Pagharap sa Trauma na Dulot ng Pagsalakay ng Terorista
Pagharap sa Trauma na Dulot ng Pagsalakay ng Terorista
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA
NOONG Marso 11, 2004, nayanig ang lunsod ng Madrid, Espanya, dahil sa dumadagundong na pagsabog ng sampung bomba sa tatlong iba’t ibang istasyon ng tren. Ang magkakasabay na pagsalakay sa apat na pampasaherong tren ay pumatay ng 190 katao at puminsala ng 1,800 iba pa.
Yamang sumabog ang mga bomba sa abalang oras sa umaga, punung-punô ang lahat ng tren at naging kakila-kilabot ang pagkawasak. “Nakita kong umangat nang isang metro mula sa lupa ang isang buong bagon ng tren, ganiyan kalakas ang pagsabog,” ang sabi ni Aroa, isang nakasaksi. “Nang makalabas ako sa bagon ng tren na sinakyan ko, ang buong paligid ay nagmistulang lugar ng digmaan. Nakapangingilabot na makita sa tunay na buhay ang gayong pamamaslang.” Nakapanghihilakbot din ang naganap sa apat na iba’t ibang tren at sa sampung iba’t ibang bagon ng tren. Nag-iwan ang mga terorista ng mga napsak na punô ng mga bomba sa mga tren at pagkatapos ay pinasabog ang mga ito gamit ang mga cellphone.
Mabuti na lamang at hindi na naaalaala ng ilang pasahero ang kahila-hilakbot na mga pangyayaring naligtasan nila. Ngunit kailangang harapin ng daan-daan sa kanila, tulad ni Aroa, ang pisikal at emosyonal na pinsalang dulot nito. “Malubhang napinsala ng pagsabog ang aking pandinig,” ang sabi ni Aroa, “ngunit higit na nakaapekto sa akin ang nakapanghihilakbot na mga tagpo na lagi kong naaalaala.
“Mabuti na lamang, bilang isang Saksi ni Jehova, maraming nagpatibay-loob sa akin,” ang sabi pa ni Aroa. “Ipinaalaala sa akin ng mga natanggap kong tawag sa telepono at ng mga mensahe mula sa buong daigdig na talagang pangglobo ang ating kapatiran. Karagdagan pa, tinutulungan tayo ng Bibliya na maunawaan kung bakit nangyayari ang mga kalupitang ito. Ipinaliwanag ko sa ilang katrabaho ko na inihula ng Kasulatan na sa ‘mga huling araw,’ magiging mabangis at walang likas na pagmamahal ang mga tao. Natanto ko rin na napakalaki ng naitulong ng aking buong-panahong ministeryo upang mapawi ang aking pagdadalamhati.”—2 Timoteo 3:1-3.
Si Pedro ay isa sa maraming pasahero na malubhang napinsala. Wala pang apat na metro ang layo niya mula sa bombang sumabog sa loob ng bagon ng tren na sinasakyan niya. Tumilapon siya at lumagpak sa sahig, na naging sanhi ng mga pinsala niya sa ulo at malulubhang problema sa palahingahan. Matapos ang limang araw sa intensive care, unti-unti siyang gumaling. Lumakas ang loob niya dahil sa napakaraming Saksi na dumalaw sa kaniya, at ikinagulat din ito ng mga nars na nagtatrabaho roon. “Sa loob ng 26 na taon, ngayon lamang ako nakakita ng isang pasyenteng may gayon karaming dumadalaw at nagbibigay ng mga regalo!” ang bulalas ng isang nars. Masigla namang nagkukuwento si Pedro hinggil sa mga tauhan sa ospital. “Mababait sila,” ang sabi niya. “Napakalaki ng naitulong nila sa aking paggaling.”
Ang marami sa mga biktima ay mga dayuhan na kamakailan lamang lumipat sa Espanya. Si Manuel, isang taga-Cuba, ay napinsala na sa unang pagsabog pa lamang sa istasyon ng Atocha at pagkatapos ay nawalan ng malay-tao dahil sa ikalawang pagsabog. “Dahil sa pagkakagulo, napagtatapakán ako ng mga tao habang nakadapa ako sa sahig ng istasyon,” ang paliwanag niya. “Nang magkamalay ako, bali na ang dalawang tadyang ko at napinsala ang aking binti, at hindi na rin makarinig ang isang tainga ko.
“Ang mga tagapagbigay ng serbisyo sa panahon ng kagipitan—mga pulis, ambulansya, at mga bombero—ay nagdatingan sa loob lamang ng ilang minuto, at ibinigay nila sa amin ang pinakamahusay na maitutulong nila,” ang sabi pa ni Manuel. “Alam na alam nila kung ano ang gagawin, at dahil sa kanilang kahusayan at kasanayan ay nabawasan ang pagkakagulo. Hindi lamang nila tiniyak na naibibigay sa akin ang kinakailangang paggamot, pinakitunguhan pa nila ako nang may kabaitan at habag.”
Pagkatapos ng Trauma
Katulad ni Aroa, malubha rin ang emosyonal na pinsala kay Manuel. “Nakadama ako ng takot nang sumakay ako ng tren kamakailan,” ang pagtatapat niya. “Kinailangan akong bumaba kaagad. At naghihinala pa rin ako kailanma’t makakita ako ng isang taong may dalang napsak o katulad nito na nasa pampublikong sasakyan. Ngunit mas marami ang tumutulong sa akin kung ihahambing sa iba kahit wala akong kapamilyang nakatira sa Espanya. Literal na daan-daang Saksi ang tumawag sa akin sa telepono, at inanyayahan ako ng isang pamilyang Saksi na manuluyan sa kanilang tahanan sa loob ng ilang araw upang hindi ako makadama ng lungkot. Ang napakahalagang suportang ito mula sa ating pandaigdig na kapatiran ay nakatulong sa akin na maging mahinahon.”
Si Sergio, isang pasahero na nakaligtas nang hindi nasusugatan, ay araw-araw pa ring pinahihirapan ng mga tagpong kaniyang nasaksihan sa paligid niya. Isang bomba ang sumabog sa bagon ng tren na nasa harapan niya, at isa pa sa bagon na nasa likuran naman niya. Katulad ni Manuel, nagpapasalamat siya sa maibiging suporta ng kaniyang pamilya at ng mga kapuwa Saksi. “Hindi lamang
nila ipinadama na mahal nila ako kundi ipinaalaala rin nila na kabilang ako sa isang nagkakaisang kapatiran na nagmamalasakit sa bawat isa sa mga miyembro nito,” ang sabi niya. “Araw-araw kong naranasan ang suportang ito, at nakatulong ang maraming tawag sa telepono para maipahayag ko ang aking nadarama, na kadalasan ay hindi madali para sa akin.”Nakaranas ng iba’t ibang uri ng kabalisahan ang ilang pasahero sa mga tren. Si Diego ay nagkataong nakaupo sa tabi ng isa sa apat na bombang hindi sumabog. Nakalabas siya sa tren nang hindi nasaktan. “Ngunit nakokonsensiya ako ngayon dahil hindi ko natulungan ang mga taong nasaktan,” ang pagtatapat niya. “Nadala ako sa pagkakagulo, kasama ng daan-daang tao na nagmamadaling lumabas sa istasyon.”
Gayon na lamang ang pagkasindak ni Ramón, isang kabataan mula sa Brazil, sa pagsabog ng tren na sinasakyan niya anupat hindi siya nakakilos. Gayunpaman, dalawang araw pagkatapos ng pagsalakay, ipinasiya niyang makibahagi sa pangangaral ng mensahe ng Kaharian sa iba. Nakausap niya ang isang lalaking Portuges na nagsabi kay Ramón na hinahanap nito ang tunay na relihiyon. Napagdausan ni Ramón ng pag-aaral sa Bibliya ang lalaking iyon, na agad namang dumalo sa Kristiyanong mga pagpupulong. “Kapag nakatutulong ka sa iba sa espirituwal na paraan, gumaganda rin ang pakiramdam mo,” ang sabi ni Ramón.
Walang alinlangan na ang mga biktima ay mangangailangan ng panahon upang makabawi mula sa pisikal at emosyonal na pinsalang naranasan nila. Nakalulungkot, nabubuhay tayo sa isang panahon na maaaring mangyari saanman ang walang-saysay na karahasan. At bagaman makatutulong ang espirituwal na mga pamantayan para makayanan ng mga biktima ang trauma, tanging ang Kaharian ng Diyos ang lubusang makapapawi sa mga trahedyang ito.—Apocalipsis 21:3, 4.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 15]
ESPIRITUWAL NA LAKAS UPANG MAKAYANAN ANG TRAUMA
Manuel Suárez
“Habang nakadarama pa rin ng sindak at naghihintay na madala sa ospital, lagi kong sinasariwa sa isipan ang mga salita sa Kawikaan 18:10: ‘Ang pangalan ni Jehova ay matibay na tore. Doon tumatakbo ang matuwid at ipinagsasanggalang.’ Pinalakas ako ng mga salitang iyon.”
Aroa San Juan
“Kapag nakaranas ka ng ganito, lalo mong matatanto higit kailanman na ito na nga ang mga huling araw at na kailangan tayong magtuon ng pansin sa espirituwal na mga pamantayan. Dahil sa aking buong-panahong ministeryo, unti-unti ko nang nalalampasan ang trauma.”
Fermín Jesús Mozas
“Sa kabila ng mga pinsala sa aking ulo, nakatulong pa rin ako at nakapagpatibay-loob sa ilang pasaherong nasaktan na gaya ko. Sa palagay ko, nanatili akong mahinahon dahil sa pag-asa ng pagkabuhay-muli na ibinigay sa atin ng Diyos, isang pag-asang nagpapalakas sa atin sa mga sandaling katulad nito.”
Pedro Carrasquilla
“Habang nakahiga ako sa intensive care unit, at nakararanas ng matinding pananakit ng dibdib, paulit-ulit na sumasagi sa isip ko ang mga salita sa 1 Timoteo 6:19. Pinasisigla tayo nito na mag-imbak ng mainam na pundasyon para sa hinaharap upang makapanghawakang mahigpit sa tunay na buhay. Ipinaaalaala sa akin ng talatang ito ang ating pag-asa na Paraiso, na ipinangangako ng Diyos sa mga umiibig sa kaniya. Iyan ang pinagsisikapan nating makamit.”
[Larawan sa pahina 13]
Itaas: Inaasikaso ng mga tagasagip ang mga nasugatan at mga naghihingalo na nasa mga riles sa labas ng istasyon ng Atocha
[Credit Line]
Itaas: CORDON PRESS
[Larawan sa pahina 13]
Kanan: Memoryal na agarang itinayo