Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagdadalang-tao ng mga Tin-edyer—Isang Pangglobong Trahedya

Pagdadalang-tao ng mga Tin-edyer—Isang Pangglobong Trahedya

Pagdadalang-tao ng mga Tin-edyer​—Isang Pangglobong Trahedya

TINAWAG na isang epidemya ang pagdadalang-tao ng mga tin-edyer. Gayunman, ang nakapanlulumong lawak ng suliraning ito ay lubusang mauunawaan kapag isinaalang-alang ang epekto ng pagdadalang-tao sa isang takot na takot na babaing tin-edyer. Sa paanuman, daranas siya ng malalaking pagbabago sa kaniyang buhay na may matinding epekto hindi lamang sa kaniyang sarili kundi pati na rin sa kaniyang pamilya at mga mahal sa buhay.

Ang mga tin-edyer ay nasa panahon ng tinatawag sa Bibliya na “kasibulan ng kabataan”​—isang panahon na kadalasan ay napakatindi ng seksuwal na mga hangarin. (1 Corinto 7:36) Gayunman, magiging napakasimple kung ituturing na isa lamang resulta ng hindi paggamit ng kontraseptibo ang pagdadalang-tao ng mga tin-edyer. Ipinakikita ng ebidensiya na nasasangkot sa pagdadalang-tao ng mga tin-edyer ang ilang masalimuot na isyung panlipunan at isyung nakaaapekto sa emosyon.

Mga Dahilan

Ipinakikita ng mga pananaliksik na maraming tin-edyer na ina ang galing sa mga wasak na pamilya. “Sa buong buhay ko ang gusto ko lamang ay magkaroon ng isang tunay na pamilya” ang paulit-ulit na sinasabi ng maraming kabataan na nagdadalang-tao. Kung gayon, maliwanag na isang dahilan sa pagdadalang-tao ng mga tin-edyer ang mga wasak na pamilya. Natuklasan ng isang programa para sa pagtulong sa tin-edyer na mga ina na sila ay kadalasang may “mabuway na kaugnayan sa kanilang mga ina at walang anumang kaugnayan sa kanilang mga ama.” Natatandaan ni Anita, naging ina sa edad na 18, na bagaman nagtrabaho nang husto ang kaniyang nagsosolong ina upang ilaan ang materyal na pangangailangan niya, nakadama pa rin si Anita ng kakulangan sa damdamin na likha ng pangungulila sa kaniyang ama.

Naging mga dalagang ina naman ang ibang batang babae dahil sila’y hinalay. Para sa ilan sa kanila, ang masaklap na karanasang iyon ay waring pumupukaw ng matinding kirot sa damdamin na sa kalaunan ay maaaring mahayag sa paggawing sumisira sa kanilang buhay. Halimbawa, si Jasmine ay hinalay sa edad na 15. “Pagkatapos,” nagunita niya, “wala akong pakialam anuman ang mangyari sa akin. Nang ako’y 19, nagdalang-tao ako.” Dahil sa seksuwal na pang-aabuso, maaari ring madama ng isa na wala na siyang halaga. “Pakiramdam ko’y wala na akong kabuluhan,” ang hinagpis ni Jasmine. Kahawig din nito ang naranasan ni Anita: “Sa pagitan ng edad na 7 at 11, minolestiya ako ng isang tin-edyer. Nasuklam ako sa aking sarili. Sinisi ko ang sarili ko.” Nagdalang-tao siya sa edad na 17.

Sa kabilang dako, ang ilang kabataan ay biktima ng kanilang sobrang tiwala sa sarili at pagkamausisa. Inamin ni Nicole, na nabanggit sa naunang artikulo: “Akala ko’y alam ko na ang lahat, na kaya ko nang gawin ang kahit ano. Nakalulungkot na puwede na rin pala akong magkaanak.” Si Carol, na maagang naging dalagang ina, ay sumubok na makipagtalik udyok ng pagkamausisa. Sinabi niya, “Inakala ko na may mga bagay sa buhay na pinalalampas ko.”

Isang dahilan din ang kawalang-alam sa mga ibinubunga ng pakikipagtalik. Sa Britanya, ayon sa mga sosyologong sina Karen Rowlingson at Stephen McKay, ang ilang kabataan ay “walang tumpak na kaalaman tungkol sa . . . kung ano ang dapat asahan sa mga relasyon at kung ano ang nasasangkot sa pagdadalang-tao.” Waring hindi talaga natatalos ng ilang kabataan na ang pagsisiping ay maaaring humantong sa pagdadalang-tao. Sa isang surbey, ang tin-edyer na mga ina ay “kadalasang napapabalitang nagigimbal o nagugulat na matuklasang nagdadalang-tao sila kahit na hindi sila gumagamit ng kontraseptibo.”

Magkagayunman, ang nagbabagong saloobin tungkol sa sekso ang siyang pinakamalaking dahilan sa pagdadalang-tao ng mga tin-edyer. Nabubuhay tayo sa panahon na ang mga tao ay “mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1-4) Sinasabi ng mga mananaliksik na taga-Australia na sina Ailsa Burns at Cath Scott na “nabawasan ang mga pagbabawal ng lipunan, relihiyon, at ekonomiya laban sa pagsisiping nang di-kasal.” Hindi na gaanong hinahatulan ngayon ang pagkakaroon ng anak sa ligáw di-tulad noon. Aba, itinuturing pa nga ng mga kabataan sa ilang lugar na ang pagkakaroon ng anak ay isang uri ng tropeo o simbolo ng katanyagan!

Epekto sa Damdamin

Ang katotohanan ng pagdadalang-tao ng mga tin-edyer ay ibang-iba sa pantasya ng mga kabataan. Sa sandaling matuklasan na nagdadalang-tao sila, ang mga kabataang babae ay kadalasang nakadarama ng iba’t ibang emosyon. Marami ang umamin na sila’y nagitla o natigilan. “Karaniwan nang reaksiyon ang pagkagalit, pagkadama ng kasalanan, at pagtangging tanggapin ang katotohanan,” sabi ng American Academy of Child and Adolescent Psychiatry. Subalit maaaring maging mapanganib ang pagtangging tanggapin ang katotohanan yamang maaari itong makapigil sa isang babae na magpatingin sa doktor na siya namang kailangan.

“Natakot ako,” nagunita ni Elvenia nang sandaling matalos niya ang epekto ng kaniyang “pakikipagsapalaran” sa sekso. Maraming babae na nagdadalang-tao ang walang mapaghingahan ng loob o kaya’y nahihiyang pag-usapan ang kanilang situwasyon. Kaya naman hindi nakapagtataka na ang ilan ay nadadaig ng kanilang pagkadama ng kasalanan at takot. Dumaranas din ng matinding depresyon ang maraming tin-edyer na nagdadalang-tao. “Wala na akong interes na mabuhay, at bale-wala sa akin kung mamatay man ako,” sabi ni Jasmine. *

Anuman ang maging unang reaksiyon ng isang kabataang babae, sa kalaunan ay kailangan niyang gumawa ng malalaking desisyon para sa kaniyang sarili at sa kaniyang anak. Kung paano may-katalinuhang makagagawa ng gayong mga desisyon ang mga kabataang babae ang siya nating paksa sa susunod na artikulo.

[Talababa]

^ par. 12 Para sa impormasyon tungkol sa pagharap sa damdamin ng pagnanais magpatiwakal, tingnan ang “Sulit ang Mabuhay,” sa Oktubre 22, 2001, isyu ng Gumising!

[Kahon sa pahina 7]

Pagdadalang-tao ng mga Tin-edyer​—Ang Masaklap na Katotohanan

Bagaman inilalarawan ng mga sumusunod ang situwasyon sa Estados Unidos, masasalamin dito ang ilang katotohanang kinakaharap ng mga nagdadalang-taong tin-edyer sa buong daigdig.

● Apat sa 10 babae ang nagdadalang-tao bago sumapit sa edad na 20​—mahigit na 900,000 pagdadalang-tao ng mga tin-edyer taun-taon.

● Mga 40 porsiyento ng tin-edyer na mga ina ay wala pang 18 anyos.

● Mas maraming mga anak ng tin-edyer na mga magulang ang inaabuso at pinababayaan kaysa sa mga anak ng mga magulang na nasa hustong gulang.

● Apat lamang sa 10 ina na wala pang 18 anyos ang nakatatapos ng haiskul.

● Halos 80 porsiyento ng mga ama ay hindi nagpapakasal sa mga tin-edyer na ina ng kanilang mga anak.

● Tatlumpung porsiyento lamang ng tin-edyer na mga ina na nagpakasal matapos isilang ang kanilang anak ang nananatiling may-asawa; makalawang ulit ang posibilidad na mabigo ang pag-aasawa ng mga tin-edyer kaysa sa kung ang edad ng babae ay hindi bababa sa 25.

● Ang mga anak ng tin-edyer na mga ina ay mas malamang na isilang nang wala sa panahon at mababa ang timbang, anupat lumalaki ang posibilidad na mamatay ang sanggol, mabulag, mabingi, magkaroon ng malubhang sakit sa palahingahan, maging mahina ang ulo, magkaroon ng sakit sa isip, cerebral palsy, dyslexia, at maging sobrang likot.

[Credit Line]

Halaw sa Not Just Another Single Issue: Teen Pregnancy Prevention’s Link to Other Critical Social Issues, The National Campaign to Prevent Teen Pregnancy, Pebrero 2002.

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

Pagdadalang-tao ng mga Tin-edyer sa Buong Daigdig

BRAZIL: Iniulat na “698,439 na mga babaing tin-edyer na wala pang 19 anyos ang nanganak noong 1998 sa ilalim ng Brazilian State Health System . . . 31,857 sa mga babaing ito ay mga batang nasa pagitan ng 10 at 14 na taóng gulang, na, aaminin mo, isang di-kapani-paniwalang edad para magkaanak.”​—Folha de S. Paulo, Agosto 25, 1999.

BRITANYA: “Ang Britanya ang may pinakamaraming pagdadalang-tao ng mga tin-edyer sa Kanlurang Europa . . . May halos 90,000 paglilihi ng mga tin-edyer sa Inglatera noong 1997. Halos tatlong-kalima ang humantong sa panganganak (56,000), at 90 porsiyento ng mga ipinanganak ng mga tin-edyer noong 1997 ay mga anak sa ligáw (mga 50,000).”​—Lone Parent Families, 2002.

MALAYSIA: “Mula noong 1998, dumami sa bansa ang isinilang na mga anak sa ligáw at karamihan sa mga ina ay nasa mga huling taon ng pagkatin-edyer.”​—New Straits Times–​​Management Times, Abril 1, 2002.

RUSSIA: “Ipinakikita ng mga estadistika ng pamahalaan na halos sangkatlo ng lahat ng sanggol na isinilang sa Russia noong nakaraang taon ay isinilang ng mga dalagang ina, doble sa porsiyento ng naunang dekada at sa antas na hindi pa nangyari mula noong Digmaang Pandaigdig II. Mahigit sa 40 porsiyento ng mga sanggol na ito ay isinilang ng mga tin-edyer.”​—The Moscow Times, Nobyembre 29, 2001.

ESTADOS UNIDOS: “Sa kabila ng bumababang bilang ng pagdadalang-tao ng mga tin-edyer kamakailan, 4 sa 10 babaing tin-edyer ang nagdadalang-tao nang di-kukulangin sa isang beses bago sila sumapit sa edad na 20.”​—Whatever Happened to Childhood? The Problem of Teen Pregnancy in the United States, 1997.

[Larawan sa pahina 5]

Kapag nagkahiwalay ang mga magulang, lumalaki ang panganib na magdalang-tao ang mga kabataan

[Larawan sa pahina 6]

Waring hindi natatalos ng ilang kabataan na ang pagsisiping ay maaaring humantong sa pagdadalang-tao

[Larawan sa pahina 6]

Matindi ang epekto ng pagdadalang-tao kapuwa sa isang kabataang babae at sa kaniyang mga mahal sa buhay