Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pangalan ng Diyos Ang seryeng “Kilala Mo ba ang Diyos sa Pangalan?” (Enero 22, 2004) ay isa sa pinakamaganda at pinakakomprehensibong pagtalakay hinggil sa pangalan ng Diyos na nabasa ko mula nang maging Kristiyano ako noong 1973. Isang obra maestra ang seryeng ito dahil sa napakagandang pabalat, pagkakaayos, at disenyo nito, at napakalohikal pa ng pagtalakay. Napakahusay!
D. L., Estados Unidos
Nagsimula akong maglingkod bilang buong-panahong ebanghelisador kamakailan, at lalo akong napalapít kay Jehova higit kailanman. Kaya talagang nagustuhan ko ang serye hinggil sa pangalan ng Diyos. Ipinakita sa kahon na pinamagatang “Kilala Ka ng Diyos sa Pangalan” na bagaman maraming tao sa lupa, nagmamalasakit ang Diyos sa bawat isa sa atin. Nagpasigla ito sa akin na mag-aral pa tungkol kay Jehova at gawin ang nakalulugod sa kaniya.
M. J., Hapon
Ang seryeng ito na iniharap sa kawili-wili at kaakit-akit na paraan ay nasumpungan kong nakapagtuturo, komprehensibo, at mahusay ang pagkakasaliksik. Bukod diyan, tuwang-tuwa akong makita ang 39 na anyo ng pangalan ni Jehova na nakasulat nang sunud-sunod sa itaas ng mga pahina. Ang mga artikulong ito ay nagbibigay ng kapurihan at karangalan sa pangalan ni Jehova at makaaakit sa matuwid-pusong mga tao.
G. D. M., Estados Unidos
Pananampalataya ng Siyentipiko Hangang-hanga ako sa artikulong “Kung Bakit Ako Naniniwala sa Bibliya—Inilahad ng Isang Nuklear na Siyentipiko ang Kaniyang Kuwento.” (Enero 22, 2004) Anim na taon na ang nakararaan, nakumbinsi rin ako sa katotohanan ng Bibliya dahil sa lohikal at napatunayang mga katibayan. Ngayon, taos-puso na rin akong nagpapahalaga sa aking natututuhan. Ang mga karanasang gaya ng kay Alton Williams ay nagpapatibay ng aking pananampalataya. Nagpapasalamat ako kay Jehova na pinaglalaanan niya ang bawat indibiduwal ng katibayan na angkop sa kaniyang partikular na mga pangangailangan.
E. L., Hungary
Mga Bulaklak sa Aprika Sumulat ako upang magpasalamat para sa artikulong “Ang Taunang Himala sa Namaqualand.” (Enero 22, 2004) Kahanga-hangang pagmasdan ang napakaraming uri ng bulaklak na ginawa ni Jehova para sa ating kasiyahan. Nang binabasa ko ang artikulo, naalaala ko ang pananalita ng salmistang si David: “Ang iyong mga gawa ay kamangha-mangha, gaya ng lubos na nababatid ng aking kaluluwa.”—Awit 139:14.
A. J., Mexico
Araling-Bahay Isa po akong estudyante na nasa unang taon sa middle school (ikalima hanggang ikawalong grado), at lagi akong nahihirapang mag-iskedyul ng aking panahon. Nakatulong sa akin ang pagbabasa ng artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Makasusumpong ng Panahon Para Gawin ang Aking Araling-Bahay?” (Enero 22, 2004) Hindi ako masyadong mahilig manood ng telebisyon. Pero kapag nanood ako, sunud-sunod na programa ang aking pinanonood. Hindi na talaga ako nanonood ngayon.
R. O., Hapon
Nag-aaral ako sa bahay, at talagang kailangan kang maging disiplinado upang makapag-aral araw-araw. Salamat sa mga mungkahing binanggit sa artikulo, maglalaan na ako ng panahon upang gawin ang aking mga araling-bahay.
X. R., Estados Unidos
Sobrang dami! Iyan mismo ang masasabi ko hinggil sa aking mga araling-bahay. Kung minsan, inaakala ng aking mga magulang na tinatamad ako kaya matagal akong gumawa ng aking araling-bahay. Pero kung minsan, napakahirap ng araling-bahay o napakarami ng mga ito. Salamat at ipinakita ninyo sa amin kung paano kami magkakaroon ng panahon sa paggawa ng aming araling-bahay at kung paano namin magagamit ang aming panahon sa pinakamabisang paraan.
J. S., Estados Unidos
Nasumpungan kong malaking tulong ang artikulo. Ang mga mungkahi sa ilalim ng subtitulong “Mas Mabisang Paggamit ng Iyong Panahon” ay nakatulong sa akin na pagbutihin ang aking mga kaugalian sa pag-aaral.
B. L., Italya