Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Glaucoma—Ang Magnanakaw ng Paningin

Glaucoma—Ang Magnanakaw ng Paningin

Glaucoma​—Ang Magnanakaw ng Paningin

SA ISANG sandali, titigan ang huling salita ng pangungusap na ito. Kahit hindi iginagalaw ang iyong mga mata, nakikita mo ba ang ilang lugar sa itaas, ibaba, at sa magkabilang gilid ng magasing ito? Malamang na nakikita mo, dahil ito sa tinatawag na peripheral vision (lawak ng paningin). Dahil sa kakayahang ito, nalalaman mo na may kahina-hinalang tao na papalapit sa iyo mula sa tabi. Tumutulong ito sa iyo na iwasan ang mga bagay na nasa daan at hindi bumangga sa mga pader habang naglalakad ka. At kung nagmamaneho ka ng kotse, makikita mo sa pamamagitan ng peripheral vision na may taong bumababa mula sa bangketa.

Ngunit kahit habang binabasa mo ang pahinang ito, maaaring unti-unting naglalaho ang iyong peripheral vision​—nang hindi mo pa nga namamalayan. Sa buong daigdig, tinatayang 66 na milyong tao ang apektado ng isang grupo ng mga sakit sa mata na sa kabuuan ay tinatawag na glaucoma. Sa bilang na iyan, mahigit limang milyon ang nabulag nang tuluyan, anupat dahil dito ay naging ikatlo ang glaucoma sa pangunahing sanhi ng permanenteng pagkabulag. “Subalit kahit sa mauunlad na bansang may pampublikong mga programa na nagtuturo ng tungkol mismo sa glaucoma, kalahati sa bilang ng mga indibiduwal na may glaucoma ay hindi pa rin nasusuri,” ang sabi ng medikal na babasahing The Lancet.

Sino ang nanganganib na magkaroon ng glaucoma? Paano ito nasusuri, at paano ito ginagamot?

Ano ba ang Glaucoma?

Kailangan muna nating maunawaan pa nang kaunti ang tungkol sa ating mga mata. Ganito ang paliwanag ng brosyur na ginawa ng Glaucoma Foundation of Australia: “Nahuhubog ang mata dahil sa presyon​—ang malalambot na himaymay ng mata ay ‘pinauumbok,’ na gaya ng gulong ng kotse o ng lobo.” Sa loob ng mata, binobomba ng tinatawag na ciliary body ang likidong tinatawag na aqueous humor mula sa mga daluyan ng dugo tungo sa mata. “Dumadaloy ang aqueous sa kaloob-loobang bahagi ng mata, anupat pinalulusog ang nabubuhay na mga kayarian ng mata at saka lumalagos sa tulad-panalang kayarian na tinatawag na trabecular meshwork pabalik sa daluyan ng dugo.”

Kung barado o makipot ang meshwork na ito bunga ng anumang kadahilanan, tataas ang presyon sa loob ng mata at sa kalaunan ay pipinsala sa maseselang hibla ng nerbiyo na nasa likod ng mata. Ang kondisyong ito ay tinatawag na open-angle glaucoma at siyang sanhi ng halos 90 porsiyento ng lahat ng ganitong sakit.

Ang presyon sa loob ng iyong mata, na kilalá bilang intraocular pressure (IOP), ay maaaring magbago bawat oras at naaapektuhan ito ng iba’t ibang salik kasali na ang tibok ng iyong puso, ang dami ng likidong iniinom mo, at ang posisyon ng iyong katawan. Hindi nakapipinsala sa iyong mata ang likas na pagbabagu-bagong ito. Ang mataas na presyon sa mata ay hindi katunayan sa ganang sarili na mayroon kang glaucoma, yamang nagkakaiba-iba ang “normal” na presyon sa mata ng bawat tao. Gayunman, isa sa mga palatandaan ng glaucoma ang mataas na IOP.

Ang ganitong bihirang uri ng sakit ay tinatawag na acute, o angle-closure, glaucoma. Di-tulad ng open-angle glaucoma, nasasangkot sa uring ito ang biglang pagtaas ng presyon sa mata. Nagdudulot ito ng matinding pananakit ng mata, kasabay ng paglabo ng paningin at pagsusuka. Kapag hindi ginamot sa loob ng ilang oras mula nang mag-umpisa ang mga sintomas, malimit itong nagiging sanhi ng pagkabulag. Ang isa pang kategorya ay tinatawag na secondary glaucoma. Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ang uring ito ay sanhi ng iba pang mga sakit sa mata na gaya ng mga tumor, katarata, o pinsala sa mata. Kakaunting tao ang apektado ng ikaapat na uri, na kilalá bilang congenital glaucoma. Ang uring ito ay taglay na ng sanggol pagkasilang o di-magtatagal pagkatapos maisilang at mahahalata kapag ang mga mata ng sanggol ay malalaki ang bilog at mas sensitibo sa liwanag.

Kung Paano Nito “Ninanakaw” ang Paningin

Maaaring nakawin ng glaucoma ang hanggang 90 porsiyento ng iyong paningin sa isang mata nang hindi mo namamalayan. Paano ito nangyayari? Tayong lahat ay may blind spot (di-nakakakitang bahagi) sa likod ng bawat mata. Ang bahaging ito sa retina, kung saan nagsasama-sama ang mga hibla ng iyong nerbiyo upang mabuo ang optic nerve, ay walang mga selula na tumutugon sa liwanag. Gayunman, hindi mo napapansin ang blind spot na ito dahil may kakayahan ang iyong utak na “retokihin” ang nawawalang mga bahagi ng larawan. Balintuna naman, ang kakayahang ito ng utak ang siyang dahilan kung bakit lubhang mapanlinlang ang glaucoma.

Ganito ang sinabi ni Dr. Ivan Goldberg, isang pangunahing optalmologong Australiano, sa Gumising!: “Ang glaucoma ay tinatawag na tusong magnanakaw ng paningin dahil wala kang mararamdamang sintomas. Ang pinakakaraniwang uri ng glaucoma ay mabagal ngunit tuluy-tuloy sa paglala at ito’y pumipinsala, nang hindi nagbababala, sa kayarian ng nerbiyo na nag-uugnay sa mata at utak. Walang kaugnayan sa glaucoma kung lumuluha man o hindi ang iyong mga mata, tuyo man o hindi ang mga ito, nakakakita man nang malinaw o hindi ang mga ito kapag nagbabasa ka at sumusulat. Maaaring wala kang anumang nararamdamang problema sa iyong mga mata ngunit mayroon kang napakalubhang glaucoma.”

Paghuli sa Magnanakaw

Nakalulungkot, walang isang kumpletong pagsusuri para sa glaucoma. Maaaring magsimula ang espesyalista sa mata sa pamamagitan ng pag-alam sa presyon ng likido sa iyong mga mata na ginagamit ang isang kasangkapan na tinatawag na tonometer. Marahang ginagamit ang kasangkapan upang patagin ang kornea, o ang harapang bahagi ng iyong mata. Sinusukat ang puwersang kinakailangan upang magawa ito, at sa ganitong paraan, maaaring matiyak ang presyon sa loob ng iyong mata. Maaari ring hanapin ng espesyalista sa mata ang mga palatandaan ng glaucoma sa pamamagitan ng mga kasangkapan na nagsusuri ng napinsalang mga himaymay sa kayarian ng nerbiyo na nag-uugnay sa mata at utak. Sinabi ni Dr. Goldberg: “Inaalam namin kung ang mga himaymay ng nerbiyo o mga daluyan ng dugo sa likod ng mata ay may kakaibang hugis, dahil maaaring pahiwatig ito na napipinsala ang mga nerbiyo.”

Nasusuri rin ang glaucoma sa pamamagitan ng visual-field testing. Ganito ang paliwanag ni Dr. Goldberg: “Titingin ang isang tao sa nakalukong na puting liwanag, at may mas maningning na puting liwanag na pasisinagin mula sa isang maliit na tuldok sa loob ng lukong na iyon. Pipindutin niya ang isang buton kapag nakita niya ang munting puting liwanag.” Kung hindi niya makita ang puting liwanag kapag ito ay nasa gilid ng lawak ng kaniyang paningin, maaaring pahiwatig ito na mayroon siyang glaucoma. Ginagawa na ang bagong mga kasangkapan na maaaring magpasimple sa waring nakapapagod na pamamaraang ito.

Sino ang Nanganganib?

Si Paul ay isang malusog na lalaking mahigit 40 taóng gulang na. Sinabi niya: “Nagpatingin ako sa optometrista upang magpagawa ng bagong salamin sa mata, at habang nagpapatingin ako ay itinanong niya sa akin kung mayroon akong kapamilya na may glaucoma. Nagtanung-tanong ako at natuklasan ko na kapuwa ang aking tiya at tiyo ay may glaucoma. Pinayuhan akong magpatingin sa isang espesyalista sa mata, na nagpatunay na mayroon nga akong glaucoma.” Nagpaliwanag si Dr. Goldberg: “Kung may glaucoma ang nanay o tatay mo, tatlo hanggang limang ulit na mas malaki ang posibilidad na magkakaroon ka ng glaucoma. At kung mayroon kang kapatid na may glaucoma, kung gayon ay lima hanggang pitong ulit na mas malaki ang posibilidad na magkakaroon ka nito.”

Itinampok ni Dr. Kevin Greenidge ng Glaucoma Foundation sa Estados Unidos ang iba pang mga sanhi ng panganib, sa pagsasabi: “Kung lampas ka na sa 45 taóng gulang at may lahi kang Aprikano, o kung taglay mo ang alinman sa mga sanhing ito ng panganib​—mga kapamilyang may glaucoma, mas malinaw na paningin sa malapitan, diyabetis, dating pinsala sa mata o regular na paggamit ng mga produktong may cortisone/steroid​—ipasuri mo ang iyong mga mata taun-taon.” Kahit na hindi ka kakikitaan ng mga sanhi ng panganib at wala ka pang 45 taóng gulang, inirerekomenda ng nabanggit na samahan na ipasuri mo pa rin kung may glaucoma ang iyong mga mata tuwing ikaapat na taon. Kung lampas ka na sa 45 taóng gulang, dapat kang magpatingin tuwing ikalawang taon.

Gamutin at Daigin Ito

Minsan sa isang araw ay gumagamit si Paul ng pantanging pamatak sa mata upang gamutin ang kaniyang glaucoma. Sinabi ni Paul: “Pinipigilan ng pamatak na ginagamit ko ang pagdami ng likidong aqueous sa loob ng mata.” Sumailalim din si Paul sa paggamot na ginagamitan ng sinag ng laser upang gumawa ng mga sampung mumunting butas sa harap ng kaniyang mga mata malapit sa kinaroroonan ng likas na lagusang mga butas. Sinabi niya: “Nang unang gamutin sa pamamagitan ng laser ang isa sa aking mga mata, balisa ako at ninenerbiyos, at lalo itong nagpahirap sa akin. Subalit nang gamutin na ang isa pang mata ko pagkaraan ng ilang araw, alam ko na kung ano ang aking aasahan. Mas relaks na ako, at halos natapos ng doktor ang operasyon nang hindi ko namamalayan.” Nakatulong ang paggamot para mapanatili ang tamang presyon sa mga mata ni Paul.

Kaya naman positibo ang pangmalas ni Paul. Ang sabi niya: “Kaunti lamang ang napinsala sa aking mga retina, at mabuti na lamang, buo pa rin ang aking peripheral vision. Kung hindi ko malilimutang gamitin araw-araw ang aking pamatak sa mata, malamang na mananatili itong buo.”

Ninanakawan ka ba ng “tusong magnanakaw ng paningin”? Kung hindi mo pa naipasuri kung may glaucoma ang iyong mga mata​—at lalo na kung kabilang ka sa isa sa mga grupong posibleng magkaroon ng glaucoma​—isang katalinuhan na magpasuri sa iyong doktor kung mayroon kang glaucoma. Gaya ng sabi ni Dr. Goldberg, “ang karamihan sa mga pinsalang dulot ng glaucoma ay mahahadlangan ng maaga at angkop na pagpapagamot.” Oo, maaari mong hadlangan ang magnanakaw na ito ng paningin!

[Kahon/Larawan sa pahina 26]

Mas nanganganib kang magkaroon ng glaucoma kung

● May lahi kang Aprikano

● May glaucoma ang kapamilya mo

● May diyabetis ka

● Malinaw lamang ang paningin mo sa malapitan

● Regular o matagal ka nang gumagamit ng cortisone/steroid​—isinasangkap sa ilang pamahid na gamot at isprey para sa hika

● Dating napinsala ang iyong mata

● Lampas ka na sa 45 taóng gulang

[Larawan]

Ang regular na pagpapasuri ay makahahadlang sa malubhang paglabo ng paningin

[Dayagram/Mga larawan sa pahina 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

OPEN-ANGLE GLAUCOMA

Kornea

“Iris”

Lente

Retina

Ang “optic disk,” o “blind spot,” ang dako kung saan nagsasama-sama ang mga nerbiyo upang mabuo ang “optic nerve”

Dinadala ng “optic nerve” sa utak ang mga hudyat na likha ng paningin

Ang “ciliary body,” kung saan ginagawa ang likido

1 Ang “aqueous humor” ay malinaw na likido na nagpapalusog sa lente, “iris,” at loob ng kornea. Hindi ito katulad ng luha, na siyang panghugas sa labas ng mata

2 Inilalabas ng “trabecular meshwork” ang likido

3 Kung barado o makipot ang “meshwork,” tumataas ang presyon sa loob ng mata

4 Kapag tumataas ang presyon, napipinsala ang maseselang hibla ng nerbiyo sa likod ng mata, na nagiging dahilan ng glaucoma o malabong paningin

[Larawan sa pahina 25]

“Optic disk”

Kung ano ang dapat na nakikita mo

NORMAL NA PANINGIN

PASIMULA NG GLAUCOMA

MALALANG GLAUCOMA

[Credit Line]

Mga larawan ng mga optic disk: Courtesy Atlas of Ophthalmology