Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Jehova, Natagpuan Mo Ako!”

“Jehova, Natagpuan Mo Ako!”

“Jehova, Natagpuan Mo Ako!”

Ayon sa salaysay ni Nelly Lenz

“Mga Saksi ni Jehova ba kayo?” ang tanong ko sa dalawang lalaking pumunta sa aming tahanan. “Oo,” ang sagot nila. “Ako rin!” ang naibulalas ko. Ako ay 13 taóng gulang pa lamang noon at hindi dumadalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. Hindi Saksi ni Jehova ang mga magulang ko. Kung gayon, bakit ako nagpakilala na isang Saksi?

KUNG hindi dahil sa mga Saksi ni Jehova, baka hindi na ako isinilang pa. Nagdalang-tao noon ang aking ina nang siya ay nakatira sa Montreal, Quebec, Canada. Labimpitong taóng gulang pa lamang siya noon. Matindi ang pamimilit sa kaniya ng kaniyang pamilya para magpalaglag. Pumayag naman siya.

Humiling si Inay ng isang araw na bakasyon mula sa trabaho para magpalaglag. Lumilitaw na natuklasan ng kaniyang amo, isang Saksi ni Jehova, kung bakit gustong magbakasyon ni Inay. Sa maikli ay sinabi niya kay Inay kung gaano kahalaga ang kaloob na buhay. (Awit 139:13-​16) Habang papunta sa klinika, pinag-isipan ni Inay ang sinabi ng kaniyang amo. Nagpasiya siyang huwag nang ituloy ang aborsiyon. Pagkasilang sa akin noong 1964, inilagak ako ng aking ina sa isang bahay-ampunan.

Nang Una Kong Matutuhan ang Katotohanan sa Bibliya

Nang ako ay mga dalawang taóng gulang na, kinuha ako ng aking ina at ng kaniyang bagong asawa sa bahay-ampunan. Habang naninirahan sa Sainte-Marguerite-du-Lac-Masson, sila ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at dumalo sa mga pulong ng kongregasyon. Subalit di-nagtagal at lumipat kami sa Boisbriand, at huminto sa pakikipag-aral ang aking mga magulang.

Pagkaraan ng ilang taon, itinuloy nila ang kanilang pag-aaral. Nakikinig ako upang malaman ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pag-asa na magiging isang paraiso ang lupa. (Lucas 23:43) Napamahal sa akin nang husto si Jehova.

Subalit isang araw, sinabi sa akin ni Inay na huminto na sila sa pakikipag-aral sa mga Saksi at hindi na kami dadalo sa Kingdom Hall. Sa simula ay tuwang-tuwa ako. Dahil walong taóng gulang pa lamang ako noon, kung minsan ay naiinip ako sa mga pulong. Ngunit nang gabing iyon, ibig kong makipag-usap kay Jehova sa panalangin, at nangangamba ako na baka hindi niya ako pakinggan.

Kinahapunan nang sumunod na Linggo, nakita kong papunta sa Kingdom Hall ang aming mga kapitbahay na mga Saksi ni Jehova para dumalo sa kanilang pulong. Umiyak ako at nagtanong sa Diyos, “Bakit po ba nakapupunta sa pulong ang mga anak nila samantalang ako ay hindi?” Gayunpaman, mapatutunayang totoo ang mga salita sa Awit 33:18: “Narito! Ang mata ni Jehova ay nakatingin sa mga may takot sa kaniya, sa mga naghihintay sa kaniyang maibiging-kabaitan.”

Pagbabalik sa Kingdom Hall

Pagkalipas ng tatlong linggo, pinasyalan ko ang aming kapitbahay at sinabi ko sa kanilang nanay, si Lilianne, na ibig kong dumalo sa mga pulong. Ipinaliwanag ni Lilianne na hindi maaari iyon, dahil ayaw ng aking ina na magkaroon ng anumang kaugnayan sa mga Saksi ni Jehova. Pero nagpumilit ako. Kaya sinamahan niya ako sa amin at tinanong si Inay kung puwede akong sumama sa kanila. Laking gulat ko nang pumayag si Inay. Sinabi niya na matututo raw ako ng mabubuting simulain mula sa mga pulong. Kaya naman dumadalo ako sa pulong tuwing Linggo.

Sa loob ng mga tatlong taon ay nakadadalo ako sa mga pulong ng kongregasyon. Ngunit nang sumapit ako sa edad na 11, nagdiborsiyo ang aking mga magulang, at kami ng aking ina ay lumipat ng tirahan. Muling naputol ang pakikipag-ugnayan ko sa mga Saksi ni Jehova.

Hindi Inaasahang Pagtatagpo

Isang araw, habang nakaupo ako sa hagdan sa harap ng aming bahay, dalawang Saksi​—sina Eddie Besson at Don Fisher​—ang lumapit sa akin at nagtanong kung nasa bahay ang aking mga magulang. Nang sabihin kong wala, ang mga lalaki ay tumalikod na upang umalis. Pero hinabol ko sila, at nangyari nga ang pag-uusap na inilahad ko sa pasimula.

Siyempre pa, nagtaka ang dalawang lalaki nang magpakilala akong isang Saksi ni Jehova. Ipinaliwanag ko ang aking situwasyon at nakiusap na bumalik sila sa bandang gabi. Nang sabihin ko kay Inay na darating ang mga Saksi, nagalit siya at sinabing hindi niya sila papapasukin sa aming bahay. Sa katunayan, balak niyang umalis bago sila dumating. Lumuluha akong nakiusap kay Inay na huwag siyang umalis. Nang papaalis na siya, tumunog naman ang doorbell, at naroroon na si Eddie Besson. Gunigunihin mo ang aking tuwa nang pumayag si Inay na mag-aral ng Bibliya!

Sa wakas, makadadalo na naman ako sa mga pulong ng kongregasyon! Subalit wala pang isang taon ang lumilipas, tumigil na naman ang aking ina sa pag-aaral. Sa pagkakataong iyon ay pinagbawalan na niya akong makipag-usap sa mga Saksi at itinapon niya ang lahat ng publikasyon ng mga Saksi ni Jehova na nasumpungan niya. Pero naitago ko ang isang Bibliya, isang aklat-awitan, dalawang pinabalatang tomo ng Ang Bantayan, dalawang Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova, at isang aklat na pinamagatang Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. * Sa aking huling pag-aaral, itinanong ko kay Eddie Besson kung ano ang maaari kong gawin, yamang iniibig ko talaga si Jehova. Pinasigla niya akong mag-aral nang sarilinan at manalangin nang madalas. Tiniyak niya sa akin na aalagaan ako ni Jehova. Ako ay 14 na taong gulang pa lamang noon.

Idinaraos ang Aking Sariling mga “Pulong”

Mula noon, pumapasok ako sa aking silid tuwing Linggo at nagkukunwari akong nasa pulong. Kinakanta ko ang awiting “Ipako ang Tingin sa Gantimpala!” sa simula at sa pagtatapos dahil iyon lamang ang tanging awiting pang-Kaharian na natatatandaan ko. Hanggang ngayon, napapaiyak pa rin ako kapag kinakanta ko ang awit na iyan. Pinag-aaralan ko rin ang isang artikulo sa Bantayan na nasa aking mga pinabalatang tomo. Tinatapos ko ang aking “pulong” sa pamamagitan ng panalangin. Kaya kahit na hindi ko kasama ang mga Saksi, nadarama ko na si Jehova ay malapit sa akin.

Nang ako’y tumuntong sa edad na 17, kami ni Inay ay lumipat sa Montreal. Mahirap ang mga taóng iyon dahil ang aming tahanan ay salat sa pagmamahal.

Natagpuan!

Isang araw, tumanggap si Inay ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa mula sa mga Saksi ni Jehova. Pag-uwi ko sa bahay, nakita ko iyon sa mesa at tiningnan ko. Nang makita kong ginagamit nito ang pangalan ng Diyos, na Jehova, ako’y umiyak at nanalangin nang tahimik, “Jehova, natagpuan mo ako!”

Kailangang makausap ko ang aking mga kapatid na Kristiyano. Pero paano? Sinabi sa akin ni Inay na baka isang Saksi ni Jehova ang isa sa aming mga kapitbahay. Kaya bago ako pumasok sa trabaho, pinuntahan ko ang aming kapitbahay at pinindot ang doorbell. Isang lalaki​—pupungas-pungas pa​—ang nagbukas ng pinto. Laking gulat niya nang sabihin ko na ako ay isang Saksi ni Jehova at gusto kong magpabautismo! Isinaayos niya na makipag-aral ng Bibliya sa akin ang isang sister na nagngangalang Josée Miron. Pero muli, sinalansang ni Inay ang aking pag-aaral ng Bibliya. Sinabihan niya ako na kailangan kong maghintay hanggang sumapit ako ng 18 taóng gulang bago ako maaaring maging Saksi.

Buhay Pampamilya na May Kapalit?

Napansin ng aking amo na lumalala ang aking situwasyon sa tahanan. Madalas niya akong anyayahan na gugulin ang mga dulo ng sanlinggo kasama niya at ng kaniyang maybahay. Yamang mahilig ako sa mga kabayo, madalas kaming mangabayo nang magkakasama. Parang mga magulang ko na sila.

Isang araw, sinabi sa akin ng aking amo na ako ay mahal na mahal nilang mag-asawa at gusto nilang doon na ako tumira sa kanila. Iniaalok niya ang isang bagay na matagal ko nang hinahangad​—isang mapagmahal na pamilya. Pero sa isang kondisyon​—hihinto na ako ng pakikisama sa mga Saksi ni Jehova. Binigyan nila ako ng isang linggo upang pag-isipan ang kanilang alok, pero hindi ko na kailangan kahit ang isang araw. Agad kong ibinigay sa kanila ang aking sagot. Hindi ako kailanman pinabayaan ni Jehova, at hindi ko siya maaaring iwan.

Ang Aking Paglilingkod sa Diyos

Dahil sa problemang dinaranas ko sa tahanan, nakitira ako sa aking amain. Pinasigla niya ako na ituloy ang pag-aaral, at noong Disyembre 17, 1983, ako ay nabautismuhan sa edad na 19. Napakaligaya ko nang makita ko si Eddie Besson sa araw ng aking bautismo. Ngayon ay natitiyak na niyang isa nga akong Saksi ni Jehova!

Gayunman, nagbago ang pakikitungo sa akin ng aking amain pagkatapos kong mabautismuhan. Kapag nakikita niyang nananalangin ako, magsasalita siya nang malakas at babatuhin ako ng kung anu-anong bagay! Pinipilit din niya akong kumuha ng karagdagang edukasyon na makahahadlang sa aking tunguhing maging isang payunir, isang buong-panahong ebanghelisador. Nang maglaon ay pinaalis niya ako sa aming bahay. Binigyan niya ako ng isang tseke na nagkakahalagang $100 at sinabi sa akin na kapag ipinapalit ko iyon, malalaman ko na hindi nagmamalasakit sa akin si Jehova.

Naging payunir ako noong Setyembre 1, 1986, at magpahanggang ngayon ay nasa akin pa rin ang tsekeng iyon​—hindi napapalitan! Kung minsan ay mahirap magpayunir sa isang lugar sa kabukiran nang walang sariling kotse. Ngunit naging mapagmalasakit at matulungin ang mga miyembro ng kongregasyon sa lugar na iyon.

Sa kalaunan, nakilala ko ang isang mabait na Kristiyanong lalaki na nagngangalang Ruben Lenz. Nagpakasal kami noong 1989. Sa kasalukuyan ay naglilingkod si Ruben bilang isang matanda sa kongregasyon sa Milton, Ontario, Canada, kung saan kami naninirahan mula noong 2002. Ang aming pagsasama ang isa sa pinakamalalaking pagpapala na ipinagkaloob sa akin ni Jehova. Nagpatuloy ako sa buong-panahong paglilingkod hanggang sa isilang ko ang aming unang anak, si Erika, noong 1993. Pagkaraan ng mga tatlong taon, nagkaanak kami ng lalaki na ang pangalan ay Mika. Matapos ang mahahabang taon ng aking kalungkutan, ako ay saganang pinagpala ng Diyos na Jehova ng isang pamilya na lubos na umiibig sa kaniya tulad ko.

Bagaman sa pana-panahon ay napawalay ako sa bayan ni Jehova noong lumalaki ako, hindi ako kailanman huminto ng paglalagak ng aking pag-asa sa Diyos at panghahawakan sa pag-asang buhay na walang hanggan sa Paraiso. (Juan 3:36) Tunay ngang nagpapasalamat ako na “natagpuan” ako ni Jehova!

[Talababa]

^ par. 17 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 15]

Nakasakay sa kabayo ng aking amo

[Larawan sa pahina 15]

Si Nelly Lenz at ang kaniyang asawa, si Ruben, at mga anak na sina Erika at Mika