Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Pagdidiborsiyo ba ang Solusyon?

Pagdidiborsiyo ba ang Solusyon?

MALUGOD na tinanggap ng isang ministro sa Britanya ang mga naroroon upang ipagdiwang ang isang sagradong ritwal sa pagbabago ng katayuan sa buhay. Nakatayo sa harap niya ang lalaki’t babae, kasama ang isang pangkat ng matatalik na kaibigan at mga anak. Maligayang kasalan ba ito? Hindi! Ang seremonyang ito ay pagkilala sa pagtatapos ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Oo, naging lubhang pangkaraniwan na lamang ang pagdidiborsiyo anupat ang ilang simbahan ay nagkaroon ng mga seremonya para sa pagdidiborsiyo!

Binabalak mo bang makipagdiborsiyo? Kung gayon, ang pagwawakas ba sa iyong pag-aasawa ay talagang aakay sa isang mas maligayang buhay? May praktikal bang mga hakbang na maaari mong gawin upang maging maligaya sa piling ng iyong kabiyak?

“Sila ay Magiging Isang Laman”

Nang ikasal ang unang mag-asawa, binanggit ng Diyos na ang lalaki ay “pipisan . . . sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.” (Genesis 2:24) Kaya nga, ang pag-aasawa ay magiging permanenteng buklod. Iyan ang dahilan kung bakit sinabi ni Jesus nang maglaon na ang “saligan ng pakikiapid” ang tanging dahilan para sa maka-Kasulatang diborsiyo na magpapahintulot sa isa na makapag-asawang muli.​—Mateo 19:3-9. *

Idiniriin nito ang pangangailangang maging tapat sa pag-aasawa. Subalit kumusta naman kung ang mga problema sa iyong pag-aasawa ay napakaseryoso?

Diborsiyo ba ang Matalinong Landasin?

Ibinigay ni Jesus ang isang simulain na sa pamamagitan nito ay masusuri natin ang ating mga kilos nang sabihin niya: “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito.” (Mateo 11:19) Ano ang ipinakikita ng mga resulta ng maraming mabababaw na dahilan ng pagdidiborsiyo sa ngayon?

“Labis-labis ang binabanggit na mga kapakinabangan ng diborsiyo,” ang sabi ng propesor sa sosyolohiya sa Universtiy of Chicago na si Linda Waite, na nanguna sa isang pangkat ng mga iskolar sa pag-aaral sa bigong pag-aasawa. Gayundin, pagkatapos gumugol ng 11 taon sa pagsusuri sa mga tugon ng libu-libong tao, nasumpungan ni Propesor Michael Argyle ng Oxford University na “ang pinakamalulungkot sa lipunan ay ang mga diborsiyado o hiwalay sa asawa.” Bakit gayon?

Bagaman inaalis ng diborsiyo ang ilang problema, maaari rin itong pagmulan ng sunud-sunod na traumatikong pangyayari na hindi mo makokontrol. Oo, ipinakikita ng pananaliksik na karaniwang hindi binabawasan ng diborsiyo ang mga sintomas ng depresyon ni itinataas man nito ang respeto sa sarili ng isa.

Kahit na hindi “perpekto ang pag-aasawa” mo, ang pananatili sa piling ng iyong kabiyak ay maaaring magdulot ng mga kapakinabangan. Nakasumpong ng kaligayahan ang marami na determinadong gawin iyon. Ganito ang sabi ni Propesor Waite: “Maraming problema ang nalulutas sa paglipas ng panahon, at nagiging mas maligaya ang mga taong may-asawa.” Sa katunayan, ipinakikita ng isang pag-aaral na halos 8 sa 10 na “lubhang di-maligaya” sa kanilang pag-aasawa subalit umiwas sa pagdidiborsiyo ang naging “maligaya sa pag-aasawa” pagkalipas ng limang taon. Kung gayon, kahit na may malulubhang problema, makabubuting huwag magpadalus-dalos sa pagdidiborsiyo ang mag-asawa.

Praktikal na mga Hakbang

Dapat tanungin ng mga nagbabalak magdiborsiyo ang kanilang sarili kung makatotohanan ang kanilang mga inaasahan may kinalaman sa pag-aasawa. Itinataguyod ng media ang larawan ng romantikong kaugnayan na nauuwi sa engrandeng kasalan at sa maligayang pagsasama habambuhay. Pagkatapos ng kasal, kapag hindi natupad ang malaking inaasahan, ang pagkasiphayo na bunga nito ay maaaring magpalaki ng hidwaan. Habang tumitindi ang tensiyon, bumabangon ang situwasyon kung saan nangingibabaw ang nasaktang damdamin. Nagmamaliw ang pag-ibig at, sa kalaunan, nahahalinhan ito ng galit at poot. Sa ilalim ng gayong mga kalagayan, inaakala ng marami na diborsiyo ang tanging solusyon.​—Kawikaan 13:12.

Sa halip na hayaang makaapekto sa iyong pangmalas ang negatibong mga damdamin, makihalubilo sa mga matapat sa kanilang pag-aasawa. Ang mga Kristiyano ay hinihimok na “patuloy [na] aliwin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa.” (1 Tesalonica 5:11) Tiyak, kailangan ng mga may magulong pag-aasawa ang pampatibay-loob mula sa kapuwa mananampalataya.

Ang Kahalagahan ng Makadiyos na mga Katangian

“Damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis,” ang payo ni apostol Pablo. (Colosas 3:12) Maiingatan ng makadiyos na mga katangian ang pagkakaisa ng mag-asawa sa maliligalig na panahon.

Halimbawa, sumulat si Pablo: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.” (Colosas 3:13) Ganito ang sabi ng sikologo sa University of Michigan na si Christopher Peterson: “Ang pagpapatawad ay isang katangian na lubhang nauugnay sa kaligayahan.”

Ang kabaitan, pagkamagiliw, at pagpapatawad ay umaakay sa pag-ibig, na “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Colosas 3:14) Walang alinlangan, kayo ay maligayang nag-iibigan noon. Maibabalik ba ninyo ang pag-ibig na dati ninyong nadama? Gaano man kahirap ang inyong mga kalagayan, magpakalakas-loob. May pag-asa pa. Oo, ang pananatiling magkasama at pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya ay magbubunga ng mas malaking kaligayahan kaysa sa iyong maguguniguni. Tiyak, ang iyong mga pagsisikap sa bagay na ito ay magpapasaya sa Diyos na Jehova, ang Maylalang ng pag-aasawa.​—Kawikaan 15:20.

[Talababa]

^ par. 6 Iginagalang ng kongregasyong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova ang karapatang magpasiya ng pinagkasalahang kabiyak kung didiborsiyuhin niya o hindi ang isang nangalunyang kabiyak. Tingnan ang Gumising! ng Abril 22, 1999, pahina 5-9.