Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Ang Internet—Kung Paano Makaiiwas sa mga Panganib

Ang Internet—Kung Paano Makaiiwas sa mga Panganib

SA ISANG malayong nayon sa India, inaalam ng isang magsasaka ang presyo ng balatong sa Chicago, E.U.A., upang matiyak ang pinakamagandang panahon para ipagbili ang kaniyang ani. Kasabay nito, isang pensiyonada naman ang nakangiti habang binabasa ang isang E-mail mula sa kaniyang apo, isang manlalakbay ang tumitingin sa balita hinggil sa lagay ng panahon sa pupuntahan niyang lugar, at isang ina ang nakasumpong ng nakatutulong na materyal para sa araling-bahay ng kaniyang anak​—ang lahat ng ito ay sa pamamagitan ng Internet. Ang mabilis na pagdami ng mga gumagamit ng Internet, na tinatayang 600 milyong tao sa buong daigdig, ang bumago sa paraan ng pakikipagtalastasan at pagnenegosyo ng mga tao sa daigdig.

Ang Internet ay sabik na tinatangkilik lalo na ng nakababatang henerasyon, na tinatawag kung minsan na Cyber Generation. Parami nang paraming estudyante ang gumagamit nito sa halip na ng aklatan bilang pangunahing pinagkukunan ng balita at sinaliksik na impormasyon. “Sa madaling salita, ang mga estudyanteng ito ay . . . gumagamit ng Internet sa halos lahat ng pitak ng kanilang pag-aaral,” ang sabi ni Deanna L. Tillisch, direktor ng isang pag-aaral na nagsasangkot sa mga malapit nang magtapos sa kolehiyo sa Estados Unidos. Oo, ang Internet ay isang mahalagang kasangkapan sa ating makabagong lipunan.

Sa pangkalahatan, kapag mas mabisa ang kasangkapan, mas mapanganib ito. Ang lagaring de-motor na pinaaandar ng gas ay mas maraming nagagawa kaysa sa manu-manong lagari; subalit kailangan itong gamitin nang maingat. Lubha ring mabisa at kapaki-pakinabang ang Internet, ngunit dapat tayong mag-ingat kapag ginagamit ito, yamang naghaharap din ito ng malalaking panganib. Dahil nababahala sa mga panganib na ito, ang mahigit na 40 miyembrong bansa ng Council of Europe ay gumawa ng internasyonal na kasunduan na naglalayong proteksiyunan ang lipunan laban sa krimen sa Internet.

Bakit gayon na lamang ang kanilang pangamba? Ano ang ilan sa mga panganib na lalo nang ikinababahala ng mga Kristiyano? Dapat mo bang iwasan ang paggamit ng Internet dahil sa mga ito? Anong patnubay ang inilalaan ng Bibliya?

Kailangan ang Pag-iingat

Maraming siglo na ang nakalipas, nagbabala ang Bibliya hinggil sa mga panganib na dulot ng balakyot na mga tao na inilarawan bilang “[mga] dalubhasa sa balakyot na mga kaisipan” at “nagpapakanang gumawa ng masama.” (Kawikaan 24:8) Inilarawan sila ng propetang si Jeremias bilang “mga taong balakyot” na ang “mga bahay ay punô ng panlilinlang.” Tulad ng mga manghuhuli ng ibon, ‘naglalagay sila ng kapaha-pahamak na bitag’ upang humuli ng mga tao at ‘magtamo ng kayamanan.’ (Jeremias 5:26, 27) Inilaan ng teknolohiya sa “mga taong balakyot” sa makabagong panahon ang mga bagong uri ng mapanlinlang na mga bitag. Isaalang-alang natin ang ilan sa mga pakana na maaaring magharap ng matitinding panganib sa mga Kristiyano.

Ang pornograpya sa Internet ay isang industriya na kumikita ng 2.5 bilyong dolyar taun-taon. Biglang dumami ang pornograpikong mga Web page sa bilis na halos 1,800 porsiyento sa nakalipas na limang taon. Tinataya na mahigit sa 260 milyon ang gayong mga Web page sa kasalukuyan, at patuloy na dumarami ang mga ito sa bilis na hindi pa nangyari kailanman. “Nagiging palasak ang pornograpya sa Internet anupat napakahirap na ngayong iwasang mahantad dito, kung kaya mas posible nang maging sugapa sa cybersex (sekso sa Internet),” ang sabi ni Dr. Kimberly S. Young, tagapagpatupad na direktor ng Center for On-Line Addiction.

Sinasabi sa atin ng Bibliya na “ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa.” (Santiago 1:14) Palibhasa’y itinuturing na potensiyal na biktima ang sinumang may computer, gumagamit ng iba’t ibang taktika ang mga tagapaglako ng pornograpya upang pukawin ang ‘sariling pagnanasa’ ng bawat isa, samakatuwid nga, “ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata.” (1 Juan 2:16) Ang layunin nila ay akitin​—o gaya ng paliwanag ng Vine’s Expository Dictionary of Biblical Words, “tuksuhin sa pamamagitan ng pain”​—ang walang kamalay-malay na mga gumagamit ng Internet na ‘hinihikayat’ nila.​—Kawikaan 1:10.

Tulad ng mga taong balakyot noong panahon ng Bibliya, malimit gumamit ng panlilinlang ang mga taong nagtataguyod ng pornograpya. Tinataya na bilang bahagi ng puspusang pagsisikap na makaakit ng bagong mga parokyano, mga dalawang bilyong pornograpikong E-mail ang ipinadadala bawat araw. Kadalasan, ang di-inaasahang mga E-mail ay nilalagyan ng paksa na tila hindi naman masama. Gayunman, kapag binuksan ang isa rito ay maglalabasan na ang imoral na mga larawan na mahirap pahintuin. Kapag hiniling mong alisin ka sa talaan ng mga pinadadalhan ng ganitong E-mail, baka lalo pa ngang dumagsa ang di-inaasahang pornograpikong mga mensahe.

Maingat na inilalagay ng manghuhuli ng ibon ang mga binhi sa daan. Isa-isang tutukain ng walang kamalay-malay na ibon ang mga binhing ito hanggang sa plak! umigkas ang bitag. Sa katulad na paraan, ang pagkamausisa ay umaakay sa ilan na tumingin-tingin sa mga larawang nakapupukaw sa sekso. At umaasa ang mga nanonood na walang nakakakita sa kanila. Palibhasa’y napukaw ang ilan sa seksuwal na paraan, padalas nang padalas nilang binabalikan ang kapana-panabik at malakas makahikayat na mga larawang ito. Maaari silang bagabagin ng hiya at pagkadama ng pagkakasala. Sa kalaunan, ang dating nakagigitla ay nagiging pangkaraniwan na lamang. Para sa mga mahilig manood ng pornograpya, ang Internet ay parang pataba na mabilis na nagpapalago sa mga pagnanasa na humahantong sa makasalanang mga gawa. (Santiago 1:15) Sa dakong huli, ang gayong mga indibiduwal ay maaaring magkaroon ng “isang ‘lihim na ugali’ na nakaugat sa di-masupil na seksuwal na pagnanasang sinasapatan kapag nag-iisa at salát sa maraming simulain,” ang ulat ni Dr. Victor Cline, isang sikologo na gumamot na sa daan-daang pasyente na nasadlak sa ganitong silo.

Mga Panganib ng mga Chat Room

Ang mga chat room sa Internet ay maaaring umaksaya ng panahon at madalas nang iniuugnay sa pagkasira ng mga ugnayan sa pamilya. Bilang kapahayagan ng pagkasiphayo sa dami ng panahong ginugugol ng kaniyang asawa sa Internet, isang lalaki ang sumulat: “Pag-uwi niya galing sa trabaho, bubuksan na niya ang PC (computer) at maaaring lumipas ang lima o higit pang oras bago niya ito isara. Naaapektuhan nito ang aming pagsasama bilang mag-asawa.” Oo, ang panahong ginugugol sa Internet ay panahong ginugugol nang hiwalay sa iyong asawa at pamilya.

Sinabi ni Angela Sibson, punong ehekutibo ng Relate, isang serbisyo sa pagpapayo tungkol sa pag-aasawa, na ang Internet “ay isang pintuang umaakay sa ibang pakikipag-ugnayan. Ang mga relasyong ito ay maaaring maging napakatindi anupat sisirain nito ang dati nang mga ugnayan.” Ang palakaibigang mga usapan sa isang chat room sa Internet ay madaling mauwi sa mas seryosong bagay. Palibhasa’y determinadong magkaroon ng imoral na relasyon, ginagamit ng mga may “katusuhan ng puso” ang “dulas ng dila” upang sabihin sa potensiyal na mga biktima ang gusto nilang marinig. (Kawikaan 6:24; 7:10) Si Nicola, isang 26-anyos na biktima mula sa United Kingdom, ay nagpaliwanag: “Para kang pinauulanan ng mga kapahayagan ng pag-ibig. Palagi niyang sinasabi na hangang-hanga siya sa akin at napaniwala niya ako.” Sinasabi ni Dr. Al Cooper, editor ng Sex and the Internet: A Guidebook for Clinicians, na kailangan nating “babalaan ang mga tao na ang pakikipagligaw-biro sa Internet ay malimit na nauuwi sa diborsiyo.”

Mas madaling mabiktima ang mga bata sa pagsasamantala at pamiminsala ng “mahahalay na kriminal sa computer.” Sa pamamagitan ng “kalikuan ng pananalita” at “pagiging mapanlinlang ng mga labi,” pinupuntirya ng mga pedopilya ang mga batang walang karanasan. (Kawikaan 4:24; 7:7) Ginagamit ang taktika na kilala sa tawag na grooming, nagbubuhos sila ng atensiyon, pagmamahal, at kabaitan sa bata upang ipadama sa kaniya na mahalaga siya. Waring alam nila ang lahat ng bagay na kinawiwilihan ng bata, pati na ang mga paborito nitong musika at libangan. Ang maliliit na problema sa tahanan ay pinalalaki nila upang paghiwalayin ang bata at ang kaniyang pamilya. Upang maisagawa ang kanilang balakyot na mga pagnanasa, ang mga nambibiktimang ito ay nagpapadala pa nga ng tiket para makapangibang-bayan ang kanilang binibiktima. Nakapangingilabot ang mga resulta.

Maiingatan Ka ng mga Simulain ng Bibliya

Matapos alamin ang mga panganib, nagpasiya ang ilang tao na mas mabuti pang hindi na sila gumamit ng Internet. Gayunman, dapat kilalanin na maliit na porsiyento lamang ng mga site sa Internet ang naghaharap ng panganib at ang karamihan sa mga gumagamit ng Internet ay hindi naman nakararanas ng malulubhang problema.

Mabuti na lamang, naglalaan ng patnubay ang Kasulatan upang ‘ingatan’ tayo mula sa panganib. Pinasisigla tayong kumuha ng kaalaman, karunungan, at kakayahang mag-isip. Ang gayong mga katangian ay ‘magbabantay sa atin’ upang ‘iligtas tayo mula sa masamang daan.’ (Kawikaan 2:10-12) “Ngunit ang karunungan​—saan ito nanggagaling?” ang tanong ng sinaunang lingkod ng Diyos na si Job. Ang sagot? “Ang pagkatakot kay Jehova​—iyon ang karunungan.”​—Job 28:20, 28.

“Ang pagkatakot kay Jehova,” na “nangangahulugan ng pagkapoot sa masama,” ang saligan sa paglinang ng makadiyos na mga katangian. (Kawikaan 1:7; 8:13; 9:10) Dahil sa pag-ibig at pagpipitagan sa Diyos, lakip na ang kapaki-pakinabang na paggalang sa kaniyang kapangyarihan at awtoridad, napopoot tayo at umiiwas sa masasamang bagay na kinapopootan niya. Ang kakayahang mag-isip nang malinaw, lakip na ang makadiyos na kaalaman, ay tumutulong sa atin na makilala ang mga panganib na makalalason sa ating isip, puso, at espirituwalidad. Natututuhan nating kasuklaman ang makasarili at sakim na mga saloobin na makawawasak sa ating pamilya at makasisira sa ating kaugnayan kay Jehova.

Kaya kapag gumagamit ka ng Internet, magbantay laban sa mga panganib. Maging determinadong sundin ang mga utos ng Diyos, at iwasang mag-ukol ng kahit kaunting pansin sa mga bagay na ikapapahamak mo. (1 Cronica 28:7) Kung gayon, kapag napaharap ka sa mga panganib na dulot ng Internet, may-katalinuhan kang tatakas mula sa mga ito.​—1 Corinto 6:18.

[Kahon sa pahina 19]

UMIWAS SA PORNOGRAPYA!

“Ang pakikiapid at bawat uri ng karumihan o kasakiman ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo, gaya ng angkop sa mga taong banal.”​—Efeso 5:3.

“Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan.”​—Colosas 3:5.

“Ito ang kalooban ng Diyos, . . . na ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano susupilin ang kaniyang sariling sisidlan sa pagpapabanal at karangalan, hindi sa mapag-imbot na pita sa sekso na gaya rin niyaong sa mga bansa na hindi nakakakilala sa Diyos.”​—1 Tesalonica 4:3-5.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 20, 21]

MAG-INGAT SA MGA CHAT ROOM SA INTERNET!

Isang detektib na babaing pulis na eksperto sa paghawak ng mga kaso ng krimen sa Internet ang nag-anyaya sa Gumising! upang makita ang mga panganib sa mga chat room sa Internet. Pumasok siya sa isang chat room, at nagpanggap na isang 14-na-taóng-gulang na babae. Pagkalipas lamang ng ilang segundo, may ilang indibiduwal na tumugon. Itinanong ng mga estranghero ang gaya ng: “Tagasaan ka?” “Babae ka ba o lalaki?” “Puwede ba tayong mag-usap?” Ang ilang tumugon ay mga pinaghihinalaang nambibiktima at pinaghahanap ng pulisya. Ipinakikita niyan kung gaano kadaling makakausap ng isang pedopilya ang inyong anak sa isang chat room!

Iniisip ng ilang magulang na ligtas naman ang kanilang mga anak kapag gumagamit ng mga chat room dahil ang pag-uusap nila ay nakikita ng lahat ng nasa chat room samantalang nagaganap iyon. Subalit kapag nasa chat room na, maaari kang anyayahan sa sarilinang pag-uusap. Kung tungkol sa gawaing ito, na kung minsan ay tinatawag na whispering, ganito ang babala ng Internet Taskforce on Child Protection ng United Kingdom: “Ito ay katulad ng paglabas mula sa isang parti na punô ng mga tao patungo sa isang pribadong silid at pakikipag-usap nang sarilinan sa isang estranghero.”

Mahalaga ring maintindihan ng mga magulang na hindi lamang pakikipag-usap ang nais gawin ng isang pedopilya sa isang bata. Ganito ang iniulat ng isang dokumentong inihanda ng Internet Crime Forum: “Ang pakikipag-usap sa mga chat room ay maaaring magpatuloy sa iba pang paraan, gaya ng e-mail at cell phone.” Sinabi ng isang ulat mula sa Federal Bureau of Investigation ng Estados Unidos: “Bagaman nakatutuwa para sa isang nakikipagtalik sa pamamagitan ng computer ang pakikipag-usap sa isang batang biktima sa Internet, ito ay maaaring maging napakahirap. Ang karamihan ay gustong makipag-usap sa mga bata sa telepono. Madalas silang nakikipag-‘phone sex’ sa mga bata at malimit na nagsisikap magsaayos ng aktuwal na pagkikita para sa totoong pakikipagtalik.”

Upang magawa ito, ibinibigay ng mga nakikipagtalik sa pamamagitan ng computer ang kanilang numero ng telepono. Kapag tumawag sa kanila ang inyong anak, makikita nila sa kanilang caller ID ang numero ng telepono ng bata. Ang iba namang nambibiktima ay may numerong puwedeng tawagan nang libre o kaya’y sinasabi nila sa bata na puwede itong tumawag nang collect (ang nakatanggap ng tawag ang siyang magbabayad). May ilan na nagpadala pa nga ng cell phone sa bata. Ang mga nambibiktima ay nagpapadala rin ng mga sulat, litrato, at mga regalo.

Hindi lamang mga bata ang natatangay ng mga panganib sa mga chat room. Palibhasa’y gumagamit ng matatamis na salitang ibig marinig ng mga babae, isang lalaki kamakailan ang nakapagpaibig nang sabay-sabay sa anim na babae sa United Kingdom. Ganito ang sabi ng isa sa mga biktima, si Cheryl, isang 27-anyos at kaakit-akit na estudyanteng nagtapos na ngunit kumukuha pa ng karagdagang kurso sa kolehiyo: “Hindi ko iyon maipaliwanag sa ngayon. Naging napakatindi iyon anupat kinontrol nito ang buong buhay ko.”

“Para sa mga babae, nagdudulot ng kaaliwan ang cyberspace [Internet] dahil hindi sila hinahatulan batay sa kanilang hitsura,” ang sabi ni Jenny Madden, ang nagtatag ng Women in Cyberspace. “Subalit napakadali rin silang mapagsamantalahan dahil nariyan ang posibilidad, lalo na sa mga chat room, na isiwalat kaagad ang maraming bagay tungkol sa iyong sarili.”

“Ang kailangan ko lamang gawin ay buksan ang aking computer at libu-libong babae na ang mapagpipilian ko,” sabi ng isang lalaking tinanong sa isang pag-aaral na isinagawa ni Beatriz Avila Mileham para sa University of Florida. Sinabi niya: “Ang internet ay malapit nang maging pinakakaraniwang anyo ng pagtataksil, kung hindi pa ito gayon.” “Nababalitaan namin mula sa mga manggagamot sa buong bansa na ang pakikipagtalik sa pamamagitan ng internet ay nagiging isang pangunahing dahilan ng mga suliraning pangmag-asawa,” ang sabi ni Dr. Al Cooper, editor ng aklat na Sex and the Internet: A Guidebook for Clinicians.

Dahil sa seryosong mga pangyayaring ito, isang katalinuhan na gumawa ng makatuwirang pag-iingat kapag gumagamit ng Internet. Kausapin ang inyong mga anak, at turuan sila kung paano ipagsasanggalang ang kanilang sarili mula sa panganib. Taglay ang angkop na kaalaman, maiiwasan mo ang mga panganib sa Internet.​—Eclesiastes 7:12.