Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maraming Ipinanganganak sa Tulong ng Laboratoryo

Maraming Ipinanganganak sa Tulong ng Laboratoryo

Maraming Ipinanganganak sa Tulong ng Laboratoryo

Noong Hulyo 25, 1978, naganap sa Oldham, Inglatera, ang isang pambihirang kapanganakan nang isilang ang isang sanggol na babaing nagngangalang Louise Joy Brown. Si Louise ang kauna-unahang test-tube baby sa kasaysayan.

SIYAM na buwan bago nito, si Louise ay ipinaglihi sa loob ng isang laboratoryo sa pamamagitan ng isang prosesong tinatawag na in vitro fertilization (IVF). Sa pamamagitan ng prosesong ito, ang isang itlog na kinuha mula sa kaniyang ina ay inihalo sa isang semilya na nasa isang pantanging lalagyang salamin. Pagkaraan ng dalawa at kalahating araw, matapos mahati sa walong pagkaliliit na mga selula ang selulang itlog, ipinasok ang munting kumpol na ito ng nahahating mga selula sa loob ng matris ng kaniyang ina upang lumaki nang normal. Ang kapanganakan ni Louise ay nagbukas ng bagong kabanata ng paggamot sa pagkabaog.

Pinasigla ng IVF ang kilala ngayon na assisted reproductive technology (ART), na dito’y kalakip ang lahat ng uri ng paggamot may kaugnayan sa pag-aanak na nagsasangkot kapuwa ng itlog at ng semilya. Tingnan ang ilang halimbawa. Noong 1984, isang babae sa California, E.U.A., ang nagsilang ng isang sanggol na nabuo mula sa itlog na galing sa ibang babae. Nang taon ding iyon, isang sanggol naman sa Australia ang isinilang mula sa isang iladong binhi. Noong 1994, isang 62-taong-gulang na babae sa Italya ang nanganak ng sanggol na mula sa semilya ng kaniyang asawa at sa itlog ng ibang babae.

Isang Progresibong Pagsulong

Ngayon, mga 25 taon mula nang isilang si Louise Joy Brown, nakabuo ang mga mananaliksik ng kahanga-hangang dami ng mga gamot at napakamodernong mga pamamaraan na lubusang bumago sa paraan ng paggamot sa pagkabaog. (Tingnan ang mga kahon na “Ilang Uri ng Paggamot May Kaugnayan sa Pag-aanak” at “Ano ba ang mga Panganib?”) Ang gayong mga tagumpay ay humantong sa pambihirang pagdami ng isinisilang na mga bata na ipinaglihi sa tulong ng laboratoryo. Halimbawa, noong 1999, mahigit sa 30,000 sanggol sa Estados Unidos lamang ang isinilang sa pamamagitan ng ART. Sa ilang bansa sa Scandinavia, 2 hanggang 3 porsiyento ng mga batang isinisilang bawat taon ang ipinaglihi sa tulong ng gayong pamamaraan. Sa buong daigdig, mga 100,000 bata ang isinisilang taun-taon bilang resulta ng IVF. Tinataya na mga isang milyong bata ang isinilang dahil sa gayong paraan mula noong 1978.

Pangunahin nang ginagamit ang ART sa mauunlad na bansa. Bawat paggamot ay nagkakahalaga ng libu-libong dolyar, at ang gastos ay karaniwan nang hindi sinasagot ng mga serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan, mga may-ari ng kompanya, at mga pribadong seguro. Sinabi ng magasing Time na “ang isang 45-taong-gulang na babaing sumailalim sa IVF nang pitong beses ay malamang na gumastos ng $100,000 sa pagpapagamot.” Gayunman, ang pag-aanak sa tulong ng laboratoryo ay nagbibigay ng pag-asa sa maraming mag-asawang baog na dati ay walang mapagpipilian kundi ang mag-ampon upang magkaroon ng mga anak. Sa ngayon, may iba’t ibang pamamaraan para gamutin ang mga sanhi ng pagkabaog ng mga babae at lalaki. *

Bakit Masyadong Popular?

Ang isang dahilan sa pagiging popular ng pag-aanak sa tulong ng laboratoryo ay ang modernong istilo ng pamumuhay. Ganito ang ulat na inilathala ng American Society for Reproductive Medicine: “Ang katamtamang edad para sa pag-aanak ay tumaas sa loob ng nakalipas na tatlong dekada yamang mas maraming babae ang kumukuha ng mas mataas na edukasyon at nagtataguyod ng karera at hindi agad nag-aasawa. Kasabay nito, isang malaking grupo ng mga babaing isinilang noong panahon ng ‘Baby Boom’ (1946-1964) ang sumapit na sa edad na hindi na sila maaaring magkaanak, kung kaya mas maraming babae sa ganitong edad ang humahanap na ng tulong para magkaanak.”

Maaaring di-matanto ng ilang babae kung gaano kabilis mabawasan ang kanilang kakayahang magkaanak habang sila ay nagkakaedad. Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention sa Estados Unidos, pagsapit ng isang babae sa edad na 42, mababa na sa 10 porsiyento ang posibilidad na magkaanak siya mula sa sariling mga itlog. Kaya naman ang mga itlog na galing sa ibang babae ang madalas gamitin para sa may-edad nang mga babae na sumasailalim sa ART.

Di-inaasahan, bumabaling ang ilang mag-asawa na di-nagkakaanak sa “pag-aampon” ng binhi, anupat ginagamit ang natirang binhi ng ibang nagpagamot na mag-asawang di-nagkakaanak. Tinataya na sa Estados Unidos lamang, mga 200,000 iladong binhi ang nakaimbak. Isiniwalat kamakailan ng isang balita mula sa CBS: “Sa loob ng maraming taon, nagaganap nang di-gaanong napapabalita ang donasyon ng mga binhi sa maliit na antas.”

Hindi nakapagtataka, nagbabangon ng ilang tanong ang mga pagsulong sa larangan ng pag-aanak sa tulong ng laboratoryo. Paano maaaring tingnan mula sa etikal at moral na pangmalas ang ganitong uri ng pag-aanak? Ano ang pangmalas ng Bibliya sa bagay na ito? Ito at ang iba pang mga tanong ay tatalakayin sa susunod na artikulo.

[Talababa]

^ par. 7 Kabilang sa mga sanhi ng pagkabaog ng mga babae ay ang sakit sa obaryo, mga baradong Fallopian tube, o kaya’y endometriosis. Ang pagkabaog naman ng mga lalaki ay kadalasang iniuugnay sa kakaunti o kawalan ng semilya.

[Kahon/Larawan sa pahina 4]

ILANG URI NG PAGGAMOT MAY KAUGNAYAN SA PAG-AANAK

AI (ARTIFICIAL INSEMINATION). Isang pamamaraan na kung saan ang semilya ay ipinapasok sa sangkap ng babae sa pag-aanak nang hindi sa pamamagitan ng pagsisiping. Ang AI ay isang mapagpipiliang paraan na madalas subukin bago ang mga pamamaraan na inilalarawan sa ibaba.

GIFT (GAMETE INTRAFALLOPIAN TRANSFER). Isang pamamaraan na doo’y kumukuha ng mga itlog mula sa obaryo ng isang babae, isinasama ang mga ito sa semilya, at ginagamit ang laparoscope (isang instrumento para sa pagsusuri sa loob ng tiyan) upang ilagay ang mga di-pertilisadong itlog at semilya sa Fallopian tube ng babae sa pamamagitan ng maliliit na hiwa sa kaniyang tiyan.

ICSI (INTRACYTOPLASMIC SPERM INJECTION). (Pinalaki at ipinakita sa kaliwa) Isang pamamaraan na kung saan ang nag-iisang semilya ay tuwirang itinuturok sa isang itlog.

IVF (IN VITRO FERTILIZATION). Isang pamamaraan na doo’y kumukuha ng mga itlog mula sa mga obaryo ng isang babae at ginagawang pertilisado ang mga ito sa labas ng kaniyang katawan. Ang nabuong mga binhi ay saka inililipat sa kaniyang matris sa pamamagitan ng kuwelyo ng matris.

ZIFT (ZYGOTE INTRAFALLOPIAN TRANSFER). Isang pamamaraan na doo’y tinitipon ang mga itlog mula sa obaryo ng isang babae at ginagawang pertilisado sa labas ng kaniyang katawan. Ang nabuong pertilisadong itlog ay saka ipinapasok sa kaniyang Fallopian tube sa pamamagitan ng isang maliit na hiwa sa kaniyang tiyan.

[Credit Lines]

Ang kahon ay batay sa Reproductive Health Information Source, Centers for Disease Control and Prevention sa Estados Unidos.

Sa kagandahang-loob ng University of Utah Andrology and IVF Laboratories

[Kahon/Larawan sa pahina 5]

ANO BA ANG MGA PANGANIB?

PAGKAKAMALI NG TAO. Sa Estados Unidos, Netherlands, at Gran Britanya, ang mga klinika sa pag-aanak ay nagkamali sa pagpunla ng mga semilya at mga binhi. Sa isang kaso, isang mag-asawa ang nagkaanak ng kambal na mula sa ibang lahi, at sa isa pang kaso ay nagsilang ang isang babae ng kambal na magkaiba ang lahi.

MARAMIHANG PAG-AANAK. Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang maramihang pag-aanak​—resulta ng maramihang binhi na inililipat sa bahay-bata​—ay nagpapalaki sa posibilidad ng panganganak nang wala sa panahon, mababang timbang ng isinilang na sanggol, pagsisilang ng patay na sanggol, at pangmatagalang kapansanan.

MGA KAPANSANAN MULA SA PAGKASILANG. Ayon sa isang pagsusuri, ang mga batang ipinaglihi sa pamamagitan ng in vitro fertilization ay may malaking posibilidad na magkaroon ng mga kapansanan mula sa pagkasilang, gaya ng sakit sa puso o bato, biyak na ngalangala, at di-pagbaba ng bayag mula sa tiyan tungo sa pinakasupot nito sa panahon ng pagiging binhi.

KALUSUGAN NG INA. Ang mga komplikasyon mula sa paggamot sa mga hormon o sa maramihang ipinagdadalang-tao ay nagsasapanganib sa mga ina.