Ang Pang-akit ng Pangingisda sa Nagyeyelong Dagat
Ang Pang-akit ng Pangingisda sa Nagyeyelong Dagat
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Finland
ANG kaayaayang mga araw ng taglamig sa Hilaga kung kailan makapal ang niyebe ay naglalaan ng maraming pagkakataon para sa mga gawain sa labas ng bahay. Upang masiyahan sa tanawing kumikinang sa kaputian at sa malamig at sariwang hangin, lumalabas ang mga tao upang maglakad-lakad, mag-iski, mag-isketing, o sumakay sa tobogan (balangkas na kahoy na ginagamit sa pagpapadausdos sa mga dalisdis na nababalutan ng yelo). Mayroon din namang mas nasisiyahang mangisda sa nagyeyelong dagat. Matagal ko nang pinag-iisipan, ‘Ano ba ang kaakit-akit sa pangingisda sa nagyeyelong dagat?’ Kaya hiniling ko sa aking kaibigang si Martti, isang makaranasang mangingisda sa nagyeyelong dagat, na isama ako sa isang ekskursiyon sa pangingisda.
Madaling-araw pa nang magkita kami ni Martti sa harapan ng kaniyang bahay. Nakahanda na ang lahat ng kagamitan niya: mga bingwit, pain, bitag, upuan, at ang pinakamahalagang gamit—isang malaking barenang pangyelo. Angkop na kasuutan lamang ang kailangan kong dalhin. Kailangang susun-suson at makapal ang damit. Ang isang mangingisda sa nagyeyelong dagat ay mananatiling nakaupo sa loob ng maraming oras, at sa malawak na karagatan at lawa, maaaring napakatindi ng lamig. Karaniwan nang sa dagat nangingisda si Martti dahil nakatira siya malapit dito. Kung malayo siya sa dagat, malamang na masisiyahan siyang mangisda sa nagyeyelong lawa o ilog.
Pagdating namin sa dalampasigan at pagtapak sa yelo, naisip ko, ‘Ligtas kayang maglakad sa ibabaw ng nagyeyelong dagat?’ Talagang ligtas itong gawin sa panahong ito. Dahil sa nagyeyelong temperatura sa pasimula ng taglamig, napakakapal na ng yelo sa ngayon. Sa kabila nito, kailangang lagi pa ring mag-ingat kapag nakatapak sa yelo. Maaaring manipis ang yelo sa ilang lugar kahit sa panahon ng matinding taglamig. Mahalagang malaman kung gaano kakapal ang yelo gayundin ang mga panganib na nasasangkot at kailangang magdala ng angkop na mga kagamitan. Pagkatapos maglakad nang kaunti, nagsimula nang bumutas sa yelo si Martti. Parang mantikilya lamang ito kapag ginamitan ng barenang pangyelo, at napakabilis na nagawa ang isang butas na 70 sentimetro ang lalim. Gumamit si Martti ng sandok na panala upang alisin sa butas ang yelo at natutunaw na mga niyebe. Pagkatapos ay umupo siya sa kaniyang maliit na upuan, inihanda ang kaniyang pamingwit, at inihulog ang simà sa butas.
Bagaman kung iisipin ay simple lamang ang pangingisda sa nagyeyelong dagat—gagawa ka lamang ng butas sa yelo at saka magsisimulang mangisda—mas magiging madali ito kung may kaunti kang kasanayan. Halimbawa, mahalaga na alam mong pumili ng tamang lokasyon. Yamang hindi gaanong lumalangoy ang mga isda upang maghanap ng pagkain tuwing taglamig, mahalagang malaman kung saan nagkukumpulan ang mga isda. Ipinasiya ni Martti na mamingwit kami sa lugar kung saan dati na siyang nangingisda. Kung pupunta kami sa di-pamilyar na lokasyon, malamang na magsusuri pa siya sa mapa at magpaplano nang patiuna kung saan kami mangingisda. Ang isang mangingisda sa nagyeyelong dagat ay sanay ring magsuri sa lagay ng panahon at sa epekto nito sa direksiyong pupuntahan ng mga isda. Maaari siyang maghanap ng mga isda sa pamamagitan ng pagbutas sa yelo sa iba’t ibang lugar. Ang isang mangingisda ay nakagagawa ng maraming butas sa loob ng isang araw.
Sa araw na ito, tila pinagtataguan kami ng mga isda o baka hindi lamang sila nagugutom. Anuman ang dahilan, hindi kami nasiraan ng loob. Tutal, natutuhan ko naman kung ano ang talagang kaakit-akit sa pangingisda sa nagyeyelong dagat. Higit na mahalaga kaysa sa paghuli ng isda ay ang makapamasyal at masiyahan sa kalikasan. Ganito ang pagkakabuod dito ni Martti: “Para itong pagbabakasyon lalo na para sa mga nakatira sa lunsod. Malilimutan mo ang lahat ng iba mong alalahanin.”
[Larawan sa pahina 27]
Pagbutas sa yelo
[Larawan sa pahina 27]
Barenang pangyelo