Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magandang Pundasyon Kaya sa Pag-aasawa ang Pagsasama Muna Nang Di-kasal?

Magandang Pundasyon Kaya sa Pag-aasawa ang Pagsasama Muna Nang Di-kasal?

Magandang Pundasyon Kaya sa Pag-aasawa ang Pagsasama Muna Nang Di-kasal?

ANG pagsasama nang di-kasal ng dalawang taong di-magkasekso “ay nagiging pangkaraniwan na lamang sa industriyalisadong mga lipunan sa buong daigdig,” ang sabi ng Journal of Marriage and Family. At “mga kalahati sa nagsasamang mga indibiduwal ang nag-aakala na ang gayong pagsasama ay isang paraan upang matiyak kung magkabagay sila bago magpakasal.” Kung gayon nga, aasahan sana na ang kaayusang ito ay “dapat mag-alis ng hindi magkabagay na mga pares at higit na magpatatag sa pag-aasawa,” ang sabi ng Journal.

“Gayunman, ipinahihiwatig ng mga katibayan na kabaligtaran ang nangyayari,” ang patuloy pa ng Journal. “Sa mga mag-asawa, ang pagsasama muna bago ikasal ay iniuugnay sa di-gaanong kasiya-siyang pag-aasawa, paggugol ng mas kaunting panahon nang magkasama sa mga gawain, mas matitinding di-pagkakasundo, mas mahinang pagsuporta ng kabiyak, di-gaanong matagumpay na paglutas sa mga suliranin, [at] mas maraming iniulat na mga problemang pangmag-asawa . . . Bukod dito, kung ihahambing sa mga magkasintahang nagpakasal muna bago magsama, ang mga magkasintahang nagsama muna ay mas malamang na maghiwalay [magdiborsiyo].”

Gaya ng ipinakikita ng pag-aaral na ito, ang waring matalinong pananaw ng tao ay maaaring hindi talaga isang katalinuhan. Idiniriin ng bagay na ito ang katotohanan ng mga salita sa Jeremias 10:23: “Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” Mas matalino ngang umasa sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, na naglalaan ng mainam na payo tungkol sa pag-aasawa! (2 Timoteo 3:16) Halimbawa, may kinalaman sa ugnayan ng mag-asawa, sinasabi ng Bibliya: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.”​—Genesis 2:24; Mateo 19:5.

Lumalaki ang pag-asang magkaroon ng tunay na maligaya at nagtatagal na pag-aasawa kapag binibigyang-pansin ang patnubay na iyan ng Diyos, sa halip na sundin ang mali at kadalasang pabagu-bagong pangangatuwiran ng tao.​—Kawikaan 3:5, 6.