Dati Akong Espirituwal na Lider ng mga Kickapoo
Dati Akong Espirituwal na Lider ng mga Kickapoo
AYON SA SALAYSAY NI BOB LEE WHITE, SR.
Isinilang ako sa McLoud, Oklahoma, E.U.A., noong 1935, sa loob ng isang “wickiup,” isang maliit na silungan ng mga Katutubong Amerikano na binalutan ng balat ng punungkahoy at tambo. Ang pangalan ko sa tribong Kickapoo * ng mga Indian ay Pey-MI-Ton-Wah, na nangangahulugang “Umaagos na Tubig.” Bata pa ako ay natutuhan ko na ang espirituwal na pamumuhay ng mga Indian. Paano nangyari iyon?
SA LOOB ng maraming taon, ang lolo ko sa ina, gaya rin ng kaniyang ama, ang espirituwal na lider ng tribong Kickapoo ng liping Tubig ng mga Katutubong Amerikano sa Oklahoma. Nang mamatay siya na walang anak na lalaki, ipinasiya ng 12 lider, o matatanda, ng lipi na ang pinakamatandang anak na lalaki ng panganay na anak na babae ng kanilang namatay na espirituwal na lider ang dapat humalili. Ako ang anak na iyon.
Kung Paano Ako Naging Espirituwal na Lider
Karaniwan na, gagampanan lamang ng bagong espirituwal na lider ang papel na iyon pagsapit niya ng 30 taóng gulang at pagkatapos lamang ng isang yugto ng pag-aayuno, na doo’y makakakita siya ng mga pangitain o kaya ay maliliwanagan para gampanan ang espirituwal na mga tungkulin. Mula sa aking pagkabata, itinuro na sa akin ang tradisyonal na relihiyon ng mga Kickapoo. Minana ko ang relihiyosong mga kasuutan at ang MEE-shon, o sagradong bungkos. Ito, na tinatawag ding bungkos ng gamot, ay koleksiyon ng relihiyosong mga bagay na binalutan ng balat ng hayop. Kahawig ito ng isang biluhabang bola ng American football o rugby football na 60 sentimetro ang haba. Ginugol ko ang maraming panahon sa pinakabanal na silid ng kanilang espirituwal na tolda, at pinakinggan ko roon ang mga pagsisiwalat ng mga lider ng tribo. Kaya naman kahit nasa kabataan pa, ako na ang naging bagong espirituwal na lider ng tribong Kickapoo.
Malinaw na naikintal sa aking murang isipan ang lahat ng detalyeng ito. Yamang wala ni isa sa mga lihim na ito ang naisulat, ang relihiyosong mga tradisyon ng maraming salinlahi ay ipinagkatiwala na ngayon tangi lamang sa akin. Kung sinunod ko noon ang kagustuhan ng mga lider ng lipi, nanatili sana ako roon kasama ng tribo, na nangangasiwa sa lahat ng espirituwal na gawain hanggang sa ngayon.
Gayunman, umalis ako upang mag-aral sa Kansas. Ikinabahala ito ng matatandang lalaki, yamang nangangamba sila na matangay ako ng “daigdig ng mga puting
banyaga.” Nang makatapos ako sa pag-aaral, nagpunta ako sa Los Angeles, California, at muli kaming nagkita roon ng aking malapít na kababata, si Diane. Ang kaniyang pangalang Indian ay Tu-NO-Thak-Kwah, o Lumilingong Oso, ng liping Oso. Matagal nang magkaibigan ang aming mga ina at mga lolo. Nagpakasal kami noong Setyembre 1956. Relihiyoso rin ang pamilyang pinagmulan ni Diane. Itinuro ng kaniyang lolo ang relihiyong Peyote sa tribong Kickapoo.—Tingnan ang kahon sa pahina 22.Ang Relihiyong Peyote
Masusumpungan ang relihiyong Peyote sa maraming iba’t ibang tribong Indian sa ngayon. Si Quanah Parker (mga 1845-1911), isang espirituwal na lider at pinuno ng pangkat ng Comanche Kwahadi, ang “nakaimpluwensiya nang malaki sa pagsulong at pagpapalaganap ng relihiyong peyote sa Teritoryong Indian.” (The Encyclopedia of Native American Religions) Dahil sa masigasig na pagpapahayag hinggil sa mga kakayahan ng kaktus na peyote na magdulot ng halusinasyon at sa ipinapalagay na bisa nito sa paggamot, nakumberte niya tungo sa Peyotismo ang marami sa mga tribong Indian sa Hilagang Amerika. Kaya naman, sa mga Kickapoo, tulad sa iba pang mga tribo, parehong umiral ang tradisyonal na relihiyon at ang Peyotismo.
Naakit sa Hollywood
Samantalang nasa Los Angeles, napakaaktibo ko sa mga samahan at mga lipunan ng mga Indian, anupat naging presidente pa nga ako sa ilan sa mga ito. Kabilang dito ang Drum and Feather Club, ang Indian Bowling Association, at ang National Indian Athletic Association. Kabilang din ako sa lupon ng mga direktor ng Indian Center sa Los Angeles.
Nakahalubilo ko ang mga artista sa Hollywood. Kabilang sa mga nakilala ko ay si Iron Eyes Cody, na tanyag sa pag-aanunsiyo sa telebisyon ng mga serbisyo-publiko hinggil sa ekolohiya, at si Jay Silverheels, na gumanap sa papel ng Indian na nagngangalang Tonto sa serye sa TV na The Lone Ranger. Ang tanyag na mga pelikulang nilabasan ko ay ang Westward Ho, the Wagons! na ang bida ay si Fess Parker, at ang Pardners, na tinatampukan nina Dean Martin at Jerry Lewis.
Kapuwa kami pansamantalang nagtrabaho ni Diane sa Disneyland. Sa bawat oras sa maghapon ay may ginagampanan akong papel na tig-sampung minuto. Nakangiting sinasabi ni Diane: “Ang ginagawa ko lamang ay magbihis at maglakad-lakad sa gitna ng mga tao sa buong maghapon anupat ‘umaarte’ na gaya ng isang Indian.”
Isang Naiibang Espirituwal na Pananaw
Noong 1962, si Diane ay nakausap ng isang Saksi ni Jehova at nabigyan ng isang maliit na buklet. Paulit-ulit na bumabalik ang Saksi, ngunit patuloy namang nagdadahilan si Diane. Nang itanong ng Saksi kung talagang ayaw na ni Diane na dalawin siya, sa loob ni Diane ay sinasabi niya, ‘Oo! Oo!’ Ngunit dahil gusto niyang maging mabait, sinabi niya: “Ah, hindi! Hindi!” Kaya ipinagpatuloy ang pagdalaw sa kaniya. Lagi niyang ikinukuwento sa akin ang kaniyang natututuhan. Kapag nalimutan niya itong ikuwento kung minsan, itatanong ko: “Dumalaw ba ang babaing Saksi ni Jehova? Anong sabi niya?”
Sa isang pagkakataon, binanggit ng babaing ito kay Diane ang isang pantanging pahayag sa
isang pulong ng mga Saksi ni Jehova sa Los Angeles Forum. Nag-alok siyang babantayan niya ang aming apat na anak para makapunta at makapakinig kami ng pahayag doon. Palibhasa’y inakala ni Diane na hindi ako sasama, hindi niya ito nabanggit sa akin. Subalit pagkatapos ng mapilit na paghimok ng Saksi, sinabi na rin niya ito sa akin. Nagulat siya nang sabihin ko: “Ang ibig mong sabihin mananatili siya rito at babantayan ang ating mga anak at pakakainin sila? Ang puting babaing ito?”Kaya dumalo kami sa aming unang pakikipagpulong noong 1969. Hindi ko naintindihan ang lahat ng iniharap mula sa plataporma. Subalit ang talagang hinangaan ko ay ang kaayusan—kung paano napakain ng tanghalian ang 20,000 katao sa napakaikling panahon sa pamamagitan ng kanilang boluntaryong kaayusan sa kapitirya. Napansin ko rin na walang pagtatangi ng lahi—kapatid ang tawag sa isa’t isa ng mga itim at ng mga puti.
Noong Agosto 1969, nagsimulang magdaos sa akin ng pag-aaral sa Bibliya ang mga Saksi sa aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. * Aaminin ko na mayroon akong maling motibo nang sumang-ayon akong mag-aral ng Bibliya. Kaanib ako sa iba’t ibang organisasyong Indian, at nakini-kinita ko na maaari akong magkaroon ng karera sa pulitika sa hinaharap. Naisip ko na kailangan akong matuto sa Bibliya dahil waring kabisado ito ng mga pulitiko at sinisipi nila ito. Natanto ko ngayon na napakakaunti pala ng talagang nalalaman ng mga taong iyon tungkol sa Salita ng Diyos.
Isang Malaking Pagbabago sa Aking Buhay
Nang simulan ko ang pag-aaral sa Bibliya, mabilis na sumulong ang mga bagay-bagay. Pinutol ko ang aking pakikipag-ugnayan sa lahat ng samahang kinaaaniban ko, at alam kong kailangan akong tumiwalag sa dati kong relihiyon bilang Katutubong Amerikano. Naalaala ko pa nang umupo ako upang isulat ang aking liham ng pagtiwalag. Inilagay ko ang petsa sa itaas ng pahina, isinulat ang “Mahal,” at pagkatapos ay huminto ako nang matagal, anupat iniisip kung kaninong pangalan ang isusulat ko. Sa wakas ay napag-isip-isip ko na dapat ipadala ang
liham sa tradisyonal na espirituwal na lider—sa akin! Agad kong nilutas ang kalituhang ito sa pamamagitan ng pagsulat ng “Mahal kong Ina.” Pagkatapos ay ipinaalam ko sa aking ina na hindi na ako makikibahagi sa gayong relihiyon o maglilingkod bilang espirituwal na lider nito.Kaming mag-asawa ay nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova noong Enero 3, 1970. Noong 1973, naging elder ako sa kongregasyon. Ngayon, ako, na dating espirituwal na lider ng mga Kickapoo, ang nangunguna sa aming lokal na kongregasyon sa tunay na pagsamba kay Jehova, ang Soberano ng Sansinukob. Noong Hulyo 1974, bumalik kami sa McLoud, Oklahoma, sa pagsisikap na matulungan ang mga Katutubong Amerikano na malaman ang tunay na pag-asa para sa buong sangkatauhan, gaya ng nakasaad sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.
Katulad ng iba pang mga tribo, gumagamit ng tabako ang mga Kickapoo sa kanilang pagsamba. Kapansin-pansin naman, hindi nila ito hinihitit. Isinasaboy ng mga Kickapoo ang tabako sa apoy na parang insenso, sa paniniwalang papailanlang sa langit ang kanilang mga panalangin sa pamamagitan ng usok na dulot nito. Ipinapalagay ng pinakamatatandang lider ng mga Kickapoo na masama ang humitit ng tabako, na ang paggamit ng pipa sa paghitit ay isang panlilibak, at nagmula sa mga Europeo ang paggamit ng pipa.
Matagal nang tinatanong sa akin kung mayroon ba akong larawan na doo’y suot ko ang dati kong relihiyosong kasuutan. Ang totoo, hindi pinahihintulutan kailanman ang pagkuha ng gayong mga larawan dahil sa takot na baka gamitin ito ng mga mangkukulam. Sa buong nakalipas na mga taóng iyon, kapag ginugupit ang aking buhok, lagi itong ibinabaon, at wala nang iba pang pinahihintulutang makahawak niyaon. Sa gayon ay hindi ito magagamit sa pangkukulam, na itinuturing ng mga Indian na isang maselang bagay.
Pagkatapos kong tumiwalag sa relihiyon ng mga Kickapoo, ang mga lider ng lipi ang gumanap sa relihiyosong mga tungkulin para sa tribo. Nang mamatay ang 12 orihinal na pumili sa akin, nagkaroon ng bagong mga lider ang lipi, at gumawa sila ng mga pagbabago sa relihiyon sa paglipas ng panahon. Sa kasalukuyan, iisang lider na lamang ng lipi ang nabubuhay, at matandang-matanda na siya. Wala akong hangaring ipasa sa iba ang itinuro sa akin noong bata pa ako.
Abalang-abala ako ngayon sa pagsisikap na ituro ang Salita ng Diyos sa mga tao ng lahat ng bansa at tribo. Bilang isang buong-panahong ministrong payunir, nagkapribilehiyo akong ituro ang Bibliya sa maraming reserbasyong Indian sa buong Estados Unidos. Bukod sa iba pa, napuntahan ko na ang Osage sa Oklahoma at ang Mohave, Hopi, at Navajo sa Arizona. Nasisiyahan akong sabihin sa aking kapuwa mga Katutubong Amerikano na ang “Masayang Lupain Para sa Pangangaso,” isang parirala na matagal na naming ginagamit upang tukuyin ang pag-asa sa kabilang buhay, ay tumatawag-pansin sa “lupain.” Samakatuwid, ang ibig sabihin nito ay talagang inaasam nilang mabuhay rito sa lupa sa halip na sa langit. Inaasam-asam ko ang pagbuhay-muli sa maraming Indian ng nakalipas na mga salinlahi upang magkaroon ako ng pagkakataong ituro sa kanila ang tungkol sa bagong sanlibutan ng Diyos.—Juan 5:28, 29; 2 Pedro 3:13.
[Mga talababa]
^ par. 3 Ang pangalang Kickapoo ay galing sa salitang kiikaapoa, “mga taong pagala-gala.”—Encyclopedia of North American Indians.
^ par. 19 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon/Larawan sa pahina 22]
Ano ba ang Relihiyong Peyote?
Ang relihiyong Peyote ay kilalá ngayon bilang ang Simbahan ng Katutubong Amerikano. Ang peyote ay isang maliit at walang tinik na kaktus (tingnan sa kanan) na masusumpungan pangunahin na sa libis ng Rio Grande sa Mexico at gayundin sa Texas. Mahigit sa 200,000 ang miyembro ng relihiyong Peyote sa mga tribo sa Hilagang Amerika. “Kabilang ngayon sa Peyotismo, na nagsimula sa sinaunang Mexico, ang mga elemento ng Kristiyanismo habang nanatili itong isang gawain ng mga Indian sa pangkalahatan.” (A Native American Encyclopedia—History, Culture, and Peoples) Ang dalawang pangunahing seremonya ng relihiyong Peyote ay ang Hating-Buwan at ang Malaking Buwan. Kapuwa nasasangkot dito ang “mga aspekto ng kulturang Indian at Kristiyanismo.” Ang seremonyang peyote ay inaabot ng magdamag, na kadalasang nagsisimula ng Sabado, kung saan isang grupo ng mga lalaki ang nauupo nang pabilog sa isang tepee (hugis-balisusong tolda). Nakararanas sila ng halusinasyon samantalang kumakain ng maraming mapapait na talbos o usbong ng kaktus na peyote at kumakanta ng sagradong mga awitin habang sinasaliwan ng tambol at ng maindayog na pagkalantog sa upo.
[Credit Line]
Courtesy TAMU Cactus Photo Gallery
[Larawan sa pahina 21]
Nagagayakan bilang mandirigmang Kickapoo
[Larawan sa pahina 23]
Ngayon, kasama ang aking asawang si Diane