Ano ba ang Vitiligo?
Ano ba ang Vitiligo?
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Timog Aprika
▪ Kung minsan, pabirong tinutukoy ni Sibongile ang kalagayan ng kaniyang balat. Ganito ang sinasabi niya habang nakangiti, “Isinilang akong maitim, naging maputi, at ngayon ay hindi ko na alam kung ano ang kulay ko.” Mayroon siyang vitiligo.
Ang vitiligo, na tinatawag ding leukoderma, ay resulta ng pagkamatay ng mga selulang nagbibigay-kulay sa balat. Bunga nito, lumilitaw ang puting mga batik at mga patse sa balat. Sa ilang pasyente, iisang patse lamang ang lumilitaw at hindi na nadaragdagan pa. Subalit sa ibang pasyente, mabilis itong kumakalat sa katawan. Ang iba naman ay baka magkaroon ng uri ng vitiligo na patuloy na kumakalat nang unti-unti sa paglipas ng maraming taon. Ang vitiligo ay hindi makirot ni nakahahawa man.
Hindi lahat ng kaso ng vitiligo ay halatang-halata na gaya ng kay Sibongile dahil mas halata ito sa mga taong maitim. Ngunit maraming tao ang may iba’t ibang antas ng vitiligo. Ipinakikita ng estadistika na nasa pagitan ng 1 hanggang 2 porsiyento ng populasyon ang mayroon nito. Maaaring magkaroon ng vitiligo ang anumang lahi at nakaaapekto ito kapuwa sa lalaki at babae. Hindi pa alam ang sanhi nito.
Bagaman wala pang tiyak na lunas para sa vitiligo, maraming paraan upang harapin ang problemang dulot nito. Halimbawa, sa mga pasyenteng maputi, mas mahahalata ang vitiligo kapag nasunog sa araw ang di-naapektuhang balat. Kaya naman, hindi gaanong mahahalata ang vitiligo kung iiwasan ang pagbibilad sa araw. Sa mga taong maitim, makatutulong ang pantanging mga kosmetik upang ikubli ang di-pantay na kulay ng balat. Maganda ang reaksiyon ng ilang pasyente sa isang proseso na tinatawag na repigmentation (ibinabalik ang normal na kulay). Nasasangkot sa paggamot na ito ang maraming buwan na paggamit ng gamot at ng pantanging mga kagamitang naglalabas ng ultraviolet. Sa ilang kaso, naibalik ng paggamot na ito ang normal na kulay sa ibang bahagi ng apektadong balat. Pinipili naman ng ibang pasyente ang depigmentation (binabago ang normal na kulay). Tunguhin ng paggamot na ito na pantayin ang kulay ng balat sa pamamagitan ng gamot na pumapatay sa natitirang mga selulang nagbibigay-kulay.
Maaaring mabagabag ang emosyon ng isa na may vitiligo, lalo na kapag kumalat ito sa mukha. “Kamakailan,” ang paliwanag ni Sibongile, “dalawang bata ang napatingin sa akin at nagtatakbong papalayo habang sumisigaw. Nag-aatubiling makipag-usap sa akin ang iba, anupat nag-iisip na baka may nakahahawa akong sakit o isinumpa ako. Kung may isang bagay na maipauunawa ko sa iba, ito ay ang bagay na hindi sila kailangang matakot sa mga taong may ganitong kalagayan. Hindi sila mahahawahan ng vitiligo sa pamamagitan ng paghipo o sa pamamagitan ng hangin.”
Hindi hinahayaan ni Sibongile na mahadlangan siya ng kaniyang kalagayan sa gawaing pagtuturo ng Bibliya na lubhang kinagigiliwan niya bilang isang Saksi ni Jehova. Kinakailangan dito ang pagdalaw sa mga tao sa kanilang mga tahanan at pakikipag-usap sa kanila nang harapan. Ang sabi niya: “Tanggap ko na ang aking hitsura. Mas palagay na ako sa kalagayan ko ngayon, at inaasam-asam ko ang panahon kapag ang kulay ko nang ako’y isilang ay lubusan nang maisasauli sa akin sa Paraiso sa lupa na ipinangako ng Diyos na Jehova.—Apocalipsis 21:3-5.
[Larawan sa pahina 22]
Noong 1967, bago ako magkaroon ng “vitiligo”