Sobrang Katabaan—Ano ba ang Solusyon?
Sobrang Katabaan—Ano ba ang Solusyon?
KINAPANAYAM ng Gumising! si Diane, isang dalubhasa sa pagkain, at si Ellen, isang rehistradong nars, na kapuwa nagpakadalubhasa sa paggamot sa mga pasyenteng mataba at sobrang taba. Sila ay sumang-ayon na ang ilang diyeta na nakatuon sa pag-aalis ng mga carbohydrate at pagdaragdag ng kinakaing protina (mga karne) ay maaaring makapagpababa ng timbang. Gayunman, sinasabi nila na sa kalaunan, maaari itong magkaroon ng kasunod na negatibong mga epekto. * Pinatunayan ito ng isang medikal na tsart na tinatawag na Maintaining a Healthy Weight. Ganito ang sabi: “Maaaring maging mapanganib ang mga diyetang mababa sa mga carbohydrate, lalo na kung gagawin nang walang superbisyon ng manggagamot.” Sinabi pa nito: “Dinisenyo [ang mga ito] upang mabilis na mapababa ang timbang sa pamamagitan ng pagpapasigla sa di-kanais-nais na pagdami ng mga ketone body (isang kakambal na produkto ng metabolismo ng taba).” Kung pinag-iisipan mo ang isang diyetang mababa sa carbohydrate, tiyaking kumonsulta muna sa isang doktor.
Kung nais mong magpapayat, huwag kang mawalan ng pag-asa. “Maaaring kontrolin ang timbang, at hindi ito nangangahulugan ng pagkakait sa sarili o ng isang nakasusuya at paulit-ulit na diyeta,” ang sabi ni Dr. Walter C. Willett. “Sa pamamagitan ng alistong pagsisikap at pagiging *—Amin ang italiko.
mapamaraan, matagumpay na makokontrol ng karamihan sa mga tao ang kanilang timbang sa loob ng mahabang panahon kalakip ang isang kasiya-siya ngunit makatuwirang diyeta at halos araw-araw na pag-eehersisyo. Talaga namang sulit ang pagsisikap para sa mas mahaba at mas malusog na buhay.”Gaano Kahalaga ang Ehersisyo?
Sinabi ni Dr. Willett: “Bukod sa hindi paninigarilyo, ehersisyo ang nag-iisang pinakamainam na magagawa mo upang maging malusog o manatiling malusog at malayo sa malulubhang sakit.” Gaano kadalas dapat mag-ehersisyo ang isang tao? Anu-ano ang mga pakinabang sa pisikal na pagsisikap na ito?
Sinasabi ng ilang eksperto na lubhang kapaki-pakinabang ang araw-araw na pag-eehersisyo kung sa loob lamang ng 30 minuto. Subalit sinasabi rin na kahit ang pag-eehersisyo nang tatlong beses sa loob ng isang linggo ay makatutulong sa isa na makaiwas sa malulubhang suliranin sa hinaharap. Sinusunog ng pag-eehersisyo ang mga kalori, at ang mahalagang tanong para sa isa na nagsisikap magpapayat ay ito, Sa bawat araw, mas marami ba akong sinusunog na kalori kaysa sa nakukuha ko? Kung ang sagot ay hindi, tiyak na tataba ka. Kaya maglakad o magbisikleta sa halip na sumakay sa sasakyan. Umakyat sa hagdan sa halip na sumakay ng elebeytor. Mag-ehersisyo! Sunugin ang mga kalori!
Nagpaliwanag si Dr. Willett: “Para sa maraming tao, ang paglalakad
ay isang ekselenteng kahalili ng ibang pisikal na gawain dahil hindi ito nangangailangan ng anumang pantanging kagamitan, maaari itong gawin anumang oras at sa anumang lugar, at karaniwan nang ligtas.” Siyempre pa, ang tinutukoy niya sa kaniyang payo ay ang paglalakad nang mabilis, hindi lamang basta paglalakad na parang namamasyal. Inirerekomenda niya ang 30 minutong pisikal na aktibidad araw-araw hangga’t maaari.Operasyon ba ang Pinakamabuting Solusyon?
Sa pagsisikap na pumayat at maiwasang tumaba sa hinaharap, sinunod ng ilang pasyenteng sobrang taba ang payo ng mga espesyalista sa bariatric (sobrang katabaan) na nagrerekomenda ng iba’t ibang operasyon. Sino ba ang puwede sa ganitong mga operasyon? Iminumungkahi ng mga manunulat ng aklat na Mayo Clinic on Healthy Weight ang sumusunod: “Maaaring isaalang-alang ng iyong doktor ang operasyon kung ang iyong body mass index ay mahigit na 40, isang pahiwatig na sobra-sobra na ang katabaan mo.” (Tingnan ang tsart sa pahina 5.) Sinasabi ng Mayo Clinic Health Letter: “Karaniwan nang inirerekomenda lamang ang operasyon sa mga taong sobrang taba kung ang edad ay nasa pagitan ng 18 at 65 na may body mass index na mahigit na 40 anupat nagiging sanhi na ng malubhang sakit ang sobrang katabaan.”—Amin ang italiko.
Ano ang ilan sa mga operasyong ito? Kabilang sa mga ito ang small-bowel bypass, gastric partitioning, gastroplasty, at gastric bypass. Sa huling nabanggit na operasyon, itutupi at pagdidikitin ang itaas na bahagi ng sikmura, anupat mag-iiwan ng maliit na pinakasupot na maglalaman lamang ng mga kalahating onsa ng pagkain. Pagkatapos ay puputulin ang maliit na bituka at ikakabit sa pinakasupot na ito. Sa gayon, ang malaking bahagi ng sikmura ay hindi daraanan ng pagkain pati na ang duodenum (unang bahagi ng maliit na bituka).
Ngayon, kumusta naman ang mga taong nagbawas ng sobrang timbang? Sulit ba ang pagsisikap?
[Mga talababa]
^ par. 2 Kasali rito ang labis-labis na antas ng iron sa dugo, sakit sa bato, at pagtitibi.
^ par. 3 Ang nakaalay na mga Kristiyanong nagnanais gamitin sa kasiya-siyang paraan ang kanilang buhay sa sagradong paglilingkod sa Diyos ay may higit na dahilan upang magbawas ng timbang at maging malusog. Kaya sa halip na mamatay nang wala sa panahon, nakapaghahandog sila ng mas marami pang taon ng makabuluhang buhay sa paglilingkod sa Diyos.—Roma 12:1.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 7]
Mungkahing Piramide ng Nakapagpapalusog na Pagkain
Matamis Puro o mga minatamis (bihira;
limitahan sa 75 kalori araw-araw)
Taba Langis ng olibo, nuwes, langis ng
canola, abokado (3-5 hain araw-araw; ang
isang hain ay 1 kutsarita ng langis o
2 kutsara ng nuwes)
Protina at Pagkaing Gawa sa Gatas Balatong,
isda, karneng walang taba, itlog, low-fat na
pagkain na gawa sa gatas, keso (3-7 hain
araw-araw; ang isang hain ay 3 onsa ng lutong
karne o isda)
Mga Carbohydrate Lalo na ang buong binutil
—pasta, tinapay, kanin, binutil (4-8 hain
araw-araw; ang isang hain ay isang piraso
ng tinapay)
Prutas at Gulay Maraming iba’t ibang uri ng bawat isa (walang-takdang hain araw-araw; hindi bababa sa 3 bawat isa)
Hindi iminumungkahi ng Gumising! ang anumang partikular na paraan ng pagdidiyeta at pagkontrol sa timbang. Ipinababatid lamang nito sa mga mambabasa ang ilan sa mga mapagpipilian nila ngayon. Dapat munang sumangguni ang mga indibiduwal sa kanilang manggagamot bago sundin ang anumang programa sa ehersisyo o diyeta.
[Credit Line]
Batay sa mga mungkahi ng Mayo Clinic
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]
Upang pumayat, sinubukan ng ilan ang mga mungkahing ito:
1 Alamin kung ilan ang kalori ng mga kinakain at iniinom mo. Pansinin: Ang mga inumin ay isang pangunahing pinagmumulan ng kalori, lalo na ang pinatamis na mga katas. Mataas din ang kalori ng mga inuming de-alkohol. At mag-ingat sa mga soft drink na napakadalas ianunsiyo. Suriin ang bilang ng kalori sa etiketa. Baka magulat ka.
2 Iwasan ang tukso. Kung palaging may mga chip, tsokolate, o mga cookie, sa malao’t madali ay kakainin mo ang mga ito! Palitan ang mga ito ng mga meryendang mababa sa kalori, gaya ng mansanas, karot, at mga apa na gawa sa binutil.
3 Magmeryenda o uminom nang kaunti bago kumain. Mababawasan ang iyong gana at kaunti na lamang ang makakain mo.
4 Huwag kainin ang lahat ng inihahain sa iyo. Maging pihikan. Tanggihan ang alam mong pagkain na maraming kalori.
5 Magdahan-dahan. Bakit ka magma-madali? Masiyahan sa iyong pagkain sa pamamagitan ng pagpansin sa iyong kinakain—ang mga kulay, ang mga timpla, ang lasa kapag pinaghalo-halo ang mga pagkain. Pakinggan ang pahiwatig ng katawan na nagsasabing, “Busog na ako. Ayoko na.”
6 Huminto sa pagkain bago mo madamang busog ka na.
7 Kilalang-kilala ang mga restawran sa ilang bansa sa pagsisilbi ng labis-labis na putahe. Kalahati lamang ng ulam ang kainin mo, o ibahagi mo sa ibang tao ang kalahati ng pagkain sa iyong plato.
8 Hindi naman kailangan ang panghimagas para makumpleto ang pagkain. Mas mabuting tapusin ang pagkain sa pamamagitan ng isang prutas o ibang pagkain na mababa sa kalori.
9 Gusto ng mga gumagawa ng pagkain na kumain ka nang marami. Ang pangunahin nilang hangad ay ang kumita. Sisikapin nilang samantalahin ang iyong mga kahinaan. Huwag kang padala sa kanilang tusong pag-aanunsiyo at kaakit-akit na mga larawan. Puwede kang tumanggi!
[Credit Line]
Ang talaan ay halaw sa aklat na Eat, Drink, and Be Healthy, ni Dr. Walter C. Willett
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Mag-ehersisyo!