Lunas sa AIDS—Kailangang-kailangan!
Lunas sa AIDS—Kailangang-kailangan!
Sa Pamilihang Sentral ng Lilongwe, Malawi, nagtitinda ng mamahaling mga sapatos si Grace. Mukha naman siyang maligaya at malusog. Subalit sa kabila ng kaniyang masayang ngiti ay nakakubli ang isang napakalungkot na kuwento.
Noong 1993, tuwang-tuwa si Grace at ang kaniyang asawa nang isilang niya ang kanilang anak na babae, si Tiyajane. Sa simula, waring malusog naman si Tiyajane. Gayunman, di-nagtagal at hindi na nadagdagan ang kaniyang timbang at nagkaroon siya ng sunud-sunod na impeksiyon. Sa edad na tatlo, namatay si Tiyajane sa sakit na AIDS (acquired immunodeficiency syndrome).
Pagkalipas ng ilang taon, nagkasakit din ang asawa ni Grace. Isang araw, natumba na lamang ito at isinugod sa ospital. Hindi na siya nailigtas ng mga doktor. Ang lalaking naging asawa ni Grace sa loob ng walong taon ay namatay dahil sa mga komplikasyong dulot ng AIDS.
Mag-isa na lamang si Grace na nakatira sa isang bahay na may isang silid sa karatig-pook ng Lilongwe. Baka asahan ng isa na nagsisimula na si Grace ng panibagong buhay sa kaniyang edad na 30. Subalit ganito ang paliwanag niya: “May HIV ako kaya hindi na ako mag-aasawa ni magkakaanak pa.” *
NAKALULUNGKOT na pangkaraniwan na ang gayong mga karanasan sa Malawi, kung saan tinatayang 15 porsiyento ng populasyon ay nahawahan ng HIV. Sa isang ospital sa kabukiran, ayon sa pahayagang Globe and Mail, “mas mataas ng 50 porsiyento ang bilang ng mga pasyenteng nakaratay kaysa sa kapasidad ng ospital, at mahigit sa 50 porsiyento ng mga kawani ng ospital ang hindi na makapagtrabaho” dahil sa AIDS. Mas marami pa ang nahawahan ng HIV sa ibang mga bansa sa timugang bahagi ng Sahara sa Aprika. Noong 2002, nag-ulat ang Joint United Nations Programme on HIV/AIDS (UNAIDS): “Sa kasalukuyan, ang katamtamang inaasahang haba ng buhay ng mga tao sa timugang bahagi ng Sahara sa Aprika ay 47 taon. Kung walang AIDS, maaari itong umabot sa 62 taon.”
Ngunit napakalawak na ang nasasakop ng salot ng HIV/AIDS, anupat lumampas na sa kontinente ng Aprika. Tinataya ng UNAIDS na mga apat na milyong adulto sa India ang nahawahan na ng HIV, at sinabi pa: “Sa dami ngayon ng nahawahan ng sakit na ito, HIV ang magiging pinakamalaking sanhi ng kamatayan ng mga adulto sa dekadang ito.” Napakabilis na kumakalat ang epidemyang ito sa Commonwealth of Independent States, isang pederasyon na binubuo ng karamihan sa mga republika ng dating Unyong Sobyet. Halimbawa, sinasabi ng isang ulat na sa Uzbekistan, “mas maraming kaso ng HIV ang iniulat noong 2002 lamang kung ihahambing sa kabuuan ng nakaraang dekada.” Sa Estados Unidos, pagkahawa sa HIV ang nananatiling pangunahing sanhi ng
kamatayan ng mga Amerikanong edad 25 hanggang 44.Unang naglathala ang Gumising! ng serye ng mga artikulo tungkol sa AIDS noong 1986. Noong taóng iyon, nagbabala si Dr. H. Mahler, ang direktor noon ng World Health Organization, na mga sampung milyong tao ang maaaring nahawahan na ng HIV. Pagkalipas ng halos 20 taon, ang bilang ng mga kaso ng HIV sa buong daigdig ay umabot na sa tinatayang 42 milyon, anupat sampung ulit ang bilis ng pagdami kaysa sa bilis ng paglaki ng populasyon! Sinasabi ng mga eksperto na nakababahala rin ang inaasahang mangyayari sa hinaharap. “Sa 45 bansang may pinakamaraming nahawahan,” ulat ng UNAIDS, “inaasahan na mula sa taóng 2000 hanggang 2020, 68 milyon katao ang mamamatay nang wala sa panahon dahil sa AIDS.”
Dahil sa gayong nakababahalang pagdami ng mga nahahawahan, ngayon higit kailanman kailangang-kailangan ang lunas para sa AIDS. Kaya naman walang-sawang nagpapagal ang mga mananaliksik sa medisina upang makasumpong ng gamot sa HIV. Ano na nga ba ang mga pagsulong laban sa nakamamatay na salot na ito? Makatuwiran bang umasa na masusugpo ang AIDS?
[Talababa]
^ par. 5 Ang HIV, o human immunodeficiency virus, ang kinikilalang virus na sanhi ng AIDS.
[Blurb sa pahina 4]
Sa buong daigdig, tinatayang 42 milyon katao ang may HIV/AIDS; 2.5 milyon dito ay mga bata
[Larawan sa pahina 4]
INDIA—Tinuturuan ang mga boluntaryong pangkalusugan tungkol sa AIDS
[Credit Line]
© Peter Barker/Panos Pictures
[Larawan sa pahina 4]
BRAZIL—Inaaliw ng isang “social worker” ang isang babaing pinahihirapan ng AIDS
[Credit Line]
© Sean Sprague/Panos Pictures
[Larawan sa pahina 4]
THAILAND—Inaalagaan ng isang boluntaryo ang isang batang isinilang na may HIV
[Credit Line]
© Ian Teh/Panos Pictures