Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagkokolekta—Libangang Nangangailangan ng Pagiging Timbang

Pagkokolekta—Libangang Nangangailangan ng Pagiging Timbang

Pagkokolekta​—Libangang Nangangailangan ng Pagiging Timbang

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

NAG-IIPON ka ba ng mga bagay na iniisip mong magagamit mo “balang-araw”? Buweno, kapag hindi naman dumating ang araw na iyon, malamang ay itapon mo na lamang ang mga bagay na hindi mo magagamit. Subalit kapansin-pansin, marami ang nasisiyahang mangolekta ng mga bagay na hindi kailanman mapapakinabangan. Ito ang mga taong libangan ang pagkokolekta.

Ang ilang kolektor ay nag-iipon ng mga bagay na karaniwan nang iniipon ng mga tao, tulad ng mga bato, selyo, o mga lumang barya. Ang iba naman ay nahuhumaling sa pagkokolekta ng mga manika, mga stuffed animal, kutsara, medalya, postkard, antigo, rekording ng musika, o mga subenir sa pagbabakasyon. Napakaraming puwedeng kolektahin! Halimbawa, isang abogado sa Estados Unidos ang may koleksiyon na mga 200,000 pako ng riles ng tren! Isa siya sa daan-daang kolektor na lumilibot sa kabukiran sa paghahanap ng mga lumang pako ng riles ng tren na may petsang nakatatak sa ulo nito.

Sinabi ng Harper’s Magazine: “Nakagugulat ang mga bagay na kinokolekta ng mga tao​—mga ngipin at peluka, bungo at garapon ng biskuwit, tiket sa trambiya, buhok at pamaypay at saranggola at pang-ipit, aso at barya, tungkod, ibong kanaryo at sapatos, . . . butones at buto, panuksok at huwad na lagda at unang edisyon ng mga lathalain at mga gas mask.”

Nariyan pa ang mga kolektor na gustung-gusto ang mga kakatwang bagay. Kuning halimbawa ang isang Rusong kondesa na nangolekta ng mga arinola ng mga taong mayayaman at tanyag. Isang tagapamahalang Hapones ang may koleksiyon na 5,000 aso​—na nakatira sa magagarbong kulungan. Ayon sa Harper’s Magazine, isang mayamang kolektor ang nagtipon ng libu-libong pulgas “na nakababad sa alkohol sa kani-kaniyang lalagyan, may marka kung saang lugar nanggaling at pangalan ng tao o hayop na pinagkunan ng pulgas.”

Bagaman may mga halimbawa ng koleksiyon ng kakatwang mga bagay, ang ideya ng pagkokolekta ng mga bagay ay hindi na bago sa modernong panahon. Halimbawa, ang pagtitipon ng malalaking koleksiyon ng mga aklat at mga manuskrito ay isang totoong sinaunang dibersiyon. Sinasabi sa aklat na Light From the Ancient Past kung paano isinugo ni Haring Ashurbanipal ng Asirya (ikapitong siglo B.C.E.) ang kaniyang mga eskriba sa lahat ng lugar upang tipunin ang mga kopya ng naunang mga ulat at dokumento para sa kaniyang maharlikang aklatan sa Nineve. Nahukay ang palasyo ni Ashurbanipal na naglalaman ng kahanga-hangang aklatang ito noong 1853.

Kilalang-kilala rin ang mga maharlikang Griego at Romano sa pagkokolekta ng mga bagay sa sining. Ganito ang sabi ng aklat na Collecting​—An Unruly Passion: “Noong panahon nina Cicero at Cesar, ang Roma ay pangunahing halimbawa ng pagpaparangya sa tagumpay at paggamit ng pinakamaiinam sa lahat ng bagay. . . . Okupado ng mga tagapagbenta ng mga bagay sa sining ang buong mga bloke sa lunsod. May sarili at pribadong mga museo pa nga ang ilan sa pinakamayayamang mamamayan.”

Bakit Gayon na Lamang ang Pagkaakit sa mga Koleksiyon?

Bakit ba ginagawang libangan ng mga tao sa ngayon ang pagkokolekta ng mga bagay? Ganito ang sabi ng The Encyclopedia Americana: “Naglilibang ang mga tao sa maraming kadahilanan ngunit pangunahin dito ang kasiyahan. Ang mga libangan ay nakapagpaparelaks at isang pagbabago mula sa pang-araw-araw na mga gawain.” Oo, basta nasisiyahan ang marami sa paggugol ng panahon upang suriin ang kanilang koleksiyon ng pinakamamahal na mga bagay.

Sinabi pa ng isang artikulo sa pahayagang Canberra Times sa Australia na ang koleksiyon ng isang kolektor “ay nagpapagunita ng mga lugar at mga tao na halos nabaon na sa limot. Kapag mga antigo naman ang koleksiyon, nagkakaroon ng tulay sa pagitan ng kakayahan at mga ambisyon ng nakaraang mga henerasyon at ng pagpapahalaga sa ating sariling henerasyon.” Oo, ang pagkokolekta ng mga bagay ay nakapagpapasigla at nakapagtuturo. Halimbawa, si Rex Nan Kivell ay isang kilalang kolektor sa Australia. Nakapagtipon siya ng pambihirang koleksiyon ng mga 15,000 bagay na may kaugnayan sa pinakamaagang kasaysayan ng Australia at New Zealand.

Maaaring ang isa pang dahilan ng popularidad ng pagkokolekta ay ang paniniwala ng maraming tao na ang mga koleksiyon ay isang mahusay na pamumuhunan sa salapi. Sinabi ng Utne Reader: “Bakit nga ba magbabayad ang mga tao ng $80 para sa isang set ng ‘orihinal na mga tiket sa 1969 Woodstock [konsiyertong rock],’ na may kasamang liham ng pagiging tunay nito, gayong hindi man lamang nila napanood ang konsiyerto? . . . Naging isang malaking negosyo ang pagkokolekta ng mga bagay tungkol sa popular na kultura.”

Subalit dapat mag-ingat. Nagbababala ang artikulo sa The Canberra Times: “Hindi naman pulos kasiyahan ang nakukuha sa pagkokolekta. May mga silo. Hindi lahat ng nagbebenta ay matapat at maraming palsipikado at huwad na bagay na ipinangangalandakang mahalaga, anupat halos ipinagwawalang-bahala na ang kagandahang asal o mga pamantayang moral.” Talagang nakapanlulumong matuklasan na ang “pamumuhunan” ng isa ay napunta lamang pala sa isang walang-halaga at palsipikadong bagay! Kaya naman tunay na praktikal para sa mga kolektor ang mga salita sa Kawikaan 14:15: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.”

Kailangang Maging Timbang

Maaari ring umubos ng napakaraming panahon, lakas, at salapi ang pagkokolekta. Inilarawan ng isang babaing kolektor ang kaniyang bisyo bilang “isang di-mapigil na kabalisahan.” Inamin pa nga ni Alastair Martin, isang matagal nang kolektor, na ang ilang kolektor ay “waring kakatwa.”

Sa kaniyang aklat na Collecting​—An Unruly Passion, ganito ang sabi ni Werner Muensterberger: “Sa pagmamasid sa mga kolektor, sa malao’t madali ay matutuklasan ng isa ang walang-tigil na pangangailangan, matinding paghahangad pa nga, na makamit ang mga bagay. . . . Hindi ang proseso ng pagkokolekta ang tila kakatwa sa nagmamasid, kundi sa halip ay ang panooring nililikha ng mga kolektor sa kanilang sarili, ang matitinding damdaming ipinakikita nila sa paghahanap ng mga bagay, ang kanilang pagkatuwa o pighati kapag nakasumpong o nawalan ng mga ito, at kung minsan ang kanilang kakatwang saloobin at paggawi.”

Dapat bang hayaan ng isang Kristiyano na labis siyang mawili sa isang libangan anupat siya’y maging di-matalino at maging kahiya-hiya dahil sa pagmamalabis? Hindi, sapagkat pinapayuhan tayo ng Bibliya na ‘panatilihing lubos ang ating katinuan.’ (1 Pedro 1:13) At bagaman kasiya-siya ang isang libangan, talagang hindi ito isa sa “mga bagay na higit na mahalaga” na dapat pagkaabalahan ng isang taong makadiyos. (Filipos 1:10) Matuto mula kay Haring Solomon. Ginagamit ang kaniyang napakaraming tinatangkilik, nagkaroon siya ng kahanga-hangang koleksiyon ng mga tahanan, ubasan, punungkahoy, at mga hayupan. “Ang anumang bagay na naisin ng aking mga mata ay hindi ko inilayo sa mga ito,” ang pag-amin ni Solomon. Ngunit nagbigay ba sa kaniya ng matinding kasiyahan ang paggugol ng kaniyang buhay sa gayong mga bagay? Sumagot si Solomon: “Ako nga ay bumaling sa lahat ng aking mga gawa na ginawa ng aking mga kamay at sa pagpapagal na pinagpagalan kong maisagawa, at, narito! ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan at paghahabol sa hangin.”​—Eclesiastes 2:3-11.

Paano mo susupilin ang iyong interes sa pagkokolekta upang hindi ito mangibabaw sa mas mahahalagang bagay? Maaari mong itanong sa iyong sarili, ‘Gaano kalaking panahon ang makatuwiran kong mailalaan sa libangan o pampalipas-oras na ito?’ Tandaan na ang panahong nasasangkot ay hindi natatapos sa basta pagkakamit lamang ng ninanais na bagay. Ang pag-aasikaso sa iyong koleksiyon, regular na paglilinis sa mga ito, pagdidispley, paghanga, at pag-iingat sa mga ito​—ay pawang gumugugol ng panahon. At kumusta naman ang gastos? Uubusin ba ng libangang ito ang perang kailangan mong gamitin sa pag-aasikaso ng iyong mga pananagutan sa pamilya? (1 Timoteo 5:8) Mapipigil mo ba ang iyong sarili sa pagbili ng isang bagay na hindi mo naman kayang bilhin? Dahil dito, anumang pagsisikap ang gawin mo, talagang hindi mo puwedeng kolektahin ang lahat ng bagay. Ang sinabi ni Solomon tungkol sa mga aklat ay totoo rin sa ibang mga bagay na kinokolekta: “Ang paggawa ng maraming aklat ay walang wakas, at ang labis na debosyon sa mga iyon ay nakapanghihimagod sa laman.” (Eclesiastes 12:12) Kaya kailangang maging timbang bilang isang Kristiyano.

Gaya ng nabanggit na, ang pagkokolekta ay tinawag na “an unruly passion” (di-masupil na pagnanasa). Pero hindi kailangang maging gayon. Kung ang pagkokolekta ay pananatilihing nasa lugar at gagawin nang timbang at katamtaman, maaari itong maging nakarerelaks, kasiya-siya, at marahil isa pa ngang nakapagtuturong pampalipas-oras.

[Larawan sa pahina 26]

Isang katalinuhang tuusin ang gastusin sa pagkakaroon ng isang libangan, anupat pinag-iisipan ang panahon at salaping nasasangkot