Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ayaw Naming Magdiwang ng Halloween!”

“Ayaw Naming Magdiwang ng Halloween!”

“Ayaw Naming Magdiwang ng Halloween!”

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BELGIUM

Iyan ang naging pasiya ng isang klase sa paaralan sa Tienen, Belgium. Bakit ganito ang pasiya ng mga estudyante? Sa Belgium, bago pa lamang ang pagdiriwang ng Halloween. Sa katunayan, ang kauna-unahang pagkakataon na ipinagdiwang ang kapistahan sa paaralang ito ay noong Oktubre 31, 2002. Kaya bago pa dumating ang araw na iyon, inatasan ng guro ang lahat ng bata ng isang proyekto tungkol sa Halloween. “Miyentras mas pangit at mas kakatwa, lalong mabuti!” ang sabi pa niya.

Ang isa sa mga bata sa klase ay ang sampung-taóng-gulang na si Matthias. Natatandaan niyang may nabasa siya sa Oktubre 8, 2001, na isyu ng Gumising! hinggil sa nakakubling mga panganib sa gayong popular na mga pagdiriwang na gaya ng Halloween. Natanto niya na nagsasangkot ng mga bagay na hindi kalugud-lugod sa Diyos ang Halloween. Kaya para sa kaniyang proyekto, sumulat si Matthias ng isang report salig sa mga artikulo. Pagkatapos basahing mabuti ang impormasyon, natanto ng guro ni Matthias na ang Halloween ay mapanganib pala di-tulad ng karaniwang akala. Pagkatapos ay hiniling niya kay Matthias na magbigay ng presentasyon sa klase hinggil sa paksang iyon.

Nang simulan ni Matthias ang kaniyang presentasyon, waring hindi nakikinig ang ibang mag-aaral. Subalit nang magpatuloy siya, silang lahat ay matamang nagbigay-pansin sa kaniyang paliwanag. Nang matapos siya, tinanong ng guro ang klase kung gusto pa ba nilang magdiwang ng Halloween. Nagkakaisang sumagot ang klase: “Ayaw na po namin!” Isang mag-aaral ang bumulalas: “Nakapangingilabot ito!” Ganito pa ang sabi ng isa: “Hindi ko alam na ang Halloween pala ay hindi nagpapakita ng paggalang sa mga taong namatay na.”

Para kay Matthias, na dati’y mahiyain, ang karanasang ito ay matinding pampatibay-loob upang manghawakan sa kaniyang mga paniniwalang salig sa Bibliya sa kabila ng panggigipit. Nagkamit din siya ng higit na paggalang bilang isang Saksi ni Jehova, kapuwa mula sa kaniyang guro at mga kaklase.