Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Makakayanan ang Pagkabigo?

Paano Ko Makakayanan ang Pagkabigo?

“Katatanggap ko lamang ng aking report card, at bagsak na naman ako sa apat na asignaturang hindi ko naipasa noon. Nagsikap naman ako, pero bumagsak pa rin ako.”​—Lauren, edad 15.

“Talagang mahirap mabigo. Napakadaling mag-isip nang negatibo.”​—Jessica, edad 19.

PAGKABIGO. Baka ayaw mo man lamang isipin ang salitang ito. Pero sa pana-panahon, lahat tayo ay nabibigo. Lubhang nakasisira ng loob ang pagkabigo, ito man ay dahil bumagsak ka sa isang pagsusulit sa paaralan, nabigo mo ang isang minamahal, napahiya ka, o nakagawa ng malubhang imoralidad.

Mangyari pa, nagkakamali ang lahat ng tao. “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos,” ang sabi ng Bibliya. (Roma 3:23) Subalit nahihirapan ang ilan sa atin na makabangon matapos magkamali. Ganito ang pagkakasabi ng kabataang si Jason hinggil dito: “Masyado kong pinupuna ang aking sarili. Kapag nagkamali ako, maaaring matawa ang mga tao​—pero karaniwan nang nakakalimutan nila ito. Hindi ko ito makalimutan, at naiisip ko pa rin ang nagawa kong pagkakamali.”

Hindi naman masama na isipin ang naging mga kabiguan natin​—lalo na kung itutulak tayo nito na sumulong. Gayunman, ang nagtatagal at palagiang pamimintas sa sarili ay nakapipinsala at hindi nakabubuti. Sinasabi sa Kawikaan 12:25: “Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito.”

Isaalang-alang ang isang lalaking binabanggit sa Bibliya na nagngangalang Epafrodito. Ipinadala siya sa Roma upang maging personal na katulong ni apostol Pablo. Gayunman, nagkasakit si Epafrodito at hindi niya nagampanan ang atas na iyon. Sa katunayan, si Pablo pa ang kinailangang mag-alaga sa kaniya! Isinaayos ni Pablo na makauwi si Epafrodito, anupat ipinababatid sa kaniyang kongregasyon na nanlumo rin ang tapat na lalaking ito. Ang dahilan? “Narinig ninyong siya ay nagkasakit,” ang paliwanag ni Pablo. (Filipos 2:25, 26) Nang malaman ni Epafrodito na nabalitaan ng iba na nagkasakit siya at hindi nagampanan ang kaniyang mga tungkulin, malamang na hiyang-hiya siya. Hindi kataka-takang nanlumo siya!

May paraan ba upang maiwasan ang makirot na damdamin ng pagkabigo?

Kilalanin ang Iyong mga Kahinaan

Ang isang paraan upang maiwasan ang pagkabigo ay ang pagtatakda ng makatuwiran at katamtamang personal na mga tunguhin. “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 11:2; 16:18) Alam ng isang taong mahinhin ang kaniyang mga limitasyon. Totoo, mabuti naman na subukin mo ang iyong sarili kung minsan upang pasulungin pa ang iyong mga kasanayan at kakayahan. Subalit maging makatotohanan. Baka talagang hindi ka bihasa sa matematika o hindi ka kasingkisig at kasinghusay ng isang sikat na atleta. Ganito ang inamin ng isang kabataang lalaki na nagngangalang Michael: “Alam kong hindi ako mahusay sa isport. Naglalaro ako, pero alam ko kung hanggang saan lamang ang kaya ko.” Ganito ang paliwanag niya: “Dapat kang magtakda ng mga tunguhing kaya mong abutin.”

Pansinin ang saloobin ng 14-na-taóng-gulang na si Yvonne, na may sakit na spina bifida at cerebral palsy. “Hindi ako makalakad o makapagsayaw o makatakbo na gaya ng iba,” ang sabi ni Yvonne. “Nalulungkot ako dahil hindi ko kayang gawin ang ginagawa ng iba. Marami ang hindi nakaiintindi sa akin. Pero kaya kong tiisin ito.” Ang payo niya? “Huwag kang hihinto. Magpatuloy ka lang. Kung mabigo ka o hindi ka kontento sa iyong nagawa, huwag kang sumuko. Gawin mo lamang ang pinakamagaling na magagawa mo.”

Kasabay nito, huwag mong pahirapan ang iyong sarili sa pamamagitan ng di-timbang na paghahambing ng iyong sarili sa iba. Ganito ang sabi ni Andrew, edad 15: “Sinisikap kong huwag ikumpara ang aking sarili sa iba dahil lahat tayo ay may iba’t ibang katangian at kakayahan.” Ang sinabi ni Andrew ay kasuwato ng mga salita sa Bibliya na masusumpungan sa Galacia 6:4: “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan na magbunyi may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao.”

Kapag Mataas ang Inaasahan ng Iba sa Iyo

Gayunman, kung minsan ay mataas ang inaasahan sa iyo​—ng iyong mga magulang, guro, at iba pa. At alam mong anuman ang iyong gawin, hindi mo sila kayang palugdan. Mas masahol pa, baka makarinig ka ng masasakit na salita at manlumo ka. (Job 19:2) Marahil ay alam mong hindi naman sinasadya ng iyong mga magulang o ng iba na saktan ang iyong damdamin. Gaya ng sabi ni Jessica, “madalas na hindi man lamang nila naiisip kung paano ka nila naaapektuhan. Kung minsan hindi lamang kayo nagkakaunawaan.”

Sa kabilang banda, posible kayang may nakikita sila na hindi mo nakikita? Halimbawa, baka naman minamaliit mo ang iyong sarili at ang iyong mga kakayahan. Sa halip na ipagwalang-bahala ang kanilang mga mungkahi, isang katalinuhan na ‘makinig sa disiplina.’ (Kawikaan 8:33) Ganito ang paliwanag ni Michael: “Para sa ikabubuti mo ito. Gusto nilang humusay ka pa at sumulong. Ituring mo itong isang hamon.”

Gayunman, paano kung nadarama mong hindi talaga makatuwiran ang hinihiling sa iyo ng mga magulang mo o ng iba​—na inaasahan nila mula sa iyo ang isang bagay na hindi mo kayang ibigay? Kung gayon, makabubuting makipag-usap sa kanila​—sa magalang, subalit prangkang paraan​—at ipaalam sa kanila ang nadarama mo. Sama-sama kayong makapagtatakda ng ilang mas makatotohanang tunguhin.

“Pagkabigo” sa Pagganap ng Iyong Espirituwal na mga Pananagutan

Sa gitna ng mga Saksi ni Jehova, isang hamon para sa mga kabataan na tuparin ang kanilang mga atas bilang mga ministro ng Diyos. (2 Timoteo 4:5) Kung isa kang kabataang Kristiyano, baka madama mo kung minsan na kulang ka sa kasanayan. Baka iniisip mong hindi ka mahusay magkomento sa mga pulong. O baka nahihirapan kang ipaliwanag ang mensahe ng Bibliya sa iba. Halimbawa, tinuruan ni Jessica ang isang babaing tin-edyer hinggil sa Bibliya. Sa umpisa, mahusay ang pagsulong ng kaniyang estudyante sa Bibliya. Pero biglang-bigla, ipinasiya ng dalagang ito na huwag nang maglingkod sa Diyos. Naalaala ni Jessica, “Sirang-sira ang loob ko.”

Paano nakayanan ni Jessica ang gayong mga damdamin? Una, kinailangan niyang isipin na hindi siya ang inayawan ng kaniyang estudyante, kundi ang Diyos. Nakatulong din sa kaniya ang pagbubulay-bulay sa halimbawa sa Bibliya hinggil kay Pedro, isang lalaking makadiyos na maraming nagawang pagkakamali. Ganito ang paliwanag niya, “Ipinakikita ng Bibliya na napagtagumpayan ni Pedro ang kaniyang mga kahinaan, at ginamit siya ni Jehova sa maraming paraan upang pasulungin ang mga kapakanan ng Kaharian.” (Lucas 22:31-34, 60-62) Mangyari pa, kung kailangan mo pang pasulungin ang iyong mga kasanayan bilang guro, bakit hindi masikap na pagbuhusan ito ng pansin? (1 Timoteo 4:13) Magpatulong sa may-gulang na mga indibiduwal sa inyong kongregasyon na maaaring magturo at magsanay sa iyo.

Gayunman, baka mas malaking hamon para sa iyo ang ministeryo sa bahay-bahay. Ganito ang inamin ni Jason, “Tuwing pinagsasarhan ako ng pinto ng may-bahay, itinuturing ko itong maliit na pagkabigo.” Paano niya ito napagtagumpayan? “Iniisip kong hindi naman talaga ako nabigo.” Oo, nagawa niya ang iniuutos sa kaniya ng Diyos​—ang mangaral! At bagaman talagang nakasisira ng loob kapag ayaw kang tanggapin ng mga tao, hindi naman lahat ay tatanggi sa mensahe ng Bibliya. “Kapag nakatatagpo ako ng taong nakikinig,” ang sabi ni Jason, “alam kong sulit na sulit ang aking mga pagsisikap.”

Malulubhang Pagkakamali

Paano kung makagawa ka ng malubhang pagkakamali​—o ng matinding pagkakasala pa nga? Nakagawa ng gayong pagkakamali si Ana, 19 na taóng gulang. * Ganito ang inamin niya, “Binigo ko ang kongregasyon, ang aking pamilya, at lalo na ang Diyos na Jehova.” Upang makabangon, kailangan mong magsisi at magpatulong sa espirituwal na matatandang lalaki sa kongregasyon. (Santiago 5:14-16) Naalaala ni Ana ang sinabi ng isang elder na lubhang nakatulong sa kaniya: “Sinabi niya na sa kabila ng lahat ng pagkakasalang nagawa ni Haring David, handa pa ring magpatawad si Jehova, at nakabangon si David. Ito ang nakatulong sa akin.” (2 Samuel 12:9, 13; Awit 32:5) Kailangan mo ring gawin ang iyong buong makakaya para patibayin ang iyong espirituwalidad. “Paulit-ulit kong binasa ang aklat ng Mga Awit,” ang sabi ni Ana, “at isinusulat ko sa aking talaarawan ang nakapagpapatibay na mga teksto.” Sa kalaunan, makababangon ang isa kahit na malubha ang nagawa niyang pagkakasala. Sinasabi sa Kawikaan 24:16: “Ang matuwid ay maaaring mabuwal nang kahit pitong ulit, at tiyak na babangon siya.”

Bumangon Mula sa Iyong Pagkakadapa

Mangyari pa, maging ang maliliit na pagkabigo ay nakasisira ng loob. Ano ang makatutulong upang makabangon ka? Una sa lahat, harapin ang iyong mga pagkakamali sa makatotohanang paraan. Ganito ang iminungkahi ni Michael: “Sa halip na isiping wala ka nang ginawang tama, alamin kung saan ka nagkamali at kung ano ang naging sanhi nito. Sa ganitong paraan, mas mahusay mo na itong mahaharap sa susunod.”

Huwag mo ring labis na pakadibdibin ang mga pangyayari. May “panahon ng pagtawa”​—at kasama riyan ang pagtawa sa iyong sarili! (Eclesiastes 3:4) Kung nasisiraan ka ng loob, ibaling ang iyong pansin sa isang bagay kung saan ka mahusay, gaya ng isang libangan o isport. Ang pagiging “mayaman sa maiinam na gawa”​—gaya ng pakikipag-usap sa iba ng tungkol sa iyong pananampalataya​—ay makatutulong upang mas bumuti ang pakiramdam mo sa iyong sarili.​—1 Timoteo 6:18.

Bilang panghuli, tandaan na “si Jehova ay maawain at magandang-loob . . . Hindi siya habang panahong maghahanap ng kamalian.” (Awit 103:8, 9) Ganito ang sabi ni Jessica, “Nadarama kong habang napapalapit ako sa Diyos na Jehova, lalo naman akong makaaasa sa kaniyang suporta at tulong sa lahat ng aking nararanasan.” Oo, nakaaaliw malaman na sa kabila ng iyong mga pagkakamali, pinahahalagahan ka ng iyong makalangit na Ama.

[Talababa]

^ par. 23 Binago ang kaniyang pangalan.

[Larawan sa pahina 20]

Kung nadarama mong nabibigatan ka na sa mga hinihiling sa iyo, sikaping ipahayag ang iyong niloloob sa magalang na paraan

[Larawan sa pahina 21]

Upang makayanan mo ang iyong pagkabigo, gawin mo ang mga bagay kung saan ka mahusay