Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinagtibay ng Hukuman sa Europa ang mga Karapatan ng Isang Ina

Pinagtibay ng Hukuman sa Europa ang mga Karapatan ng Isang Ina

Pinagtibay ng Hukuman sa Europa ang mga Karapatan ng Isang Ina

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Pransiya

NOONG Disyembre 16, 2003, napatunayan ng Hukuman ng Karapatang Pantao sa Europa, sa Strasbourg, Pransiya, na nagkasala ng pagtatangi sa relihiyon ang mga hukuman ng Pransiya laban kay Séraphine Palau-Martínez, isang Saksi ni Jehova.

Noong 1996, pinayagang makipagdiborsiyo si Séraphine sa kaniyang asawang lalaki, na dalawang taon nang umabandona sa kaniya. Siya ang binigyan ng karapatang mangalaga sa kanilang dalawang anak. Ngunit noong 1997, nang halos tatlo at kalahating taon nang naninirahan ang mga bata sa piling ng kanilang ina, hindi na sila ibinalik ng kanilang ama pagkatapos ng panahon ng pagdalaw. Naglahad si Séraphine: “Nang sunduin ko sa paaralan ang mga bata para iuwi sila, tumawag ng mga pulis ang prinsipal. Pinayagan lamang akong makipag-usap sa aking mga anak sa harap ng mga pulis upang tiyakin na hindi ako magsasalita sa kanila tungkol sa aking pananampalataya. Para bang kriminal ako. Sinabi sa akin na maiuuwi ko lamang ang aking mga anak kung pipirmahan ko ang isang deklarasyon na nangangakong hindi na ako magsasalita sa kanila tungkol sa Diyos o sa Bibliya o hindi ko na sila isasama sa Kristiyanong mga pagpupulong.”

Dumulog sa hukuman si Séraphine. Gayunman, noong 1998, nagpasiya ang Hukuman ng Paghahabol sa Nîmes na ipagkaloob sa ama ang karapatang mangalaga sa mga bata. Binigyang-katuwiran nito ang desisyon sa pamamagitan ng matindi at malawakang pagbatikos sa edukasyonal na mga simulain na inaakala nitong itinuturo ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga anak. “Napakasakit,” ang gunita ni Séraphine, “na paratangan kang gumagawa ng masama sa iyong mga anak, gayong sinisikap ko lamang ibigay sa kanila ang alam kong pinakamabuti para sa kanila​—ang pagpapalaking Kristiyano.”

Nang ang Cour de Cassation, ang pinakamataas na hukuman ng paghahabol sa Pransiya, ay sumang-ayon sa pinag-apelahang hukuman, ipinasiya ni Séraphine na dalhin ang kaso sa Hukuman ng Karapatang Pantao sa Europa. Sa desisyong 6-kontra-1, sinabi nito na “sa pangmalas ng Hukuman, walang-alinlangang nakitungo nang may pagtatangi sa mga magulang ang hukuman ng paghahabol [sa Pransiya] batay sa relihiyon ng nag-apela. . . . Ang gayong pakikitungo ay nagpapakita ng pagtatangi.” Ipinakita nito na ang desisyon ng hukuman ng Pransiya ay hindi batay sa kakayahan ni Séraphine na mangalaga sa kaniyang mga anak​—isang bagay na hindi kailanman pinag-alinlanganan​—ni nakabatay man sa aktuwal na mga ebidensiya kundi nakasalig lamang sa “pangkalahatang mga obserbasyon hinggil sa mga Saksi ni Jehova.” Dahil sa pagtatanging ito sa relihiyon at sa paglabag sa mga karapatan ni Séraphine, iniutos ng Hukuman na magbigay ng bayad-pinsala ang Pransiya at sagutin ang mga naging gastusin sa hukuman.

Ang desisyong ito ay kasuwato ng pasiya ng Hukuman ng Karapatang Pantao sa Europa noong Hunyo 1993 sa isang katulad na kaso kung saan napatunayan ng Hukuman na nakitungo nang may pagtatangi ang Austria kay Ingrid Hoffmann, isang Saksi ni Jehova, dahil sa relihiyon niya. * “Kasuwato ng pasiya sa kaso ni Hoffmann,” ang sabi ng magasing La Semaine juridique ng Pransiya, “pinagtitibay ng pasiyang ito na hindi maaaring bumuo ng desisyon hinggil sa karapatan ng mga magulang batay lamang sa relihiyon.” Sinabi ng abogado ni Séraphine: “Napakahalaga ng desisyong ito, yamang ang itinatatag ng Hukuman na batayan sa mga pagpapasiya ng korte ay palaging naggigiit sa karapatan ng mga magulang na Saksi ni Jehova na mabigyan ng walang-pagtatanging paghatol.”

Nang tanungin kung ano ang nadama niya hinggil sa naging desisyon, sinabi ni Séraphine, na nakatira ngayon sa Espanya: “Tuwang-tuwa ako at naginhawan. Napakasakit na ilayo sa akin ang aking mga anak dahil sa relihiyon ko at hindi sila makita sa loob ng limang taon, ngunit lagi akong pinalalakas ni Jehova. Umaasa ako na makatutulong ang pasiyang ito sa iba pang nasa ganito ring situwasyon.”

[Talababa]

^ par. 7 Tingnan ang Gumising! ng Oktubre 8, 1993, pahina 15, “Naipagtanggol ang mga Saksi ni Jehova sa Usapin ng Pangangalaga sa Bata.”

[Larawan sa pahina 12]

Séraphine