Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kindergarten na Walang Laruan

Kindergarten na Walang Laruan

Kindergarten na Walang Laruan

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ALEMANYA

Isang umaga, nang pumasok ang mga bata sa kindergarten, nasumpungan nila na maliban sa mga muwebles, ang lahat ng silid ay walang laman. Naghanap sila ng mga manika, laro, o mga stuffed toy na hayop, pero wala silang nakita. Walang mga aklat o kahit mga building block. Kahit nga papel at gunting ay wala. Inalis ang lahat ng laruan at hindi ibabalik ang mga iyon sa loob ng tatlong buwan. Ano ang nangyari?

Ang kindergarten na ito ay kabilang sa dumarami pang iba sa Austria, Alemanya, at Switzerland na nakikibahagi sa isang kapansin-pansin at makabagong proyekto na tinawag na Kindergarten na Walang Laruan. Bagaman parang kakatwa, ang proyektong ito, na lubhang pinapurihan ng mga eksperto sa kalusugan ng European Union, ay naglalayong hadlangan ang pagkasugapa. Sa nakalipas na mga taon, natanto ng mga mananaliksik na mas mababa ang tsansang masadlak ang mga tao sa anumang uri ng pagkasugapa kung malilinang nila ang mga kasanayan sa pakikihalubilo sa iba sa maagang bahagi ng buhay. Kabilang dito, ang sabi ng ulat ng isang pahayagan, “ang mga kasanayan sa pakikipagtalastasan at ang kakayahang madaling makipag-ugnayan sa iba, lumutas ng mga pagkakasalungatan, panagutan ang kilos ng isa, magtakda ng mga tunguhin para sa sarili, kumilala ng mga problema, humingi ng tulong, at humanap ng solusyon.” Ayon sa mga tagapagtaguyod ng programang ito, dapat malinang ang gayong mga kasanayan nang maaga hangga’t maaari, at tumutulong ang mga panahong walang laruan upang magawa ang bagay na iyan, anupat itinataguyod ang pagkamalikhain at kumpiyansa sa sarili.

Ang tatlong-buwang yugto na walang laruan ay maingat na isinaplano at tinalakay kasama ng mga magulang at mga bata. Sa simula, hindi mapakali ang ilang bata nang walang laruan. “May mga kindergarten na kung saan ang mga bata ay naging magulo sa unang apat na linggo,” at hindi alam ng mga nagplano kung paano haharapin ang situwasyon, ang sabi ng ulat. Subalit natutong makibagay at natutong maging malikhain ang mga bata. Palibhasa’y walang mapaglaruan, ang mga bata ay nag-usap, nagplano, at mas naglarong magkakasama, anupat pinasusulong ang kanilang mga kasanayan sa pakikihalubilo sa iba at mga kasanayan sa wika. Ang ilan na dating naglalaro lamang ng kanilang mga laruan sa halip na makipag-usap sa ibang mga bata ay nakikipagkaibigan na ngayon. Napansin din ng mga magulang ang positibong mga pagbabago. Naging mas maganda ang paggawi ng mga bata kapag naglalaro at naging mas malikhain sila kaysa dati, ang sabi nila.