Ang Pangmalas ng Bibliya
Paano Natin Dapat Pakitunguhan ang mga May-edad Na?
NOONG tag-init ng taóng 2003, libu-libo ang namatay sa buong Europa dahil sa napakatinding init na noon lamang naranasan ng Kontinente sa nakalipas na 60 taon. Ang karamihan sa mga namatay ay mga may-edad na. Ang ilan ay iniwang mag-isa ng mga kamag-anak na nagbakasyon. Ang iba naman ay iniulat na napabayaan o nakaligtaan ng hapung-hapong mga tauhan ng mga ospital at mga nursing home. Iniulat ng pahayagang Le Parisien na sa Paris lamang, 450 bangkay ang hindi kinukuha. “Ano bang mga kalagayan ang kinabubuhayan natin at kinalilimutan na natin ang ating mga ama, ina, mga lolo’t lola?” ang tanong ng pahayagan tungkol sa situwasyon ng mga namatay na nag-iisa at hindi nakikilala.
Yamang ang pandaigdig na populasyon ng mga taong mahigit 65 anyos ay nadaragdagan ng wala pang katulad na bilang na 795,000 katao bawat buwan, naging isa sa pinakamalaking ikinababahala ngayon ang pag-aasikaso sa mga pangangailangan ng mga may-edad na. “Dumarami ang matatandang tao sa buong daigdig sa antas na hindi pa kailanman naranasan at kailangan tayong magbigay-pansin kung paano tumutugon ang mga bansa sa mga hamon at mga oportunidad na dulot ng pagtanda,” ang sabi ni Nancy Gordon, katulong na direktor ng mga programang pandemograpiya para sa U.S. Census Bureau.
Interesado rin ang ating Maylalang sa mga may-edad na. Sa katunayan, naglalaan ng patnubay sa atin ang kaniyang Salita, ang Bibliya, kung paano sila dapat pakitunguhan.
Igalang ang mga May-edad Na
Pinasisigla ng Kautusan ng Diyos, na ibinigay kay Moises, ang paggalang sa mga may-edad na. Sinabi ng Kautusan: “Sa harap ng may uban ay titindig ka, at pakukundanganan mo ang pagkatao ng isang matanda.” (Levitico 19:32) Inaasahan na “titindig” ang masunuring mga mananamba ng Diyos sa harap ng mga may-edad na (1) bilang tanda ng paggalang sa nakatatandang tao at (2) bilang katibayan ng mapitagang pagkatakot ng mga mananamba sa Diyos. Samakatuwid, ang mga may-edad na ay dapat parangalan at igalang bilang mahahalagang tao.—Kawikaan 16:31; 23:22.
Bagaman wala na sa ilalim ng Kautusang Mosaiko ang mga Kristiyano sa ngayon, isinisiwalat ng mga simulain nito ang kaisipan at mga priyoridad ni Jehova, anupat nagbibigay-katiyakan na mataas ang pagpapahalaga niya sa mga may-edad na. Naunawaan ng mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano noong unang siglo ang mga simulaing ito. Iniuulat sa aklat ng Bibliya na Mga Gawa ang mga katibayan nito. Kabilang sa mga Kristiyano sa Jerusalem noong panahong iyon ang ilang nagdarahop na mga babaing balo. Walang alinlangan na may-edad na ang ilan sa kanila. Nag-atas ang mga apostol ng pitong “lalaking may patotoo” upang tiyakin na makatatanggap ang mga babaing ito ng araw-araw na suplay ng pagkain sa maayos na paraan, anupat itinuturing na ‘mahalagang gawain’ ng kongregasyon ang gayong pantanging pangangalaga.—Gawa 6:1-7.
Ikinapit ni apostol Pablo sa kongregasyong Kristiyano ang simulain ng ‘pagtindig sa harap ng may uban.’ Sinabi niya sa nakababatang tagapangasiwang Kristiyano na si Timoteo: “Huwag mong punahin nang may katindihan ang isang matandang lalaki. Sa halip, mamanhik ka sa kaniya gaya ng sa isang ama, . . . sa matatandang babae gaya ng sa mga ina.” (1 Timoteo 5:1, 2) Bagaman ang kabataang si Timoteo ay may awtoridad sa may-edad nang mga Kristiyano, sinabihan siya na huwag hamakin ang isang nakatatandang lalaki. Sa halip, kailangang magalang siyang mamanhik sa kanila na gaya ng sa isang ama. At dapat din niyang parangalan ang matatandang babae sa kongregasyon. Sa diwa, pinapayuhan ni apostol Pablo si Timoteo—at kung ikakapit pa sa mas malawak na paraan, kasali na rito ang lahat ng miyembro ng kongregasyong Kristiyano—na ‘tumindig sa harap ng may uban.’
Sabihin pa, hindi na kailangan ng bayan ng Diyos ang batas upang mapakitunguhan nang marangal at magalang ang mga nakatatanda. Isaalang-alang ang halimbawa ni Jose na nakaulat sa Bibliya. Hindi niya inalintana ang anumang gagastusin para madala sa Ehipto ang kaniyang may-edad nang ama, sa gayon ay iniligtas ang 130-taóng-gulang na si Jacob sa laganap na taggutom. Nang makita ang kaniyang ama sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng mahigit dalawang dekada, ‘kaagad sumubsob si Jose sa leeg ng kaniyang ama at umiyak sa leeg nito nang paulit-ulit.’ (Genesis 46:29) Matagal pa bago maging kautusan sa mga Israelita na pakitunguhan nang may habag at matinding paggalang ang mga may-edad na, ipinakita na ni Jose ang pangmalas ng Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng gayon.
Noong panahon ng kaniyang ministeryo, si Jesus mismo ay nagmalasakit sa mga may-edad na. Matindi ang pagtuligsa niya sa relihiyosong mga lider na nakadamang makatuwiran na pabayaan ang kanilang matatanda nang mga magulang dahil sa kanilang relihiyosong mga tradisyon. (Mateo 15:3-9) Maibigin ding inasikaso ni Jesus ang kaniyang sariling ina. Bagaman dumaranas ng napakatinding kirot habang nasa pahirapang tulos, tiniyak niya na ang kaniyang matanda nang ina ay pangangalagaan ng minamahal niyang apostol na si Juan.—Juan 19:26, 27.
Hindi Pinababayaan ng Diyos ang mga Matapat sa Kaniya
Nanalangin ang salmista: “Huwag mo akong itakwil sa panahon ng katandaan; kapag nanghihina na ang aking kalakasan ay huwag mo akong iwan.” (Awit 71:9) Hindi ‘itinatakwil’ ng Diyos ang kaniyang tapat na mga lingkod kahit madama nila mismo na wala na silang pakinabang. Hindi nadama ng salmista na pinabayaan siya ni Jehova; sa halip, kinilala niya ang kaniya mismong pangangailangan na lalo pang umasa sa kaniyang Maylikha habang tumatanda siya. Tumutugon si Jehova sa gayong pagkamatapat sa pamamagitan ng paglalaan ng suporta sa buong buhay ng isang indibiduwal. (Awit 18:25) Kadalasan, ang gayong suporta ay inilalaan sa pamamagitan ng mga kapuwa Kristiyano.
Batay sa mga tinalakay, maliwanag na ang lahat ng nagnanais magparangal sa Diyos ay dapat magparangal sa mga may-edad na. Talagang mahalaga ang mga nakatatanda sa paningin ng ating Maylalang. Yamang tayo ay nilalang ayon sa larawan niya, lagi nawa nating ipakita ang makadiyos na pangmalas sa mga “may-uban.”—Awit 71:18.
[Larawan sa pahina 23]
Pinararangalan at iginagalang ng mga Kristiyano ang mga nakatatanda