Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Problema Nga ba ang Sobrang Katabaan?

Problema Nga ba ang Sobrang Katabaan?

Problema Nga ba ang Sobrang Katabaan?

“Ang sobrang katabaan ng mga kabataan ay tulad ng isang epidemya.”​—S. K. Wangnoo, “senior consultant endocrinologist,” Indraprastha Apollo Hospital, Delhi, India.

GAYA ng ipinakikita ng nabanggit na komento, maraming may-kayang pamilya sa India ang nagbago ng istilo ng pamumuhay na nagbubunga ng sobrang katabaan sa mga tin-edyer. Nagiging palasak na ang epidemyang ito sa maraming bansa habang dumarami ang mga taong hindi na gaanong nag-eehersisyo at nahuhumaling pa sa mga sitsirya. Sinabi ng isang kasangguni sa paggamot sa mga kabataan: “Ang susunod na henerasyon [sa Britanya] ay magiging . . . siyang pinakamataba sa kasaysayan ng sangkatauhan.” Nag-ulat ang Guardian Weekly: “Dati ay problema lamang ng mga adulto ang sobrang katabaan. Ngayon, may isang salinlahi ng mga kabataan sa Britanya na ang kaugalian sa pagkain at ang hindi aktibong istilo ng pamumuhay ay umaakay sa kanila sa mga problemang unang naranasan sa Estados Unidos. Malamang na magkaroon sila ng mga karamdamang tulad ng diyabetis, sakit sa puso at kanser dahil sa tumatagal na sobrang katabaan.”

Sinasabi ng mga manunulat ng aklat na Food Fight: “Labis na pagkain at pag-inom ang pumalit sa malnutrisyon bilang pangunahing problema ng daigdig sa pagkain.” Ganito naman ang isinulat ni Don Peck sa The Atlantic Monthly: “Mga siyam na milyong Amerikano ang ngayo’y ‘nanganganib sa sobrang katabaan,’ na nangangahulugang sobra ng halos 45 kilo o higit pa ang timbang nila.” Mga 300,000 ang namamatay nang wala sa panahon sa loob ng isang taon sa bansang iyan dahil sa mga karamdamang nauugnay sa timbang, “higit sa anupaman maliban sa paninigarilyo.” Bilang panghuli ay sinabi ni Peck: “Di-magtatagal at baka mahigitan na ng sobrang katabaan kapuwa ang pagkagutom at nakahahawang sakit bilang pinakakritikal na suliranin ng daigdig may kinalaman sa kalusugang pambayan.” Kung gayon, mayroon nga kayang puwedeng magkibit-balikat sa panganib ng sobrang katabaan? Isinulat ni Dr. Walter C. Willett sa aklat na Eat, Drink, and Be Healthy na “kasunod ng paninigarilyo, ang numerong makikita mo kapag nagtimbang ka ang siyang pinakamahalagang sukatan kung ano ang magiging kalusugan mo sa hinaharap.” Ang susing salita rito ay ang kalusugan sa hinaharap.

Paano Mo Bibigyang-Katuturan ang Sobrang Katabaan?

Kailan maituturing na sobra ang taba ng isang tao at hindi lamang basta sobra ang timbang niya? Ganito ang sabi ng Mayo Clinic sa Rochester, Minnesota, E.U.A.: “Sa simpleng pananalita, ang sobrang katabaan ay isang kalagayan ng mapanganib na sobrang timbang dahil sa labis na taba sa katawan.” Pero paano mo malalaman kung mataba na ang isang tao? Makapagbibigay ng panuntunan ang mga tsart tungkol sa kaugnayan ng taas at timbang upang malaman kung ang isa ay mataba lamang o umabot na sa sobrang katabaan. (Tingnan ang tsart sa pahina 5.) Subalit hindi isinasaalang-alang sa mga tsart na ito ang pagkakaiba-iba ng kayarian ng katawan. Sinasabi ng Mayo Clinic: “Sa halip na ang timbang, ang taba sa katawan ang siyang higit na nagpapahiwatig ng kalagayan ng kalusugan.” Halimbawa, malamang na mas mabigat ang isang atleta dahil siksik ang kaniyang mga kalamnan o malalaki ang kaniyang mga buto. Ano ba ang mga pangunahing sanhi ng sobrang timbang o sobrang katabaan? Tatalakayin sa susunod na artikulo ang tanong na ito.