Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tinuruan Mula sa Pagkabata na Ibigin ang Diyos

Tinuruan Mula sa Pagkabata na Ibigin ang Diyos

Tinuruan Mula sa Pagkabata na Ibigin ang Diyos

AYON SA SALAYSAY NI ANATOLY MELNIK

Marami ang magiliw na tumatawag sa akin ng Lolo. Pinupukaw ng salitang ito ang aking matinding damdamin dahil ipinaaalaala nito sa akin ang aking lolo, na mahal na mahal ko at malaki ang utang na loob ko sa kaniya. Hayaan mong ikuwento ko sa iyo ang tungkol sa kaniya at kung paanong sila ni Lola ay naging matinding impluwensiya sa buhay ng kanilang mga kapamilya, gayundin sa iba.

ISINILANG ako sa nayon ng Hlina, sa gawing hilaga ng ngayo’y tinatawag na Moldova. * Noong dekada ng 1920, ang naglalakbay na mga ministrong kilala bilang mga pilgrim ay tumawid sa hanggahan ng Romania patungo sa aming maganda at maburol na rehiyon. Agad na tumugon ang mga magulang ng aking ina sa mabuting balita na narinig nilang ipinangaral mula sa Bibliya. Noong 1927, sila’y naging mga Estudyante ng Bibliya, na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II noong 1939, mayroon nang isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa aming maliit na nayon.

Noong 1936, ang taon nang ako’y isilang, lahat ng aking mga kamag-anak ay Saksi ni Jehova maliban sa aking ama, na nagsisimba pa rin sa Simbahang Ortodokso. Noong ikalawang digmaang pandaigdig, sinimulan niyang pag-isipan nang husto ang tungkol sa layunin ng buhay at sa kalaunan ay inialay niya ang sarili sa ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, anupat sinagisagan ito ng bautismo sa tubig. Malaki ang naitulong ng aking lolo sa espirituwal na pagsulong ng aming pamilya. Malalim ang pag-ibig niya sa Bibliya at daan-daang teksto ang saulado niya. Naibabaling niya sa Bibliya ang anumang usapan.

Madalas akong kumakandong kay Lolo at nakikinig sa kaniyang paglalahad ng mga kuwento sa Bibliya. Itinimo niya sa akin ang pag-ibig sa Diyos. Laking pasasalamat ko sa kaniya! Walong taóng gulang ako nang una akong sumama kay Lolo sa pangangaral. Gamit ang Bibliya, ipinakita namin sa aming mga kanayon kung sino si Jehova at kung paano mapápalapít sa kaniya.

Siniil ng mga Komunista

Noong 1947, dahil sa impluwensiya ng patakarang Komunista at Simbahang Ortodokso, sinimulang pag-usigin ng mga awtoridad ang mga Saksi ni Jehova sa Moldova. Pumupunta sa aming bahay ang mga tauhan ng tinawag sa kalaunan na KGB, gayundin ang lokal na pulisya, at tinatanong kami kung sino ang nangunguna sa aming gawaing pangangaral, kung saan galing ang mga literatura, at kung saan kami nagpupulong para sumamba. Sinabi nila na patitigilin nila ang gawain ng mga Saksi ni Jehova, na ayon sa kanila, ay “humahadlang sa pag-unlad ng Komunismo sa bansa.”

Nang panahong ito, ang katotohanan sa Bibliya ay natutuhan na ring mahalin nang lubusan ni Itay, isang lalaking may mataas na pinag-aralan. Alam nila ni Lolo kung paano sasagutin ang mga nagtatanong upang hindi maipagkanulo ang ating mga kapatid na Kristiyano. Kapuwa sila matapang at maibiging mga lalaki na nagmamalasakit sa kapakanan ng mga kapananampalataya. Tulad nila, si Inay ay lagi ring kalmado at mahinahon.

Inaresto at inilayo si Itay noong 1948. Hindi kailanman ipinabatid sa amin kung ano ang mga paratang laban sa kaniya. Sinentensiyahan siyang mabilanggo nang pitong taon sa isang bilangguang may pinakamahigpit na seguridad at karagdagang dalawang taóng pagkatapon. Sa kalaunan, ipinadala siya sa rehiyon ng Magadan sa dulong hilagang-silangan ng Russia, mahigit na 7,000 kilometro ang layo sa aming tahanan. Hindi kami nagkita sa loob ng siyam na taon. Mahirap mamuhay nang walang ama, pero si Lolo ay naging isang tunay na alalay sa akin.

Ipinatapon

Noong gabi ng Hunyo 6, 1949, lumusob sa aming bahay ang dalawang sundalo at isang opisyal. Sinabi nila na mayroon kaming dalawang oras para lisanin ang bahay at sumakay sa kanilang sasakyan. Wala nang ibinigay na paliwanag. Basta’t sinabihan kami na ipatatapon kami at hindi na babalik kailanman. Kaya kasama sina Inay, Lolo, Lola, at mga kapananampalataya, ako ay dinala sa Siberia. Ako ay 13 taóng gulang pa lamang noon. Pagkalipas ng ilang linggo, dumating kami sa mga latian ng nagyeyelong iláng, sa gitna ng masukal na kagubatan. Tunay ngang ibang-iba sa kinalakhan kong kapaligiran, na talaga namang napamahal sa akin! Umiiyak kami kung minsan. Gayunman, nagtiwala kami na hindi kami kailanman pababayaan ni Jehova.

Ang munting nayon na pinagdalhan sa amin ay binubuo ng sampung cabin na yari sa kahoy. Ipinatapon ang ibang mga Saksi sa iba’t ibang nayon sa iláng. Upang takutin ang mga tagaroon at magkaroon sila ng maling akala tungkol sa amin, sinabi ng mga awtoridad na kanibal daw ang mga Saksi. Subalit hindi nagtagal, natanto ng mga tao na ito ay kasinungalingan at walang dahilan para matakot sila sa amin.

Sa unang dalawang buwan mula nang dumating kami, tumira kami sa isang lumang kubo. Ngunit kinailangang magtayo kami ng isang mas angkop na tirahan bago dumating ang matinding taglamig. Kami ni Inay ay tinulungan nina Lolo at Lola na gumawa ng isang napakasimpleng kanlungan na ang kalahati ay nasa ibabaw ng lupa at ang kalahati naman ay nasa ilalim. Nanirahan kami roon sa loob ng mahigit na tatlong taon. Pinagbawalan kaming umalis sa nayon nang walang permiso, at hindi kami kailanman binigyan ng permiso.

Pagkaraan ng ilang panahon, pinayagan akong pumasok sa paaralan. Yamang iba ang aking relihiyosong pananaw kaysa sa mga naroroon, madalas magtanong sa akin ang mga guro at kapuwa estudyante. Tuwang-tuwa si Lolo kapag umuuwi ako at ikinukuwento sa kaniya kung paano ko naipaliwanag ang aming mga paniniwala.

Kaunti Pang Kalayaan

Pagkamatay ng diktador na si Stalin noong 1953, bumuti nang kaunti ang aming buhay. Pinayagan na kaming makalabas sa nayon. Dahil dito ay maaari na kaming makisama sa mga kapananampalataya at dumalo ng mga pulong sa mga nayon na kinaroroonan ng ibang ipinatapong mga Saksi. Upang hindi makatawag-pansin, nagtitipon kami sa maliliit na grupo. Para makarating doon, naglalakad kami nang hanggang 30 kilometro, na kung minsan ay hanggang tuhod ang niyebe at -40 digri Celsius ang temperatura. Kinabukasan, tatahakin namin ang mahabang paglalakbay pauwi. Habang nasa daan, kumakain kami ng atsarang pipino at ilang maliliit na tipak ng asukal. Gayunman, napakaligaya namin tulad ni David noong unang panahon!​—Awit 122:1.

Noong 1955, ako’y nabautismuhan bilang sagisag ng aking pag-aalay kay Jehova. Hindi pa natatagalan bago nito, sa isang pulong ng kongregasyon sa kalapit na nayon, nakilala ko si Lidiya, isang mahinhing babae na may maitim na buhok. Tulad namin, siya at ang kaniyang pamilya ay mga Saksi na ipinatapon mula sa Moldova. Maganda ang kaniyang boses at kabisado niya ang halos lahat ng 337 awitin sa aklat-awitan na ginagamit namin noon. Hinangaan ko ito dahil pinahahalagahan ko rin ang ating musika at mga awitin. Noong 1956, nagpasiya kaming magpakasal.

Sumulat ako kay Itay​—nalaman namin na ipinatapon siya sa Magadan​—at ipinagpaliban namin ang pagpapakasal hanggang sa matanggap namin ang kaniyang pagsang-ayon. Di-nagtagal, nakalaya si Itay at nakasama namin siya sa tinitirahan namin bilang mga ipinatapon. Sinabi niya sa amin kung paanong sa tulong ng Diyos ay nakaligtas siya at ang kapuwa mga Kristiyano sa nakapangingilabot na mga kalagayan sa mga bilangguan. Pinatibay ng gayong mga salaysay ang aming pananampalataya.

Hindi pa natatagalan mula nang makabalik si Itay, samantalang inihahanda ni Inay ang langis na ginagamit namin sa mga pintura at barnis, nagkaroon ng isang teribleng aksidente. Natumba ang malaking kaldero ng kumukulong langis at natapon sa kaniya ang laman nito. Namatay siya sa ospital. Labis-labis ang dalamhati namin. Nang maglaon, naibsan ang dalamhati ni Itay, at dumating ang panahon na nagpakasal siya kay Tatyana, isang Saksi mula sa kalapit na nayon.

Pagpapalawak ng Aming Ministeryo

Noong 1958, kami ni Lidiya ay lumipat mula sa Kizak, ang nayon na tinitirahan namin, tungo sa mas malaking nayon ng Lebyaie, mga 100 kilometro ang layo. Nabalitaan namin na ang mga Kristiyano sa ibang mga lupain ay nangangaral sa bahay-bahay. Kaya sinubukan naming gawin ito sa aming bagong lokasyon. Sabihin pa, ipinagbabawal Ang Bantayan at ang Gumising!, pero nakatanggap kami ng mga kopya na ipinuslit mula sa ibang mga lugar. Ngayon ay sinabihan kami na matatanggap namin ang mga magasin sa wikang Ruso lamang. Bago nito, nakatatanggap din kami ng mga kopya sa wikang Moldavia. Kaya nag-aral kaming mabuti upang mas matutuhan ang wikang Ruso. Kahit ngayon ay natatandaan ko hindi lamang ang pamagat ng mga artikulong iyon kundi pati ang ilan sa mga ideyang nilalaman ng mga ito.

Upang matustusan ang aming sarili, nagtrabaho si Lidiya sa isang imbakan ng butil at ako naman ay nagdidiskarga ng tabla mula sa mga bagon. Nakapapagod ang trabahong ito, at maliit ang suweldo. Bagaman pinahahalagahan ang mga Saksi bilang masisipag na trabahador, hindi kami nakatatanggap ng mga benepisyo o bonus. Tahasang sinasabi ng mga opisyal: “Walang dako ang mga Saksi ni Jehova sa isang lipunang Komunista.” Gayunman, nagagalak kami na natutupad sa amin ang mga salita ni Jesus: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.”​—Juan 17:16.

Bagong Mga Hamon

Isinilang ang aming anak na babaing si Valentina noong 1959. Hindi nagtagal, nagsimula ang panibagong pag-uusig. Ganito ang sabi ng The Encyclopædia Britannica: “Isang bagong kampanya laban sa relihiyon ang sinimulan ni Punong Ministro Nikita Khrushchev noong 1959-​64.” Sinabi sa amin ng mga tauhan ng KGB na ang tunguhin ng pamahalaang Sobyet ay ang sugpuin ang lahat ng relihiyon, lalo na ang mga Saksi ni Jehova.

Nang si Valentina ay mag-iisang taóng gulang na, ipinatawag ako sa hukbo. Nang hindi ako pumunta, nahatulan ako na mabilanggo nang limang taon dahil sa pananatiling neutral. Minsan, nang dalawin ako ni Lidiya, sinabi sa kaniya ng isang koronel ng KGB: “Nakatanggap kami ng pasabi mula sa Kremlin na sa loob ng dalawang taon, wala ni isang Saksi ni Jehova ang matitira sa Unyong Sobyet.” Pagkatapos ay nagbabala siya: “Dapat mo nang itakwil ang iyong pananampalataya, kung hindi ay mabibilanggo ka.” Inisip ng koronel na patatahimikin ng gayong pagbabanta ang mga babae, anupat inangkin: “Sila ay isang mahinang pangkat.”

Sa loob lamang ng maikling panahon, ang karamihan sa mga lalaking Saksi ay nasa mga bilangguan na at mga kampo ng puwersahang pagtatrabaho. Gayunman, ipinagpatuloy ng malakas-ang-loob na mga babaing Kristiyano ang gawaing pangangaral. At kahit napakapanganib, nagpuslit sila ng mga literatura sa mga bilangguan at mga kampong iyon ng puwersahang pagtatrabaho. Napaharap si Lidiya sa gayong mga pagsubok at madalas din siyang akitin ng mga lalaking gustong samantalahin ang pagkawala ko. Bukod diyan, sinabihan siya na hindi na ako kailanman makalalaya pa. Pero nakalaya ako!

Lumaya at Lumipat sa Kazakhstan

Muling binuksan ang aking kaso noong 1963, at pagkaraan ay pinalaya ako​—matapos ang tatlong taon sa bilangguan. Subalit saanman ay hindi kami makakuha ng pahintulot na manirahan, kaya hindi ako makakita ng trabaho. Itinatakda ng isang batas ng Estado: “Kapag walang permanenteng tirahan, wala ring trabaho.” Namanhik kami ng tulong mula kay Jehova sa pamamagitan ng isang marubdob na panalangin. Pagkatapos ay nagpasiya kaming lumipat sa Petropavl sa hilaga ng Kazakhstan. Ngunit nakatanggap na pala ng impormasyon tungkol sa amin ang mga awtoridad doon at hindi nila kami pinayagang manirahan o magtrabaho roon. Mga 50 Saksi sa lunsod na ito ang dumanas din ng katulad na pag-uusig.

Kasama ng isa pang mag-asawang Saksi, lumipat kami sa dako pa roon ng timog sa maliit na bayan ng Shchuchinsk. Wala pang ibang Saksi na nakatira roon, at walang alam ang mga awtoridad tungkol sa aming gawaing pangangaral. Sa loob ng isang linggo, ako at si Ivan​—ang dalawang asawang lalaki​—​ay naghanap ng trabaho samantalang ang aming mga asawa ay naiwan sa istasyon ng tren, kung saan kami natutulog sa gabi. Sa wakas ay nakakita kami ng trabaho sa isang pabrika ng salamin. Para sa aming mga pamilya, umupa kami ng isang maliit na silid na may lugar lamang para sa dalawang kama at kaunting espasyo, subalit kontento na kami roon.

Pinagbuti namin ni Ivan ang pagtatrabaho, at nasiyahan naman ang aming mga amo. Nang muli na naman akong ipatawag para sa serbisyo militar, nalaman ng manedyer ng pabrika na hindi ako pinahihintulutan ng aking budhing sinanay sa Bibliya na makibahagi sa pagsasanay sa militar. Nakapagtataka, nakipag-ugnayan siya sa hepe ng militar at sinabi rito na kami ni Ivan ay dalubhasang mga manggagawa at magsasara ang pabrika kung wala kami. Kaya pinayagan kaming manatili roon.

Pagpapalaki ng mga Anak at Paglilingkod sa Iba

Ang aming pangalawang anak na si Lilya ay isinilang noong 1966. Pagkaraan ng isang taon ay lumipat kami sa Belyye Vody, sa gawing timog ng Kazakhstan malapit sa hanggahan ng Uzbekistan, kung saan may isang maliit na grupo ng mga Saksi. Di-nagtagal, nabuo ang isang kongregasyon, at ako ay nahirang na punong tagapangasiwa. Noong 1969 ay nagkaroon kami ng anak na lalaki, si Oleg, at pagkaraan ng dalawang taon ay isinilang naman ang aming bunso, si Natasha. Hindi namin nakalimutan kailanman ni Lidiya na ang mga anak ay mana mula kay Jehova. (Awit 127:3) Magkasama naming pinag-usapan kung ano ang kailangan naming gawin upang palakihin sila na umiibig kay Jehova.

Kahit na noong dekada ng 1970, nasa mga bilangguan pa rin ang karamihan sa mga lalaking Saksi. Maraming kongregasyon ang nangangailangan ng pangangasiwa at patnubay ng may-gulang na mga lalaki. Kaya habang si Lidiya ang bumabalikat ng mas malaking bahagi sa pagpapalaki sa mga bata, anupat kung minsan ay nagiging kapuwa ina at ama, ako naman ay naglilingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Dumadalaw ako sa mga kongregasyon sa Kazakhstan, gayundin sa kalapit na Sobyet na mga republika ng Tajikistan, Turkmenistan, at Uzbekistan. Kasabay nito, nagtatrabaho rin ako upang tumulong sa pagtustos sa pamilya, at kusang nakipagtulungan naman si Lidiya at ang mga bata.

Kahit na kung minsan ay nasa malayo ako sa loob ng mga ilang linggo, sinikap kong ipakita sa mga bata ang pag-ibig ng isang ama at tumulong ako sa kanilang espirituwal na pagsulong. Marubdob naming ipinanalangin ni Lidiya na sana’y tulungan ni Jehova ang aming mga anak, at ipinakipag-usap namin sa kanila kung paano dadaigin ang pagkatakot sa tao at magkakaroon ng malapít na kaugnayan sa Diyos. Dahil sa walang-pag-iimbot na suporta ng aking mahal na kabiyak, nagampanan ko ang aking mga tungkulin bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Si Lidiya at ang iba pa nating kapatid na mga babae ay hindi talaga “mahinang pangkat” na gaya ng pag-aangkin ng opisyal ng hukbo. Sila ay malalakas​—tunay ngang makapangyarihan kung espirituwalidad ang pag-uusapan!​—Filipos 4:13.

Noong 1988, nang malalaki na ang mga bata, nahirang ako bilang isang regular na naglalakbay na tagapangasiwa. Sakop ng aking sirkito ang karamihan sa mga bansa sa Sentral Asia. Pagkaraang legal na mairehistro ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa dating Unyong Sobyet noong 1991, ang iba pang may-kakayahan at may-gulang sa espirituwal na mga lalaki ay nagsimulang maglingkod sa mga republika ng dating Unyong Sobyet sa Asia. Ngayon ay may 14 na naglalakbay na tagapangasiwa na naglilingkod sa mga bansang ito, kung saan mahigit sa 50,000 katao ang dumalo noong nakaraang taon sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo!

Di-inaasahang Paanyaya

Maaga noong 1998, nakatanggap ako ng di-inaasahang tawag sa telepono mula sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Russia. “Anatoly, napag-isipan na ba ninyo ni Lidiya ang pagpasok sa buong-panahong paglilingkod?” ang tanong sa akin. Siyempre, napag-isipan na namin ang gayong pribilehiyo para sa aming mga anak. Sa katunayan, ang aming anak na si Oleg ay mga limang taon nang naglilingkod sa tanggapang pansangay sa Russia.

Nang sabihin ko kay Lidiya ang tungkol sa paanyaya sa amin, nagtanong siya: “Pero paano na ang ating tahanan, ang ating hardin, at ang ating mga ari-arian?” Pagkatapos manalangin at mag-usap, nagpasiya kaming magboluntaryo. Sa kalaunan ay naanyayahan kaming maglingkod sa sentro ng relihiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Issyk, Kazakhstan, malapit sa malaking lunsod ng Alma-Ata. Dito ginagawa ang pagsasalin ng ating mga literatura sa Bibliya sa lokal na mga wika na ginagamit sa buong lugar.

Ang Aming Pamilya Ngayon

Laking pasasalamat namin sa Diyos para sa kaniyang tulong sa pagtuturo sa aming mga anak ng katotohanan sa Bibliya! Ang aming panganay na si Valentina ay nag-asawa at lumipat kasama ng kaniyang asawa sa Ingelheim, Alemanya, noong 1993. May tatlo silang anak, na pawang bautisadong Saksi ni Jehova.

Si Lilya, ang aming pangalawang anak, ay may pamilya na rin. Pinalalaki niya at ng kaniyang asawa, isang matanda sa kongregasyon ng Belyye Vody, ang kanilang dalawang anak upang ibigin ang Diyos. Si Oleg naman ay nagpakasal kay Natasha, isang sister mula sa Moscow, at magkasama silang naglilingkod sa tanggapang pansangay sa Russia malapit sa St. Petersburg. Nag-asawa ang aming bunsong si Natasha noong 1995, at siya ay naglilingkod kasama ng kaniyang asawa sa isang kongregasyon sa wikang Ruso sa Alemanya.

Paminsan-minsan ay nagsasama-sama kami para sa isang malaking reunyon ng pamilya. Ikinukuwento ng aming mga anak sa kanilang mga anak kung paano nakinig sina “Mama” at “Papa” kay Jehova at pinalaki ang kanilang mga anak upang ibigin at paglingkuran ang tunay na Diyos, si Jehova. Nakikita ko na nakatutulong ang mga pag-uusap na ito sa espirituwal na pagsulong ng aming mga apo. Nakikita ko ang aking sarili sa aking bunsong apo nang ako ay nasa gayong edad. Kung minsan ay kumakandong siya sa akin at humihiling na maglahad ako sa kaniya ng isang kuwento sa Bibliya. Naluluha ako kapag buong-pagmamahal kong naaalaala kung gaano kadalas akong kumandong kay Lolo at kung paano niya ako tinulungan na ibigin at paglingkuran ang ating Dakilang Maylalang.

[Talababa]

^ par. 4 Ang kasalukuyang pangalan ng bansa, Moldova, ang gagamitin sa buong artikulong ito sa halip na ang dating mga pangalan na Moldavia o Sobyet na Republika ng Moldavia.

[Larawan sa pahina 11]

Kasama ng aking mga magulang sa labas ng aming tahanan sa Moldova noong malapit nang mabilanggo si Itay

[Larawan sa pahina 12]

Kasama si Lidiya noong 1959, sa panahong kami ay ipinatapon

[Larawan sa pahina 13]

Si Lidiya kasama ang aming anak na si Valentina habang ako ay nasa bilangguan

[Larawan sa pahina 15]

Kasama si Lidiya ngayon

[Larawan sa pahina 15]

Kasama ng aming mga anak at mga apo, pawang naglilingkod kay Jehova!