Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Basura Bilang Pagkain

“Kamangha-mangha kung paano naging mahalagang pinagkukunan ng pagkain ng maraming ibon at mamal ang basura,” ang sabi ng biyologong si Wilfried Meyer. “Sa ilang lugar, basura ang bumubuhay sa ilang uri ng hayop.” Gaya ng iniulat sa magasing pambalita na Der Spiegel, natuklasan ng isang proyekto sa pangglobong pananaliksik na halos 70 uri ng mga ibon at 50 uri ng mga mamal ang kumakain ng basura. Nagkaroon ng kumpletong kawing ng pagkain sa mga tambakan ng basura. Gustung-gusto ng mga insekto ang init na nagmumula sa nabubulok na basura. Ang mga insektong ito ay kinakain ng mga ibon at ng maliliit na mamal na siya namang sinisila ng mga maninilang ibon at ng iba pa. Kapansin-pansin, hindi iniintindi ng ilang ibon na likas na mahiyain ang nakabibinging ingay ng mga makinang pandurog ng basura at ang pagkanaroroon ng ibang mga hayop at tao sa tambakan ng basura.

Dambuhalang mga Hijacker

Lumilitaw na hindi lamang mga tao ang nagnanakaw sa mga naglalakbay sa haywey. Ayon sa Bangkok Post, nagnanakaw rin sa haywey ang mga elepante. Ang gutóm na mga elepante mula sa kagubatan sa silangan ng Bangkok ay humaharang sa mga kalsadang dinaraanan ng mga trak ng tubó at nagnanakaw ng matamis na kargamento nito. Mga 130 elepante ang karaniwan nang nakatira sa Ang Lue Nai na kanlungan ng mga buhay-iláng, subalit nabawasan ang makakain nilang pananim dahil sa tagtuyot, kaya napilitang gumala ang gutóm na mga elepante sa labas ng kagubatan para maghanap ng pagkain. Iniulat ng punong tagapangasiwa ng kanlungan, si Yoo Senatham, na sinalakay rin ng ilang elepante ang mga taniman, samantalang kinukuha naman ng iba ang tubóng inihuhulog ng madamaying mga drayber ng trak para sa kanila.

Mga Antibiyotiko Para sa Hayop

Matagal nang nagbabala ang World Health Organization (WHO) tungkol sa labis-labis at di-kinakailangang paggamit ng mga antibiyotiko para sa mga alagang hayop na wala namang sakit. Ayon sa pahayagang ABC ng Espanya, regular na isinasama sa pagkain ng hayop ang gamot para “mas mabilis na tumaba ang mga alagang hayop.” Kamakailan, ipinakita ng isang pag-aaral sa Denmark na maaari ring kumita nang malaki sa pag-aalaga ng mga hayop nang hindi gumagamit ng mga antibiyotiko. Nang alisin ng mga nag-aalaga ng hayop ang mga antibiyotiko sa mga pagkain ng hayop, hindi nagbago ang produksiyon ng mga manok at tumaas nang 1 porsiyento lamang ang gastusin sa produksiyon ng baboy. Pinapurihan ng WHO ang pagkukusa ng Denmark at hinihimok nito ang iba pang mga bansa na gawin din iyon. Ang paggawa nito, sabi ng pahayagan, “ay makabubuti rin sa kalusugan ng publiko.”

Nandarayang mga Manlalaro ng Chess

“Hindi laging sinusunod ng maraming naglalaro ng chess ang mga tuntunin,” ang ulat ng Frankfurter Allgemeine Zeitung. Isang halimbawa ang baguhang manlalaro na nanalo laban sa isang grand master. Ngunit nang maglaon, natuklasan na nakatago sa ilalim ng kaniyang mahabang buhok ang isang mikropono, mga earphone, at isang kamera, para makipagtalastasan sa naglalaro ng chess sa isang computer sa ibang silid. Ang iba naman ay nagtutungo sa kasilyas, nagsasara ng pinto, at naglalabas ng isang maliit na computer upang kalkulahin ang kanilang susunod na tira. Maaari ring mandaya ang mga naglalaro ng chess sa Internet. Ang ilan ay naglalaro ng chess sa kanilang computer habang nakikipaglaro ng chess sa Internet. Sa ibang pagkakataon naman, ang mga naglalaro ay gumagamit ng dalawang pangalan at nakikipaglaro laban sa kanilang sarili​—laging natatalo ang isang pangalan anupat naiuuna ang isa pa niyang pangalan sa listahan ng mga manlalaro. “Para sa marami, hindi mahalaga ang premyong salapi,” ang sabi ng pahayagan. “Sa halos lahat ng manlalaro, ang salik na gumaganyak ay, hindi kasakiman, kundi kapalaluan.”

Napakatanda Na Para Matuto?

“Nang mag-aral ang mga anim na taóng gulang sa [isang paaralang elementarya sa Rift Valley Province sa Kenya], isang mag-aaral ang pinakamatangkad sa lahat,” ang ulat ng pahayagang Daily Nation ng Nairobi. Ito ang 84-anyos na lalaking sumama kamakailan sa mga nasa unang grado upang “matuto siyang bumasa ng Bibliya.” Bagaman may mga apo na siyang nauna nang mga ilang grado sa kaniya, pumapasok pa rin siya sa kaniyang mga klase. “Sinasabi sa akin ng mga tao ang mga bagay na nasa Bibliya, na hindi ko alam kung totoo, at gusto kong mabasa mismo ang Banal na Aklat upang malaman ito,” ang sabi ng lalaki sa Nation. Nakasuot ng uniporme ng paaralan at dala ang lahat ng kinakailangang mga gamit sa pag-aaral, ginagawa niya ang kaniyang buong makakaya upang sundin ang mahihigpit na tuntunin ng paaralan. Gayunman, kung minsan ay pinahihintulutan siyang iba ang gawin. Kapag ang ibang mga estudyante ay nag-eehersisyo at nagtatakbuhan, siya “ay pinahihintulutang marahang mag-unat-unat.”

Nakamamatay na mga Lindol Noong 2003

“Ayon sa U.S. Geological Survey (USGS), ang 2003 ay nagtapos bilang ang taon na may pinakamaraming namatay dahil sa mga lindol mula noong 1990, at mas nakamamatay nang 25 ulit kaysa noong 2002,” ang sabi ng isang balita mula sa ahensiya. “Noong 2002, 1711 katao ang namatay sa mga lindol sa buong daigdig,” samantalang 43,819 naman ang namatay noong nakaraang taon. Mga 41,000 ang namatay sa Iran nang lumindol na may lakas na 6.6 sa lunsod ng Bam noong Disyembre 26. Ang pinakamalakas na lindol, at ang kaisa-isang matatawag na “malaking” lindol, ay yaong yumanig sa Hokkaido, Hapon, noong Setyembre 25. May lakas ito na 8.3. Ayon sa report, “natutunton ng USGS ang mga 50 lindol bawat araw. . . . Sa katamtaman, may 18 malalakas na lindol (may lakas na 7.0 hanggang 7.9) at isang malaking lindol (8.0 o mas mataas pa) bawat taon sa buong daigdig. Milyung-milyong lindol ang nangyayari sa daigdig bawat taon, subalit hindi napapansin ang marami sapagkat ang mga ito ay nagaganap sa liblib na mga lugar o hindi gaanong malakas.”

Bakit Napakaraming Ginagawang Krimen ang mga Kabataan?

Naniniwala ang mga espesyalista na ang magulong buhay pampamilya ang siyang dahilan ng mabilis na pagdami ng mga batang kriminal. Gaya ng binabanggit sa isang report sa pahayagang Weekend Witness ng Timog Aprika, ang karamihan sa mga batang ito ay galing sa mga wasak na tahanan o sa mga tahanang kapuwa nagtatrabaho ang mga magulang at “lubhang abala, pagod o nagmamadali” upang pangalagaan sila. Ayon sa dalubhasa sa krimen na si Dr. Irma Labuschagne, hindi pa nga maunawaan ng maraming tin-edyer ang ideya ng “pamilya” at “minimithi nila ang pag-ibig at pagtanggap.” Kaya hinahanap nila ito sa ibang lugar at nagiging madali silang biktima ng mga gang ng mga kriminal na nagpapadama sa kanila na sila’y kabilang sa grupo. Sinabi ng sikologong si Dr. Cecelia Jansen na ang mga magulang ay “abala sa paghahanap ng sarili nilang katayuan, sa tagumpay at sa materyalismo anupat hindi nila nalalaman kung ano na ang nangyayari sa buhay ng mga miyembro ng kanilang pamilya.” Inirerekomenda kapuwa nina Labuschagne at Jansen ang “pagbabalik sa makalumang mga pamantayan sa pamilya,” ang sabi ng pahayagan. Ganito ang konklusyon nito: “Walang maihahalili sa isang malusog, maligaya, at normal na pamilya.”