Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Monteverde—Isang Likas na Kanlungan na Nasa mga Ulap

Monteverde—Isang Likas na Kanlungan na Nasa mga Ulap

Monteverde​—Isang Likas na Kanlungan na Nasa mga Ulap

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA COSTA RICA

Ang mainit na hanging amihan sa Caribbean na humihihip mula sa dagat ay nakararating sa mga bundok na ang taas ay umaabot hanggang sa 1,700 metro. Habang pumapailanlang ang hangin sa gilid ng mga bundok, lumalamig ito, at namumuo ang halumigmig nito. Nabubuo ang makakapal at mabababang ulap, anupat pinaliliguan ng ulan ang kabundukan o binabalot ng maninipis na ulap ang mga ito. Ang resulta? Isang kakaibang dako ng pambihirang likas na kagandahan na kilala bilang isang maulap na gubat.

ANG taon ay 1951. Iniwan ng 44 na miyembro ng relihiyosong grupo na karaniwan nang kilala bilang Quakers ang kanilang tahanan sa Alabama, E.U.A., sa paghahanap ng isang lugar upang doon itatag ang isang tahimik na relihiyosong pamayanan. Inakay sila ng kanilang paghahanap sa nababalutan ng mga ulap na kabundukan ng hilagang-kanlurang Costa Rica, sa Sentral Amerika. Ang lupain doon ay malayo, mataba, at medyo mababa ang presyo.

Subalit hindi madaling gawing homisted ang lugar na iyon. Naalaala ni Marvin Rockwell, isa sa mga unang namayan doon, “Ang tanging landas paakyat sa bundok ay isang daanan ng mga karitong hila ng baka, at pinatag namin iyon gamit ang mga píko at pala upang makaraan ang aming mga dyip.” Sa tulong ng lokal na mga residente kung kaya sa wakas ay naitatag nila ang kanilang bagong tahanan sa maulap na gubat. Angkop naman, tinawag nila iyon na Monteverde, na ang kahulugan ay “Luntiang Bundok.”

Dalawang bagay na may pangmatagalang mga epekto ang ipinasiya ng mga namayan. Batid nila na kailangang makasapat sa kanilang pangangailangan ang kanilang sakahang pamayanan. Pero ano kayang produktong makatatagal sa mahabang paglalakbay pababa sa bundok patungo sa palengke ang maaari nilang gawin? Ipinasiya nilang angkop na produkto ang keso. Ang isang maliit na pagawaan ng keso na nagsimula noon ay nakagagawa na ngayon ng mahigit na 4,000 kilo ng keso bawat araw, bukod pa sa ibang produktong gawa sa gatas, gaya ng sour cream, cream cheese, at sorbetes.

Ipinasiya rin ng mga namayan na ibukod ang 541 ektarya ng kagubatan sa gilid ng bundok na nasa gawing itaas ng kanilang mga tahanan. Yamang ang libis-agusang ito ang pinagkukunan ng tubig para sa kanilang maliit na plantang hydroelectric, naisip nila na magiging isang katalinuhan na ingatan ito. Subalit di-nagtagal, ang napakarami at sari-saring halaman at hayop sa lugar ng libis-agusan ay nakatawag-pansin sa mga siyentipiko, lalo na matapos matuklasan ang golden toad. (Tingnan ang kahon tungkol sa golden toad.) Noong dekada ng 1960, itinatag ng isang grupo ng mga siyentipiko at lokal na mga residente ang Monteverde Cloud Forest Preserve, isang kanlungan ng buhay-iláng na di-nagtagal ay pinalawak upang mapalakip ang libis-agusan. Mula noon, ang kanlungan ay pinalawak pa upang sumakop sa halos 10,500 ektarya.

Ang Monteverde Cloud Forest Preserve ay isa sa mga atraksiyon na pinakamadalas puntahan sa Costa Rica. Taun-taon, umaabot sa mga 50,000 turista ang naglalakbay sa matarik at paliku-likong daan patungo sa Monteverde. Dumaragsa ang mahihilig magmasid sa mga ibon at ang mga naturalista upang makita ang libu-libong uri ng mga ibon, hayop, at mga halaman na matatagpuan sa kanlungan at sa nakapalibot na mga lugar.

Mga Halaman

Nagsisilbing pundasyon ng mga ekosistema sa kanlungan ang mga 500 uri ng punungkahoy. Ang ilang punungkahoy ay mahigpit na nangungunyapit sa nakausling mga tagaytay, anupat nakikipagbuno sa mga hangin na siyang dahilan kung bakit nagiging bansot at mabuko ang mga ito. Yaong mga tumutubo sa lugar na di-natatagos ng araw ay nababalutan ng makakapal na baging, yerba, at mga palumpong na nakakapit sa balat ng pinakapuno ng mga punungkahoy. Paano kaya nabubuhay ang mga halamang ito, na tinatawag na mga dapo, nang hindi nakaugat sa lupa? Ganito ang mababasa sa isang lathalaing panggiya: “Sa mahalumigmig na kapaligirang ito, nakakakuha ang mga dapo ng saganang tubig kahit na wala itong mahahabang ugat. Sinasaló ng mga pananim ang sapat na dami ng mga dahong nalalaglag na natatangay ng tubig-ulan mula sa mga halaman sa itaas upang magsuplay ng mga sustansiya.”

Tatlong daang uri ng mga orkid ang nagdaragdag ng kulay sa pangunahin nang luntiang kapaligiran. Ang kalakhang bahagi ng natitirang lugar sa lupain ay punô ng 200 uri ng pakô na nabubuhay roon​—ang ilan ay halos 12 metro ang taas at 150 taóng gulang na.

Bakit gayon na lamang ang pagkakasari-sari ng mga halaman sa gayon kaliit na lugar? Una, ang mga hangganan ng kanlungan ay umaabot sa Karagatang Pasipiko at sa Caribbean. Ang malaking pagkakaiba sa kahalumigmigan at temperatura sa iba’t ibang taas ng lupa ay lumilikha ng anim na iba’t ibang sona ng ekolohiyang pinamumuhayan ng napakaraming uri ng halaman at hayop.

Mga Ibon at Hayop

Ang Monteverde ay isang paraiso para sa mga mahilig magmasid sa mga ibon. Noong 1996, binilang ang mga uri ng ibong matatagpuan sa loob ng isang pabilog na lugar na may diyametrong 25 kilometro na sumasaklaw sa ilang bahagi ng Monteverde. Sa loob lamang ng 24 na oras, namataan ang 369 na iba’t ibang uri ng mga ibon! Matatagpuan dito ang iba’t ibang uri ng ibon mula sa napakaliit na hummingbird hanggang sa marikit na quetzal. Sa katunayan, maraming bisita ang dumarating pangunahin na upang makita ang quetzal​—isa sa mga ibon sa Tropiko na may pinakamagandang balahibo. Humigit-kumulang sa 100 pares ng quetzal ang namumugad sa Monteverde, pero mahirap makita ang mga ito dahil ang berdeng balahibo nito ay kakulay ng luntiang kagubatan. Pero napakadali namang makita ang mga hummingbird na madalas dumapo sa mga kainan ng ibon na inilalagay sa labas ng lokal na mga tindahan at mga restawran. Habang napapalamutian ng makikintab na balahibong kulay-ubi, esmeralda, at turkesa, humahagibis sila sa pagpapalipat-lipat sa pagitan ng mga bulaklak at mga kainan ng ibon sa pamamagitan ng kanilang mga pakpak na pumapagaspas nang pagkabibilis.

Naninirahan din sa Monteverde ang 100 uri ng mamal. “Ito ay isa sa iilan na lamang na natitirang tahanan ng . . . limang uri ng pamilya ng pusa: ang jaguar, ocelot, puma, margay, at jaguarundi,” ang sabi ng Costa Rica Handbook. Gayunpaman, ang maiilap at malalaking pusa ay lumalayo sa mga tao. “Namamataan lamang ang isang puma tuwing ikaanim na buwan,” ang sabi ng manedyer ng kanlungan na si Rafael Bolaños, sa Gumising! “Ang jaguar naman ay namamataan lamang tuwing ikatlong taon.” Mas malamang pa na makakita ng isa sa 120 uri ng amphibian at reptilya.

Ano na kaya ang kinabukasan ng Monteverde? Gumagawa ng mga pagsisikap na palawakin pa ang pinangangalagaang lugar. Sa katunayan, higit pa sa doble ang inilawak ng pinangangalagaang lugar dahil sa pagdaragdag kamakailan ng Santa Elena Forest Reserve at ng Children’s Eternal Rain Forest. (Tingnan ang kahon sa ibaba.) Inaasahan na makatutulong ang mga hakbanging ito upang matiyak na laging sagana ang buhay sa maulap na gubat.

[Larawan sa pahina 17]

Ang Pagkaubos ng Golden Toad

Unang natuklasan ang katutubong golden toad (ginintuang palakang-kati), na sa aktuwal ay nagliliwanag na kahel ang kulay, ng biyologong si Jay Savage sa kaitaasan ng kagubatan ng Monteverde noong dekada ng 1960. Waring sa Monteverde lamang matatagpuan ang palakang-kati na ito. “Isang kulupon nito na binubuo ng mga 1,000 ang namataan noong 1985,” sabi ni Rafael Bolaños, manedyer ng Monteverde Cloud Forest Preserve. “Ngunit pagkaraan lamang ng dalawang taon, iilan na lamang ang masusumpungan.” May paniwala na ubos na ngayon ang mga golden toad.

Si Dr. Alan Pounds, na nagsuri tungkol sa pagkaubos ng 20 uri ng mga palaka at palakang-kati sa Monteverde Cloud Forest Preserve, ay nagsabi na “ang di-normal na pag-ulan sa araw-araw . . . ay agad na sinundan ng pagkaubos ng maraming uri ng amphibian, kasali na ang katutubong golden toad.”

[Credit Line]

© 2003 Richard Sage

[Kahon sa pahina 18]

Children’s Eternal Rain Forest

Sa isang maliit na paaralang elementarya sa kabukiran ng Sweden, nagtanong ang isang klase na binubuo ng mga nasa siyam na taóng gulang kung ano ang maaari nilang gawin upang mailigtas ang maulang gubat. Sa tulong ng kanilang guro, nakaipon sila ng pera na ginamit noong 1988 upang bumili ng anim na ektarya ng nanganganib na maulang gubat. Doon nagsimula ang Children’s Eternal Rain Forest. Napabalita ang tungkol sa proyekto, at sumali sa pagsisikap na iyon ang mga bata mula sa 44 na bansa. Nakaipon ang mga bata ng sapat na pera upang palawakin ang pinangangalagaang lugar hanggang sa masakop ang libu-libong ektarya ng lupa na nasa tatlong panig ng mga hangganan ng Monteverde Cloud Forest Preserve.

[Mapa sa pahina 16]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Monteverde

[Larawan sa pahina 16]

Mga halamang dapo

[Larawan sa pahina 16]

Mga pakô

[Larawan sa pahina 16, 17]

Orkid

[Larawan sa pahina 18]

“Hummingbird”

[Credit Line]

THE HUMMINGBIRD SOCIETY/Newark Delaware USA

[Larawan sa pahina 18]

“Quetzal”

[Credit Line]

© Anthony Mercieca/SuperStock

[Larawan sa pahina 18]

“Red-eyed tree frog”

[Picture Credit Line sa pahina 17]

Background and orchids: © Michael at Patricia Fogden