Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Nasusunog na mga Nagbibilad sa Araw

Ang karamihan sa mga nagbibilad sa araw ay hindi naglalagay ng sapat na sunscreen upang maabot ang sun protection factor (SPF) na nakalista sa pakete ng produkto, ang ulat ng Medical Journal of Australia. Ayon kay Dr. Stephen Taylor, “para sa pagpapaganda at pang-ekonomiyang dahilan, ang dami ng sunscreen na ipinapahid ng karamihan sa mga tao ay sangkatlo o sangkapat lamang ng dami na dapat ipahid upang makamit ang tamang antas ng SPF.” Kaya, gaano karaming sunscreen ang sapat? Sa babasahing Archives of Dermatology, inirerekomenda ni Dr. Jeffrey Schneider ang paggamit ng “kutsarita bilang panukat.” Ang adultong katamtaman ang laki ay dapat magpahid ng mahigit sa kalahati ng isang kutsarita ng sunscreen sa bawat bahaging ito ng katawan: ulo at leeg, kanang braso, at kaliwang braso. Bukod diyan, ang harap ng katawan, ang likod, kanang binti, at kaliwang binti ay dapat pahiran ng mahigit sa isang kutsarita. “Ang paggamit ng tamang dami ng sunscreen,” sabi ni Schneider, “ay nagbibigay ng higit na proteksiyon mula sa araw kaysa sa paggamit ng kaunting . . . sunscreen na mas mataas ang nakasulat na SPF.”

Kampeon sa Paglukso

“May bagong kampeon sa mataas na paglukso ang mga insekto,” ang ulat ng The Times ng London. Ang napakaliit na froghopper ay nakalulukso sa taas na 70 sentimetro. Katumbas iyan ng isang tao na kayang lumukso nang kasintaas ng gusaling umaabot nang mahigit sa 180 metro! Gamit ang isang high-speed na kamera, napansin ni Propesor Malcolm Burrows ng Cambridge University, Inglatera, na parang tirador ang mga kalamnan sa likurang mga binti ng insekto, anupat naglalabas ng napakalakas na enerhiya sa paglukso nito. Tinataya ni Burrows na kapag lumukso ang froghopper, nilalabanan nito ang mahigit sa 400 ulit na hatak ng grabidad ng lupa, “na 130 ulit na mas malakas kaysa sa nararanasan ng mga tauhan sa paglulunsad ng sasakyang pangkalawakan na Space Shuttle,” ang sabi ng pahayagan.

Tulog​—Ilang Oras ang Kailangan Mo?

“Ang mga adultong natutulog nang 7 oras kung gabi ay malamang na hindi mamatay sa loob ng yugto ng 10 taon kaysa sa mga gumugugol ng higit na panahon sa pagtulog,” ang ulat ng USA Today. Sinubaybayan ng mga mananaliksik sa Hapon ang mahigit sa 104,000 adulto sa loob ng mga sampung taon, at pinag-aralan nila ang kaugalian ng mga ito sa pagtulog, ang kanilang pangkalahatan at mental na kalusugan, at istilo ng pamumuhay. Natuklasan ng mga siyentipiko na “hindi gaanong dumami ang namamatay na mga lalaki na kaunti lamang ang tulog, kahit na apat na oras sa isang gabi, subalit kaunti lamang ang nabubuhay sa mga babae kung ang katamtamang tulog nila ay wala pang apat na oras.” Sinuportahan ng dalawa pang malalaki at inilathalang pag-aaral at maraming mas maliliit na pag-aaral ang mga tuklas na ito. Gayunman, natuklasan din ng mga espesyalista sa tulog na ang “mga natutulog nang apat hanggang 5 1/2 oras ay mahina sa mga pagsusulit na sumusukat sa memorya, malinaw na pag-iisip at sa kakayahang magpokus ng atensiyon.” Ganito ang sinabi ng saykayatris at mananaliksik hinggil sa pagtulog na si Daniel Kripke: “Ang mga tao ay dapat matulog nang maraming oras na kailangan upang madama nilang nakapahinga sila.”

Masaklap na Kinabukasan ng Maraming Kabataan

“Halos kalahati sa populasyon ng daigdig ay wala pang 25 anyos​—ang pinakamaraming henerasyon ng mga kabataan sa kasaysayan,” ang sabi ng report para sa 2003 ng State of the World Population ng United Nations. Anong pag-asa mayroon para sa mga kabataang ito? Ayon sa The Independent ng London, “sinabi ni Dr. Thoraya Obaid, direktor ng UN Population Fund, na nakakaharap ng pinakamaraming henerasyon ng mga kabataan sa kasaysayan ang wala pang katulad na mga panganib ng Aids at iba pang mga sakit na naililipat sa pagtatalik, maagang pag-aasawa at pagbubuntis, wasak na mga tahanan, pag-abuso sa droga, karahasan at prostitusyon.” Halimbawa, kalahati ng kabuuang bilang ng nagkaroon ng HIV kamakailan ay nasa edad 15 hanggang 24. Tinatayang sa mga tin-edyer, isa ang nahahawa ng HIV tuwing 14 na segundo. Dalawang ulit na mas malamang na mamatay ang mga tin-edyer sa panahon ng pagbubuntis at panganganak kaysa sa mga adulto. At kasindami ng mga apat na milyong kabataan ang pinaniniwalaang mabibiktima ng prostitusyon bawat taon.

Maraming Nagiging Ina sa Edad 40

Tumataas ang katamtamang edad ng mga nagiging ina sa unang pagkakataon sa Italya. Noong 1980 ang dami ng ipinanganganak ng mga 20-taóng-gulang na mga Italyana ay 74.3 sa bawat isang libo ng populasyon, samantalang noong 2000, ang bilang ay lubhang bumaba sa 20.7. Noong panahon ding iyon, ang dami ng ipinanganganak ng mga 40-taóng-gulang ay tumaas mula sa 12.2 sa bawat isang libo tungo sa 16.1. Itinatampok ng estadistika na tinipon ng Italian National Statistics Institute (ISTAT) at inilathala ng Corriere della Sera, ang hilig na maghintay nang mas matagal bago magkaroon ng unang anak. Ayon sa ISTAT, “ang mga tao ay naghihintay na maging matatag muna sa trabaho at sa kanilang buhay, subalit inaantala rin nila ang pagiging magulang upang ingatan ang kanilang sariling kalayaan. Anuman ang kalagayan, ang anak ay itinuturing na isang obligasyon at isang hadlang.”

Umuunti ang Nangungumpisal

“Sa ngayon, wala pang 25 porsiyento ang regular na pribadong nangungumpisal,” ang sabi ng sosyologong si William D’Antonio ng Catholic University. “Ang pangunahing dahilan, sabi ng mga eksperto, ay ang nagbagong opinyon tungkol sa kung ano ang maituturing na kasalanan,” ang ulat ng internasyonal na edisyon ng The Miami Herald. Ganito pa ang sinabi ni Monsenyor Thomas Kane, ang 76-na-taóng-gulang na pastor sa Katolikong Simbahan ng St. Patrick sa Rockville, Maryland: “Lumaganap na ang tinatawag na moral relativism. . . . Wala talagang masama. Kung mabuti ang dahilan ko sa paggawa nito, hindi ito kasalanan.” Karagdagan pa, mayroon ding “malaganap na pagtatakwil ng mga Katoliko sa mga turo ng simbahan tungkol sa pagkontrol sa pag-aanak, homoseksuwalidad at diborsiyo,” ang sabi ng pahayagan. Kaya “higit at higit na umaasa ang mga Katoliko sa kanilang sariling budhi sa pagpapasiya kung sila ba ay nagkasala.”

Napipintong Krisis sa Tubig

“Sa susunod na 20 taon, inaasahang mababawasan nang sangkatlo ang katamtamang suplay ng tubig sa buong daigdig para sa bawat tao,” ang sabi ng panlahat na direktor ng UNESCO na si Koichiro Matsuura. Inaasahang uunti ang mga pinagmumulan ng tubig sa daigdig, hindi lamang dahil sa patuloy na pagdami ng populasyon ng daigdig, polusyon, at mga salik na pangkapaligiran. Napipinto ang krisis dahil sa “kakulangan ng pulitikal na determinasyong baguhin ang mga kalakarang ito,” ang sabi ng UNESCOPRESS. Ganito ang sabi ng isang report na pinamagatang Water for People, Water for Life, na ginawa ng 23 miyembro ng United Nations: “Dahil sa kawalang-aksiyon ng mga lider ng daigdig, at sa kawalang-kabatiran ng populasyon ng daigdig sa laki ng problema, hindi tayo nakagawa ng kinakailangan at napapanahong pagkilos upang lunasan ito.” Sinabi ni Ginoong Matsuura: “Walang rehiyon ang makaliligtas sa epekto ng krisis na ito.”

Mag-ingat sa Prenatal Ultrasound

Parami nang paraming inang nagbubuntis sa Estados Unidos ang nagpapakuha ng mga “subenir na video” ng kanilang ipinagbubuntis sa pamamagitan ng paggamit ng mas malinaw (high resolution) na ultrasound, ang ulat ng magasing FDA Consumer. Ang pagkuha ng mga larawan sa pamamagitan ng ultrasound (mga sonogram) ay nangangahulugan ng paggamit ng malalakas at malilinaw na sound wave mula sa labas upang lumikha ng mga larawan sa computer. Ang mga larawang ito sa computer ay ginagawang litrato bilang subenir na mga video o litrato. Ang mga kompanyang naglalaan ng mga larawan ng mga ipinagbubuntis na sanggol ay mabilis na nagsulputan sa buong bansa sa mga sentrong pamilihan at mga mall. Gayunman, di-gaya ng tauhang gumagawa ng ultrasound sa opisina ng doktor, ang mga opereytor ng makinang nagpapalabas ng mga litrato ng ipinagbubuntis na sanggol ay maaaring hindi sinanay at walang lisensiya. Kaya, ang mga oras ng pagkahantad sa ultrasound ay maaaring mas matagal o mas malakas kaysa kung sa panahon ng medikal na pagpapatingin. Ayon sa FDA Consumer, ‘mapanganib ang pagkuha ng mga litrato sa ipinagbubuntis na mga sanggol kung wala namang medikal na pangangailangan upang gawin ito.’