Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakabilanggo, Ngunit Malaya!

Nakabilanggo, Ngunit Malaya!

Nakabilanggo, Ngunit Malaya!

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Mexico

MATATAGPUAN ang Islas Marías mga 90 kilometro mula sa gitnang kanlurang baybayin ng Mexico. * Ang isa sa mga islang ito sa Pasipiko, ang María Madre, ay nagsisilbing pederal na bilangguan sa Mexico mula noong 1905. Noon, nakapanghihilakbot na parusa ang mapatapon doon, ngunit ngayon, ang mga bilanggong may rekord ng mahusay na paggawi ay humihiling pa ngang mailipat doon!

Ang isang dahilan nito ay pinahihintulutan kasi ang ilang bilanggo na manirahan doon kasama ng kanilang pamilya. Sa halip na mamuhay sa mga seldang may mga rehas, nakatira ang mga bilanggo sa maliliit na bahay. Masusumpungan sa mga pamayanan ang maraming pampublikong pasilidad na matatagpuan sa alinmang maliit na bayan. Nagagawang makipag-ugnayan ng mga bilanggo sa iba pang bahagi ng daigdig sa tulong ng telepono, telegrapo, telebisyon, at koreo. Maaaring mag-aral sa elementarya ang mga bata roon, ngunit kailangan silang bumalik sa mismong kontinente para makapaghaiskul. At bagaman mahigpit na nililimitahan ang pagpasok at paglabas sa mga isla, minsan sa isang linggo ay dumadaong ang isang barko ng hukbong pandagat upang magdala ng mga suplay at mga bisita.

Paano naman ang pagpapanibago sa buhay ng mga bilanggo? Hinihilingan ang mga bilanggo​—na tinatawag ang kanilang sarili na mga colono, o mga naninirahan​—na magtrabaho sa loob ng ilang oras sa bawat araw. Hindi lamang ito tumutulong sa kanila sa dakong huli na matutong bumagay sa pamumuhay sa labas ng bilangguan kundi tumutulong din ito upang matustusan ang kanilang mga pangangailangan. Malaya ring magtaguyod ng personal na mga gawain ang mga colono, tulad ng paghahalaman at paggawa ng mga gawang-kamay na mapagkakakitaan. Hindi naman nangangahulugang wala na ang disiplinang karaniwan nang ipinasusunod sa mga bilanggo. Ang mga bilanggo ay kailangang tumugon tuwing umaga kapag tinatawag ang kanilang pangalan at sumunod sa curfew na alas 9 n.g.

Nagkaroon ng Espirituwal na Kalayaan sa Islas Marías

Noong mga 1985, humiling ng espirituwal na tulong ang isang colono na ang pamilya ay mga Saksi ni Jehova. Sinimulan ang isang pag-aaral ng Bibliya sa pamamagitan ng liham. Nang maglaon, isang grupo ng mga estudyante sa Bibliya ang nabuo, at nagsimula silang magdaos ng Kristiyanong mga pagpupulong. Nang mabigyan ng pahintulot ng pamahalaan, regular na dumalaw sa isla ang mga Saksi ni Jehova​—isang 13-oras na biyahe sa gabi mula sa Mazatlán, na nasa kontinente. Sa paglipas ng mga taon, mga 40 bilanggo na ang natuto ng katotohanan ng Salita ng Diyos, nabautismuhan, at pinalaya matapos gugulin ang kanilang sentensiya. Nang isinusulat ang artikulong ito, 6 na bautisadong Saksi ang naroon pa sa isla, at humigit-kumulang 25 katao ang dumadalo sa Kristiyanong mga pagpupulong.

Hinahangaan ng mga awtoridad ang mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang mga pagsisikap, at ang mga bilanggong naging mga Saksi ay iginagalang ng lahat. Kamakailan, sinabi ng katulong na direktor ng bilangguan sa isang dumadalaw na Saksi: “Kay-inam nga na magkapareho ang ating interes sa pagmamalasakit sa pisikal at moral na kapakanan ng mga bilanggo, at na interesado kayong tulungan sila! Buo ang suporta namin sa inyo.” Nag-alok siya na kumpunihin ang gusaling ipinahintulot na pagdausan ng pulong ng mga kapatid.

Isang bautisadong Saksi​—na sampung taon nang nakabilanggo​—ang nagsabi: “Nang tanungin ako ng mga kapatid na dumadalaw sa amin kung gusto ko nang umalis sa lugar na ito, sinabi ko sa kanila na gusto kong magpatuloy sa paglilingkod dito; itinuturing ko itong atas na teritoryo, yamang malaki ang pangangailangan dito. Siyempre pa, gusto kong makadalo sa mga asamblea at matamasa ang Kristiyanong pagsasamahan.” Nakatakda na siyang palayain sa susunod na taon dahil sa mabuting paggawi.

Iniuulat na nagtatagumpay ang bilangguan sa Islas Marías sa pagbago sa buhay ng mga bilanggo. Gayunman, ang mensahe ng Kaharian ang nagdulot ng tunay na espirituwal na kalayaan at pagpapanibago ng buhay, ng “pagpapalaya sa mga bihag” at ‘lubos na pagkakadilat ng mga mata ng mga bilanggo.’​—Lucas 4:18; Isaias 61:1.

[Talababa]

^ par. 3 Bagaman tinatawag ding Islas Tres Marías, nangangahulugang ang “Tatlong Maria,” ang kapuluan ay opisyal na binubuo ng apat na isla, tatlo sa mga ito ay hindi tinatahanan.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 21]

Sugapa sa Droga na Naging Kristiyanong Matanda

Nabilanggo si Guillermo dahil sa pagbebenta at paggamit ng droga. Matapos ipadala sa Islas Marías, patuloy siyang nagpakasugapa sa droga. Subalit napansin niya na ang ilang bilanggo na may mahahabang sentensiya dahil sa mga krimeng gaya ng pagbebenta ng droga ay maayos ang hitsura, may masayang pananaw sa buhay, at huwarang mga bilanggo. Nang malaman niya na nakikipag-aral ng Bibliya ang mga ito sa mga Saksi ni Jehova, tinanggap niya ang paanyayang dumalo sa kanilang mga pagpupulong. Di-nagtagal, idinaos sa kaniya ang isang regular na pag-aaral sa Bibliya.

Gumawa ng malalaking pagbabago sa buhay si Guillermo at di-nagtagal pagkatapos noon ay pinalaya siya. Agad niyang hinanap ang mga Saksi ni Jehova upang maipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Sa kasalukuyan, naglilingkod na siya bilang isang matanda sa kongregasyong Kristiyano, at 17 miyembro sa kaniyang pamilya ay mga Saksi ni Jehova na ngayon. Nagkomento siya: “Isang malaking pribilehiyo na makilala si Jehova at talikuran ang lahat ng mga bisyong iyon. Ang marami sa dating mga kaibigan ko ay patay na dahil sa droga. Nakaapekto ang droga sa aking utak, anupat nahihirapan akong tandaan ang mga impormasyon. Ngunit nakatulong ang pamamaraan ng pag-aaral na ginamit ng mga Saksi upang sumulong nang malaki ang kakayahan ng aking isip. Nagulat ang mga doktor dahil akala nila ay hindi na ako gagaling. Kagila-gilalas ang nagawa ng katotohanan ng Bibliya sa akin at sa aking pamilya. Hindi kami nagpapakita noon ng pag-ibig sa isa’t isa, ngunit ngayon ay nagkakaisa na kami.”

[Mga mapa sa pahina 20]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Mazatlán

Islas Marías

María Madre

[Larawan sa pahina 20]

Ang mga “colono” at ang kani-kanilang pamilya ay dumadalo sa mga pulong sa Kingdom Hall sa María Madre