagan pa, hinahatulan ng Diyos ang bawat tao bilang mga indibiduwal. Hindi niya hinahatulan ang isang tao salig sa ginawa ng kaniyang mga magulang o mga ninuno. (Ezekiel 18:20; Roma 2:6) Maging ang paniniil ng ibang bansa ay hindi makatuwirang dahilan upang kapootan ang mga indibiduwal mula sa bansang iyon, na malamang ay wala namang personal na pananagutan sa kawalang-katarungan. Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ‘ibigin ang kanilang mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa kanila.’—Mateo 5:44, 45.
Dahil sa gayong mga turo, ang unang-siglong mga Kristiyano ay natulungang daigin ang kanilang pagtatangi at naging isang natatanging internasyonal na kapatiran. Tinawag at itinuring nilang mga kapatid ang isa’t isa, bagaman nagmula sila sa maraming iba’t ibang kultura. (Colosas 3:9-11; Santiago 2:5; 4:11) Ang mga simulaing nagpasigla sa pagbabagong ito ay makapagdudulot ng gayunding mga kapakinabangan sa ngayon.
Pakikipagpunyagi Laban sa Pagtatangi sa Ngayon
Halos lahat tayo ay may patiunang mga opinyon, subalit hindi naman ito laging humahantong sa pagtatangi. “Nagiging pagtatangi lamang ang patiunang mga paghatol kapag hindi binago ng isang tao ang kaniyang opinyon pagkatapos niyang makaalam ng higit pang impormasyon,” ang sabi ng aklat na The Nature of Prejudice. Kadalasan, nadaraig ang pagtatangi kapag nakilala ng mga tao ang isa’t isa. Gayunman, sinabi ng reperensiya ring iyon na “tanging ang ugnayang umaakay sa mga tao na gumawang magkakasama ang malamang na makapagpapabago ng mga saloobin.”
Sa ganitong paraan nadaig ni John, isang taga-Nigeria na lahing Ibo, ang kaniyang pagtatangi laban sa mga lahing Hausa.
“Sa pamantasan,” ang sabi niya, “nakilala ko ang ilang estudyanteng Hausa na naging mga kaibigan ko, at natuklasan kong may maiinam silang simulain. Isang estudyanteng Hausa ang nakasama ko sa paggawa ng panggrupong proyekto, at napakaganda ng samahan namin; samantalang ang dati kong kasamahan na isang Ibo ay hindi gaanong nakipagtulungan sa proyekto.”Isang Kasangkapan Upang Daigin ang Pagtatangi
Ayon sa ulat na UNESCO Against Racism, “ang edukasyon ay maaaring maging isang napakahalagang kasangkapan sa pakikipagpunyagi laban sa bagong mga anyo ng pagtatangi ng lahi, diskriminasyon at pagtatakwil ng lipunan.” Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang edukasyon sa Bibliya ang talagang pinakamahusay na tulong hinggil sa bagay na ito. (Isaias 48:17, 18) Kapag ikinakapit ng mga tao ang turo nito, ang paghihinala ay napapalitan ng paggalang at ang pagkapoot ay pinapawi ng pag-ibig.
Nasumpungan ng mga Saksi ni Jehova na ang Bibliya ay tumutulong sa kanila na madaig ang kanilang pagtatangi. Sa katunayan, ang Bibliya ay nagbibigay sa kanila ng pangganyak at ng pagkakataon upang makibahagi sa mga gawain kasama ng mga tao na may ibang kultura at etnikong pinagmulan. Si Christina, na sinipi sa unang artikulo ng seryeng ito, ay isa sa mga Saksi ni Jehova. “Ang mga pulong namin sa Kingdom Hall ay nagpatibay ng aking pagtitiwala sa sarili,” ang sabi niya. “Panatag ang loob ko roon dahil nadarama kong walang sinumang nagtatangi laban sa akin.”
Natatandaan ni Jasmin, isa ring Saksi, na naging tudlaan siya ng pagtatangi ng lahi noong siyam na taóng gulang pa lamang siya. Ang sabi niya: “Huwebes ang itinuturing kong pinakakasiya-siyang araw sa buong sanlinggo dahil dumadalo ako sa Kingdom Hall tuwing gabi nang araw na iyon. Ipinakikita ng mga tao roon na mahal nila ako. Ipinadarama nilang napakahalaga ko at hindi walang kabuluhan.”
Ang mga taong may iba’t ibang pinagmulan ay magkakasama ring gumagawa sa boluntaryong mga proyekto na itinataguyod ng mga Saksi ni Jehova. Isinilang sa Britanya si Simon, bagaman nagmula sa Caribbean ang kaniyang pamilya. Napaharap siya sa labis na pagtatangi samantalang nagtatrabaho bilang tagapaglatag ng ladrilyo sa isang sekular na kompanya sa konstruksiyon. Subalit hindi niya ito naranasan noong mga taon na naglingkod siya bilang boluntaryo sa mga proyekto kasama ng kaniyang mga kapananampalataya. “Nakasama ko sa trabaho ang kapuwa ko mga Saksi na nagmula sa iba’t ibang lupain,” ang sabi ni Simon, “subalit natutuhan naming makisamang mabuti sa isa’t isa. Ang ilan sa naging pinakamatatalik kong kaibigan ay nagbuhat sa ibang mga bansa at may naiibang pinagmulan.”
Sabihin pa, ang mga Saksi ni Jehova ay mga taong hindi sakdal. Kaya, marahil ay kailangang patuloy nilang labanan ang hilig na magtangi. Subalit lubos silang nagaganyak na gawin ito yamang alam nilang ang Diyos ay hindi nagtatangi.—Efeso 5:1, 2.
Maraming gantimpala ang matatamo kung lalabanan ang pagtatangi. Napayayaman ang ating buhay samantalang nakikihalubilo tayo sa mga tao na may ibang pinagmulan. Karagdagan pa, sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian, malapit nang itatag ng Diyos ang isang lipunan ng tao na tatahanan ng katuwiran. (2 Pedro 3:13) Sa panahong iyon, ang pagtatangi ay madaraig na magpakailanman.
[Kahon sa pahina 11]
Nagkikimkim ba Ako ng Pagtatangi?
Itanong sa iyong sarili ang sumusunod na mga tanong upang masuri mo kung nagkikimkim ka ng pagtatangi nang hindi mo namamalayan:
1. Ipinapalagay ko ba na ang mga tao mula sa isang partikular na etnikong pinagmulan, rehiyon, o bansa ay may di-kanais-nais na mga katangian, gaya ng kahangalan, katamaran, o pagiging kuripot? (Hindi napapawi ang uring ito ng pagtatangi dahil sa maraming biro na nauugnay rito.)
2. May tendensiya ba akong sisihin ang mga dayuhan o ang mga tao mula sa ibang etnikong grupo dahil sa aking mga suliranin sa kabuhayan o sa lipunan?
3. Hinahayaan ko bang ang nakalipas na alitan sa pagitan ng aking tinubuang-bayan at ng ibang bansa ay magpadama sa akin ng matinding poot sa mga mamamayan ng bansang iyon?
4. Kaya ko bang ituring ang bawat taong nakikilala ko bilang indibiduwal—anuman ang kulay ng balat, kultura, o etnikong pinagmulan niya?
5. Nalulugod ba akong makipagkilala sa mga taong hindi ko kapareho ng kultura? Sinisikap ko bang gawin ito?
[Larawan sa pahina 8]
Sa kaniyang talinghaga tungkol sa mabuting Samaritano, itinuro ni Jesus sa atin kung paano daraigin ang pagtatangi
[Larawan sa pahina 8]
Sa tahanan ni Cornelio, sinabi ni Pedro: “Tunay ngang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi”
[Larawan sa pahina 9]
Pinagkakaisa ng turo ng Bibliya ang mga tao na may iba’t ibang pinagmulan
[Larawan sa pahina 9]
Isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang natututuhan
[Larawan sa pahina 10]
Christina—“Ang mga pulong . . . sa Kingdom Hall ay nagpatibay ng aking pagtitiwala sa sarili”
[Larawan sa pahina 10]
Jasmin—“Ipinakikita ng mga tao . . . na mahal nila ako. Ipinadarama nilang napakahalaga ko at hindi walang kabuluhan”
[Mga larawan sa pahina 10]
Si Simon, isang boluntaryo sa konstruksiyon—“Natutuhan naming makisamang mabuti sa isa’t isa”