Gaano Kahalaga ang Maagang Pagsasanay sa Bata?
Gaano Kahalaga ang Maagang Pagsasanay sa Bata?
SI Florence ay 40 taóng gulang at wala nang pinangarap kundi ang magkaanak. Pero nang siya’y magdalang-tao, binabalaan siya ng isang doktor na posible raw na ang kaniyang anak ay isilang na mahina ang isip. Hindi siya nawalan ng pag-asa, at isinilang niya ang isang malusog na sanggol na lalaki.
Di-nagtagal pagkasilang sa kaniyang anak na si Stephen, sinimulan na ni Florence na basahan at kausapin ito sa lahat ng pagkakataon. Habang ito’y lumalaki, naglalaro sila, namamasyal, nagsasanay magbilang, at umaawit. “Kahit na kapag pinaliliguan ko siya, naglalaro pa rin kami,” naaalaala pa niya. Sulit ang naging resulta.
Bagaman tin-edyer pa lamang siya, nakapagtapos si Stephen sa University of Miami nang may karangalan. Pagkalipas ng dalawang taon, sa edad na 16, natapos niya ang abogasya, at ayon sa kaniyang talambuhay, siya sa kalaunan ang naging pinakabatang abogado sa Estados Unidos. Ang kaniyang ina, si Dr. Florence Baccus—dating guro at retiradong gurong tagapayo—ay gumugol ng maraming panahon upang pag-aralan ang tungkol sa maagang pagtuturo. Kumbinsido siya na nabago ang kinabukasan ng kaniyang anak dahil sa atensiyon at pagpapasiglang ibinigay niya rito habang sanggol pa ito.
Namamana o Natututuhan
Sa kasalukuyan, ang isang mahalagang paksa na pinagtatalunan ng mga sikologo sa mga bata ay ang papel na ginagampanan ng “namamana,” samakatuwid, ang likas na katangian ng bata, at ng “natututuhan,” ang pagpapalaki at pagsasanay sa bata. Ang karamihan sa mga mananaliksik ay kumbinsido na nakaiimpluwensiya ang dalawang salik na ito sa pagsulong ng bata.
Ganito ang paliwanag ng eksperto sa paglaki ng mga bata na si Dr. J. Fraser Mustard: “Batay sa obserbasyon, alam natin ngayon na nakaiimpluwensiya ang mga naging karanasan ng bata noong mga unang taon ng kaniyang buhay sa paraan ng pagsulong ng kaniyang utak.” Sinabi rin ni Propesor Susan Greenfield: “Halimbawa, alam natin na ang bahagi ng utak na nagpapagalaw sa kaliwang mga daliri ng mga biyolinista ay mas malaki kaysa sa ibang tao.”
Ang Pagsasanay na Dapat Ibigay
Dahil sa mga natuklasang ito, maraming magulang ang hindi lamang nagsisikap na maipasok ang kanilang mga anak sa pinakamahuhusay na day care center kundi gumagastos pa sila nang napakalaki para matuto ang mga ito ng musika at sining. Naniniwala ang ilan na kapag sinanay ang bata sa lahat ng bagay, magagawa niya ang lahat ng bagay paglaki niya. Parami nang parami ang mga programa ng pantanging pribadong pagtuturo at mga preschool. Handang ibigay ng ilang magulang ang lahat ng makakaya nila para sa kanilang mga anak upang mahigitan ng mga ito ang iba.
Talaga nga bang kapaki-pakinabang ang ganitong sobrang pagsisikap? Bagaman waring naibibigay nito sa mga bata ang lahat ng oportunidad sa kanilang paglaki, karaniwan nang naipagkakait naman sa kanila ang mahalagang bahagi ng pagkatuto mula sa karaniwang paglalaro. Ang likas na paglalaro, sabi ng mga edukador, ay nagpapasigla sa pagkamalikhain at nagpapasulong sa sosyal, mental, at emosyonal na kakayahan ng isang bata.
Naniniwala ang ilang eksperto sa paglaki ng mga bata na ang paglalarong inorganisa ng magulang ay lumilikha ng panibagong uri ng problemang bata—mga batang de-numero ang kilos na palaging pagód at sumpungin, hindi makatulog, at laging may masakit sa katawan. Isang sikologo ang nagsabi na kapag tin-edyer na ang mga batang ito, marami sa kanila ang mahihirapang humarap sa mga problema at sila ay “madaling masagad, galit sa mundo at rebelde.”
Kaya naman, nalilito ang mga magulang. Gusto nilang tulungan ang kanilang mga anak na lubusang mahubog ang kakayahan ng mga ito. Pero nakikita naman nilang mali pala na masyadong pilitin at madaliin ang musmos pang mga bata. May paraan pa kaya para maging balanse naman? Gaano ang kakayahan ng musmos pang mga bata para matuto, at paano ito pasusulungin? Ano ang magagawa ng mga magulang upang matiyak na magtatagumpay ang kanilang mga anak? Tatalakayin sa susunod na mga artikulo ang mga tanong na ito.
[Larawan sa pahina 3]
Makaiimpluwensiya sa pagsulong ng utak ng bata ang maagang mga karanasan sa buhay
[Larawan sa pahina 4]
Ang paglalaro ay nagpapasigla sa pagkamalikhain at nagpapasulong sa mga kakayahan ng bata