Ang Atlantic Salmon—Isang Nanganganib na “Hari”
Ang Atlantic Salmon—Isang Nanganganib na “Hari”
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA IRELAND
KILALÁ ang mga salmon sa kanilang kakayahang lumundag paakyat sa mga talon habang pabalik sa ilog upang mangitlog doon. Isang kuwento ang nagsasabi na napansin ng isang mangingisda na “napakaraming salmon ang hindi nagtagumpay sa kanilang pagsisikap na akyatin ang [talon]” kung saan siya nangingisda. Lumagpak pa nga ang ilan sa pampang ng ilog na nasa paanan ng talon. Nagparingas siya ng apoy sa ibabaw ng nakalantad na batuhan malapit sa paanan ng talon at ipinatong niya roon ang kawali. Ayon sa ulat, “matapos mabigo sa kanilang pagsisikap, ang ilan sa kaawa-awang mga salmon ay di-sinasadyang lumalagpak mismo sa kawali.” Dahil dito, naipagmalaki nang dakong huli ng mangingisdang ito na ‘gayon na lamang karami ang salmon sa kanilang bansa anupat kusa nang lumulukso ang mga ito patungo sa kawali at hindi na kailangan pang hulihin ng mangingisda.’
Totoo, maaaring pinalabis ang kuwentong ito. Gayunpaman, talagang nakalulundag paakyat sa mga talon ang mga salmon. Subalit ipinakita ng isang report na inilabas ng Salmon Research Agency of Ireland na nitong nakalipas na mga taon, “malaki ang ibinaba ng bilang ng mga isda sa karagatan na nakababalik sa pinagmulan nilang ilog upang mangitlog doon.” Ipinakita ng isang surbey na sa isang taon, sa 44,000 batang salmon na nilagyan ng tanda at pinakawalan, 3 porsiyento na lamang (mga 1,300) ang nakabalik.
Ano ang dahilan ng ganitong kalunus-lunos na pagbaba ng bilang ng “Hari ng mga Isda,” ang Atlantic salmon? Darami pa kayang muli ang mga ito na kagaya ng dati? Ang pag-unawa sa kawili-wili at kakaibang siklo ng buhay ng kahanga-hangang isdang ito ay tutulong sa atin na maintindihan ang mga sanhi at posibleng mga solusyon sa problema.
Maagang Bahagi ng Buhay
Ang buhay ng salmon ay nagsisimula sa pagitan ng Nobyembre at Pebrero sa mabatong sahig ng tubig-tabang ng ilog. Itinataboy ng lalaking salmon ang mga nanghihimasok samantalang ang babaing salmon naman ay gumagawa ng ilang maliliit na hukay na hanggang 30 sentimetro ang lalim. Magkasama nilang inilalagay at pinepertilisa ang libu-libong itlog sa bawat hukay. Pagkatapos, tinatabunan ng bato ng babaing salmon ang mga itlog bilang proteksiyon.
Pagdating ng Marso o Abril, isang isda na kakatwang pagmasdan ang lumalabas sa itlog. Ang tawag dito ay alevin, mga tatlong sentimetro lamang ang haba at may mabigat na supot na nakakabit sa gawing tiyan nito. Sa simula, nananatiling nakatago sa ilalim ng mga bato ang isda, habang ang dala-dala nitong pagkaing nasa supot ay inuubos nito. Pagkatapos ng apat o limang linggo, kapag naubos na ang laman ng supot, ang fry, na siyang tawag ngayon dito, ay papasag palabas sa ilalim ng mga bato. Mga limang sentimetro na ang haba nito at mukhang isda na talaga ngayon. Dalawang bagay lamang ang nasa isip nito. Una, humanap ng bagong mapagkukunan ng pagkain—maliliit na insekto at plankton—at ikalawa, humanap ng ligtas na matitirhan. Sa yugtong ito, mahigit sa 90 porsiyento ng mga fry na salmon ang namamatay dahil sa kawalan ng pagkain o espasyo o dahil kinakain sila ng mga maninila, tulad ng mga isdang trout, ibong kingfisher, kandangaok, at mga otter.
“Pagkaraan ng mga isang taon,” ang sabi ni Michael, na gumugol ng panahon para pag-aralan ang salmon at ang iba pang isda, “mga walo o sampung sentimetro na ang haba ng salmon. Parr na ngayon ang tawag dito at mayroon na itong naiibang marka na maiitim na batik sa magkabilang tagiliran. Kapag umabot na sa 15 sentimetro ang haba nito, mawawala na ang maiitim na marka at magiging makináng na kulay-pilak ang buong katawan nito. Sa yugtong ito nagaganap ang ilang kamangha-mangha at masasalimuot na pagbabago na siyang dahilan kung bakit naiiba ang salmon sa karamihan ng iba pang isda.”
Nagpatuloy si Michael: “Sa pagitan ng Mayo at Hunyo, ang isda, na tinatawag nang smolt sa yugtong ito, ay inuudyukan ng waring panloob na hudyat at sumasama sa libu-libong iba pa sa lansakang pag-alis sa ilog tungo sa mga wawa.” Ngunit tiyak na hindi mabubuhay sa dagat ang mga nilalang sa tubig-tabang, hindi ba? Kapag itinatanong ito sa kaniya, ganito ang sagot ni Michael: “Karaniwan ay hindi nga, ngunit nagkakaroon ng masasalimuot na pagbabago sa palibot ng hasang nito, na tumutulong upang masala nito ang alat ng tubig-dagat. Kapag nakumpleto na ang mga pagbabagong ito, ang smolt, na gayon na lamang kaliit anupat magkakasya sa palad mo, ay magsisimula na sa mahabang paglalakbay.”
Buhay sa Dagat
Bakit iniiwan ng gayon kaliit na isda ang kinalakhan nitong ilog? Saan ito nagtutungo? Kailangang magtungo ang batang salmon sa dakong pinanginginainan nito upang maging husto sa gulang. Kung maiiwasan nito ang mga maninila, tulad ng mga kormoran, poka, lumbalumba, at maging ang mga killer whale, makararating ito roon at kakain ng malalaking kulumpol ng zooplankton at mga igat, gayundin ng tamban, capelin, at iba pang isda. Pagkalipas ng isang taon ay bibigat ang timbang nito nang 15 ulit kaysa sa dati—mula sa 200 gramo tungo sa 3 kilo. Kapag nanatili pa ito nang limang taon sa karagatan, maaaring umabot sa 18 kilo o higit pa ang timbang nito. May ilan na tumitimbang pa nga nang lampas sa 45 kilo!
Ang mismong kinaroroonan ng mga dakong pinanginginainan ay natagpuan lamang noong dekada ng 1950, nang makahuli ng pagkarami-raming salmon ang mga negosyanteng mangingisda malapit sa baybayin ng Greenland. Ang isa pang pangunahing dakong pinanginginainan ay natuklasan nang dakong huli sa Faeroe Islands, sa hilaga ng Scotland. Mula noon ay marami pang natuklasang mga dakong pinanginginainan. May mga ulat pa nga na nanginginain ang mga salmon sa ilalim ng yelo sa Artiko! Nang matuklasan ang mga dakong ito na pinanginginainan, talagang nagsimula nang manganib ang mga Atlantic salmon. Itinayo ang malalaking pangisdaan sa Greenland at sa Faeroe Islands. Libu-libong tonelada ng isda ang nahuhuli ng mga negosyanteng mangingisda, at bigla na lamang bumaba nang husto ang bilang ng mga nakababalik upang mangitlog sa tubig-tabang ng mga ilog. Palibhasa’y natanto ang kaselanan ng problemang ito, nagtakda ang mga pamahalaan ng iba’t ibang pagbabawal at mga kota para sa mga mangingisda. Nakatulong ito upang maproteksiyunan ang mga salmon habang nasa dagat ang mga ito.
Ang Pagbabalik Mula sa Dagat
Sa dakong huli ay babalik ang mga salmon na husto sa gulang sa ilog na pinagmulan nila, hahanap ng asawa, at mauulit na naman ang siklo. “Ang talagang kagila-gilalas,” ang paliwanag ni Michael, “ay di-naliligaw ang kahanga-hangang isdang ito sa paglalakbay sa libu-libong kilometrong karagatan na hindi pa nito kailanman napupuntahan! Nalilito pa rin ang mga siyentipiko kung paano ito nagagawa ng isda. Sinasabi ng ilan na ginagamit ng mga salmon sa paglalakbay ang magnetismo ng lupa, ang mga daloy ng karagatan, o maging ang mga bituin. Ipinalalagay na kapag nakabalik na ito sa wawa, nakikilala ng salmon ang pinagmulan nitong ilog dahil sa ‘amoy,’ o kemikal na komposisyon, nito.”
“Muli na naman silang bumabagay sa pamumuhay sa tubig-tabang,” ang sabi ni Michael, “at pumapasok sa ilog. Gayon na lamang kasidhi ang likas na ugali nitong umuwi anupat kahit na humahadlang ang mga talon o malalakas na agos, ang mga salmon na ito, na mas malalaki at mas malalakas na ngayon, ay walang sawang magpupunyagi upang mapagtagumpayan ang bawat balakid.”
Napapaharap sa mas maraming balakid ang pabalik na salmon kapag nadaraanan nito ang halos di-maaakyat na mga dam, mga sistema ng plantang hydroelectric, o iba pang mga hadlang na gawa ng tao. Ano kung gayon ang mangyayari? “Maraming taong palaisip sa kapakanan ng mga salmon ang naglalaan ng ibang ruta,” ang sabi ni Deirdre, isang mananaliksik hinggil sa salmon. “Gumagawa sila ng dalisdis na mas madaling akyatin at maaaring daanan para malampasan ang malalaking hadlang. Tinatawag namin itong hagdanan ng isda o daanan ng isda. Nakatutulong ito upang ligtas na makalundag ang salmon paakyat sa mas mataas na katubigan habang naglalakbay ito patungo sa mga dakong pinangingitlugan.”
“Gayunman, hindi ito laging epektibo,” ang sabi pa ni Deirdre. “Nakakita na ako ng ilang salmon na hindi pumapansin sa daanan. Nakikilala lamang nila ang kanilang dating ruta
at walang-tigil na nagsisikap na malampasan ang bagong hadlang na gawa ng tao. Marami ang namamatay dahil sa pagod o dahil nababangga sa hadlang.”Mga Palaisdaan ng Salmon
Masustansiyang pagkain ang salmon. Yamang umuunti ang mga Atlantic salmon sa karagatan, nagtatag ng komersiyal na mga palaisdaan ng salmon. Inaalagaan ang mga salmon sa katihan sa mga lalagyan na may tubig-tabang hanggang sa maging kasinlaki ng smolt ang mga ito. Pagkatapos ay inililipat ang mga ito sa tulad-kulungang mga istraktura na nasa karagatan ngunit malapit sa baybayin, kung saan sila inaalagaan hanggang sa maging husto sa gulang ang mga ito at handa nang ipagbili sa mga restawran at tindahan.
Nanganganib din ang mga salmon na inaalagaan sa ganitong paraan. Artipisyal kasi ang pagkaing ipinakakain sa kanila ng mga tagapag-alaga. Dahil diyan at sa pagkakakulong nila kung kaya ang mga salmon ay madaling magkasakit at magkaroon ng mga parasito, tulad ng pulgas-dagat. Maaaring napakatapang ng ilan sa mga isprey na pamproteksiyon. “Dati akong sumisisid sa ilan sa mga palaisdaang ito,” ang sabi ni Ernest, isang maninisid, “at lubhang kapansin-pansin na walang nabubuhay sa pinakasahig ng dagat sa palibot ng marami sa gayong mga lugar.”
Isang Nanganganib na “Hari”
Maraming salmon sa karagatan ang nahuhuli ng mga lambat bago pa sila makarating sa kanilang pinagmulang ilog. Dahil sa mataas na komersiyal na halaga ng mga salmon sa karagatan, nauudyukan ang ilang mangingisda na hulihin sa ilegal na paraan ang mga ito. Ang iilang salmon na nakababalik sa ilog ay kailangan ding makaligtas sa legal na mga namimingwit. Upang proteksiyunan ang mga salmon, nagtakda ng iba’t ibang tuntunin, tulad ng pagbabawal na mangisda sa piling mga bahagi ng ilog, pagpapataw ng malalaking buwis, at pagdedeklara ng limitadong panahon ng pangingisda. Magkagayunman, tinataya na 1 sa bawat 5 salmon ang mahuhuli habang pabalik ito sa pinagmulan nitong ilog.
Bukod diyan, ang mga salmon sa karagatan ay nagkakaroon ng iba’t ibang sakit, at nakababawas ito nang malaki sa populasyon ng mga salmon. Ang isa sa mga ito, na kilala bilang ulcerative dermal necrosis, ay sumusugat sa balat ng isda at nagiging sanhi ng kamatayan nito. Ang polusyong dulot ng industriya at ang mga pestisidyo na umaagos patungo sa mga ilog ay lubhang nakamamatay na mga panganib din na kailangang pagtagumpayan ng mga salmon, gayundin ng lahat ng iba pang mga nilalang sa tubig.
Dahil sa mapanganib na mga situwasyong ito na kailangang harapin, hindi nga kataka-taka na nanganganib ang “Hari ng mga Isda.” Sa kabila ng puspusang pagsisikap ng marami, patuloy pa rin ang problema ng mga salmon. Maisasauli lamang ang pagkatimbang sa kalikasan kapag ang tao ay pinahinto na ng Maylalang ng lupa, ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, sa pagsira sa lupa.—Isaias 11:9; 65:25.
[Dayagram/Mapa sa pahina 14, 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang “Atlantic salmon” ay naglalakbay mula sa mga ilog na kasinlayo ng Estados Unidos, Russia, at Espanya tungo sa mga dakong pinanginginainan malapit sa baybayin ng Faeroe Islands at Greenland bago bumalik sa pinagmulan nito upang mangitlog
[Mapa]
Estados Unidos
Greenland
Iceland
Faeroe Islands
Russia
Pransiya
Espanya
[Dayagram/Mga larawan sa pahina 15]
ISANG KAMANGHA-MANGHANG SIKLO NG BUHAY
Mga itlog
↓
Mga itlog na may mga mata
↓
Alevin
↓
Fry
↓
Parr
↓
Smolt
↓
Husto sa gulang
↓
Pangingitlog
[Mga larawan]
Alevin
Parr
[Credit Lines]
Siklo ng buhay: © Atlantic Salmon Federation/J.O. Pennanen; alevin: U.S. Fish & Wildlife Service, Washington, D.C.; parr: © Manu Esteve 2003
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Ang pabalik na salmon ay maaaring lumundag paakyat sa talon na ito o pumili ng mas madaling ruta sa pamamagitan ng pagdaan sa hagdanan ng isda (pinalaking bahagi ng larawan sa kanan)
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Kabilang sa mga banta sa salmon ang labis na pangingisda at mga sakit mula sa komersiyal na mga palaisdaan
[Credit Lines]
Larawan: Vidar Vassvik
UWPHOTO © Erling Svensen
[Picture Credit Line sa pahina 14]
© Joanna McCarthy/SuperStock