Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Pagsulong sa Paglaban sa AIDS

Mga Pagsulong sa Paglaban sa AIDS

Mga Pagsulong sa Paglaban sa AIDS

“Ngayon lamang sa kasaysayan ng tao na napakaraming natuklasan tungkol sa isang napakasalimuot na karamdaman sa loob ng napakaikling panahon,” ang isinulat ni Dr. Gerald J. Stine sa kaniyang aklat na AIDS Update 2003. Sinabi niya na “ang pananaliksik tungkol sa HIV/AIDS ay isang pambihirang tagumpay sa siyensiya.” Ano nga ba ang mga nagawa na?

DAHIL sa modernong kaalaman at kadalubhasaan sa medisina, nakabuo ang mga mananaliksik ng kombinasyon ng mga gamot na nagbibigay ng bagong pag-asa sa mga taong nahawahan ng HIV. Karagdagan pa, nagkaroon ng mga resulta ang mga programa sa pagtuturo tungkol sa AIDS na ipinatupad sa ilang bansa. Ngunit ang tagumpay ba ng gayong mga pagsisikap ay palatandaan na malapit nang masugpo ang nakamamatay na epidemyang ito? Mapipigil ba ng kasalukuyang mga programa sa siyensiya at edukasyon ang pagkalat ng AIDS? Tingnan ang sumusunod.

Pag-inom ng Gamot

“Isang Silahis ng Pag-asa sa Paglaban sa AIDS,” ang mababasang pamagat ng pangunahing artikulo sa Setyembre 29, 1986, isyu ng magasing Time. Ang “silahis ng pag-asa” na ito ay bunsod ng mga resulta ng isang eksperimento na ginamitan ng azidothymidine (AZT), isang antiretroviral drug (kombinasyon ng mga gamot na panlaban sa virus), upang gamutin ang HIV. Kapansin-pansin, nabubuhay nang mas mahaba ang mga pasyenteng may HIV na uminom ng AZT. Mula noon, pinahahaba na ng mga antiretroviral drug (ARV) ang buhay ng daan-daang libo katao. (Tingnan ang kahon na “Ano ba ang mga ARV?” sa pahina 7.) Gaano kabisa ang mga ito sa paggamot sa mga nahawahan ng HIV?

Sa kabila ng pananabik noong ilabas ang AZT, iniulat ng magasing Time na ang mga nagsasaliksik tungkol sa AIDS “ay naniniwala na ang AZT [ay] hindi siyang pinakamahusay na sandata laban sa AIDS.” Tama sila. Hindi makayanan ng ilang pasyente ang masasamang epekto ng AZT kaya gumawa ng ibang mga ARV. Nang maglaon, inaprobahan ng Food and Drug Administration ng Estados Unidos ang isang kombinasyon ng mga ARV para sa mga pasyenteng may malalang HIV. Masigla namang tinanggap ng mga kawaning pangkalusugan na humahawak sa mga pasyenteng may AIDS ang paggamit na ito ng kombinasyon ng mga gamot, na nagsasangkot ng pag-inom ng tatlo o higit pang antiretroviral drug. Sa katunayan, sa isang internasyonal na komperensiya tungkol sa AIDS noong 1996, ipinahayag pa nga ng isang doktor na baka lubusan nang masugpo ng mga gamot ang HIV sa katawan!

Nakalulungkot, kitang-kita na sa loob lamang ng isang taon, kahit ang mahigpit na pagsunod sa programa ng pag-inom ng tatlong gamot ay hindi makasusugpo sa HIV. Gayunpaman, sabi ng isang ulat ng UNAIDS na “nakatulong ang pag-inom ng kombinasyon ng ARV upang mabuhay nang mas mahaba, mas malusog, at mas produktibo ang mga taong positibo sa HIV.” Halimbawa, sa Estados Unidos at Europa, nabawasan ng mahigit na 70 porsiyento ang mga namamatay sa AIDS dahil sa pag-inom ng ARV. Karagdagan pa, ipinakikita ng ilang pag-aaral na binabawasan nang malaki ng pilíng pag-inom ng ARV ang posibilidad na mahawahan ng isang babaing may HIV ang kaniyang dinadalang sanggol.

Subalit milyun-milyong pasyenteng may HIV ang hindi nakakakuha ng mga ARV. Bakit?

“Sakit ng Mahihirap”

Malawakang naipatutupad ang pag-inom ng ARV sa mayayamang bansa. Subalit tinataya ng World Health Organization (WHO) na sa ilang papaunlad na bansa, 5 porsiyento lamang sa mga nangangailangan ng ARV ang nakaiinom nito. Inilarawan pa nga ng mga sugo ng United Nations ang ganitong pagiging di-balanse bilang “isang malubhang kawalang-katarungan” at “nakapangingilabot na kabuktutan ng modernong daigdig.”

Hindi rin patas ang natatanggap na gamot ng mga mamamayan sa iisang bansa. Iniulat ng The Globe and Mail na 1 sa 3 taga-Canada na namamatay sa AIDS ang hindi kailanman nakainom ng mga ARV. Kahit na libre ang mga gamot na ito sa Canada, may ilang grupo na nakaliligtaan. “Yaong napagkakaitan ng angkop na paggamot,” ang sabi ng Globe, “ay ang may pinakamatinding pangangailangan: ang mga katutubo, ang mga babae at ang mahihirap.” Sinipi ng The Guardian ang sinabi ng isang Aprikanang ina na positibo sa HIV: “Hindi ko maintindihan. Bakit pinahahaba ang buhay ng mga puting lalaking ito na sumisiping sa kapuwa mga lalaki at ako naman ay hinahayaang mamatay?” Ang sagot sa kaniyang tanong ay may kinalaman sa sistema ng produksiyon at pamamahagi ng mga gamot.

Sa Estados Unidos at Europa, ang katamtamang presyo ng programa ng pag-inom ng tatlong gamot na ARV ay nasa pagitan ng $10,000 at $15,000 sa isang taon. Kahit pa may generic na mga uri ng kombinasyon ng mga gamot na ito na iniaalok ngayon sa ilang papaunlad na bansa sa taunang halaga na $300 o mas mababa pa, hindi pa rin ito kayang bilhin ng maraming may HIV at ng naninirahan kung saan kailangang-kailangan ang mga ARV. Binuod ni Dr. Stine ang situwasyon sa ganitong pananalita: “Ang AIDS ay isang sakit ng mahihirap.”

Ang Negosyo ng Paggawa ng Gamot

Hindi madali ang paggawa ng generic na mga uri ng nakarehistrong mga gamot at pagbebenta ng mga ito sa mas mababang halaga. Ipinagbabawal ng mahihigpit na batas sa pagrerehistro sa maraming bansa ang di-awtorisadong paggawa ng mga gamot na may pangalan. “Ito ay isang labanan sa ekonomiya,” ang sabi ng pangulo ng isang malaking kompanya na gumagawa ng mga gamot. Ang paggawa ng mga gamot na generic at pagbebenta ng mga ito sa papaunlad na mga bansa upang kumita, ayon sa kaniya “ay hindi makatarungan para sa mga tao na nakatuklas sa mga gamot na iyon.” Ikinakatuwiran din ng mga kompanyang gumagawa ng mga gamot na may pangalan na kapag lumiliit daw ang kanilang tubo, maaaring mabawasan ang pondo para sa mga programa sa pananaliksik at pagbuo ng mga gamot. Nababahala naman ang iba na ang murang mga ARV na nilayon para sa papaunlad na mga bansa ay aktuwal na mauuwi lamang sa ilegal na pamilihan sa mauunlad na lupain.

Iginigiit naman ng mga nagtataguyod sa murang ARV na maaari raw gumawa ng bagong mga gamot sa halagang 5 hanggang 10 porsiyento ng presyong iminumungkahi ng industriya ng mga gamot. Sinasabi rin nila na nakahilig ang mga pribadong kompanya ng mga gamot na kaligtaan sa kanilang pananaliksik at pagbuo ng mga gamot ang mga karamdamang nagpapahirap sa nagdarahop na mga bansa. Kaya naman, ganito ang sabi ni Daniel Berman, tagapag-ugnay ng proyektong Access to Essential Medicines: “Para sa bagong mga gamot, kailangan ang isang sistemang sinusuportahan at maipatutupad ng mga bansa na siyang magpapababa ng presyo sa antas na abot-kaya nang bilhin sa papaunlad na mga bansa.”

Bilang tugon sa pandaigdig na pangangailangang ito para sa paggamot na ARV, binuo ng WHO ang tinatawag na three-by-five plan upang maglaan ng mga ARV sa tatlong milyon katao na may HIV/AIDS sa katapusan ng taóng 2005. “Ang tunguhing three-by-five ay hindi dapat maging isa pang nabigong tunguhin ng UN,” babala ni Nathan Ford ng Médecins Sans Frontières. “Iyon ay kalahati lamang ng bilang ng mga taong may HIV/AIDS na tinatayang nangangailangang gamutin ngayon at lubhang tataas pa ang bilang na ito [pagsapit ng 2005].”

Iba Pang mga Hadlang

Kahit na mailaan ang sapat na mga ARV sa papaunlad na mga lupain, may iba pang mga hadlang na kailangang mapagtagumpayan. Ang ilang gamot ay kailangang inumin kasabay ng pagkain at malinis na tubig, ngunit daan-daang libong tao sa ilang lupain ang nakakakain lamang tuwing ikalawang araw. Kailangang inumin ang mga ARV (kadalasang 20 o higit pang pildoras bawat araw) sa espesipikong oras sa bawat araw, ngunit maraming pasyente ang walang relo. Kailangang ibagay ang mga kombinasyon ng gamot sa kalagayan ng isang pasyente. Ngunit may malubhang kakapusan ng mga manggagamot sa maraming lupain. Maliwanag, ang paglalaan ng paggamot na ARV sa papaunlad na mga bansa ay isang malaking hamon na kailangang malampasan.

Kahit ang mga pasyente sa mauunlad na lupain ay napapaharap sa mga hamon sa paggamit ng kombinasyon ng mga gamot. Isinisiwalat ng mga pananaliksik na nakababahala ang pagiging palasak ng hindi pag-inom ng lahat ng iniresetang gamot sa itinakdang mga oras. Maaari itong lumikha ng mga uri ng HIV na di-tinatablan ng gamot. Ang ganitong mga uri ng HIV ay nakahahawa sa iba.

Tinukoy ni Dr. Stine ang isa pang hamon para sa mga pasyenteng may HIV. “Ang kakatwa sa paggamot sa HIV,” ang sabi niya, “ay na kung minsan mas makirot pa ang paggamot kaysa sa sakit, lalo na kapag nagsimula ang paggamot bago makita ang mga sintomas.” Ang mga pasyenteng may HIV na ginagamot sa pamamagitan ng ARV ay karaniwan nang pinahihirapan ng masasamang epekto kasali na ang diyabetis, paglipat ng taba sa ibang parte ng katawan, mataas na kolesterol, at pagrupok ng mga buto. Nagsasapanganib pa nga ng buhay ang ilang masasamang epekto.

Paghadlang

Gaano katagumpay ang mga pagsisikap na pabagalin ang pagkalat ng AIDS at baguhin ang mga kaugalian ng mga tao na nagiging sanhi ng pagkahawa? Dahil sa malawakang mga kampanya ng pagtuturo sa mga tao tungkol sa AIDS sa Uganda noong dekada ng 1990, nabawasan ang bilang ng mga nahawahan ng HIV sa bansang iyan mula sa tinatayang 14 na porsiyento hanggang sa halos 8 porsiyento na lamang noong 2000. Sa katulad na paraan, ang pagsisikap ng Senegal na ipabatid sa mga mamamayan nito ang panganib ng pagkahawa sa HIV ay nakatulong sa bansang iyan upang mapanatiling mababa pa sa 1 porsiyento ng mga adulto ang nahawahan ng HIV. Nakapagpapasigla ang gayong mga resulta.

Sa kabilang dako, hindi naging gayon katagumpay ang pagtuturo tungkol sa AIDS sa ibang mga bansa. Nang magsurbey sa 11,000 kabataang taga-Canada noong 2002, natuklasan na 50 porsiyento ng mga estudyante sa unang taon sa haiskul ang naniniwalang may lunas ang AIDS. Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa sa Britanya nang taon ding iyon, 42 porsiyento ng mga batang lalaki na ang edad ay 10 hanggang 11 ay wala pang nalalaman tungkol sa HIV o AIDS. Gayunman, nagiging kampante maging yaong mga kabataang nakababatid tungkol sa HIV at AIDS at sa kawalan nito ng lunas. “Para sa maraming kabataan,” sabi ng isang doktor, “ang HIV ay isa lamang sa maraming problema sa kanilang buhay, gaya ng kung makakakain ba sila ng masarap na pagkain, kung sino ang makakasama nila sa buhay, at kung makapag-aaral pa sila.”

Kaya hindi nakapagtatakang sinabi ng WHO na “ang pagtutuon ng pansin sa mga kabataan ay malamang na siyang pinakamabisang paraan upang harapin ang epidemyang ito, lalo na sa mga bansang napakarami ang nahawahan.” Paano ba matutulungan ang mga kabataan na kumilos ayon sa mga babala sa kanila tungkol sa AIDS? At makatotohanan kayang umasa na magkakaroon pa ng lunas ito?

[Blurb sa pahina 6]

Noong nakaraang taon, 2 porsiyento ng mga taga-Aprika na nangangailangan ng mga ARV ang nakainom nito, kung ihahambing sa 84 na porsiyento sa mga lupain sa Amerika

[Kahon/Mga larawan sa pahina 7]

Ano ba ang mga ARV? *

Sa isang malusog na tao, pinasisigla o pinakikilos ng mga selulang helper T (mga puting selula ng dugo na bahagi ng paglaban sa sakit) ang sistema ng imyunidad upang labanan ang mga impeksiyon. Pantanging pinupuntirya ng HIV ang mga selulang ito na helper T. Ginagamit nito ang mga selula upang magparami, anupat pinahihina at pinapatay ang mga selulang helper T hanggang sa lubusang mapinsala ang sistema ng imyunidad. Pinipigil ng mga gamot na antiretroviral (mga ARV) ang prosesong ito ng pagpaparami.

Sa kasalukuyan, apat na pangunahing uri ng mga ARV ang ginagamit. Hinahadlangan ng mga nucleoside analogue at non-nucleoside analogue ang HIV upang hindi ito makagawa ng kopya ng sarili nito at lumakip sa DNA ng isang tao. Pinipigil naman ng mga protease inhibitor ang isang espesipikong protease enzyme sa nahawahang mga selula upang hindi ito muling makabuo ng virus at makagawa ng mas marami pang HIV. Layunin naman ng mga fusion inhibitor na hadlangan ang pagpasok ng HIV sa mga selula. Sa pagpigil sa pagpaparami ng HIV, pinababagal ng mga ARV ang paglala ng pagkahawa sa HIV patungong AIDS, ang tinatawag na pinakamalalang anyo ng sakit na HIV.

[Talababa]

^ par. 28 Ang paggamot na antiretroviral ay hindi inirerekomenda sa lahat ng taong may HIV. Dapat munang magpatingin sa doktor ang mga may HIV o naghihinalang mayroon sila nito bago simulan ang anumang programa sa paggamot. Hindi iniindorso ng Gumising! ang anumang partikular na paggamot.

[Larawan]

KENYA​—Ipinaliliwanag ng isang doktor sa isang pasyenteng may AIDS ang paggamot na ARV

[Credit Line]

© Sven Torfinn/Panos Pictures

[Larawan]

KENYA​—Tinatanggap ng isang pasyenteng may AIDS ang kaniyang gamot na ARV sa ospital

[Credit Line]

© Sven Torfinn/Panos Pictures

[Kahon/Mga larawan sa pahina 8]

Ang mga Babae at ang AIDS

Limampung porsiyento ng mga adultong may HIV/AIDS ngayon ay mga babae

Noong 1982, nang may mga babaing masuri na may AIDS, inakala na sila ay nahawahan dahil sa pagtuturok ng droga. Di-nagtagal, natanto na maaaring mahawahan ang mga babae sa pamamagitan ng normal na pakikipagtalik at na sila ay lalo nang nanganganib na mahawahan ng HIV. Sa buong daigdig, 50 porsiyento ng mga adultong may HIV/AIDS ngayon ay mga kababaihan. “Mas marami sa nahahawahan ay mga babae at mga nagdadalagang mas mahihina kung ang lipunan, kultura, pangangatawan at kabuhayan ang pag-uusapan, na siyang bumabalikat ng malaking bahagi ng pag-aalaga sa mga maysakit at mga naghihingalo na,” ulat ng UNAIDS.

Bakit lubhang ikinababahala ng mga kawaning pangkalusugan na humahawak sa mga kaso ng AIDS ang paglaganap ng sakit na ito sa mga kababaihan? Mas nakararanas ng diskriminasyon ang mga babaing nahawahan ng HIV kaysa sa mga lalaki, lalo na sa ilang papaunlad na lupain. Kung nagdadalang-tao ang isang babae, nanganganib ang kalusugan ng kaniyang anak; kung may mga anak na siya, nagiging lalong mahirap ang pag-aalaga sa kanila, lalo na para sa isang nagsosolong ina. Bukod dito, halos kakaunti ang nalalaman tungkol sa kakaibang mga katangian ng mga babaing nahawahan ng HIV at sa paggamot sa kanila.

May ilang salik sa kultura na nagiging dahilan upang ang situwasyon ay maging higit na mapanganib para sa mga babae. Sa maraming bansa, ang mga babae ay hindi inaasahang makikipag-usap tungkol sa sekso, at nanganganib silang abusuhin kapag tumanggi silang makipagtalik. Karaniwan na sa mga lalaki ang magkaroon ng maraming kapareha sa sekso at hindi nila namamalayang nahahawahan nila ng HIV ang kanilang mga kapareha. Sumisiping ang ilang Aprikano sa mga kabataang babae upang makaiwas sa HIV o sa maling akala na isang lunas sa AIDS ang pagsiping sa mga dalaga. Mauunawaan natin kung bakit sinabi ng WHO: “Sa mga lalaki dapat ipokus ang pagtulong (gayundin sa mga babae) upang maprotektahan ang mga babae.”

[Larawan]

PERU​—Isang inang positibo sa HIV kasama ang kaniyang anak na negatibo sa HIV

[Credit Line]

© Annie Bungeroth/Panos Pictures

[Larawan]

THAILAND​—Bilang bahagi ng kanilang pag-aaral, dinadalaw ng mga estudyante ang isang pasyenteng may AIDS

[Credit Line]

© Ian Teh/Panos Pictures

[Larawan]

KENYA​—Pulong ng mga miyembro ng organisasyong Women Living With AIDS

[Credit Line]

© Sven Torfinn/Panos Pictures

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

Mga Maling Akala Tungkol sa AIDS

Mukhang may sakit ang mga taong nahawahan ng HIV. “Karaniwan na, umaabot ng mga 10 hanggang 12 taon bago magkaroon ng AIDS ang isang taong nahawahan ng HIV,” sabi ni Dr. Gerald J. Stine. “Sa panahong ito, kakaunti lamang, kung mayroon man, ang makikita at makikilalang sintomas sa isang nahawahan ng HIV, ngunit nahahawahan na nila ang ibang mga tao.”

Sakit ng mga homoseksuwal ang AIDS. Noong unang mga taon ng dekada ng 1980, unang nakilala ang AIDS bilang sakit ng mga homoseksuwal. Subalit ngayon, ang pagsisiping ng mga di-magkasekso ang pangunahing paraan upang mahawahan ng HIV sa kalakhang bahagi ng daigdig.

“Ligtas” ang “oral sex.” Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, “ipinakikita ng maraming pag-aaral na ang oral sex ay maaaring magbunga ng pagkahawa sa HIV at iba pang sakit na nakukuha sa pakikipagtalik.” Mas maliit ang panganib na mahawahan ng HIV sa pamamagitan ng oral sex kaysa sa ibang seksuwal na gawain. Gayunman, naging palasak na ang ganitong gawain anupat inaasahan ng ilang doktor na ito ay magiging isang pangunahing paraan ng pagkalat ng HIV.

May lunas ang AIDS. Bagaman napababagal ng paggamot na antiretroviral ang paglala ng HIV patungong AIDS sa ilang pasyente, sa kasalukuyan ay walang bakuna o lunas para rito.

[Larawan]

CZECH REPUBLIC​—Pagsusuri ng dugo para sa AIDS, na nagagamot na ngayon pero wala pa ring ganap na lunas

[Credit Line]

© Liba Taylor/Panos Pictures

[Larawan sa pahina 6]

ZAMBIA​—Naghihintay sa kanilang gamot ang dalawang batang babae na positibo sa HIV

[Credit Line]

© Pep Bonet/Panos Pictures