Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Ano Bang Masama sa Binge Drinking?

Ano Bang Masama sa Binge Drinking?

“Bagaman ilang oras na kaming umiinom, ala 1:00 n.u. nang umalis kami ng aking kaibigan sa parti na dala ang aming bote ng ‘whiskey.’ Naglakad kami pauwi ng bahay​—na umiinom habang naglalakad. Ang huling natatandaan ko ay na sumisikat na ang araw, at natanto kong maling daan pala ang nilalakaran namin. Ang totoo, naglalakad na pala kami sa isang pangunahing haywey. Himala nga na hindi kami nasagasaan.”​—Clay. *

BINGE DRINKING. Binibigyang-katuturan ito ng ilan bilang pag-inom lamang upang malasing. Ang ulat ng U.S. National Institute on Alcohol Abuse and Alcoholism ay mas espesipiko. Sinabi nito na ang binge drinking ay “pangkaraniwan nang binibigyang-katuturan bilang pag-inom ng lima o higit pang magkakasunod na tagay ng inuming de-alkohol para sa mga lalaki, at apat o higit pang magkakasunod na tagay ng inuming de-alkohol para sa mga babae.”

Ang binge drinking ay tinawag ng mga opisyal sa kalusugan sa Estados Unidos na “isang pangunahing problema sa kalusugan ng publiko.” Ayon sa isang pag-aaral sa mga kabataang nasa paaralang sekundarya sa Inglatera, Scotland, at Wales, “hanggang sa sangkapat ng mga kabataang nasa edad na 13 at 14 ang nagsabing nakainom sila ng di-kukulangin sa limang tagay ng inuming de-alkohol sa iisang sesyon.” Halos kalahati naman sa lahat ng sinurbey na nasa edad na 15 at 16 ang nagsabing ginawa rin nila ang gayon.

Sa isang pag-aaral sa Estados Unidos, 2 sa 5 estudyante sa kolehiyo ang nakibahagi sa binge drinking nang di-kukulangin sa isang beses dalawang linggo bago ang surbey. Ayon sa Kagawaran ng Kalusugan ng Estados Unidos, “mga 10.4 milyong kabataan sa mga edad na 12 hanggang 20 ang napaulat na umiinom ng alkohol. Sa mga iyon, 5.1 milyon ang mga binge drinker at kabilang ang 2.3 milyong malalakas uminom na nakikibahagi sa binge drinking nang di-kukulangin sa limang beses sa isang buwan.” Isiniwalat ng isang pag-aaral na ginawa sa Australia na sa bansang iyon, mas maraming kabataang babae kaysa sa mga kabataang lalaki ang nakikibahagi sa binge drinking na umuubos ng mula 13 hanggang 30 tagay ng inuming de-alkohol bawat sesyon!

Nangyayari ang marami sa inumang ito dahil sa paghimok ng ibang mga kabataan. Ganito ang ulat ng mananaliksik na si Carol Falkowski: “Lumalago ang bago at mapupusok na laro sa pag-inom: mga panggrupong gawain na may tunguhing uminom ng alkohol hanggang sa malasing. Bilang halimbawa, ang ilang laro ay humihiling sa lahat ng manlalaro na tumagay ng inuming de-alkohol sa isang espesipikong sandali ng isang palabas sa TV o ng kuwentuhan ng grupo.”

Binge Drinking​Ang mga Panganib

Bagaman ang malakas na pag-inom ay maaaring ituring ng ilan na isang laro, isa itong napakapanganib na laro! Ang labis-labis na dami ng alkohol ay nagkakait ng oksiheno sa utak; ang mahahalagang gawain ng katawan ay maaaring magsimulang huminto. Maaaring kabilang sa mga sintomas ang pagsusuka, pagkawala ng malay, at mabagal o iregular na paghinga. Sa ilang kaso, maaaring kamatayan ang resulta. Halos isang buwan pagkagradweyt ng haiskul, pumunta ang 17-taóng-gulang na si Kim sa isang parti kung saan makaiinom ang isa hangga’t gusto niya. Naubos ni Kim ang 17 tagay ng inuming de-alkohol bago siya nawalan ng malay. Pagkatapos nito, dumating ang kaniyang ate at iniuwi si Kim sa bahay. Kinaumagahan, si Kim ay nasumpungang patay ng kaniyang ina.

Ang labis na pag-inom ay maaaring bihira namang maging tuwirang sanhi ng kamatayan, ngunit isa pa rin itong banta sa kalusugan. “Ang alkohol ay maaaring magdulot ng malubhang pinsala sa alinmang sangkap ng iyong katawan,” ang sabi ng eksperto sa mental na kalusugan na si Jerome Levin. “Ang karaniwang napipinsala ng pag-abuso sa alkohol ay ang sistema ng nerbiyo, ang atay, at ang puso.” Ganito ang sabi ng isang artikulo sa magasing Discover: “Ipinahihiwatig ng bagong pananaliksik na isinasapanganib ng mga batang manginginom ang kanilang sarili. Yamang sumusulong pa nang husto ang kanilang mga utak hanggang sa edad na dalawampu pataas, maaaring sinisira ng mga tin-edyer na umiinom nang labis-labis ang mahahalagang antas ng mental na kakayahan.” May kaugnayan din ang palagiang pag-inom ng inuming de-alkohol sa pagdami ng tagihawat, maagang pangungulubot ng balat, pagtaba, pinsala sa panloob na sangkap ng katawan, pagkasugapa sa alkohol, at pagkasugapa sa droga.

May iba pang mga panganib na nauugnay sa labis na pag-inom. Kung ikaw ay malasing, maaaring maging madali para sa iba na abusuhin ka. Maaari kang maging biktima ng pisikal na pananalakay o ng panggagahasa pa nga. Karagdagan pa, malamang na maging panganib ka rin sa iba, anupat gumagawi nang walang kontrol, na kung hindi ka lasing ay hindi mo naman pag-iisipang gawin. Kaya nagbababala ang Bibliya na kung iinom ka nang labis, “ang iyong mga mata ay makakakita ng mga bagay na kakatwa, at ang iyong puso ay magsasalita ng tiwaling mga bagay.” (Kawikaan 23:33) Maaaring kalakip sa nakapipighating mga resulta ang nasirang mga pagkakaibigan, pagiging mapurol sa pag-aaral at hindi makapagtrabaho nang mabuti, kriminal na rekord, at karalitaan. *​—Kawikaan 23:21.

Ang Panggigipit na Uminom

Sa kabila ng gayong mga panganib, ang inuming de-alkohol sa maraming lupain ay lubhang itinataguyod at madaling nakukuha. Sa katunayan, pinagtitinging kaakit-akit ng mga anunsiyo sa TV at magasin ang pag-inom ng inuming de-alkohol. Gayunman, mas madalas na nahihikayat ang mga kabataan sa binge drinking dahil sa panggigipit ng kasamahan.

Sa isang surbey na ginawa sa Australia hinggil sa kabatiran sa pag-inom ng inuming de-alkohol, 36 na porsiyento ng mga kabataang tinanong ang nagsabing uminom sila pangunahin na “upang makipagsosyalan.” Sa magulong kapaligiran ng isang parti na tampok ang pag-inom ng serbesa, ang isang dating mahiyaing tao ang nagpapasaya sa parti habang inuudyukan siya ng kaniyang mga kasamahan na uminom nang uminom. Iniuwing walang malay-tao ang kabataang si Katie matapos niyang gawin ang gayon. Pinainom siya ng kaniyang “kaibigan,” na sinasabi: “Sige na, Katie, malaki ka na. Dapat marunong ka nang tumungga.”

Ang pagnanais na makipagkatuwaan at makisama sa iba ay napakatindi anupat sa kabila ng nakakukumbinsing ebidensiya na ang binge drinking ay mapanganib, patuloy pa rin itong nagiging popular.

Anong Pasiya ang Pipiliin Mo?

Bumabangon ang mga tanong: Anong mga pasiya ang pipiliin mo may kinalaman sa pag-inom? Basta ka na lamang ba susunod sa iyong mga kasamahan? Tandaan ang sinasabi ng Bibliya sa Roma 6:16: “Hindi ba ninyo alam na kung patuloy ninyong inihaharap sa kaninuman ang inyong sarili bilang mga alipin upang sundin siya, kayo ay mga alipin niya sapagkat sinusunod ninyo siya?” Kung hahayaan mong kontrolin ng iyong mga kasamahan ang bawat galaw mo, nagiging hamak na alipin ka nila. Hinihimok ka ng Bibliya na gumawa ng sariling pasiya. (Kawikaan 1:4) Naglalaman ito ng payo na makatutulong sa iyo na maiwasan ang paggawa ng malulubhang pagkakamali. Isaalang-alang mo ang sinasabi nito tungkol sa inuming de-alkohol.

Ang totoo, hindi hinahatulan ng Bibliya ang pag-inom ng inuming de-alkohol, ni ito man ay laban sa mga kabataang nagkakasayahan. Gayunman, nagbababala ito laban sa labis na pag-inom. “Ang alak ay manunuya, ang nakalalangong inumin ay magulo, at ang sinumang naliligaw dahil dito ay hindi marunong,” ang sabi ng Kawikaan 20:1. Oo, nagagawa ng inuming de-alkohol na pakilusin ang isang tao sa katawa-tawa at magulong paraan! Totoo naman na maaaring pansamantala itong makapagbigay sa iyo ng kasiyahan, ngunit kung ikaw ay magpapakalabis, “kumakagat itong tulad ng serpiyente,” na nagdudulot sa iyo ng maraming pisikal at emosyonal na pinsala.​—Kawikaan 23:32.

Ang isa pang bagay na dapat isaalang-alang ay na sa maraming bansa, may legal na edad para sa mga umiinom ng inuming de-alkohol. Sinusunod ng mga Kristiyano ang gayong mga batas. (Tito 3:1) Ang mga ito ay para sa iyong proteksiyon.

Bilang panghuli, at pinakamahalaga, isaalang-alang ang maidudulot na espirituwal na pinsala ng labis na pag-inom. Nais ng Diyos na Jehova na paglingkuran mo siya nang “iyong buong pag-iisip”​—hindi ng isip na lubhang napinsala dahil sa pagpapakalabis sa alkohol! (Mateo 22:37) Hinahatulan ng Salita ng Diyos hindi lamang ang mga “pagpapakalabis sa alak” kundi maging ang mga “paligsahan sa pag-inom.” (1 Pedro 4:3) Kung gayon, ang pakikibahagi sa binge drinking ay salungat sa kalooban ng ating Maylalang. Makahahadlang ang gayong kalabisan sa pagtatamasa ng isa ng malapít na kaugnayan sa Diyos.

Ano ang dapat mong gawin kung nadadala ka na sa silo ng binge drinking? Humingi agad ng tulong sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa isang magulang o isang may-gulang na Kristiyano. * Lumapit sa Diyos na Jehova sa panalangin at magsumamo para sa kaniyang tulong. Tutal, siya ay “isang tulong na kaagad na masusumpungan sa panahon ng mga kabagabagan.” (Awit 46:1) Yamang ang binge drinking at ang pag-inom nang napakabata pa ay kadalasang nangyayari dahil sa panggigipit ng kasamahan, maaaring kailanganin mong gumawa ng malalaking pagbabago sa pagpili mo ng mga kaibigan at libangan. Ang paggawa ng gayong mga pagbabago ay hindi magiging madali, subalit sa tulong ni Jehova, magtatagumpay ka.

[Mga talababa]

^ par. 3 Binago ang ilang pangalan.

^ par. 11 Ayon sa isang pag-aaral sa Estados Unidos, “ang mga binge drinker na malimit uminom ay walong ulit na mas malamang na lumiban sa klase, di-makaalinsabay sa mga gawain sa paaralan, masaktan o masugatan, at maminsala ng ari-arian kaysa sa mga hindi binge drinker.”

^ par. 21 Sa ilang kaso, maaaring kailanganin ang tulong ng isang sinanay na propesyonal sa medisina.

[Kahon/Larawan sa pahina 15]

Binge Drinking​—Kalunus-lunos na mga Estadistika

Isinisiwalat ng sumusunod na estadistika ang malungkot na mga bunga ng binge drinking sa mga estudyante sa kolehiyo sa Estados Unidos:

Kamatayan: Taun-taon, 1,400 estudyante sa kolehiyo na edad 18 hanggang 24 ang namamatay dahil sa di-sinasadyang mga pinsalang nauugnay sa inuming de-alkohol, kasama na ang mga aksidente sa sasakyan

Pinsala: 500,000 estudyante na edad 18 hanggang 24 ang di-sinasadyang napinsala samantalang nasa ilalim ng impluwensiya ng inuming de-alkohol

Pagsalakay: Mahigit na 600,000 estudyante na edad 18 hanggang 24 ang sinalakay ng isa pang estudyante na nakainom

Seksuwal na Pang-aabuso: Mahigit na 70,000 estudyante na edad 18 hanggang 24 ang mga biktima ng seksuwal na pagsalakay o date rape dahil sa kalasingan

[Credit Line]

Pinagmulan: The U.S. National Institute on Alcohol Abuse and Alcoholism

[Larawan sa pahina 13]

Maaari kang udyukan ng iyong mga kasamahan na makibahagi sa “binge drinking”