“Dapat Basahin ng Lahat ng Tao ang Aklat na Ito”
“Dapat Basahin ng Lahat ng Tao ang Aklat na Ito”
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA POLAND
Mula noong tag-araw ng 2003, inilabas sa maraming wika ang aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro sa mga kombensiyon sa buong daigdig. Gaya sa ibang mga lugar, kapansin-pansin ang naging tugon sa Poland nang matanggap ang aklat na ito na may magagandang larawan. Bagaman dinisenyo ito partikular na para sa mga bata, ipinahiwatig ng mga liham mula sa mga tin-edyer at adulto na ang aklat na ito ay nakaaakit sa marami. Narito ang ilang bahagi ng mga sulat.
“Agata po ang pangalan ko, at walong taóng gulang ako. Nang matanggap ko ang aklat na ito, kaagad kong nadama kung gaano kalaki ang pagmamalasakit ni Jehova sa akin. Ang pinakagusto ko po ay ang kabanata 7, ‘Proteksiyon sa Iyo ang Pagkamasunurin.’ Hindi ko laging sinusunod ang aking mga magulang, pero ngayon ay alam kong kailangan ko na pong magbago dahil mahal ni Jehova ang mga batang masunurin.”
Si Marlena, isang 13-taóng-gulang na dalagita, ay sumulat nang may paghanga: “Alam ko pong ang publikasyong ito ay para sa mga musmos, pero naniniwala akong kaakit-akit ito sa lahat. Napatibay ang aking pananampalataya kay Jehova at kay Jesus nang mabasa ko ito. Maging ang komplikadong mga bagay ay ipinaliwanag sa simpleng paraan. Hindi ko po ito maibaba-baba. At napakaganda ng mga larawan! Ang kasama nitong mga tanong ay tiyak na makapupukaw sa pag-iisip ng mga musmos! Napakaganda ng aklat, kaya binabasa ko itong mabuti. Maraming salamat po.”
Sinabi ni Justyna, isang 15-taóng-gulang na dalagita, kung gaano kawili-wili sa kaniya ang aklat: “Lubha po akong nabighani sa mga kabanatang nabasa ko anupat gusto kong ipaabot sa inyo ang aking taos-pusong pasasalamat sa maganda at nakapagtuturong regalong ito. Sa palagay ko po ay dapat basahin ng lahat ng tao ang aklat na ito—maging ng mga nakatatanda. Ang mga halimbawang ibinigay rito ay simple at sa tingin ko ay mauunawaan maging ng isang-taóng-gulang na bata. At talagang nakapagtuturo po ang mga larawan. Kulang na kulang ang mga salita upang ipahayag ang aking nadarama kapag binabasa ko po ang aklat.”
Ipinahayag din ni Eunika ang kaniyang pasasalamat sa publikasyong ito. Bagaman 19 na taóng gulang na siya, binasa niya nang may pananabik ang bagong aklat at nasumpungan niyang “praktikal [ito] sa mga tin-edyer.” Isinulat din niya: “Naglalaman ito ng mahalagang payo para sa pang-araw-araw na buhay—sa tahanan, sa paaralan, at sa kongregasyon. Salamat po sa regalong ito.”
Palibhasa’y napagmasdan ang reaksiyon ng kaniyang isang-taóng-gulang na anak na si Oliwia sa makukulay na larawan, ganito ang sinabi ng maligayang inang si Maria: “Taos-puso ko kayong pinasasalamatan sa natatanging tulong na ito sa pagtuturo sa mga bata. Nabighani ang aming Oliwia sa aklat. Nauupo siya sa aming kandungan at gusto niyang ipaliwanag namin sa kaniya ang mga nakikita niya sa mga kabanata. Gustung-gusto niya ang larawan sa pahina 83 kung saan ipinakikita na magkaakbay ang dalawang batang babae na magkaiba ang kulay ng balat. Parang totoong-totoo ang ibang mga larawan anupat hinahawakan, niyayakap, at nginingitian niya ang mga ito.”
Idiniin din ni Maria ang halaga ng aklat sa pagtuturo: “Tinatalakay nito ang maseselan na usapin hinggil sa sekso (pahina 58-60) at pang-aabuso sa mga bata (pahina 170-1). Isa itong mainam na tulong para sa mga magulang na nagnanais palakihin ang kanilang mga anak sa matalinong paraan sa masamang sanlibutan sa ngayon na napakaraming nagbabantang panganib.”
Umaasa ang mga tagapaglathala ng Matuto Mula sa Dakilang Guro na ang aklat na ito ay makatutulong din sa iyo at sa inyong mga anak na makinabang mula sa mga turong ipinahayag ng Dakilang Guro, si Jesu-Kristo, sa sangkatauhan mga 2,000 taon na ang nakalilipas.
[Larawan sa pahina 31]
Agata
[Larawan sa pahina 31]
Marlena
[Larawan sa pahina 31]
Eunika
[Larawan sa pahina 31]
Maria at Oliwia
[Larawan sa pahina 31]
Justyna