Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kailan Kaya Mawawala ang AIDS?

Kailan Kaya Mawawala ang AIDS?

Kailan Kaya Mawawala ang AIDS?

Mula sa murang edad, ang mga kabataan ay pinauulanan na ng seksuwal na mga mensaheng gumaganyak ng kahalayan. Palasak din ang pagtuturok ng droga, isa pang dahilan ng pagkahawa sa HIV. Kung titingnan ang pagkikibit-balikat ng mga tao sa kahihinatnan ng kanilang iresponsableng paggawi, baka itanong mo kung mawawala pa kaya ang AIDS.

ANGKOP lamang na tukuyin ng mga propesyonal sa kalusugan na ang pagbabago ng paggawi ay mahalagang paraan ng paglaban sa AIDS. “Ang bawat henerasyon ng mga kabataan,” sabi ng isang ulat na inilathala ng Centers for Disease Control and Prevention, “ay nangangailangan ng komprehensibo at patuloy na impormasyon at mga suportang pangkalusugan na tutulong sa kanila na magkaroon ng panghabang-buhay na kakayahang maiwasan ang mga paggawing hahantong sa pagkahawa sa HIV. Dapat isali ang mga magulang at mga edukador sa gayong komprehensibong mga programa.”

Maliwanag, kailangang turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak tungkol sa mga panganib na ito bago sila makakuha ng maling impormasyon mula sa kanilang mga kaedad o sa ibang tao. Hindi ito laging madali. Ngunit maililigtas nito ang buhay ng inyong anak. Hindi naman mawawala ang pagkainosente ng mga bata kung ipababatid sa kanila ang tungkol sa sekso at droga. Tutulong pa nga ito upang maingatan nila ang kanilang pagkainosente.

Mahalaga ang Pagsasanay ng Magulang

Sa sinaunang bayan ng Diyos, inaasahan na tuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak tungkol sa mga ugnayang seksuwal at kung paano iingatan ang kanilang kalusugan. Kapansin-pansin, kasali sa mga batas ng sinaunang mga Israelita ang maliwanag na mga panuntunan sa asal gayundin ang mga kaugaliang nagsasanggalang sa kanila sa pagkahawa sa mga sakit. (Levitico 18:22, 23; 19:29; Deuteronomio 23:12, 13) Paano ba itinuro sa bayan ang mga kautusang ito? Sinabi ng Diyos na Jehova sa mga Israelita: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso.” Dapat munang maunawaan ng mga magulang ang mga kapakinabangan ng pagsunod sa mga kautusang ito at ang kahihinatnan ng hindi pagsunod dito. Pagkatapos ay itinagubilin sa kanila: “Ikikintal mo iyon sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.”​—Deuteronomio 6:6, 7.

Ayon sa isang diksyunaryo, ang ibig sabihin ng “ikintal” ay “ituro at itimo sa pamamagitan ng malimit na pag-uulit o paalaala.” Maliwanag, kailangan dito ang panahon. Ang mga anak ng mga magulang na naglalaan ng panahon upang ituro sa kanilang mga anak ang tungkol sa mga panganib ng pag-abuso sa droga at mahalay na sekso ay mas malamang na makaiwas sa mga uri ng paggawi na hahantong sa pagkahawa sa HIV at iba pang mga sakit. *

Kaaliwan Para sa mga Pinahihirapan ng HIV/AIDS

Ang mga pagsisikap na hadlangan ang HIV/AIDS ay hindi gaanong nagdudulot ng kaaliwan para sa milyun-milyong tao na nahawahan na nito. Bukod sa nararanasang pisikal na mga epekto ng mismong sakit, sila ay kadalasang hinahamak at itinatakwil dahil sa kanilang kalagayan. Bakit gayon? May isang laganap ngunit maling paniniwala na kahit ang paghipo lamang sa taong may HIV ay nakahahawa na. Mauunawaan naman ang pagkatakot na magkaroon ng HIV/AIDS, yamang ito ay kapuwa nakahahawa at nakamamatay. Ang pagkatakot ng ilan sa sakit na ito ay humantong sa di-makatuwirang pagkatakot sa mga taong may ganitong sakit. Tinatanggihang gamutin, itinitiwalag sa simbahan, at marahas na inaatake pa nga ang mga taong may HIV/AIDS.

Iginigiit ng ilang tao na ang AIDS ay isang sumpa ng Diyos sa mga ubod ng sama. Totoo naman, nakaiwas sana ang maraming nahawahan ng sakit na ito kung sinunod lamang nila ang mga pamantayan ng Bibliya sa kalinisang-asal sa sekso, paggamit ng droga, at sa dugo. (Gawa 15:28, 29; 2 Corinto 7:1) Gayunpaman, ipinakikita ng Kasulatan na ang pagkakasakit ay hindi katunayan ng kaparusahan ng Diyos sa isang espesipikong kasalanan. Sa kabaligtaran, sinasabi ng Bibliya: “Sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni sinusubok man niya ang sinuman.” (Santiago 1:13; Juan 9:1-3) Ang isang taong nagkaroon HIV o AIDS dahil sa hindi pagsunod sa mga pamantayan ng Kasulatan ngunit nagbago na sa kaniyang paggawi ay makatitiyak na hindi siya pinababayaan ng Diyos.

Kitang-kita ang empatiya at pag-ibig ng Diyos para sa mga may malubhang sakit nang dumating sa lupa ang kaniyang Anak na si Jesus. Nang makatagpo ang isang ketongin sa kaniyang paglalakbay, si Jesus ay ‘nahabag at iniunat ang kaniyang kamay at hinipo siya.’ Ginamit ni Jesus ang kaniyang kapangyarihang maghimala at pinagaling niya ang ketongin. (Marcos 1:40-42) Hindi hinamak ni Jesus ang mga taong may karamdaman. Ang pag-ibig na ipinakita niya sa kanila ay isang ganap na kapahayagan ng pag-ibig ng kaniyang makalangit na Ama.​—Lucas 10:22.

Lunas Para sa AIDS​—Malapit Na!

Ang makahimalang pagpapagaling ni Jesus ay hindi lamang tumitiyak sa atin ng pag-ibig ng Diyos. Sinasabi sa atin ng Bibliya na si Jesu-Kristo ay namamahala na ngayon bilang isang makalangit na Hari. (Apocalipsis 11:15) Ipinakita ng kaniyang ministeryo sa lupa na may kapangyarihan siya at gusto niyang lunasan ang anumang karamdamang nagpapahirap sa sangkatauhan. Iyan nga ang gagawin niya.

Tinitiyak sa atin ng hula sa Bibliya na hindi na magtatagal at “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ” (Isaias 33:24) Sa kabila ng kabiguan ng sangkatauhan na mapigil ang pagkalat ng AIDS o maglaan ng mabisang paggamot para sa lahat ng pinahihirapan nito, makapagtitiwala tayo na masusugpo ang AIDS. “Pagpalain mo si Jehova, O kaluluwa ko,” ang sabi ni Haring David, “at huwag mong limutin ang lahat ng kaniyang ginagawa, Siyang nagpapatawad ng lahat ng iyong kamalian, Siyang nagpapagaling ng lahat ng iyong karamdaman.”​—Awit 103:2, 3.

Kailan ito mangyayari? Ano ang mga kahilingan ng Diyos sa mga umaasang magtamo ng gayong mga pagpapala? Inaanyayahan namin kayong makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova upang higit na malaman ang tungkol sa napakagandang pangako ng Bibliya.

[Talababa]

^ par. 7 Nasumpungan ng maraming magulang na ang aklat na Matuto sa Dakilang Guro na inilathala ng mga Saksi ni Jehova ay nakatutulong sa unti-unting pagtuturo sa mga bata ng tungkol sa sekso at mga saligang simulain sa kagandahang-asal.

[Blurb sa pahina 11]

Tinitiyak sa atin ng hula sa Bibliya na hindi na magtatagal at “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit’”

[Larawan sa pahina 10]

Ang pagtuturo sa inyong mga anak tungkol sa sekso at pag-abuso sa droga ay mag-iingat sa kanila

[Larawan sa pahina 10]

Ang kakayahan at pagnanais ni Jesus na pagalingin ang mga maysakit ay nagpapakita ng kung ano ang gagawin niya sa hinaharap