Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kabataan na Nagsasalita Para sa Kanilang Pananampalataya

Mga Kabataan na Nagsasalita Para sa Kanilang Pananampalataya

Mga Kabataan na Nagsasalita Para sa Kanilang Pananampalataya

MARAMING kabataan sa mga Saksi ni Jehova. Iniibig nila ang Diyos at nagsisikap mamuhay ayon sa kaniyang mga pamantayang nakasaad sa Bibliya. Ipinagmamalaki ng mga kabataang ito ang kanilang pananampalataya, at malaya nila itong ipinakikipag-usap sa iba sa paaralan. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.

▪ Noong nasa ikaanim na baitang siya, si Holly at ang kaniyang mga kaklase ay binigyan ng takdang-aralin na sumulat ng isang sanaysay sa tanong na “Paano mo lulutasin ang suliranin sa terorismo nang hindi gumagamit ng karahasan?” Sinamantala ni Holly ang pagkakataong ito upang isulat ang tungkol sa kaniyang pag-asa sa hinaharap na salig sa Bibliya. Ipinaliwanag niya na sa buong kasaysayan “ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Pagkatapos ay itinuon niya ang pansin sa tanging tunay na pag-asa ng sangkatauhan​—ang Kaharian ng Diyos. “Yamang si Jesus ang hinirang na Hari ng Kahariang iyon,” ang sulat niya, “ang lahat ng mga suliranin, kabilang na ang terorismo, ay mawawala na.” Ipinaliwanag pa ni Holly kung paano gagawin ni Jesus ang isang bagay na hindi magagawa ng sinumang taong tagapamahala. “Noong nasa lupa siya,” ang sulat niya, “ipinakita ni Jesus kung magiging anong uri ng tagapamahala siya. Maibigin siya, at nagmamalasakit sa mga tao. Itinanghal niya ang kaniyang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpapagaling ng mga sakit at pagbuhay-muli sa mga patay. Walang pamahalaan ng tao ang muling makabubuhay sa mga namatay. Subalit gagawin ito ng Kaharian ng Diyos.” Tinapos ni Holly ang kaniyang sanaysay sa pangungusap na “Ang solusyon ay sa Diyos, hindi sa tao.”

Sa dulo ng report, isinulat ng kaniyang guro: “Wow! Mapuwersa ang pagkakasulat, Holly. At pinag-isipang mabuti.” Napahanga rin ang guro sa mga reperensiyang ginamit ni Holly mula sa Kasulatan. Nagbigay ito ng pagkakataon kay Holly para kausapin ang kaniyang guro hinggil sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, isang lingguhang programa sa pagsasalita at pagtuturo na idinaraos ng mga Saksi ni Jehova. Malugod na tinanggap ng kaniyang guro ang isang kopya ng aklat-araling ginagamit sa Paaralan Ukol sa Ministeryo.

▪ Natatalakay rin ni Jessica ang kaniyang pananampalataya kapag sumusulat siya ng mga sanaysay sa paaralan. “Nakasulat na ako ng tatlong sanaysay tungkol sa aking pananampalataya,” ang sabi niya. “Ang isa ay hinggil sa mga Saksi ni Jehova at mga karapatang panrelihiyon. Idinispley iyon ng guro sa aklatan para sa mga nagnanais bumasa nito. Sumulat ako ng sanaysay nitong kamakailan tungkol sa aking bautismo at kung gaano kahalaga para sa akin ang araw na iyon. Pinagpasa-pasahan ng mga estudyante ang mga balangkas ng kanilang mga sanaysay, kaya nagkaroon ng pagkakataon ang aking mga kaklase na basahin yaong sa akin. Isang kaklase kong babae ang nagsabi: ‘Mahusay. Nakatutulong malaman ang mga tungkuling kaakibat ng pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova. Binabati kita sa iyong bautismo!’ Isa pang kaklase ang nagsabi: ‘Humanga ako sa kuwento mo! Natutuwa ako dahil napakatibay ng iyong pananampalataya!’ Ganito naman ang isinulat ng isang kaklaseng lalaki: ‘Matino kang tao. Tanggapin mo ang aking pagbati.’ ”

▪ Noong 11 taóng gulang si Melissa, nagkaroon siya ng pantanging pagkakataon na magsalita tungkol sa kaniyang pananampalataya. “Dumating sa klase namin sa siyensiya ang nars ng paaralan upang talakayin ang sistema ng imyunidad. Bumangon ang paksang pagsasalin ng dugo. Pagkatapos ng klase, binanggit ko sa aking guro sa siyensiya ang isa sa ating mga video hinggil sa dugo. Dinala ko iyon sa paaralan kinabukasan, at iniuwi iyon ng aking guro at pinanood kasama ng kaniyang pamilya. Dinala niya ang video sa paaralan kinabukasan at ipinalabas sa dalawang klase, kasama na yaong sa amin. Pagkatapos nito ay nagbigay siya ng magagandang komento hinggil sa mga Saksi ni Jehova, anupat sinasabi sa klase na kung hindi dahil sa mga Saksi, hindi magiging madaling makakuha ng mga alternatibo sa pagsasalin ng dugo. Nang ibalik niya sa akin ang video, itinanong niya, ‘Paano ako makakakuha ng kopya nito para sa aklatan ng paaralan?’ Binigyan ko siya ng kopya. Tuwang-tuwa siya, at ako rin naman!”

Sina Holly, Jessica, at Melissa ay kabilang sa maraming kabataang Saksi ni Jehova na sumusunod sa payo ng Bibliya na alalahanin ang kanilang Maylalang. (Eclesiastes 12:1) Ginagawa mo rin ba iyan? Kung oo, makatitiyak ka na napasasaya mo ang puso ni Jehova.​—Kawikaan 27:11; Hebreo 6:10.

Kapag ipinakikipag-usap ninyong mga kabataan ang tungkol sa inyong pananampalataya sa mga kaeskuwela at guro ninyo, nagbibigay ito ng mabisang patotoo hinggil sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga layunin. Pinatitibay rin nito ang inyong pananampalataya, at ipinadarama nito sa inyo ang karangalan ng pagiging isa sa mga lingkod ng Diyos. (Jeremias 9:24) Nagsisilbi ring proteksiyon ang pagpapatotoo sa paaralan. Ganito ang pagkakalarawan ni Jessica: “Ang isang pakinabang ng pagsasalita tungkol sa aking pananampalataya ay ang hindi pagtatangka ng mga estudyante na gipitin akong gumawa ng mga bagay na hindi kasuwato ng sinasabi ng Bibliya.”

[Mga larawan sa pahina 12]

Holly

[Mga larawan sa pahina 12, 13]

Jessica

[Mga larawan sa pahina 13]

Melissa