Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kagandahang Nakakubli sa Dilim

Kagandahang Nakakubli sa Dilim

Kagandahang Nakakubli sa Dilim

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA SLOVENIA

HAWAK ang maliit na lampara, dahan-dahang pumasok si Luka Čeč sa pusikit na kadiliman sa ilalim ng lupa. Sa mas malalim pang bahagi ng lupa, gumapang siyang paakyat sa isang bato at nanggilalas sa kaniyang nakita. Tumambad sa kaniya ang isang nagniningning at kumikislap na kapaligiran. Ano ang kaniyang natuklasan? Isang bagong lagusan ng Postojna Cave sa Slovenia.

Ang tuklas na ito noong tagsibol ng 1818 ang pasimula ng maunlad na industriya ng turismo sa ngayon. Nagbigay-daan din ito sa higit pang makasiyensiyang pagsusuri o paggagalugad sa mga kuweba. Upang higit pang masuri ang kahanga-hanga at dugtung-dugtong na mga kuwebang ito, samahan kami papunta sa Postojna, isang bayan sa kanlurang Slovenia.

Isang Kalupaan na May Napakaraming Kuweba

Yamang saklaw ng dugtung-dugtong na mga kuweba sa Postojna ang mahigit sa 20 kilometro ng mga lagusan at yungib, isa ito sa pinakamalaki sa Europa. Matatagpuan ang mga kuweba sa rehiyon ng Kras, o Karst, sa Slovenia, isang mabatong-apog na talampas na umaabot ng mga 50 kilometro papaloob sa katihan mula sa Dagat Adriatico, sa pagitan ng mga kabundukan ng Julian at Dinaric. Ang mga kuweba sa Postojna ay ilan lamang sa libu-libong malalaking yungib sa rehiyong ito.

Sa ngayon, malawak na ang kahulugan ng salitang “karst.” Ginagamit na ng mga heologo sa buong daigdig ang terminong ito upang ilarawan ang kalupaan na katulad niyaong sa rehiyon ng Kras. Matatagpuan ang mga karst sa maraming bahagi ng daigdig, maging sa Australia, Sentral Amerika, Tsina, Indochina, at Russia, pati na sa Caribbean at Mediteraneo. Makikita sa gayong kalupaan ang tigang at mabatong lupa na doo’y nagkaroon ng mga kuweba at guwang dahil sa pagkaagnas ng lupa, gayundin ng mga batis at lawa sa ilalim ng lupa.

Yamang ang topograpiya ng malaking bahagi ng Slovenia ay karst, napakaraming kuweba at iba pang mga namuong bagay sa ilalim ng lupa sa bansang ito. Kasingganda ng Postojna Cave ang bantog na mga kuwebang karst tulad ng Mammoth Cave sa Kentucky, E.U.A., at ng Reed Flute Cave ng Kuei-lin, Tsina.

Pagsusuri sa Loob ng mga Kuweba

Unang inilarawan ang Postojna Cave noong ika-17 siglo, nang isulat ng iskolar na taga-Slovenia na si Janez Vajkard Valvasor ang tungkol dito sa kaniyang aklat na The Glory of the Duchy of Carniola. Inilarawan ni Valvasor ang mga kuweba sa lugar na iyon na may “mga haliging kakatwa ang hugis.” Itinulad niya ang mga ito sa “lahat ng uri ng peste, ahas, at iba pang hayop . . . o iba’t ibang uri ng halimaw, pangit na mukha, multo, at mga kagaya nito.” Sinabi pa niya: “Lalo rin akong kinikilabutan at natatakot dahil maraming lagusan, hukay, at malalalim na bangin sa lahat ng panig.” Hindi nga kataka-taka na matapos mabasa ang gayong paglalarawan sa mga panganib, iilan lamang ang nagtangkang galugarin ang nakapangingilabot na kadiliman sa pinakaloob ng mga kuweba!

Subalit sa paglipas ng panahon, lalong naging popular ang Postojna Cave. Lalo na nang may matuklasan si Čeč noong 1818. Nang sumunod na taon mismo, pinayagan na ang publiko na pumasok sa mga kuweba. Ngunit dumami lamang ang nakakita sa likas na mga kababalaghang ito nang magkaroon ng tren na pumapasok sa mga kuweba noong 1872 at saka ng de-kuryenteng mga ilaw noong 1884. Ano ang nakita nila?

Sa ngayon, bantog ang dugtung-dugtong na mga kuweba ng Postojna dahil sa magagandang lagusan nito. Nagmistulang mga hiyas ang mga lagusan ng mga kuweba dahil sa matitingkad na kulay at kakatwang hugis ng mga stalactite at stalagmite (namuong mga batong nakabitin o nakatayo sa loob ng kuweba dahil sa tumutulong tubig). Ang ilan sa mga lagusang ito ay kumikislap na para bang binudburan ng mga diamante, samantalang ang iba naman ay may matitingkad na kulay-okre at kulay-kalawang. Ipinakikita ng mga inskripsiyon sa gilid ng mga kuweba na nasiyahan din ang iba noong nakalipas na mga siglo sa pagmamasid sa kakaibang kagandahan ng mga kuwebang ito.

Natuklasan ang mga Bagong Uri ng Nilalang

Dahil sa paggagalugad sa malalawak at malalaking yungib na ito, hindi lamang bago at kakaibang mga bagay na namuo sa lupa ang natuklasan kundi pati ang dating hindi kilalang mga uri ng nabubuhay na nilalang. Hanggang sa kasalukuyan, mahigit sa sampung bagong uri ng nilalang ang natuklasan sa dugtung-dugtong na mga kuweba sa Postojna.

Ang isa sa mga ito ay natuklasan ni Čeč noong 1831, na labis na ikinatuwa ng mga siyentipiko sa buong daigdig na nagsusuri sa mga kuweba. Natuklasan ni Čeč ang kakaibang uwang sa kuweba, na pinanganlang Leptodirus hohenwarti, na nangangahulugang “may makitid na leeg.” Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, payat ang leeg ng uwang na ito. Napakaliit din ng ulo nito, mapintog ang tiyan, at pambihira ang haba ng mga antena at paa. Nakalulungkot, di-sinasadyang napinsala ang unang ispesimen, kaya hindi nakagawa ng masusing pagsusuri kundi pagkalipas pa ng 14 na taon nang makasumpong ng pangalawang uwang.

Ang isa pang kakatwang nilalang na natuklasan sa lugar na ito ay ang olm, isang bulag na salamander. Noong 1689, tinukoy ito ni Valvasor bilang ‘ang supling ng dragon.’ Ang munting ampibiyan na ito ay naging tampulan ng napakaraming pagsusuri ng mga siyentipiko.

Kalapit na mga Kuweba

Ang mga kuweba sa Postojna ay isa lamang sa maraming dugtung-dugtong na mga kuweba sa rehiyon. Ang kalapit na Škocjan Cave, na isinama na sa UNESCO World Heritage List mula noong 1986, ay lalo nang kahanga-hanga. Nanggigilalas ang mga bumibisita sa pagkalalaking yungib at pagkalalalim na bangin sa dugtung-dugtong na mga kuwebang ito. Sinasabi na ang mga ito ang pinakamalalaki sa Europa. Halimbawa, ang isang bahagi ng dugtung-dugtong na mga kuwebang ito ay 300 metro ang haba, 100 metro ang luwang, at 110 metro ang taas!

Nakaharang sa bunganga ng Predjama Cave ang isang malaking tanggulan, ang dating tirahan ng maalamat na kabalyerong si Erazem Jamski. Inaangkin na lumaban ang kastilyong ito sa mga mananakop sa loob ng maraming siglo. Maaaring idaan ang mga panustos sa lihim na mga lagusan sa ilalim ng lupa na karugtong ng malaking yungib na nasa ilalim ng kastilyo. Sinasabi na tinuya ni Erazem ang mga sumasalakay sa pamamagitan ng paghahagis sa kanila ng sariwang mga cherry o inihaw na karne, bilang patunay na hindi siya nagugutom samantalang nananatiling nasa loob ng mga pader ng kaniyang kastilyo. Totoo man o hindi ang kuwento, ang lihim na mga lagusan ay talagang umiiral.

Nagdudulot ng maraming kapana-panabik at di-inaasahang karanasan ang paggalugad sa kawili-wiling daigdig ng mga kuweba sa rehiyong karst na ito. Ganito inilarawan ni Henry Moore, isang tanyag na eskultor, ang Postojna Cave: “Ito ang pinakamaganda sa mga nakita kong eskultura na likha ng Kalikasan.” Kung may pagkakataon kang puntahan ito, baka sumang-ayon ka sa kaniya.

[Kahon/Larawan sa pahina 24]

Ang “Taong Isda”

Ang proteus anguinus ay kilalá sa lugar na ito bilang taong isda dahil sa kakaibang kulay ng balat nito, na kahawig ng balat ng tao. Ang ampibiyan na ito ay matatagpuan lamang sa katubigan sa ilalim ng lupa na nasa rehiyong karst ng hilagang-silangan ng Italya, Slovenia, at sa dakong timog. Ang walang-kulay na balat nito at maliliit na mata ay hindi naman disbentaha, yamang namumuhay ito sa pusikit na kadiliman mula sa pagiging itlog hanggang sa mamatay ito. Nakapagtataka naman, ang ilan ay iniuulat na nabuhay nang 100 taon, at maaaring mabuhay ang mga isdang ito nang walang kinakain sa loob ng ilang taon.

[Credit Line]

Arne Hodalic/www.ipak.org

[Larawan sa pahina 24]

1. Ang isang malaking yungib sa mga kuweba ng Škocjan ay 110 metro ang taas

2. Nakaharang sa bunganga ng Predjama Cave ang tanggulang ito

3. Naging tanyag sa daigdig ang mga kuweba sa Postojna

[Picture Credit Line sa pahina 23]

Arne Hodalic/www.ipak.org