Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Nasasagad na Utak?

Sinasabi ng ilang mananaliksik na “nakapapagod sa utak ang paggawa ng maraming bagay nang sabay-sabay,” ang ulat ng diyaryong Toronto Star ng Canada. Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang paggawa ng maraming bagay nang sabay-sabay ay nagpapababa ng kalidad ng trabaho, nagiging sanhi ng mga pagkakamali, at ng pagkakasakit pa nga. Halimbawa, maaari itong maging sanhi ng “paghina ng memorya, pananakit ng likod, pagkakaroon ng trangkaso dahil sa huminang resistensiya, impatso, at pagsakit pa nga ng ngipin at gilagid.” Ipinakikita ng mga pag-aaral ng National Institutes of Health ng Estados Unidos na kapag nagtatrabaho ang mga tao, nagiging aktibo ang iba’t ibang bahagi ng utak. Ngunit kapag sinisikap nilang gawin ang dalawa o higit pang gawain nang sabay-sabay, gaya ng pakikipag-usap sa cell phone habang nagmamaneho, “aktuwal na nagsisimulang huminto ang utak,” ang sabi ni Dr. John Sladky, neurologo sa Emory University. “Bukod sa hindi kaya ng utak na gawin ito, ayaw ng utak na gawin ito.” Ayon sa mga mananaliksik, kailangang maghinay-hinay ang mga tao at tanggapin ang katotohanang hindi kayang gawin ng utak ang lahat ng ipinagagawa nila rito.

Natuklasang Bagong mga Uri ng Isda

Inihayag kamakailan ng mga siyentipikong sumusuri sa lunas ng Ilog Caura sa Venezuela ang “pagkakatuklas sa sampung bagong uri ng isda.” Kasama rito ang munting isda na “may matingkad na pulang buntot,” isang “hito na may mga galamay sa ulo,” at “isang piranya na kumakain ng prutas at karne,” ang sabi ng diyaryong El Universal ng Venezuela. Ang lugar na ito na halos di-pa-napakikialamang tropikal na kagubatan at mga agusan ng tubig ay inilarawan bilang isa sa mga lugar sa lupa na may pinakamaraming halaman at hayop. Nakikiusap ang mga siyentipiko sa pamahalaan na ipagsanggalang ang lugar na ito, na isinasapanganib ng pagsasaka, pangingisda, mga proyektong pabahay, pagmimina, at ng panghinaharap na mga proyektong hydroelectric.

Kaigtingan sa Silid-Hintayan

“Kailangang maghintay muna nang katamtamang 48 minuto sa silid-hintayan ang mga pasyenteng Aleman bago sila papasukin upang matingnan ng doktor. Naghihintay ang ilan nang mas matagal pa,” ang sabi ng magasing Psychologie Heute. Isiniwalat ng kamakailang pag-aaral ng Institute for Business-Management Analyses, Consultation, and Strategic Development hinggil sa panggagamot ng 610 doktor kung “gaano kadismayado ang mga pasyente hinggil sa kalagayang iyon.” Sa mga klinikang wala man lamang ginagawa ang mga doktor hinggil sa problema, “bumaba nang 19 na porsiyento ang bilang ng mga regular na nagpapatingin sa loob ng isang taon,” ang sabi ng report. Mas matinding kaigtingan ang nadarama ng mga doktor at ng kanilang mga katulong sa siksikang mga klinika kaysa sa ibang opisina, at mas mababa nang sangkatlo ang kalidad ng kanilang trabaho. Bukod diyan, doble ang nagagawang pagkakamali ng mga katulong.

Nalilito Kung Ano ang Tama o Mali

“Inamin ng halos isa sa apat na Australiano na nagnanakaw sila ng mga papel at panulat sa kanilang pinagtatrabahuhan,” ang sabi ng The Sun-Herald ng Sydney. Isiniwalat ng isang surbey sa 2,000 nag-oopisina na kasama sa mga kinagawian sa trabaho ang pagkuha ng personal na impormasyon hinggil sa kanilang mga katrabaho, personal na paggamit ng Internet sa oras ng trabaho, pagda-download ng ilegal na mga software sa computer ng opisina, at paggamit ng software ng opisina sa bahay. “Maraming tao ang litung-lito kung ano ang tama o mali,” ang sabi ni Garie Dooley na nangasiwa sa surbey na ito.

Libing ng mga Alagang Hayop​—Dapat Buwisan o Hindi?

Palibhasa’y iginigiit na hindi dapat buwisan ang kinikita nila sa paglilibing, kremasyon, at pag-iimbak ng abo ng mga hayop, idinemanda kamakailan ng mga paring Budista sa Hapon ang mga awtoridad sa buwis, ang paliwanag ng diyaryong IHT Asahi Shimbun ng Hapon. Ikinatuwiran naman ng tanggapan ng buwis na ang kremasyon at relihiyosong serbisyo para sa mga alagang hayop ay maituturing na “pinagkasunduang negosyo” at na nagiging “paupahang bodega” ang templo dahil sa pag-iimbak dito ng abo ng mga hayop. Sa kabilang panig, iginigiit naman ng mga pari na hindi negosyo kundi “isang relihiyosong gawain ang serbisyo sa libing, na may layuning ibsan ang dalamhati ng nangungulilang may-ari ng alagang hayop at aliwin ang kaluluwa ng mga hayop.”

Bumabang Bilang ng Bumabagsak na mga Eroplano

Ang bilang ng bumabagsak na mga eroplano sa buong daigdig noong 2003 ang siyang pinakamababa mula noong dekada ng 1950, nang pasimulan ang pagtatala, ang ulat ng magasing Flight International. Ang bilang ng mga namatay na 702 ang siyang pinakamababa mula noong 1990, sa kabila ng 40 porsiyentong pagdami ng nagbibiyaheng mga eroplano mula noon. Sinasabi ng Daily Telegraph ng London na isa sa mga dahilan kung bakit “naging mas ligtas ang pagsakay sa eroplano ay ang pagbaba ng mga insidente ng pagkakamali sa nabigasyon na humahantong sa pagsadsad ng eroplano sa matataas na lugar. Sinasabing malaki ang naitulong ng bagong mga sistema na nagbababala hinggil sa distansiya ng eroplano mula sa lupa, subalit sinasabing ‘hindi lubusang maaasahan’ ang teknolohiyang ito.” Walang ganitong sistema ang karamihan sa mas lumang mga eroplano.

Inililigtas ng Epsom Salts ang mga Babaing Nagdadalang-tao

Maaaring pababain nang 50 porsiyento ng isang simple at murang terapi na gumagamit ng hydrated magnesium sulfate (Epsom salts) ang panganib ng nakamamatay na komplikasyon sa panahon ng pagdadalang-tao ng kababaihan, ang paliwanag ng The Times ng London. Ang eclampsia, isang mapanganib na uri ng alta presyon na nagiging sanhi ng kumbulsiyon, ay kumikitil sa buhay ng mahigit sa 50,000 kababaihan at ng kanilang di-pa-isinisilang na mga sanggol sa buong daigdig taun-taon. Bagaman matagal nang ginagamit sa Estados Unidos ang isang pamamaraan na gaya ng sa dextrose o iniksiyon na may magnesium sulfate upang gamutin ang preeclampsia, na maaaring maging eclampsia kung hindi maaagapan, hindi pa rin malawakang ginagamit sa maraming bansa ang teraping ito. Kaya naman, isang internasyonal na pangkat ng mga doktor sa Institute for Health Sciences sa Oxford, Inglatera, ang “nagpasiyang suriin ang mga kapakinabangan ng Epsom salts sa pamamagitan ng pagsubok nito sa 10,000 kababaihan sa 33 bansa,” ang sabi ng The Times. “Pagkalipas ng tatlong taon . . . itinigil agad ang pagsubok nang makita kung gaano kabisa ang paggagamot: dahil sa paggamit ng magnesium sulfate, nabawasan ng 58 porsiyento ang panganib na magkumbulsiyon ang mga babaing may pre-eclampsia. Nabawasan ng 45 porsiyento ang panganib na mamatay sila.” Ang paggagamot ay “nagkakahalaga lamang ng £3 [$4.50] bawat babae, kaya . . . abot-kaya ito ng mga kababaihan sa papaunlad na mga bansa.”

Kaugalian ng mga Tin-edyer sa Pagkain

“Isang nakababahalang bilang ng mga nagsisipag-aral na babaing tin-edyer ang hindi nagkákakaín dahil nababahala sila sa hubog ng kanilang katawan at nais nilang gayahin ang mga modelo at sikat na mga bituin,” ang sabi ng Daily Telegraph ng London. Sa isinagawang pag-aaral ng Schools Health Education Unit sa Britanya hinggil sa mga kaugalian sa pagkain ng 300,000 mag-aaral, isiniwalat na mahigit 40 porsiyento ng mga babaing edad 14 at 15 “ang pumapasok sa paaralan nang hindi nag-aalmusal. Kung ihahambing sa mga impormasyong tinipon noong 1984, nadoble ang bilang ng umaalis ng bahay nang hindi kumakain.” Tumaas din ang bilang ng mga hindi nanananghalian, mula 2 porsiyento noong 1984 tungo sa 18 porsiyento noong 2001. Dahil sa malubhang panganib na magkasakit ang mga estudyante may kaugnayan sa pagkain gaya ng anorexia nervosa at bulimia, hinilingan ang mga prinsipal ng mga paaralang pambabae na subaybayan ang timbang ng kanilang mga estudyante. Ang mga kalalakihan ay kinakikitaan din ng hilig sa pagdidiyeta. Sa mga ito, 31 porsiyento ng mga edad 12 at 13 at 25 porsiyento ng mga edad 14 at 15 ang gustong magpapayat, anupat dumami mula 26 na porsiyento at 21 porsiyento ayon sa pagkakasunod.