Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maganda Na, Masarap Pa!

Maganda Na, Masarap Pa!

Maganda Na, Masarap Pa!

PUMUNTA ka sa isang hardin ng mga bulaklak, at tiyak na masisiyahan ka. Matutuwa kang makita ang mga kulay, hugis, at masalimuot na mga disenyo ng mga bulaklak. Malalanghap mo ang kanilang bango. Mahahaplos mo ang iba’t ibang salat ng kanilang mga talulot. Pero paano naman ang iyong panlasa? Masisiyahan ka rin kaya sa lasa ng mga bulaklak? Sa ilang bansa, marami nang siglong nasisiyahan ang mga tao sa lasa ng mga bulaklak na nakakain. Kung mayroon ka sa iyong hardin ng mga bulaklak o gulayan ng isa sa mga sumusunod, marahil ay masisiyahan ka rin sa karanasang ito. *

Ang Romantikong Rosas

Sa buong daigdig, malamang na ang rosas (uring Rosa) ang siyang pinakakilala at paboritong bulaklak. Bukod sa pangunahing mga uri, may libu-libo pang haluang uri na gawa ng tao. Yamang ang lasa ay apektado ng mga salik gaya ng lupa at temperatura, makabubuting tikman muna ang talulot ng rosas o ng iba pang bulaklak bago mo ipasiyang gamitin ang bulaklak bilang pagkain. Malamang na mapansin mong medyo mapait ang punò ng talulot. Kung gayon, putulin ang bahaging iyon, o kung ihahain mo ang buong bulaklak, kainin lamang ang nakalabas na bahagi.

Napakaraming putahe na maaaring sangkapan ng mga rosas. Subuking ilagay ang mga ito sa ensalada, marahil may kasamang di-gaanong maalat na keso at tinadtad na nuwes. Gamitin naman ang dinikdik na mga talulot ng pulang rosas bilang ekstrang sangkap sa iyong paboritong sarsa upang sumarap at maging makulay ito. Ano kaya kung lagyan mo ng mga talulot ng rosas na hiniwa nang pahaba ang ibabaw ng iyong ispageti? Pasasarapin din ng mga rosas ang timpla ng sorbetes at ng iyong paboritong inumin.

Bulaklak ng Kalabasa

Noon pa mang ika-16 na siglo, may mga ulat na tungkol sa paggamit ng bulaklak ng kalabasa (Cucurbita pepo) bilang pagkain sa mga lupain ng Amerika, at lumilitaw na ang kinakain lamang ng mga Katutubong Amerikano ay mga lalaking bulaklak (may mahaba at payat na tangkay) upang makapagparami ang mga babaing bulaklak (may napakaliit na kalabasa sa puno nito). Bago lutuin ang mga bulaklak, alisin ang matitinik na dahon. Puwedeng alisin o isama ang mga pistil. Sa mga ulam at sopas, masarap ihalo ang banayad na lasa ng mga bulaklak ng kalabasa sa langis ng olibo, murang mais, at sa kalabasa mismo. Para maging mas malasa, igisa ang mga bulaklak sa sibuyas, bawang, yerba at sa gusto mong mga espesya. Puwede mo ring punuin ng pinaghalong keso, sibuyas, at mga yerba ang mga bulaklak. Pagkatapos ay isara ang mga dulo ng bulaklak, at isawsaw ang mga ito sa binating itlog na inuna ang puti saka idinagdag ang pula. Kahuli-hulihan, pagulungin ang mga bulaklak sa dinurog na tinapay, iprito nang lubog sa mantika, at masiyahan sa kakaibang lasa ng mga ito!

Ang Makulay na Garden Pansy

Makikilala ang may dalawa o tatlong kulay na mga garden pansy (Viola wittrockiana) sa maiitim na batik nito sa mga talulot, na nagbibigay rito ng kakaibang anyo. Ayon sa Encyclopædia Britannica, ang garden pansy ay karaniwan nang inaakalang isang itinanim na uri ng ligáw na pansy, o Johnny-jump-up (Viola tricolor), na may kulay-murado, puti, at dilaw. Ang ligáw na bulaklak na ito ay puwedeng kainin, subalit ayon sa aklat na Edible Flowers​—From Garden to Palate, ‘maaari itong makalason kapag marami ang nakain.’ Lubhang pinasasarap nito ang lasa at pinagaganda ang hitsura ng mga ensaladang gulay at prutas. Gamitin ang buong bulaklak, ilagay lamang iyon kapag ihahain na, at matapos lagyan ng anumang sarsa. Puwede mo ring ihalo ito sa iyong paboritong sopas.

Ang ikatlong bulaklak na nakakain mula sa uring Viola ay ang garden violet, o English violet (Viola odorata), na napakasarap ihalo sa mga panghimagas at inumin. (Tingnan ang kahong “Matatamis na Bulaklak Para sa mga Inumin.”) Wala nang iba pang bulaklak ng uring Viola ang itinuturing na puwedeng kainin.

Ang Kaakit-akit na Liryo

Makikilala ang halamang ito sa mahahaba, payat, at saganang mga dahon sa pinakapuno ng liryo (uring Hemerocallis). Ang bulaklak nito na madaling malanta ay hindi dapat ipagkamali sa ibang mga bulaklak na kauri nito, ang Liliaceae. Matagal nang ginagamit bilang pagkain ang mga liryo na may sari-saring kulay na hindi lalayo sa dilaw at pula. Kung hindi gaanong lulutuin, ang bulaklak na ito ay maaaring ihain bilang gulay. Puwede ring ihalo ang mga talulot nito sa pinili mong mga sangkap upang makagawa ng malambot na masa at saka iprito ito. Palamutian ito ng isang buong bulaklak.

Iba Pang mga Bulaklak na Nakakain

Ang bulaklak ng yucca (uring Yucca), na tumutubo lalo na sa tuyo o medyo tuyong klima, ay mayaman sa mga bitamina at kalsyum. Mga talulot lamang ang kainin mo; baka kailangan mong pakuluan sandali upang maalis ang mapait na lasa ng mga ito. Ang mga bulaklak ng lemon (Citrus limon), bulaklak ng kahel (Citrus sinensis), at ang bulaklak ng yerbabuena (uring Mentha) ay mainam na ihalo sa mga inumin, ensalada, at mga panghimagas. *

Walang alinlangan, ang mga bulaklak ay kaloob sa ating mga pandama at mahalagang sangkap upang masiyahan tayo sa buhay. Ang mga ito ay tunay na nagbibigay sa atin ng karagdagang mga dahilan upang pasalamatan ang ating maibiging Maylalang.

[Mga talababa]

^ par. 2 Inilakip ang pangalan sa botanika para eksaktong makilala ang bulaklak.

^ par. 14 Hindi lamang ito ang mga bulaklak na nakakain, subalit suriing mabuti ang iba pang bulaklak bago kainin ang mga ito.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 24]

MATATAMIS NA BULAKLAK PARA SA MGA INUMIN

Lagyan mo ng isang talulot o maliit na bulaklak ang bawat kompartment ng iyong liyanerang gawaan ng kubikong yelo bago buhusan iyon ng nabibiling tubig na nasa botelya o ng dinalisay na tubig. Patigasin sa freezer. Gamitin ang mga kubiko ng yelong ito sa iyong paboritong inumin.

[Credit Line]

Halaw sa El Cultivo de Hierbas (Pag-aalaga ng Yerba).

[Kahon/Mga larawan sa pahina 24]

PAGGAWA NG KENDING BULAKLAK

Batihin ang puti ng itlog, at, gamit ang isang pinsel, ipahid ito nang manipis sa bawat malinis at tuyong bulaklak. Tiyaking napahiran nang lubusan ang lahat ng talulot. Gamit ang isang salaan, maingat na budburan ng pinung-pinong asukal ang mga talulot. Ipagpag ang labis na asukal, at ibilad nang ilang oras ang bulaklak upang matuyo.

[Credit Line]

Halaw sa Cook’s Thesaurus.

[Kahon sa pahina 24]

MAHALAGANG PAG-IINGAT

Nakalalason ang ilang bulaklak. Tiyakin kung aling mga bulaklak ang puwedeng kainin. Kapag may alinlangan, huwag kainin iyon.

Huwag kainin ang anumang bulaklak na nalagyan ng pamatay-insekto o iba pang kemikal. (Kadalasang kasali rito ang mga bulaklak na nabibili sa mga magbubulaklak, mga tindahan ng halaman at mga gamit sa paghahardin, at ilang punlaan.) Kainin lamang ang mga bulaklak na pinatubo sa organikong paraan at malayo sa mga lansangan.

Ang mga taong may hika o alerdyi sa halaman ay hindi dapat kumain ng mga bulaklak.

Tulad ng mga prutas at gulay, ang mga bulaklak ay dapat hugasan at disimpektahin, lalo na kung kakainin nang hilaw.

[Larawan sa pahina 23]

Rosas

[Larawan sa pahina 23]

Bulaklak ng kalabasa

[Larawan sa pahina 23]

“Pansy”

[Larawan sa pahina 23]

Liryo

[Larawan sa pahina 24]

Bulaklak ng lemon