Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pagsisikap ng Tao na Gamitin ang Hangin

Ang Pagsisikap ng Tao na Gamitin ang Hangin

Ang Pagsisikap ng Tao na Gamitin ang Hangin

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA

ANO ang pumapasok sa isip mo kapag tinitingnan mo ang molino sa kabilang pahina? Naiisip mo ba ang lupain ng mga Olandes? O baka naaalaala mo si Don Quixote, na ayon sa kuwento ay isang maharlikang Kastila na nag-akalang mapanganib na mga higante ang mga molino? Baka naman isang isinauling molino na palatandaan ngayon ng lugar na iyon ang naguguniguni mo kapag tinitingnan ang larawang ito.

Bagaman marami pa ring molino sa mga kabukiran sa maraming bahagi ng daigdig, ang mga ito ay tila sinaunang mga tagapagpaalaala na lamang ng nakalipas na panahon. Gayunman, sa loob ng maraming siglo, ang mga molino ay nangunguna sa larangan ng teknolohiya. At bagaman napabayaan ang mga ito sa loob ng mahabang panahon, muli na namang ginagamit ang mga molino anupat pinakikinabangan ng mga tao saanmang lugar. Inaanyayahan kang basahin ang hinggil sa kasaysayan ng molino samantalang iniaangkop ito sa nagbabagong hihip ng hangin at sa nagbabagong mga pangangailangan.

Di-nakababagot na Paggiling

Nagsimula ang lahat dahil sa mahalagang pangangailangan para sa tinapay. Upang magkaroon ng harina na gagawing tinapay, ang sinaunang mga tao, gaya ng mga Israelita, ay naggigiling ng mga butil na makakain sa pamamagitan ng “mga gilingang pangkamay.” (Bilang 11:7, 8) Ang paggiling sa pamamagitan ng pagkiskis ng isang mabigat na bato sa ibabaw ng isa pang bato ay nakapapagod na trabaho. Pagkalipas ng ilang panahon, naging popular ang mas mabibigat na gilingang-bato na “iniikot ng isang asno” o iba pang hayop na panghila. (Mateo 18:6) Subalit may mga disbentaha rin naman ang mga gilingang pinaiikot ng hayop.

Alam na ng mga tao noon kung paano gagamitin ang umaagos na tubig upang paandarin ang gulong na panalok at ang hihip naman ng hangin sa pagbibiyahe ng bangkang de-layag. Noong mga ikapitong siglo C.E., marahil sa isang lugar sa tigang na lupain ng Asia o ng Gitnang Silangan, pinagsama ang dalawang ideyang ito upang paandarin ang isang batong panggiling sa pamamagitan ng hangin. Ang mga layag ng bagong imbensiyong ito na pinaaandar ng hangin ang nagpapaikot sa isang patayong ehe na nakakabit sa isang gilingang-bato. * Ang ganitong sinaunang uri ng molino ay ginagamit sa paggiling ng trigo o sebada gayundin sa pagbomba ng tubig sa ilalim ng lupa. Talagang lumalabas ang husay ng tao sa pag-imbento kapag kinakailangan!

Binago ang Disenyo Upang Magamit ang Lakas ng Hangin

Ang sinaunang mga molino na may mga layag na umiikot sa isang patayong ehe ay hindi gaanong mahusay. Subalit malaki ang isinulong ng mga ito nang matuklasan na mas magagamit nang husto ang lakas ng hangin kapag ang mga layag o pala (blade) ay ikinabit sa isang pahalang na ehe na nakausli sa pinakabubong ng molino. Upang gumana ang gilingang bato sa ibaba, ang patayong ehe ay pinaiikot ng puwersang nagmumula sa pahalang na ehe sa pamamagitan ng mga enggranahe. Ang bahagyang pagbabagong ito ay nakatulong upang lubos na magamit ng molino ang lakas ng hangin. Napakalakas ng bagong mga molinong ito anupat napaaandar nito ang malalaking makina, gaya ng circular saw.

Gayunman, kailangan ng mga molino ang patuluyang suplay ng enerhiya anuman ang makinang pinaaandar nito. At isang problema ang madalas na pagbabago ng direksiyon ng hangin. Paano mapananatiling nakaayon ang mga layag ng molino sa direksiyon ng hangin? Ang unang naging solusyon ay ang pag-iimbento ng naibabaling na molino, o post-mill. Nakakabit sa paikutan ang molinong ito, kaya ang buong istraktura, kasama na ang pangunahing mga layag, ay maibabaling sa direksiyon na pasalubong sa hangin.

Dahil sa limitado ang laki ng gayong naibabaling na mga molino, ipinasiya ng ibang mga tagapagtayo na ang bubungan na lamang ang lagyan ng paikutan sa halip na ang buong istraktura. Nakausli sa bubungan ang pangunahing ehe ng ganitong mga molino, kaya ang bubong at mga layag nito ay maibabaling saanmang direksiyon humihip ang hangin. Paano maibabaling ng molinero ang bubong nito pati na ang ehe, mga layag, at sistema ng preno, gayong napakabigat ng mga ito? Tingnan mo muli ang larawan ng molino mula sa Cartagena, Espanya, na nasa pahina 23. Mapapansin mo sa likod ng molino ang isang nakahilig na biga na nakakabit sa bubong at umaabot hanggang sa lupa. Baka ipagkamali mo ito bilang posteng panukod, subalit ang totoo, isa itong pingga. Upang maibaling ang bubong ng molino, ang posteng ito ay maaaring itulak o hilahin ng tao o hayop hanggang sa ang mga pala ng molino ay maiposisyon sa direksiyon na pasalubong sa hangin.

Ang ibang molino ay may tila maliit na elise, o fantail, sa likod ng pangunahing mga layag. Dinisenyo ang fantail na ito upang awtomatikong ibaling ang mga layag sa tamang direksiyon. Paano ito gumagana? Gunigunihin ang isang molino na ang mga layag ay pasalubong sa direksiyon ng hangin at umiikot nang napakabilis. Walang anu-ano, nagbago ang direksiyon ng hangin, at bumagal ang ikot ng mga layag. Ang fantail, na nakakabit sa gawing kanan ng mga layag, ang siya naman ngayong tatamaan ng hangin at magsisimula itong umikot. Bilang resulta, iikot ang mga enggranahe at awtomatiko nitong ibabaling ang bubong at ang mga layag sa direksiyon na pasalubong sa pabagu-bagong hihip ng hangin.

Pinalitan ng Shutter ang mga Layag

Ang isa pang salik kung bakit mahirap gamitin ang hihip ng hangin ay ang palagiang pagbabago ng lakas nito. Ang sinaunang mga molino, na may mga layag na katulad ng sa isang bangkang de-layag, ay nahihirapang bumagay sa pabagu-bagong bilis ng hangin. Kapag napasobra ang preno, ang init na resulta ng pagkiskis ay maaaring pagmulan ng sunog. At dahil sa malalakas na bugso ng hangin, ang mga layag ay maaaring bumangga sa isa’t isa o sa katawan mismo ng molino, na nagdudulot ng malaking pinsala. Sa ilang kaso naman, samantalang ang molinero ay nasa pala at nagtitiklop ng mga layag, dumulas ang preno ng molino at tumilapon siya sa ere!

Nalutas ang problemang ito noong 1772 nang ipalit sa mga layag ang shutter na awtomatikong bumubukas at sumasara gaya ng venetian blind, na naimbento ng isang tagapagtayo ng molino na taga-Scotland. Ganito ang paliwanag ng aklat na Windmills: “Kapag bumubugso ang hangin, nadaraig ng presyon ng hangin ang pagkabanat ng muwelye at bumubukas ang mga shutter, kaya’t lumalagos lamang ang hangin sa mga pagitan nito at bumabagal ang pag-ikot ng layag. Kapag humina na ang hangin, nadaraig ng pagkabanat ng muwelye ang presyon ng hangin at nagsasara naman ang mga shutter, sa gayo’y tumatama nang husto ang hangin sa mga layag at napananatili ang tamang bilis ng pag-ikot ng mga ito.”

Palibhasa’y naibabaling na ang bubong at mayroon nang awtomatikong mga layag, naging lubhang kapaki-pakinabang ang mga molino noong magtatapos ang ika-19 na siglo, kung kailan tinatayang 1,500 megawatt ng enerhiya ang nalilikha ng mga molino sa Europa. * Subalit di-nagtagal, bunsod ng pagbabago sa teknolohiya, naging mas karaniwan ang paggamit ng kuryente, turbinang pinatatakbo ng singaw, at makinang sumusunog ng gasolina at krudo (internal-combustion engine) bilang pinagmumulan ng enerhiya. Hindi kayang tapatan ng mga molino ang husay at bilis ng bagong mga makina, at tila lipás na ang mga molino. Pagkatapos, nagkaroon ng di-inaasahang pangangailangan.

Modernong mga Kahalili ng Sinaunang mga Molino

Ang krisis sa panggatong noong dekada ng 1970 ay umakay sa higit pang pagsusuri hinggil sa iba’t ibang pinagmumulan ng enerhiya na hindi nagmumula sa fossil fuel. Halos kasabay nito, tumindi ang pagkabahala hinggil sa usok na nagmumula sa fossil fuel na nagpaparumi sa hangin. Nagsimula ang pagtuklas sa “malinis” na enerhiya. Biglang-bigla, naging kanais-nais ang ideya na gamitin ang hihip ng hangin at naimbento nga ang mga turbinang pinatatakbo ng hangin.

Mas makikitid ang modernong mga “molino” kung ihahambing sa sinaunang mga disenyo. Kasi, di-tulad ng tradisyonal na molino, ang modernong mga turbina na pinatatakbo ng hangin ay walang pinaaandar na makina sa loob mismo ng molino. Ginagamit ng bawat turbina ang lakas ng hangin upang lumikha ng kuryente, na kadalasang nakakonekta sa isang sistema ng mga kable sa isang partikular na lugar. Pagsapit ng 1988, nakalilikha ang bagong mga “molino” na ito ng 1,500 megawatt ng enerhiya sa Europa, gaya ng sinaunang mga molino sandaang taon na ang nakalilipas.

Palibhasa’y itinayo sa tuktok ng malalaking burol, ang modernong mga turbinang ito na napakatataas at may mapusyaw na kulay ay nagpabago ng tanawin sa mga kabukiran. Bagaman maaaring hindi maganda sa paningin ang mga turbinang ito na pinatatakbo ng hangin, hindi ito ikinababahala ng maraming tao dahil sampu-sampung libong megawatt naman ng malinis na enerhiya ang nililikha ng mga turbinang pinatatakbo ng hangin sa buong daigdig. Malaki ang naitutulong ng modernong mga molinong ito sa pagsisikap na ginagawa sa buong daigdig upang mabawasan ang mga greenhouse gas, isang bagay na pakikinabangan ng lahat.

Gayunman, gagana lamang ang tradisyonal na molino o ang modernong turbina na pinatatakbo ng hangin sa pamamagitan ng di-nauubos na suplay ng “malinis” na enerhiya​—ang hangin. Malaki nga ang dapat nating ipagpasalamat sa “Maylalang ng hangin”!​—Amos 4:13.

[Mga talababa]

^ par. 7 Patuloy na ginamit ang ganitong primitibong mga molino sa ilang lugar sa Gitnang Silangan hanggang noong ika-20 siglo.

^ par. 16 Ang isang megawatt ay katumbas ng 1,000,000 watt. Ang isang karaniwang bombilya ay kumokonsumo ng 60 watt.

[Larawan sa pahina 23]

Molino sa Espanya na may walong layag, pinanganlang El Molino Zabala

[Larawan sa pahina 24, 25]

Modernong mga turbina na pinatatakbo ng hangin, Cádiz, Espanya

[Mga larawan sa pahina 25]

1. Consuegra, Espanya

2. Majorca, Espanya

3. Aruba, Lesser Antilles

[Credit Lines]

Godo-Foto

Godo-Foto