Kailangan Nating Lahat ng Kaibigan
Kailangan Nating Lahat ng Kaibigan
“Puwede mong sabihin sa isang kaibigan ang kahit anong bagay, at maaari mo siyang tawagin anumang oras.”—Yaël, Pransiya
“Alam ng isang kaibigan kapag nasasaktan ka at nasasaktan din siya para sa iyo.”—Gaëlle, Pransiya
“MAY kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.” (Kawikaan 18:24) Mula nang isulat ang pananalitang ito sa Bibliya mga 3,000 taon na ang nakalilipas, hindi pa rin nagbabago ang likas na katangian ng mga tao. Mahalaga pa rin ang mga kaibigan sa disposisyon ng isang tao kung paanong mahalaga ang pagkain at tubig sa katawan. Subalit para sa marami, mahirap sapatan ang mahalagang pangangailangang ito sa pakikipagkaibigan. Marami ang malungkot. “Madaling makita kung ano ang ilan sa mga dahilan,” ang sabi nina Carin Rubenstein at Phillip Shaver sa kanilang aklat na In Search of Intimacy. Binanggit nila ang mga salik na gaya ng “laganap na pandarayuhan”—palipat-lipat ng tirahan ang mga tao—“mga lunsod na hindi magkakakilala ang mga tao at laganap ang krimen,” at “panonood ng telebisyon at video sa bahay sa halip na tuwirang makisalamuha sa mga tao sa komunidad.”
Nauubos din ang panahon at lakas natin dahil sa makabagong pamumuhay. “Mas maraming nakakasalamuha ang mga naninirahan sa lunsod ngayon sa loob ng isang linggo kaysa sa nakakasalamuha ng isang taganayon noong ikalabimpitong siglo sa loob ng isang taon o maging sa buong buhay niya,” ang sulat ni Letty Pogrebin sa kaniyang aklat na Among Friends. Palibhasa’y daan-daang indibiduwal ang posibleng makilala ng isang tao, maaaring mahirap magbuhos ng sapat na atensiyon at panahon sa mga indibiduwal upang malinang at mapanatili ang matalik na mga pagkakaibigan.
Maging sa mga lugar na hindi naman dating abala ang takbo ng buhay, mabilis na nagbabago ang mga kalagayan sa lipunan. “Dati-rati, malapít na malapít tayo sa ating mga kaibigan,” ang sabi ni Ulla, na nakatira sa Silangang Europa. “Subalit ngayon, buhós na buhós ang marami sa kanilang trabaho o personal na mga gawain. Laging abala ang lahat, at nadarama natin na unti-unti nang nakaliligtaan ang dati nating mga kaibigan.” Dahil sa waring mabilis na takbo ng panahon, baka nawawalan na tayo ng panahong makipagkaibigan.
Subalit masidhi pa rin ang pangangailangan nating magkaroon ng mga kaibigan. Nadarama lalo na ng mga kabataan ang pangangailangang ito. Gaya ng paliwanag ni Yaël, na sinipi sa itaas, “kapag bata ka pa, gusto mong madama na tinatanggap ka at magkaroon ng matalik na kasama, anupat nadaramang malapít ka sa isang tao.” Bata man tayo o matanda, kailangan natin ang maligaya at matalik na mga kaibigan. At sa kabila ng mga hamon, marami tayong magagawa upang magkaroon ng tunay at nananatiling mga kaibigan. Tatalakayin ito sa susunod na artikulo.