Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maagang Naging mga Ina

Maagang Naging mga Ina

Maagang Naging mga Ina

“Guwapo ang kasintahan ko. May pera siya, at nakapamamasyal kami at nagkakatuwaan. Nang hindi ako datnan ng aking buwanang dalaw, natalos ko na nagdadalang-tao ako. Paano ko kaya sasabihin kay Inay? Bakit ba ito nangyari sa akin? Ako’y 16 na taong gulang pa lamang, at hindi ko alam ang gagawin ko.”​—Nicole.

SI Nicole * ngayon, nasa mga edad 35, ay isang may-kumpiyansa at masiglang ina na may tatlong anak. Ang kaniyang panganay na anak ay 20 taong gulang na. Oo, mga taon na ang nakararaan, siya ay isa sa milyun-milyong tin-edyer na nagdalang-tao nang walang asawa. Tulad ng ibang tin-edyer na ina, nasumpungan niya ang sarili na litung-lito sa gitna ng malalaking hamon, mahihirap na desisyon, at di-tiyak na kinabukasan.

Bihirang magsalita si Nicole tungkol sa kaniyang pagkabigla, sa pagtangging harapin ang katotohanan, sa pagkatakot, sa pagkagalit, at sa pagkasiphayo na dinaanan niya sa mga huling taon ng kaniyang pagkatin-edyer​—ang panahon na mga damit at grado sa paaralan ang siyang ikinababahala ng kaniyang mga kaedad. Subalit may pag-asa pa naman ang situwasyon ni Nicole. Galing siya sa isang mapagmahal na pamilyang nagsikap na ikintal sa kaniya ang mataas na mga simulain sa moral. Bagaman pinili niya na pansamantalang ipagwalang-bahala ang mga simulaing iyon​—at pagdusahan ang mga bunga​—nang maglaon, inakay siya ng mga simulain ding iyon tungo sa isang kasiya-siya at makabuluhang buhay. “Hindi pa huli ang lahat” ang kaniyang naging sawikain.

Nakalulungkot, hindi lahat ng tin-edyer na ina ay may mapagkalingang pamilya​—o may gayong positibong pangmalas. Natanto agad ng marami na waring hindi na sila makaaahon pa sa kahirapan. Kailangan namang batahin ng ilan ang epekto sa damdamin ng dinanas na panghahalay at karahasan.

Lahat ng ito ay may masamang epekto sa mga anak ng tin-edyer na mga ina. Sinasabi ng aklat na Teen Moms​—The Pain and the Promise na ang mga sanggol ng tin-edyer na mga ina “ay malamang na mas mababa ang timbang nang isilang, mas maraming sakit habang bata, mas marami ang namamatay, di-sapat ang pangangalagang medikal, mas dumaranas ng gutom at malnutrisyon; sila ay nahahantad sa mas maraming karahasan, at mas mabagal ang paglaki kaysa sa mga batang isinilang ng mga inang nasa hustong gulang na.” Sa katunayan, ang mga anak na babae ng tin-edyer na mga ina ay mas malamang na maging tin-edyer na ina rin kaysa sa mga batang isinilang ng mga inang nasa hustong gulang na.

Gaano ba karami ang mga tin-edyer na nagdadalang-tao? Paano matagumpay na mahaharap ng tin-edyer na mga ina ang mga hamon ng pagpapalaki sa kanilang mga sanggol? May paraan ba para matulungan ang mga kabataan na maiwasang masadlak sa gayong nakapipighating situwasyon? Tatalakayin sa susunod na mga artikulo ang mga tanong na ito.

[Talababa]

^ par. 3 Binago ang ilang pangalan sa seryeng ito.